Kabanta 18: Lumineya
Lumineya
"Tumakas na tayo!"
Hindi ko maialis sa babaeng nakatumba sa lupa ang aking paningin. Ni hindi ko na magawang habulin ang mga tumatakas na kalaban.
Patay na si Merida. Nalagasan kami.
Tuluyan nang naging payapa ang paligid. Banayad nang muli ang pag-ihip ng hangin. Ngunit hindi kasing palad ng kapayapaan si Merida. Hindi na siya makakabalik.
"Elio! Ayos ka lang?" Hindi ako nakasagot sa tanong ni Adam. Nakahawak siya sa aking balikat ngunit kaagad kong naramdaman ang pagbagsak no'n nang makita ang tinitingnan ko. "M-Merida..."
Mariin kong ipinikit ang aking mata at bumuntong-hininga. Tuluyan nang nakalapit ang apat sa puwesto ko at katulad ko, nakatitig lang din sila sa wala ng buhay na katawan ng kasamahan namin.
Walang nakapagsalita sa amin. Mukhang hindi pa rin tinatanggap ng sistema namin ang nangyari. Ngunit hindi kami maaaring manatili rito. May misyon kaming dapat tapusin.
"I-Ibabalik ko na siya sa akademiya..."
Napatingin ako kay Adam nang bigla nitong iniluhod ang kanang binti sa lupa. Ibinuka niya ang kaniyang mga palad at hinawakan ang lupa. Pinanonood ko kung paano unti-unting lamunin ng lupa ang katawan ng babae hanggang sa tuluyan itong mawala.
"Patawad, hindi kita nailigtas." Alam kong mas mabigat ang epekto nito kay Adam dahil galing sila sa parehong bansa.
"Kailangan na nating magpatuloy."
Nilingon ko si Dylan. Seryoso ang ekspresyon nito, hindi man lang nito magawang lumingon pabalik sa akin. Lumapit ako sa kaniya ngunit nanatiling ilap ang kaniyang mga mata.
"Saang bansa nanggaling ang nakausap mo?"
Naghintay ako ng sagot mula sa kaniya. Hinarap niya ako kaya nagtama ang mga mata namin. "Sa Misthaven."
Napangisi ako.
"Tara na."
Nauna na akong maglakad. No'ng sumiklab ang labanan, natakot ang mga kabayo kaya tumakbo sila papalayo. Wala kaming pamimilian kung hindi ang maglakad hanggang sa marating ang Avanza.
Sa sandaling makalabas kami ng Prolus, susunod na ang Nimbusia. Madadaanan namin ang tahanan ni Galea. Buong paglalakbay ay tahimik lang ang lahat. Maging sina Adam at Nick na pinakamaingay ay hindi nagsasalita.
Maraming mga burol ang inakyat namin. Inabot na kami ng hapon ngunit hindi pa rin kami nakalalabas ng Prolus. Hindi ko alam kung malawak ba ang bansa o sadyang mabagal lamang kami.
"Kailangan nating magpahinga, Elio."
Napatigil ako nang madinig ang aking pangalan. Nilingon ko ang aking balikat at tiningnan ang nagsalita. Bumuga ako ng hangin bago tumango na lamang.
Kasalukuyan kaming nasa tuktok ng burol. Lumayo ako sa kanila at pinanood ang pagtago ng araw sa abot ng tingin. Napakaganda pagmasdan kung paano magkulay pula ang kalangitan nang dahil sa liwanag ng palubog na araw.
Banayad ang pag-ihip ng hangin. Nararamdaman ko sa aking mukha ang ihip nito kaya napapikit ako. Bumuntong-hininga ako at muling iminulat ang aking mata.
"May mali sa nakaraan, hindi ba?"
Napatingin ako sa nilalang na tumabi sa akin. Naglaho ang asul na mata niya nang sumalamin sa kaniyang mga mata ang pulang kalangitan. Ang kahel na sinag ng araw ay tumama sa kaniyang mukha. Nakita ko ang paglunok niya.
"Kaya nangyayari lahat ng 'to..." Inalis ko ang tingin sa kaniya. "May mali sa kuwento."
Hindi siya nagsalita kaya naman napangiti ako. Muling umihip ang malamig na hangin; unti-unti nang naaagaw ng kadiliman ang kalangitan.
"Hindi tayo magiging malaya, Dylan." Ipinikit ko ang aking mga mata nang bumigat ang aking pakiramdam. "Hindi tayo palalayain ng nakaraan."
Bumalik ako sa mga kasamahan namin. Nakita kong sinusubukang gumawa ng apoy nina Nick at Adam. Nag-aaway pa silang dalawa kaya naman natawa ako. Kinuha ko ang bombang bilog kaya naman nakita ko ang pag-atras nilang dalawa. Umikot ang mata ko.
Hinagis ko ito paitaas at katulad ng inaasahan, pinatamaan ito ng matalim na hangin ni Galea dahilan ng pagsabog nito sa langit. Minanipula ko ang apoy na inilabas ng bomba saka ito ibinagsak sa kumpol ng kahoy na sinusubukan nilang sigaan. Bumuka ang bibig nila nang mabilis itong tinupok ng apoy na naging dahilan ng pagliwanag ng paligid.
