Kabanata 5: Prinsipe

Prinsipe

"Bakit hindi mo inangasan kanina?"

Nagmamadali akong sumunod kay Adam nang puntahan nito si Galea na noon ay tahimik na nakaupo sa damuhan. Ang babae ay hindi man lang nagulat na nandoon kami.

"Hindi ka na naman sumali sa pagsasanay ninyo." Bumalik sa aking alaala ang unang beses na marinig ko siyang pagsabihan si Adam tungkol sa gawain nitong pagtakas.

"Nais ko pa namang ipakita kay Elio ang galing mo."

Bahagya akong nagulat nang sinali ni Adam ang aking pangalan. Mula tuloy sa pagkakatulala ay binaling nito sa akin ang kaniyang atensiyon. Baka iniisip nito ay minamaliit ko siya. Napayuko na lamang tuloy ako.

"Tinatamad ako kanina." Bumuntong-hininga siya bago muling bumalik sa pagtulala. "Nagpadala ng sulat ang iyong ina. Iaabot ko na lamang sa iyo mamaya."

"'Siya, kailangan na naming bumalik sa klase. Magkita na lamang tayo mamaya!" Nagpaalam na siya kay Galea kaya nagpaalam na din ako. Nagsimula na kaming maglakad pabalik sa aming silid.

Hindi ko maiwasang mag-isip kung anong relasyon ang meron kay Adam at Galea. Mukhang magkadikit sila. Katulad din ba namin sila ni Deigo? Magkaibigan? O may iba pa?

"Adam, maaari ka bang tanungin?"

Abala ito sa pagtanggal ng kung ano-ano sa kaniyang kasuotan ngunit napatigil ito at napaangat ang tingin sa akin nang magsalita ako. Tumaas nang bahagya ang kilay nito saka tumango.

"Napansin ko na sanggang-dikit kayo ni Galea. Anong namamagitan sa inyo?"

Halatang natigilan ito sa aking tanong. Hindi ko maunawaan. Hindi naman iyon masyadong personal, kung tutuusin. Bumagal ang lakad nito ngunit sapat lamang. Sinabayan ko itong maglakad habang naghihintay pa rin ng kasagutan.

"Ang bagay na 'yan..." Tinagilid ko ang aking ulo upang pakinggan ang mga susunod niyang sasabihin. "Ikagagalit mo ba kung hindi ko ito masasagot?"

"Ayos lang."

Nais ko mang alamin ang dahilan kung bakit hindi niya puwedeng sagutin 'yon, hindi ko na lamang isinatinig dahil mukhang hindi niya gusto ang takbo ng usapan. Tahimik naming binagtas at narating ang aming klase. Kahit nang makaupo't magkatabi kami ay hindi na namin nagawang mag-usap dahil ilang sandali lang ay pumasok na din ang patnubay. Nagawa pa nitong asarin ang katabi ko sapagkat nakisali ito sa klase.

"Bukas ay susubukan na natin ang mga sandata. Nakausap ko na ang mga Sylpari at sinang-ayunan na nila ang ating kahilingan." Nilibot ko ang mata ko at tila lahat ng nasa loob ng silid ay masaya sa balitang 'yon. "Magsanay kayo, gamitin ninyo ang natutunan ninyo sa mga aralin natin. Sa susunod na linggo ay magkakaroon tayo ng duwelo."

Umingay ang silid nang lumabas na ang patnubay. Hati ang reaksyon ng mga nandito tungkol sa gaganaping duwelo. Ang iba'y nagaagam-agam, habang ang iba naman ay hindi makapaghintay. Marami na din pala silang nasimulan bago pa ako dumating.

Kinabukasan nga'y ganoon ang nangyari. Imbes na dumeretso sa silid aralan, pinapunta kami ng Gurong Peter sa silid sandatahan kung saan bumungad sa amin ang iba't ibang uri ng kalasag, espada, palaso at pana, punyal, at sibat.

