Kabanata 6: Kaaway
Kaaway
Tahimik ang paligid.
Gabi na naman. Masyadong mabilis ang araw para sa akin. Pabor naman ako rito, ngunit hindi ko maiwasang manibago sapagkat noong mga panahong nasa bansa pa ako namin, hindi ganito kabilis ang pagdaan ng araw.
Hindi pa ako inaantok.
Hindi ko magawang antukin kahit na batid kong malalim na ang gabi. Iminulat ko ang aking mata at bumangon mula sa pagkakahiga. Tiningnan ko ang balabal na nakasabit sa pader saka bumuntong-hininga.
Nakita ko na lamang ang aking sarili na naglalakad sa labas. Hindi ko alam kung saan ang direksiyon ko pero wala naman akong pakealam. Kailangan ko lang magpahangin muna.
Maliwanag ang sinag ng buwan. Nag-iisa lang ito ngayon; marahil ang isa pang buwan ay nagtatago pa rin. Napakatahimik ng akademiya, kahit kuliglig ay hindi maririnig.
Huminto ako sa tapat ng isang gubat. Madilim ang loob nito ngunit walang pakealam akong pumasok. Sinindihan ko ang lampara na hawak ko kaya nagkaroon ng kaunting liwanag ang paligid. Dire-diretso ang lakad ko. Gumagawa ng malutong na ingay ang mga tuyong dahon na aking naaapakan.
Naririnig ko ang paglalaro ng mga sylph. Aktibo sila sa mga ganitong oras. Hindi sila nakikita ng mga normal na nilalang, ngunit nagpaparamdam naman sila. Madidinig ang maliliksi nilang paglipad.
Matatayog at malalaki ang mga punong nandito sa gubat. May mga ugat pa na lumalabas na sa lupa. Mataas na din ang ilang damo na nandito, tanda kung gaano katanda ang gubat na ito na nasa loob ng akademiya.
Nagmadali ako sa paglakad upang marating ko na ang nais kong patunguhan. Hindi naman ako nabigo dahil ilang minuto lamang, nakalabas na ako ng gubat. Sumampal sa akin ang malamig na hangin kaya napapikit ako at napangiti.
Magsisimula na sana akong maglakad nang matanaw ang isang pigura mula sa malayo. Nakatayo ito at mukhang sinasanay ang sarili dahil minamanipula nito ang tubig na nanggagaling sa ilog. Tama, may ilog sa loob ng akademiya.
Naramdaman ko lamang ito, kaya napahinto ako sa tapat ng gubat kanina. Ganito talaga kalawak ang akademiya at nagawa nitong sumakop ng ilog.
Hindi ko na lamang pinansin ang isang 'yon at kaagad na naglakad sa batuhan upang makalapit sa ilog. Malakas ang agos ng tubig at dinig na dinig ang pagragasa no'n. Inilapag ko ang lampara sa isang bato saka pinagmasdan ang katubigan.
Mula naman sa ilog, bumaling ang aking tingin sa nilalang na nakita ko kanina. Agad siyang nakilala ng mata ko nang makita siya sa malapitan. Kilala na ng aking isipan ang kaniyang tindig kaya hindi ako magkakamali.
Pinaglalaruan niya ang tubig. Gumawa siya ng mga bolang gawa sa kaniyang elemento at hinagis ang mga ito. Sandali itong natigilan, tila nag-iisip. Ako naman ay hindi maialis sa kaniya ang paningin.
Dahan-dahan nitong iniangat ang kaniyang mga braso. Nanlaki ang mata ko nang makitang umangat din ang tubig sa ilog. Napaatras pa ako dahil maging ang tubig sa tapat ko ay umangat din. Patuloy itong umangat hanggang sa maging lampas na ito sa aking laki.
Gumagawa siya ng daluyong. Malaking daluyong!
Nagpatuloy lamang siya hanggang sa mapagod siya't basta na lamang ibinagsak ang tubig. Tiyak na magiging malakas ang pagtama no'n kaya kaagad na kinuha ko ang apoy mula sa lampara at pinalaki ito upang maging kalasag mula sa papabagsak na tubig.
Nang mawala na ang tubig, agad din namang nawala ang kalasag ko. Nawala na ang apoy sa lampara kaya liwanag na lamang ng buwan ang nagbibigay ng liwanag. Nakatingin pa rin ako sa kaniya kaya nakita ko ang paglingon nito sa akin, mukhang ngayon lamang napansin ang aking presensiya.
"Sino ka?"
Bumalatay ang ngiti sa aking mukha. Tinanggal ko ang nakatakip sa aking ulo upang tuluyan niya akong makilala. Hindi naman nagbago ang ekspresyon nito, bahagyang kumunot lamang ang noo niya.
