Kabanata 4: Galea
Galea
"Hindi pa man ako nagsisimula sa paaralang ito, pinatutunayan niyo na kaagad sa akin ang mga balitang nadidinig ko."
Inilibot ko ang aking paningin sa paligid, naghahanap ng maaaring maging sandata laban sa kanila. Maaari nilang gamitin ang kanilang kakayahan lalo pa't napapaligiran kami ng tubig. Ang tanging magagamit ko lang laban sa kanila ay ang bakal na nakita kong nakalapag sa sahig.
"Ito ang paraan namin ng pagbati sa mga bagong dating." Marahan siyang tumawa. "Lalo na sa mga nagmula sa Ignisreach."
Madalian kong dinampot ang bakal at umiwas sa atakeng ginawa ng lalaki. Pinaikutan nila akong tatlo. Ako naman ay inihanda lamang ang aking sarili para sa mga atakeng ibabato nila. Base sa atakeng ginawa ng isa kanina, masasabi kong hindi pa ito bihasa sa paggamit ng kaniyang elemento. Mukhang hindi naman magiging mahirap.
Umalingawngaw ang nanunuyang pagtawa ng tatlo saka ako sabay-sabay na inatake gamit ang galamay na gawa sa tubig. Nagawa kong ilagan ang iba, ang iba naman ay nagagawa kong wasakin gamit ang bakal na hawak ko. Patuloy lamang sa pag-atake ang tatlo hanggang sa magawa kong makalapit sa isa sa kanila. Tumalon ako saka ko sinipa sa panga ang lalaking nalapitan ko.
"Dave!"
Natumba ang lalaki at nawalan ng malay. Nang lumingon ako sa dalawang natitira pa, bakas ang gulat sa kanilang mga mata. Ngunit ang gulat ay naging galit nang magtama ang mga mata namin. Walang segundong lumipas at meron na naman kaagad galamay na gawa sa tubig ang sumusugod papunta sa akin.
Nagawa kong umilag ngunit dumaplis ang talim ng tubig sa aking pisngi. Nagdulot ito ng mababaw na sugat kung saan nagsimulang dumaloy ang isang mainit na likido. Masama ang hitsura na nilingon ko silang dalawa.
Nagpatuloy ang bato-iwas naming labanan. May iilan na rin akong galos sapagkat nagagawa nila akong tamaan. Sa inis, ibinato ko ang bakal patusok sa dibdib ng isa ngunit mabilis siyang gumawa ng ipo-ipong tubig na kaagad lumamon sa bakal. Ginamit ko ang pagkakataong iyon upang tumakbo papunta sa kaniyang likuran at sipain ang kaniyang batok.
Nag-aaral ba ang mga ito?
Napakahina nila gumamit ng elemento nila. Mukhang nakalimutan nila na sila at ang elemento nila ay hindi magkaibang bagay. Kung gagamitin mo ang isa, dapat paganahin mo lahat. Kapag umasa ka sa kapangyarihan mo, talo ka. Gan'on din kapag katawan mo lamang ang pinagagana mo, tiyak na mahina ka.
"Mag-isa ka na lang." Mayabang na ngumisi ako sa kaniya. Nakakatuwa ang magkahalong galit at takot sa kaniyang mga mata. "Bagamat malakas ang kagustuhan kong isunod ka sa mga kasama mo, mas mahalaga sa akin ang pag-aaral."
May sa-malas ka ata, Diego. Hindi ako magkakaroon ng mapayapang pananatili sa akademiya.
Tumalikod ako at nagsimulang maglakad papalayo sa kaniya. Humina na rin ang kalasag na nakapalibot sa lugar na iyon kaya naman naaninag ko na ang labas. Napangisi ako. Kamangha-mangha talaga ang kapangyarihan ng tubig.
Nagawa kong makalabas sa makipot at madilim na sulok ng paaralan nang nakangisi. Nawala lamang ang ngisi ko nang matanaw ko ang lalaking nakasalubong namin kanina. Napahinto ako dahil direkta itong nakatingin sa akin.
Nakatayo ito at tila napanood ang naganap sa loob. May kakayanan kasi ang mga Aquarian na makita ang nasa likod ng tubig. Maliban na lamang kung isang matibay na kalasag ang gagawin.
Dinilaan ko ang dugo sa labi ko bago nagpatuloy sa paglalakad. Nanatili siyang nakaharang sa dadaanan ko kaya nang magtapat kami, tiningala ko siya. Kalma at misteryoso ang mga asul nitong mata.
"Sabihan mo sila na mag-aral muna bago mang-sagabal."
Batid kong hindi sila magkakilala ngunit, ano naman? Pare-pareho lamang sila.
Mahapdi ang nagawang galos ng mga nilalang na 'yon ngunit dahil sanay na, nagawa ko 'yong indahin. Kailangan ko pang kumuha ng 'talatakdaan' na hindi ko naman batid na kailangan pala.
* * * * *
"Paumanhin at nakalimutan kong ika'y bigyan."