Karamihan ay tumungo sa mga espada. Tumungo si Adam sa sibat. May iilan ding tumungo sa palaso at pana, kasama na ako. Kumuha ako nito at agad na napangiti sa sarili. Dumukot ako ng palaso at ipinosisyon sa pana. Nakakita ako ng tudlaan at kaagad na inasinta ang gitna nito.

"Elio, tingnan mo." Lumingon ako kay Adam nang tawagin nito ang aking ngalan. Nasa mga espada na siya ngayon. Bumalik ako sa pag-asinta at mabilis lang ding pinakawalan ang palaso na kaagad namang tumama sa gitna kaya lumawak ang ngisi ko. Iniwan ko na ang pana at lumapit kay Adam.

"Bakit?"

"Masdan mo ang mga espada. Matatalim ang mga ito." Tama siya. Makikinang pa ang mga ito at hindi man malinaw, nakikita namin ang repleksyon namin. May nais lamang akong kumpirmahin kaya sinilip ko ang hawakan ng armas na hawak ko.

Napangiti ako nang makita ang simbolong nakaukit dito. Isang ahas na nasa hugis ng simbolo ng kawalang-hanggan. Tiyak na galing sa Ignisreach ang mga sandatang ito.

"Magandang umaga." Umayos ang lahat sa kaniya-kaniyang puwesto nang pumasok ang patnubay sa loob ng silid ng mga sandata. "Nakita niyo na pala ang mga sandata."

Maganda ang ngiti nito nang lapitan ang mga espadang nakalatag sa lamesa. Kumuha siya ng isa at itinutok ito sa kaniyang harapan, sinisipat kung tuwid ba ito. Mula sa sandata, inilibot niya ang mata niya sa amin.

"Sa duwelo na magaganap sa susunod na linggo, hindi maaaring gumamit ng mga sandatang pangmalayuan kaya hinihimok ko kayong sanayin ang inyong mga sarili sa paggamit ng pangmalapitang sandata." Tahimik na nakikinig ang lahat sa tinuturan ng patnubay. Pinaalala niya sa amin ang mga pag-iingat na dapat gawin kapag hahawak ng mga armas.

"Guro, maaari ba naming ilabas ang mga ito sa silid sandatahan?" May isa sa mga kaklase namin ang naglakas ng loob na magtanong. Mukhang nais din 'yong itanong ng iba ngunit wala lang lakas ng loob.

"Ang ipinagpaalam ko sa mga Slypari ay gagamitin natin ito sa oras lamang ng ating klase." Napatango-tango naman ang nagtanong. "Sige na. Magsanay na kayo."

Kaniya-kaniyang kuhaan ng armas ang bawat isa. Inabutan lamang ako ni Adam ng isa saka namin nilisan ang silid. Lapad ang lupain dito. Hindi ganoon kalawak, ngunit hindi naman kami magd-duwelo kaya sapat lang.

"Bago ka lang dito, 'di ba?"

Habang inaayos ang kasuotang pangsanay, nagsalita si Adam. Tumango naman ako sa kaniya. Kasalukuyan niyang pinaglalaruan ang espadang hawak niya habang hinihintay ako.

"Hindi ka ba natatakot sa duwelo? Ibig kong sabihin, mas lamang kami sa'yo pagdating sa kaalaman sa paggamit ng sandata." Napangiti naman ako.

"May praktikal na pagsasanay naman." Mukhang nakuha niya naman ang punto ko. "Puwede na tayo magsimula. Ipakita mo sa akin ang mga bagay na lamang kayo."

Malawak na ngisi ang ibinalandra niya nang iposisyon ang aking sarili. Pumunta siya sa harap ko, sapat lang ang layo mula sa akin. Ipinosisyon niya rin ang kaniyang sarili, handa na para sumugod.

Nauna siyang umatake. Pahalang ang una niyang atake na agad ko namang nasangga. Mabilis niya namang inatake ang ulohan ko ngunit nasangga ko rin ito. Sunod-sunod pa ang mga naging atake nito na agad ko rin namang nasasalag.

Puro depensa lamang ang aking ginagawa sapagkat pinag-aaralan ko pa ang kaniyang mga kilos. Sinubukan nitong saksakin ako sa tiyan ngunit nagawa kong hampasin palayo ang espada niya bago pa ito tumama sa akin.

