Kabanata 9: Takot

Takot

"Nais kong makita ang potensiyal niyo."

Sa pananatili rito sa akademiya, may isang kakayahan akong natuklasan. Kaya ko nang kontrolin ang laki ng apoy na aking nahahawakan. Una ko 'yong sinubukan noong gumawa ako ng kalasag laban sa daluyong na ginawa ng prinsipe ng Misthaven.

Ngunit sinanay ko pa ang abilidad na iyon hanggang sa magamay ko ito. Ngayon, kahit na maliit na apoy lamang ang meron ako, nagagawa ko na itong palakihin. Magiging malaking kalamangan iyon sa akin laban sa iba.

Kaharap namin ang patnubay na si Athena. Siya ang patnubay sa kapangyarihan. Siya ay nagmula sa Nimbusia, na talaga namang kahanga-hanga. Ang guro naman naming si Peter ay nagmula sa Verdantia. Mga maabilidad sila sa kaniya-kaniyang larangan.

"Adam at Felicity, bilang mga nangunguna, kayo na rin ang maunang magpakita ng inyong kakayahan." Ang oras na ito ay para sa pagtuklas ng mga bagay na nakamit na namin. Malalaman namin kung gaano na ba kami kalayo.

"Ang bago kong natutunan ay marunong na akong gumawa ng mas malaking halang." Kumuha ito ng tubig at ilang segundo lamang ay pumalibot sa amin ang tubig na kalaunan ay bumalot sa amin. "Dahil maraming tubig, nagagawa kong patibayin ito ngunit 'yon ang kahinaan ng bago kong kakayanan. Kailangan ng mas maraming pagkukunan."

Napasigaw ang lahat nang bigla na lamang may bumagsak na malaking bato sa halang na ginawa ni Felicity. Ngumisi naman ang babae nang hindi man lang tablahan ang ginawa niyang halang. "'Yon ang bago kong kakayahan. Kaya ko nang magpalutang ng mas malalaking bato."

Nang matapos sabihin 'yon ni Adam ay may tatlo muling malalaking bato ang tumapat sa halang na binuo ni Felicity. Nakita ko namang mapalunok ang babae. Nagkatinginan sila ni Adam at ngumisi ang lalaki. Kung tama ang hinala ko, hindi kakayanin ng halang na binuo ni Felicity ang tatlong malalaking tipak ng bato na ihahagis ni Adam.

"Mahusay ang inyong ipinakita. Nagagalak akong makitaan kayo ng pagbabago." Ibinalik na ni Adam ang mga bato at pinaglaho naman ni Felicity ang halang.

Sunod-sunod pa silang tinawag upang magpakita ng mga bagong kakayahan. Magaling naman ang pinakita nila. Mas malalaking ipo-ipo, mas matatalim na bato, at mas matitibay na halang na gawa sa tubig. Apat ang Pyralian na nandito, at isa ako doon. Ang tatlong Pyralian ay natuto nang gumawa ng mga mas malalaking bolang apoy.

Nang ako na ang tinawag ay hindi ko alam kung ano ang ipapakita ko. Puwedeng-puwede akong gumawa ng palaso at pana na gawa sa apoy ngunit ayoko namang isipin nila na niyayabangan ko sila. Kailangan ay mag-isip ako na parang isa akong baguhan.

"Kaya ko nang kontrolin ang laki ng apoy." Iyon na lang ang aking piniling ipakita. Kumuha ako ng maliit na apoy saka ito unti-unting pinalaki. Napangiti ako nang tagumpay akong makabuo ng isang malaking bolang apoy mula sa isang maliit na liyab.

Ilang sandali pa akong nakipaglaro sa apoy bago ko ito paliitin hanggang sa mawala na ito. Katulad ng mga nauna ay pumalakpak din ang mga kaklase ko. Ngumiti lamang ako tapos bumalik sa upuan.

"Ang angas." Bumulong sa akin si Adam.

"Ikaw man. Ang lalaki ng bato na nabuhat mo." Pinakita lang nito ang kaniyang maskuladong, ayon sa kaniya, na mga braso bilang pagyayabang.

Sa susunod ay susubukan ko namang kontrolin ang temperatura ng apoy na hawak ko. Magagamit ko 'yon laban sa mga elementong kalaban ng apoy katulad ng tubig. Sa pamamagitan ng pagpapataas ng temperatura ng apoy ay magagawa kong lusawin ang mga tubig na nakapaligid.

Laban naman sa ibang elemento, hindi ko pa alam. Kailangan ko pang magbasa ng mga aklat tungkol sa paggamit ng apoy. Sa apat na elemento kasi, maituturing kong pinakamahina ang apoy. Hindi naman kasi ito makikita kung saan lang, hindi katulad ng tatlo pang elemento na nagkalat. Ang apoy, kailangan itong gawin. Kailangang may panggalingan.

"Tara, mamasyal."

Hindi ko talaga alam kung ano ang mga plano ni Adam sa kaniyang sarili. Mukhang hindi mabubuo ang araw nito nang hindi gumagala.

Tahimik akong nakaupo sa lilim ng isang puno nang matagpuan niya ako. Tinataguan ko talaga ito sapagkat batid kong kapag nagkita kami, aayain lamang ako nitong pumunta sa mga Sectan.

"Ikaw na lamang. Mas nanaisin kong magpahinga." Ipinikit ko ang aking mga mata.

"Sige. Bahala ka. Ang alam ko kasi, mas magaganda ang mga aklat sa aklatan ng mga Sectan." Napamulat ako ng mata at sumama ang tingin sa kaniya. "Sinasabi ko lang naman."