"Gabi na, ano pang ginagawa mo sa labas?" Mas malalim pa sa ilog ang kaniyang boses.
"Nagpapaantok." Umiwas na ako ng tingin sa kaniya at ibinalik ang mata sa ilog na ngayon ay payapa na muling dumadaloy. "Kamangha-mangha ang ginawa mo kanina."
Nakakatakot pala ang tubig sa sandaling matutunan mo itong makontrol. Kung nanaisin niya ay maaari niyang lunurin ang gubat na nasa likod namin. O kung mas malawak ang tubig na meron siya, baka magawa niyang pabahain ang akademiya. Tunay ngang siya ang prinsipe ng Mistahaven.
"Hindi mo dapat nasaksihan iyon."
Walang bahid ng galit sa tono niya. Hindi ko tuloy mabatid kung galit ba ito o hindi. Muli ko siyang tiningnan at nagtama ang paningin namin. Nandoon na naman ang pamilyar na pag-alon sa dibdib ko. Pinilig ko na lamang ang aking ulo upang mawala.
May kalayuan siya sa akin at hindi naman ako nakatingin sa kaniya kaya hindi ko malaman kung ano ang kaniyang ginagawa. Hindi ko naman malaman kung aalis na ito o mananatili pa. Mukhang tapos na rin naman ang pagsasanay nito dahil umupo na lamang ito sa isang bato.
Ginaya ko siya at umupo na lang din sa isang bato. Malakas at malamig ang ihip ng hangin; tinatangay nito ang iilang hibla ng aking buhok. Pinakikinang ng sinag ng buwan ang tubig, samantalang pinapaingay naman ng kuliglig ang paligid.
"Ano ang pangalan mo?" Binasag ng kaniyang tinig ang tahimik na gabi.
Lumingon ako sa kaniya at nakitang nakatingin din sa akin ang kaniyang mga mata. Lumunok ako ng laway, hindi alam kung sasagutin ba ang kaniyang katanungan. "Elio, mula sa lupain ng Ignisreach."
Muling namayani ang katahimikan. Hindi na ako nagtangkang dugtungan pa ang aking sinabi at hindi na rin naman siya nagtangkang sundan ang kaniyang mga tanong. Nilaglag ko ang aking paa sa tubig at agad na naramdaman ang paggapang ng lamig doon na siyang naglagay ng ngiti sa aking mga labi.
Mga ilang minuto pa kaming nanatiling ganoon bago ko naramdaman ang pagtayo nito. Napansin ko na nag-aayos na ito ng kaniyang kagamitan kaya naman alam kong aalis na ito. Nanatili akong nakaupo at pinaglalaruan ang mga paang nasa tubig pa rin.
Nagulat na lamang ako nang paglingon ko ay nakatayo na ito sa tabi ko. Tumingala ako at agad na nagtama ang mga mata namin. Hindi ko makita ang ekspresyon nito sapagkat natatabunan ng sinag ng buwan ang kaniyang mukha.
"Isang karangalan ang makilala ka." Ang malalim niyang tinig ay namutawi. "Inaasahan ko ang susunod nating pagkikita... Elio."
Kinabukasan, si Adam kaagad ang bumungad sa akin. Katatapos ko lamang maghugas ng mukha nang paglabas ko sa banyo ay naabutan ko itong nakahiga sa aking kama. Kumunot ang aking noo sa malawak nitong pagngisi bago bumangon.
"Sabay na tayong mag-umagahan."
Tumango na lamang ako. Magbibihis na lang ako ng uniporme at maaari na rin kaming umalis. "Dapat ay iwas-iwasan mo na ang pagpasok sa silid ko sa pamamagitan ng bintana. Meron namang pinto."
Marahan itong tumawa sa aking sinambit. "Mas madali sa bintana."
"Paano kapag ginaya ka ng iba? Hindi na magiging ligtas ang aking silid, o ang silid ng iba pang mga taga-Veridalia."
Wala akong sagot na narinig mula sa kaniya. Pagkatapos kong mag-ayos ay kaagad ko siyang niyaya pababa. Mabuti na lamang at hindi ito nagpumilit na dumaan sa bintana.
Tahimik ang dormitoryo na kung saan ako nananatili sapagkat bilang lamang ang nariritong Pyralian. Hindi katulad ng mga Terran at Aquarian na nagkalat sa paligid. Napansin kong ang dalawang lahi na 'yan ang pinakamarami sa buong akademiya. Kung ipagsasama siguro ang bilang ng mga Pyralian at Zephyrian, magiging kalahati lamang ito ng bilang ng pinagsamang Terran at Aquarian.