Ngumisi ako sa kaniya ngunit nanatiling nakakunot ang kaniyang noo. Sumigaw siya at tumalon saka ako sinubukang hampasin ngunit mabilis ko iyong nailagan. Iniligay ko sa likod ko ang aking espada upang salagin ang atake niya doon saka ko itinulak ang espada niya. Sabay kaming napaikot at nang matapos ay magkaharap na ulit kami.

Nanlaki ang mata ko nang maramdaman ang pag-uga ng lupa kaya napatingin ako sa baba. Nang bumalik ang tingin ko kay Adam, nakangisi na ito. Agad akong tumalon nang biglang umangat ang lupang inaapakan ko.

Tumalon ako sa taas ni Adam at nagtama pa ang espada namin na gumawa naman ng ingay. Nakaluhod akong bumagsak at mabilis na inilagay sa tutok ng ulo ang sandata nang muli niyang sinubukang humampas. Umalingawngaw ang tunog ng dalawang bakal na nagtatamaan dahil sa duwelo naming dalawa.

Hindi na lamang puro depensa ang ginagawa ko. Sinusubukan ko na rin siyang atakehin. Mukhang nahihirapan siyang sabayan ang mga atake ko dahil masyadong mabilis. Hindi niya namalayan ang ginawa kong pagsipa sa kaniyang paa dahilan ng pahigang pagtumba nito sa sahig.

Hindi ko na siya binigyan ng pagkakataon na makabangon at kaagad na itinutok ang dulo ng espada sa kaniyang lalamunan. Napalunok siya habang nakatitig sa talim ng sandata.

Tumawa ako saka inalis ang pagkakatutok sa leeg niya. Pinaikot ko ang espada saka siya tinulungang makatayo. "Magaling ang pinakita mo." Ngumiti ako sa kaniya nang sabihin 'yon.

"Hindi ba't dapat ako ang magsabi niyan?" Pinagpagan niya ang kaniyang sarili saka ako tiningnan. "Para sa isang baguhan, masyado kang bihasa sa paggamit ng espada."

Umangat lamang ang balikat ko saka natawa. "Hindi naman ako magaling sa paggamit ng espada. Mas gamay ko ang pana."

Hindi iyon totoo. Pareho kong gamay ang dalawang sandatang aking binanggit. Dahil nangggaling sa kontinente ng pagawaan ng pinaka-matitibay at pinakamagandang klase ng sandata, hindi maiiwasan na sinusubukan naming gamitin ang mga sandata. Sa pamamagitan no'n, nahahasa na rin ang aming kaalaman pagdating sa paggamit ng sandata.

"Tara sa kantina." Sumang-ayon ako sa anyaya nito. Tapos na ang klase namin kaya naman wala na kaming gagawin. Mamaya pa ang susunod na klase.

Habang nasa daan ay hindi niya mapigilang mamangha pa rin sa duwelong naganap kanina. Sinabi niya pa na ginamit na niya ang kaniyang elemento ngunit hindi ko pa rin magawang mawindang. Dinadaya niya raw ako, dugtong pa niya. Natawa lamang ako dahil wala naman kaming pinag-usapang hindi puwedeng gumamit ng kakayahan sa duwelo kaya hindi pa rin maituturing na daya 'yon.

"Turuan mo ako ng mga kaalaman mo pagdating sa paggamit ng mga sandata." Tumingin ako sa kaniya. Kasalukuyan kaming nakapila.

Nakakaasar na ngumiti ako. "Ngunit baguhan lamang ako at lamang kayo sa akin pagdating sa kaalaman."

Umikot ang mata nito nang mabasa ang sarkasmo sa aking tinig. "Matatalo din kita, Elio."

"Hihintayin ko 'yan." Ngiti ang naging sagot ko sa mga pangarap niya.

"Padaan!"

Sabay kaming napatingin sa babaeng bigla na lamang sumingit sa pila. "Hoy!"