Nakita ko ang galak sa kaniyang mukha nang tumayo ako. Umikot lamang ang aking mata dahil sa naging reaksyon nito. Agad nitong hinawakan ang aking braso at hinila ako papunta sa lugar ng mga Sectan. Inisip ko na lamang na tutulungan niya akong makakuha ng aklat sa silid aklatan ng mga Sectan para mabawasan ang hinanakit ko.

Patuloy kami ni Adam sa pagtakbo ngunit kaagad ding napahinto nang bigla na lamang may humarang sa amin. Napaatras kami parehas nang dahil doon. Nanlaki naman ang aking mga mata nang makita ang pamilyar na itim na baluti.

"Ano 'to?"

Madarama sa tinig ni Adam ang pagkalito. Sabagay, hindi nga pala nito magawang masaksihan ang mga nanloob. Huminga ako nang malalim bago siniwalat kay Adam ang nalalaman ko.

"Sila ang mga nanloob sa akademiya. Sila ang mga vivar."

Nang banggitin ko ang huling salita, kaagad na lumutang ang mga piraso ng bato na nasa paligid namin. Ako naman ay inilabas ang isang pansindi ng apoy. Mabuti na lamang at nakapaghanda ako. Narinig ko naman ang paghagikgik ni Adam sa aking ginawa.

Masama ko siyang tiningnan. Ang kulay kahel na nagmumula sa papalubog na araw ay tumatama sa kaniyang mukha. Ibinalik ko ang tingin sa pansindi at kaagad na kinuha ang apoy na namuo mula rito.

"Mag-iingat ka."

Kaagad kong pinalaki ang apoy na hawak ko. Tatlo ang kaharap namin ngayon, at hindi ko alam kung mabuting bagay ba na nandito si Adam. Seryoso na ang mukha nito habang mabilis na umiikot sa kaniya ang mga piraso ng bato.

"Pabilisan tayo makapatumba?"

Ngumisi ako sa sinabi ni Adam. "Manlilibre ang matatalo."

Mula sa isang bolang apoy, mabilis na naging espada ang apoy na hawak ko. Hindi ito inaasahan ng nilalang na nasa harap ko, at nadinig ko pa ang masasamang salita na binanggit ni Adam dahil siguro nagulat ito sa kapasidad ng kakayahan ko. O baka naman natakot ito na manlibre.

Naunang umatake ang kalaban. Hindi na punyal ang kanilang mga hawak kun'di isang espada. Sinalag ko ang unang subok nito na hiwain ako at nang masalag ay kaagad kong sinipa ang tagiliran nito. Ako naman ang sunod na umatake at umambang sasaksakin ito ngunit mabilis ang paghampas nito sa aking sandata.

Mabilis na nabalot ng kadiliman ang paligid. Nagbibigay ng liwanag ang lagablab ng nag-aapoy kong espada. Sumigaw ang nilalang na susugod sana sa akin kaya naman nagawa kong iwasan ang atake nito. Hinampas ko ang sandata niya saka umikot at tagumpay na nahiwa ang likod nito.

Napatingin ako kay Adam nang tagumpay din nitong mapatumba ang isa pang kalaban. Pinaangat niya ang ilang lupa at kaagad na kinandado ang kamay at paa ng kalabang napatumba niya upang hindi na ito makabangon pa.

Mula sa pagiging espada ay nagawa kong gawing pana ang aking sandata. "Adam, yuko!" Agad kong inasinta ang huling kalaban na dapat ay sasaksak kay Adam. Tumama ang palasong gawa sa apoy sa dibdib nito. Mabilis itong natumba at kaagad namang naglaho ang palasong nakatusok sa dibdib nito. "Ayos ka lang?"

Nang masigurong wala ng kalaban ay kaagad na pinaglaho ko ang apoy. "P-Pinaslang mo ba sila?"

Napatigil ako sa paglapit sa kaniya nang dahil sa tanong niya. Madilim man ngunit naramdaman ko ang takot na nananalaytay sa katawan ni Adam. Isang hakbang pa ang aking ginawa ngunit muli akong tumigil nang humakbang din siya patalikod.

"A-Adam..."

"Pinaslang mo ba sila?!"

Napaatras ako sa biglang pagtaas ng boses nito. Bakit gan'on? Hindi man lang ba niya tatanungin kung ayos lang ang kalagayan ko? Naramdaman ko ang kakaibang pakiramdam na bumalot sa dibdib ko. Hindi ko maunawaan kung ano ngunit mabigat... masakit.

"H-Hindi, Adam." Yumuko ako at tiningnan ang mga katawan na nakahandusay sa lupa. Bumigat ang paghinga ko at hindi na nagawa pang itaas muli ang aking paningin.

Hindi naman talaga namatay ang mga ito. Sumobra lang temperatura nila sa katawan dahil sa epekto ng apoy kaya nawalan sila ng malay. At hindi ko rin naman nanaisin na paslangin sila. Hindi ngayon. Hindi dito.

"Adam! Elio!"

Umangat ang aking paningin nang marinig ang pamilyar na tinig. Si Galea. Tumatakbo siya kasama ang isa pang pamilyar na nilalang. Mukhang papunta sila sa amin. May mga hawak din silang armas na gawa sa elementong hawak nila. Tiningnan kong muli si Adam ngunit hindi ito makatingin sa akin.

"P-Pasensiya na..."

Hindi ko inaasahan na mauutal ako habang sinasabi iyon. Dahan-dahan akong naglakad papalayo habang nakaharap pa rin sa kaniya. Nang sapat na ang layo ay saka ako tumalikod at tumakbo papalayo.

Habang tumatakbo ay paulit-ulit na inalala ng utak ko ang takot sa mga mata niya. Hindi ko iyon matanggap.

Hindi ko matanggap na kinatatakutan niya ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top