Pumalibot kami sa apoy. Kumakain na sila Nick at Adam; hindi ako nagugutom at mukhang gano'n din si Galea. Hindi bumalik si Dylan, hindi ko alam kung saan siya nagtungo.
"Hindi ka ba kakain, Elio?" Ngumuya si Adam sa kinakain niya habang nakatingin sa akin. Naglalaro sa kaniyang mata ang liwanag ng apoy.
"Hindi ako nagugutom. Salamat." Ngumiti lang ako sa kaniya. Muli kong tinanaw ang puwesto namin kanina bago bumuntong-hininga.
Lumalim na ang gabi at nakatulog na lahat ng aking kasama. Hindi ko hinayaang mamatay ang apoy na nagpapanatili ng init sa amin. Hindi rin naman ako makatulog kaya pinili kong magbantay na lamang.
Buong gabi akong naghintay ngunit hindi nagbalik ang nilalang na hinihintay ko. Hanggang sa matupok ang apoy, kahit anino niya, wala. Hanggang sa muling magpakita ang araw.
Hanggang sa magsimula kaming muli.
Hindi na siya bumalik.
"Sigurado ba kayong masusundan niya tayo?"
Huminga ako nang malalim nang muling magtanong si Adam. Malapit na kami sa Nimbusia. Nararamdaman ko na ang ihip ng kapangyarihan ng mga Zephyrian. Magsasalita pa lang sana ako nang biglang magsalita sila Galea.
"May alaala ang tubig." Nauna siyang maglakad sa amin. "Mahahanap niya tayo."
Sinundan namin si Galea. Nang si Galea na ang sumagot sa tanong ni Adam, hindi na siya nagtanong pa. Grabe talaga 'tong lalaki na ito.
"Titigil tayo sa Nimbusia. Kukuha tayo ng kabayo upang mas mapabilis ang ating misyon." Sumang-ayon kami sa sinabi ni Galea. Ngayong hindi namin kasama si Dylan, siya na ang nagsilbi naming gabay.
Katulad ng sinabi niya, tumigil nga kami sa Nimbusia. Malugod kaming sinalubong ng mga Zephyrian, tila batid nilang darating kami. Nakita kong masayang nakikipag-usap si Galea sa mga kalahi niya. Napakapayapa ng kanilang bansa. Sa buong mundo, ang Nimbusia ang pinaka-maliit na bansa. Ito marahil ang dahilan kung bakit may pagkakaisa at malakas ang pagsasama ng bawat Zephyrian.
"Masaya akong muli kayong makita, Glen." Nakasakay na kaming apat sa kabayo nang kausapin muli ng nakatatanda si Galea. "Nais ko mang magtagal ngunit kailangan na naming matapos ang aming misyon at bumalik sa Veridalia Academy."
"Nauunawaan ko, Galea." Sinilip niya kami nang may ngiti sa labi. "Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay. Nawa ay mahanap niyo ang nilalang na hinahanap niyo."
Mabilis na nilisan namin ang Nimbusia. Nais kong makabalik sa bansang ito kapag maayos na ang lahat. Mabibilis ang kabayong nakuha namin kaya naman ilang oras lamang ay nagawa na naming makalabas sa Nimbusia. Muli kaming sumuong sa kagubatan.
Alam kong pagkatapos ng gubat na ito, makakapasok na kami sa Avanza. Hindi ko alam ngunit kinakabahan ako. Paano kung hindi kami magtagumpay na mapabalik ang ikalimang Sylpari?
Nakarinig kami ng kaluskos sa paligid. Muling umihip ang hangin; isang pamilyar na pakiramdam ang dinadala nito. Napangiti ako.
Siyempre, masusundan niya kami.
Bumaba ako sa kabayo ko. Ganoon din ang ginawa ni Galea. Nagtataka man, bumaba din si Nick at Adam sa kani-kanilang mga kabayo. Nakita kong tiningnan ni Galea si Adam at may pumalibot na hangin sa tainga nito. Kumunot ang noo niya ngunit mamaya-maya lang ay pinaangat niya ang lupa at inipit ang paa ng mga kabayo.
Nasa gitna pa rin kami ng kagubatan. Mas lumakas ang mga kaluskos kaya naman nakita kong naalerto si Adam at Nick. Si Galea ay bumuo na ng bilog na hangin sa kaniyang kamay. Kinuha ko ang aking pana, inasinta sa hangin.
"Sugod!"
Kaagad na kumawala sa aking pagkakahawak ang palaso na agad tumagos sa dibdib ng nilalang na kakatalon lang mula sa sanga ng isang puno. Bumagsak ito sa lupa. Muli akong kumuha ng palaso at inasinta ang isa pang papalapit sa akin. Nang bumulusok ito papunta sa kaniya, nagawa niya itong hampasin. Napangiwi ako nang tumusok sa ulo niya ang palasong gawa sa hangin.