"Hoy ka din!" Mukhang magkakilala sila ni Adam base sa paraan ng pag-uusap nila. Kulay asul ang maikling buhok nito. May kahawig siya ngunit hindi ko mabatid kung sino. "May pangit na naman sa pila."

"Aba!" Aktong susugudin na ni Adam ang babae nang taasan siya nito ng kilay. Mula kay Adam, tumungo naman ang tingin nito sa akin bago magiliw na ngumiti.

"Ako si Felicity." Tiningnan ko ang kamay niyang nakalahad. Bilugan ang mukha niya, bagay sa buhok nitong hanggang balikat niya lamang. Ang kaniyang mata ay medyo singkit, na bumagay naman sa may kanipisang kilay niya. "Bago ka lang?"

Tumango ako at tinanggap ang kamay niya. "Elio."

"Tara na, Elio. 'Wag mo na kausapin ang babaeng 'yan. Hindi naman 'yan naliligo." Hinila na ako ni Adam palayo sa nagpakilalang Felicity.

"Ikaw nga amoy lupa!"

Natatawa na lamang ako sa kanilang dalawa. Mukha namang totoong naiinis ang lalaki sa babae dahil mahigpit ang hawak nito sa akin palabas ng kantina. Maririnig pa ang pagbubulong-bulong nito sa sarili.

"Sino ba 'yon at tila pikon na pikon ka?"

Nagawa niya nang kumalma. Hinain niya ang pagkaing kinuha niya. Marami siyang kinuha. Sumubo muna siya ng isang pagkain bago nakakunot ang noo akong tiningnan. Hinintay ko itong matapos nguyain ang kinakain para marinig ang sagot niya.

"Si Felicity; siya ang prinsesang nagmula sa Mistahaven." Napaawang ang labi ko dahil sa balitang iyon. Hindi ko akalain na mabigat na nilalang pala ang nakasalamuha namin kanina. "Napakaarte at napakayabang."

Sa buong mundo, natatangi ang Misthaven sa pagkakaroon ng mga monarka, o ang tinatawag na hari at reyna. Sa bansa lamang nila may ganoong sistema pagdating sa gobyerno. Sa Ignisreach ay ang Pyrocustos ang nagsisilbi naming pinuno. Para lamang itong gobernador. Sa Verdantia naman ay grupo ng mga tao ang namumuno. Habang sa Nimbusia, walang namumuno sa kanila. May mga batas lamang silang sinusunod, at ang pinakamataas na uri sa kanila ay ang tagapag-parusa.

"Bakit hindi niya na lamang gayahin ang kaniyang kuya na tahimik? Bakit hindi niya magawang manahimik?" Napukaw ang atensiyon ko sa binanggit niyang kuya ng prinsesa. Ibig sabihin ay may prinsipe din ang Misthaven.

"Kuya? May kapatid si Felicity?" Halatang wala akong alam pagdating sa monarkiya ng Misthaven. 'Yon ay sapagkat mga lumang aklat lamang ang aking nababasa. Ang pinuno ng Misthaven na nasa aklat ay ang pinuno na matagal nang pumanaw.

"Oo. Bakit hindi mo alam ang mga bagay na ito?" Napangiti ako lang ako. "May kapatid pa ang babaeng 'yon, pero magkalayong-magkalayo sila sa ugali."

Kumain din ako. Tumigil na siya kakasalita at mukhang nilalasap nito ang pagkain. Matakaw pala ang isang ito. Hindi kasi halata sa kaniyang katawan. Minsan ay napapatingin ito sa akin dahil nakatingin din ako sa kaniya.

"May problema ba? Pasensiya na, ganito talaga ako kumain." Umiling lamang ako bilang tugon. May tiningnan naman ito mula sa likod ko. "Ayan pala siya."

Lumingon din ako sa tinuro niya. Ilang segundo akong naghanap bago tuluyang matagpuan ang tinutukoy niya. Napaawang ang labi ko nang matagpuan ang pamilyar na mukha. Ang pamilyar na asul na buhok, at ang pamilyar na tindig.

"Ayan si Dylan. Ang prinsipe ng Misthaven."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top