Mabilisang basa ang aking ginawa sa papel na hawak ko. Ngayon, mabilis ko nang mababatid kung nasaan ang aking patutunguhan. Hindi ko na kailangang umasa sa mga arehe.
Arehe — "lapastangan"
Nag-angat ako ng tingin sa patnubay at tumango. Napatingin ito sa sugat na natamo ko sa labanan sa pagitan ng mga Aquarian. Bumuntong-hininga ito.
"Kagagawan 'yan ng Aquarian?"
Hindi ko ipinakita ang pagkagulat ko na batid niya kung sinong may dulot sa aking galos. Umangat ang kilay ko na nagpangiti sa kaniya.
"May nabubuong yelo sa paligid ng mga galos mo. Tanda ito na kagagawan ito ng isang nilalang na may kapangyarihan ng tubig." Bago sa aking kaalaman 'yon. Hindi ko 'yon nabasa sa mga antigong aklat na nababasa ko. "Mabuti na lamang at daplis lang. Magagamot 'yan ng katawan mo."
Isang beses lamang akong tumango bago nagpaalam na aalis na. Ngayon, mas mabilis kong natunton ang silid-sanayan sapagkat meron na akong talatakdaan. Naabutan kong walang guro na ipinagpasalamat ko. Dumeretso ako sa upuang bakante.
May baitang ang bawat upuan. Pataas ang pagkakaayos nito, at paikot. Walang bintana, ngunit maliwanag naman ang paligid dahil sa ilaw. Hinanap ko ang hagdan patungo sa upuang napili ko. May nakaupo sa tabi no'n pero natutulog.
Nang makaupo, napagmasdan ko ang harap. Natatabunan ng malaking tela na nakasabit ang sa tingin ko ay pisara. Tugmang-tugma ang nakikita ko sa paraan ng paglalarawan sa mga libro.
Malawak, malamig... at nakakabagot.
Inilibot ko ang aking paningin at napansing pare-pareho kami ng mga kasuotan. Hindi mo mababatid kung sinong nagmula sa Ignisreach, o sa Misthaven, o sa Verdantia, o sa Nimbusia. Nagustuhan ko ang bagay na iyon. Naramdaman ko na may pagkakapantay-pantay ang turing dito.
"Elio?"
Mula sa harap, nakuha ng atensiyon ko ang boses ng nagsalita. Tinanggal nito ang balabal na nagtatakip sa kaniyang mukha kaya nagawa ko siyang makilala.
"Adam." Lumawak ang ngiti nito nang banggitin ko ang kaniyang ngalan. Sumilip ito sa kaniyang paligid bago muling ibinalik sa akin ang atensiyon.
"Hindi ako makapaniwala na pareho ang ating klaseng papasukan!" Tumango lamang ako sapagkat hindi ko batid ang isasagot. Inalis ko sa kaniya ang aking atensiyon. "Magkakaroon na rin ako ng dahilan para makiisa sa klase."
Ibinalik ko sa harap ang aking atensiyon at hindi siya pinansin. Pareho lamang sila ni Deigo ng timbre ng mga salita. Nang mapansin niya sigurong wala akong balak makipag-usap ay tumahimik na din ito at bumalik na din sa pagkakapatong ng ulo sa lamesa.
Mula sa gilid ng aking mata, nakikita ko na tuwiran itong nakatingin sa akin kaya muli ko itong sinilip. Ngumiti lamang ito at saka pumikit. Hindi ko na lamang pinansin ang pagiging kakaiba nito.
Sa unang apat taon ng pananatili sa akademiya, ang mga bagay na kailangang matutunan ay ang paggamit ng sandata, ang mga pangunahing bagay na dapat malaman tungkol sa paggamit ng elementong hawak mo, at ang kalikasan ng elementong pinangangalagaan mo. Sa buong dalawang taon, doon lamang ang ikot ang pag-aaral namin.
Hindi ko naman kailangang problemahin ang mga 'yon sapagkat gamay ko na ang iilan sa mga 'yon, lalo na ang paggamit ng sandata. Sampung taon ang pananatili ko rito sa akademiya. Marahil ay sobrang bilis no'n para sa iba ngunit napakatagal para sa akin.
Tumayo sandali si Adam saka lumapit sa isa naming kaklase. Mukhang may itinanong ito, na siya namang ikinataas ng kilay ng kaniyang tinanungan. Pinanood ko ang reaksyon nilang dalawa habang nag-uusap. Mula sa ekspresyon ng kausap niya, mukhang batid ko na kung ano ang plano ni Adam.
"Wala daw ang patnubay." Makahulugan ang mga mata nito. "May pagsasanay sila Galea ngayon, kasama ang iba pang Sectan. Tara, nood."
Naantig ang aking atensyon do'n. Agad akong sumang-ayon sapagkat wala namang guro. Wala rin naman akong interes sa mga pag-aaralan, kung dumating naman ang patnubay. Nagmamadali naming sabay na nilisan ang gusali na kung saan dapat kami ay nag-aaral upang tumungo sa lugar nila Galea.