Hindi ko maaaring gamitin ang aking apoy sapagkat masusunog ang gubat. Patuloy lamang ako sa pagpana habang nilalapitan ang isa sa mga bangkay. Nang tagumpay na makalapit, napatingin ako sa balikat ko at naramdaman na may papalapit sa aking nilalang. Nang tama na ang distansiya namin, patalikod kong sinipa ko ang kaniyang tiyan at humarap sa kaniya. Habang tumatalsik siya ay pinana ko ang kaniyang ulo. Iyon ang huli kong palaso.
Dinampot ko ang espada ng isa sa mga kalabang napaslang namin at pinaikot ito sa aking kamay. Hinampas ko ito sa hangin saka umikot sa ere bago hiniwa ang kalabang nakalapit sa akin. Sinaksak ko naman patalikod ang nilalang na nasa aking likod at nang hugutin ko ito, hiniwa ko ang nasa kaliwa ko.
Tanging si Galea at Adam lamang ang nakagamit ng kanilang elemento. Kami ni Nick ay nakipaglaban gamit ang espada. Napansin kong may sugat na siya kaya naman nilapitan ko siya.
"Ayos ka lang?" Ngumiti siya bilang sagot.
Tiningnan ko si Adam. Sumisipa ito sa hangin at kasunod no'n ay pagbulusok ng mga tipak ng bato. Si Galea naman ay ginagamit ang puwersa ng hangin upang maitaboy ang kalaban.
Bumalik kami sa pakikipaglaban. Unti-unti nang nauubos ang mga nilalang na nakasuot ng baluti ngunit hindi pa rin nagpapakita ang hinahanap ko. Sinaksak ko ang dibdib ng huling nilalang na nakaitim na baluti. Iniwan kong nakatusok sa dibdib niya ang espada at pinanood itong bumagsak sa sahig.
"Kamangha-mangha talaga ang abilidad ng mga mag-aaral ng Veridalia."
Napatingin ako sa pinanggalingan ng boses at ng mabagal na palakpak. Hinihingal man, nagawa ko siyang ngisian. Lumapit sa tabi ko ang tatlo ko pang kasamahan. Nasa harap namin ang hinihintay kong nilalang.
"Naubos niyo ang mga tauhan ko. Apat lang kayo." Lumawak ang ngiti niya at tinagilid ang kaniyang ulo. "Apat lang kayo?" Mas lalong lumapad ang ngisi niya nang may mapagtanto. "Kakaiba talaga."
"Susunod ka na sa mga tauhan mo."
Inilabas ko ang huling bomba na meron ako. Hindi niya inalis ang ngiti sa kaniyang mukha, tuwang-tuwa sa mga nagaganap. Tumaas pa ang kilay nito, nang-aasar.
"Tauhan lang din naman ako." Tumawa siya. "Tauhan lang naman lahat tayo."
Sumabog sa kamay ko ang bomba nang kumuyom ang aking palad. Nabalot ng apoy ang aking kamao. Nakita ko ding may hawak ng tubig si Nick, lupa ang kay Adam at hangin sa kamay ni Galea. Nagkatinginan kaming apat bago tumango sa isa't isa.
Sabay-sabay naming pinakawalan ang aming elemento na kaagad bumulusok sa lalaki. Lumawak ang ngisi nito pagkatapos ay pumadyak ito sa lupa. Umusbong sa lupa ang kaniyang kalasag na kaagad namang pinasabog ng apat na elementong tumama doon.
Nabalot ng alikabok ang paligid na kaagad namang hinawi ni Galea. Nakita naming nakabulagta na ang lalaki sa lupa, gutay-gutay ang damit. Pinaangat ni Adam ang lupa upang maikandado ang mga paa at kamay ng vivar.
Lumapit kami sa kaniya. May umagos na dugo sa kaniyang labi ngunit nandoon pa din ang ngisi niya. Umubo pa ito saka tumawa. Malalim ang paghinga niya. Itinutok ko ang talim ng espada sa kaniyang leeg.
"H-Hahabulin kayo ng nakaraan..." Dumugo ang kaniyang leeg nang lumalim ang pagkakatutok ko. Tumawa siya nang malakas. "Hindi kayo magkakaroon ng k-kapayapaan..."
"Magkakaroon ng kapayapaan." Tinitigan ko ang kaniyang mga mata. "Sayang at hindi mo na masasaksihan."
Gumulong palayo sa kaniyang katawan ang kaniyang ulo.
Ibinagsak ko ang espada sa kaniyang tabi at umalis na. Naramdaman ko namang sumunod sila. Sumakay ako sa kabayo ko at ganoon din ang ginawa nila. Naramdaman ko na lamang na tumatakbo na ang kabayong sinasakyan ko.
Nang makalabas kami sa gubat, kaagad na sumalubong sa amin ang malawak na maisan. May daanan sa gitna nito kaya doon kami dumaan ngunit inihinto namin ang aming sinasakyan nang may humarang na ginang. Nakasuot ito ng balabal na kulay lila. Napangiti ako.
Natagpuan na namin ang aming misyon.
"Nagagalak akong makilala ka, Lumineya."
Natagpuan na namin ang ikalimang Sylpari.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top