Tahimik na binagtas namin ang daan patungo sa kantina. Tila abala ang lahat sapagkat lahat ng nadadaanan namin ay may ginagawa. Ang iba ay mukhang nag-eensayo ng kanilang kakayahan, ang iba naman ay abala sa pag-uusap at pagtatawanan.
"Mamaya ay may pagsasanay para sa paggamit ng elemento." Napatingin ako sa kaniya nang magsalita siya. Kasalukuyan siyang kumukuha ng kaniyang pagkain. "Malakas ang tama ng patnubay sa asignaturang 'yon. Sa tingin ko ay magpapa-duwelo na naman siya."
Mahilig pala sa duwelo ang mga patnubay sa akademiyang ito. Pero mas maigi na rin ang praktikal na pagsasanay. Para saan pa ba ang mga natututunan namin kung hindi rin namin gagamitin?
"Magandang umaga, Elio."
"Ashna sentu..."
Ashna sentu - "kamalasan"
Natawa ako sa naging reaksiyon ni Adam nang bigla na lamang umupo sa lamesang kinaroroonan namin si Felicity. Nakita ko ang pag-ikot ng mata ng babae bago nito muling ibalik sa akin ang atensiyon at ngumiti. Binati ko rin siya para sa pormalidad.
"Bakit ka ba naririto?" Tumaas ang boses ni Adam, halata ang pagkainis sa babae.
"Hindi naman ikaw ang pinunta ko, ano bang kinagagalit mo diyan?" Nagsukatan sila ng tingin. Mukhang kulang na lang ay maglabanan silang dalawa sa harapan ko.
"Hindi interesado si Elio sa iyo kaya tigilan mo siya."
"At kanino siya interesado? Sa 'yo na amoy lupa?"
Hindi sila tumigil kaya naman sinimulan ko na ang pagkain. Mukhang hindi magkakaroon ng kapayapaan kapag magkasama silang dalawa. Huminto lang sila nang sabihan ko silang mahuhuli kami sa klase kapag nagpatuloy sila. Mukha namang kaklase lang namin si Felicity.
"Tabi tayo, Elio." Wala namang problema sa akin 'yon ngunit nang lingunin ko si Adam ay nakita ko ang pagpakla ng mukha nito.
"Tara na nga, bago pa tayo mahuli sa klase." Nauna nang tumayo si Adam at sumunod naman ako. Sumabay talaga sa amin si Felicity papunta sa aming silid.
Marami ang napapatingin sa amin, dahil na rin siguro sa katotohanang kasama namin ang prinsesa ng pinaka-tanyag na bansa. Mukha namang sanay na ang babae, samantalang wala naman sa wisyo si Adam upang pansinin sila.
Ang araw na 'yon ay mabilis na natapos. Wala namang interesanteng bagay ang naganap. Normal na dumaloy ang araw para sa lahat, maging sa akin. Hinatid pa ako ni Adam pabalik sa aking dormitoryo bago ito nagpaalam na pupuntahan si Galea.
Gabi na ulit, at katulad ng iba pang mga nagdaang gabi ay hindi na naman ako makatulog. Tila maingay ang kalikasan.
Nakasanayan ko na ang maglakad sa labas ng akademiya kapag gabi kaya naman narito akong muli, suot-suot ang aking balabal na kulay pula. Nagpakita na ang isa pang buwan kaya dalawang buwan na ang nasa kalangitan ngayon. Mas naging maliwanag ang paligid.
Pumunta ako sa gitna ng akademiya. May kalayuan na ito sa aming dormitoryo, malapit ito sa lugar ng pagsasanay. Umupo ako sa mga upuan na naroroon at dinama ang lamig ng lugar. Napagtanto kong malapit ito sa timog; malapit lang ako sa dormitoryo ng mga Terran. Binabalak ko sanang magtungo roon ngunit kaagad akong napahinto nang madinig ang kaluskus ng mga damong malapit sa aking puwesto.
Hindi ko nagawang magtago nang bigla na lamang lumabas sa damuhan ang dalawang nilalang na nakasuot ng itim. Napaatras ako nang mapansin may dala silang mga armas. Naka-isang hakbang pa lamang ang mga ito nang agad na mapahinto nang maramdaman ang presensiya ko.
Natatakpan ng itim na baluti ang kanilang mga katawan. Nagmumukha silang gumagalaw na anino, at kung hindi dahil sa sinag ng buwan, malamang hindi ko sila makikita. Hindi pamilyar ang kanilang mga kasuotan sapagkat hindi ganito ang pananamit ng mga bantay ng akademiya.
Napalunok ako nang mapagtanto ang isang bagay.
Mukhang napasok ng mga kaaway ang akademiya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top