Tiyak na ikagagalit na naman ng babae kapag natagpuan niyang nasa ibang sulok na naman ng akademiya ang lalaki. Ngayon pa lamang ay natatawa na kaagad ako.
Kung hindi pa siya nagsabing nakarating na kami, hindi ko pa malalaman. Walang masyadong gusali na nakatayo malapit rito. Nasa bunganga kami ng isang mababaw na malaking butas. Sa baba no'n ay kumpol ng mga mag-aaral. Tiyak na 'yon ang mga Sectan na tinutukoy ni Adam.
"Tara sa baba. Wala tayong makikita mula rito." Hinila niya ako pababa. Wala man lang itong pagdadahan-dahan at pag-iingat.
Sa ingay niya, napansin kaagad kami ng iilang mga estudiyante. Napapaiwas na lamang ako ng tingin kapag may nakakatamaan ako ng mata. Nang silipin ko siya, tumatalon-talon pa ito; bakas sa mukha nito ang pagkainis sa mga estudiyanteng naririto sapagkat humaharang sila.
"Nakakabanas." Nagulat na lamang ako nang biglang umangat ang lupang kinatatayuan namin. Ngayon, mas natatanaw na namin ang nagaganap.
"Hindi ba labag 'to?" Sinenyasan niya akong manahimik kaya lumingon na lamang ako sa naglalaban. Ilang sandali pa ay ramdam ko na ang mga tingin ng mga estudiyante sa baba. "Nakaka-istorbo ata tayo."
"Hmm?" Tumingin siya sa akin, bago tumingin sa baba. Kinunutan niya ng noo ang nilalang doon. "Inggit lang 'yang mga 'yan. Sila Galea na ang susunod. Panoorin mo siya."
Mahina man ngunit dinig ko ang pagtawag sa pangalan ng babae at sa ka-duwelo nito. Malaya naming napanood kung paano mabalot ng halang ang paligid. Magsisimula na ata sila.
May suot-suot silang mga pangsanay na kasuotan. Ang sa ka-duwelo ng babae ay kulay asul na mahaba ang manggas at isang asul din na maluwang na pantalon. May tanda ito ng Veridalia Academy. Ang kay Galea naman ay katulad din ng sa lalaki ngunit kulay puti naman ito. Ang kaniyang buhok ay malinis na nakatirintas.
Naunang bumuo ng sandata ang katunggali ni Galea. Isang espadang gawa sa tubig. Namangha ako doon. "'Yan ang pinaka-sentro ng pag-aaral ng mga Sectan: pagbuo ng sandata mula sa elementong hawak."
Napatango-tango ako doon. Sumunod naman si Galea na gumawa. Kung ang katunggali niya ay inabot pa ng sampung segundo para ata makabuo ng kasangkapan, mabilis lamang itong nagawa ng babae. Nagmistulang humigop ng hangin ang kamay niya at nang matapos ay bigla na lamang nabuo ang isang pana sa kamay niya.
Sumugod ang lalaki papunta kay Galea. Ang huli naman ay itinutok ang palaso sa lalaking papalapit. Nang pakawalan niya ito, mabilis lamang 'yong nahati ng kaduwelo niya. Patuloy lamang sa pagpana ang babae ngunit bihasa sa paggamit ng espada ang isa.
Namumuo ang tensiyon sa loob ko nang makitang kaunting distansiya na lamang ang mayroon sa pagitan nina Galea at kalaban niya. Ngunit wala man lang reaksyon ang babae. Nang lingunin ko naman si Adam, wala man lang bakas ng pag-aalala sa mukha nito.
Nagpakawala pa ng sunod-sunod na palaso si Galea at napatayo pa ako nang wala man lang tumama sa kalaban kahit isa! Paano nangyari 'yon?
Nadinig ko ang paghalakhak ni Adam kaya taka akong napatingin dito. "Umupo ka lang at manood."
"Matatalo siya." Tutok ang mata sa labanan, ngumisi siya.
"Si Galea 'yan."
Bumalik ako sa pagkakaupo. Pinaglaho na ni Galea ang kaniyang pana na siyang nagpanganga sa akin. Ang akala niya ata ay tinamaan niya na ang kalaban! Nagawa na din nitong tumalikod.
Naging abala ang lahat sa pagtataka dahil sa ginawa ni Galea. Ngunit ang kalaban nito ay tila walang balak tigilan siya dahil patuloy pa rin ito sa pagsugod. Huminto sa paglakad ang babae atsaka itinaas ang isang daliri.
Masyadong mabilis ang pangyayari. Nakita na lang namin na bumubulusok ang isang bumerang papunta sa batok ng ka-duwelo niya. Tumumba ito sa loob; nawalan ito ng malay. Ang babae naman ay lumabas na parang walang nangyari.
"Ano ba 'yan. Umasa pa naman ako na mas maangas niya 'yong mapapatumba!"
Hindi pa ba maangas na napatumba niya ang isang 'yon nang hindi man lang pinagpapawisan?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top