Kabanata 27: Ang Huling Kabanata
Ang Huling Kabanata
Malapit nang mag-umaga.
Unti-unti nang nauubos ang mga nakasuot ng itim na baluti. Nawasak na ang ilang gusali ng akademiya. Marami nang buhay ang nasawi.
Kailangan nang matuldukan ang lahat.
Pinanood ko kung paano mahusay na gamitin ni Adam ang dalawa niyang baston sa pakikipaglaban. Sinalag niya ang espada na tatama sa kaniya gamit ang isa niyang baston at ang isa naman ay hinampas niya sa binti ng kalaban. Binawi niya ang mga baston niya saka umikot at hinampas ang ulo ng kalaban na agad namang tumumba.
Napaupo si Adam sa lupa at bumagsak sa tabi niya ang kaniyang mga baston. Mabibigat ang kaniyang paghinga, tanda na pagod na ito sa pakikipaglaban. Naglakad ako papalapit sa kaniya at nang makalapit, umangat ang kaniyang tingin sa akin. Maliit na ngumiti ako sa kaniya na sinagot niya rin naman ng ngiti. Inabot ko ang aking kamay sa kaniya; tumingin siya roon bago ito natatawang inabot.
"Salamat, Elio." Umangat ang aking kilay nang marinig ang kaniyang sinabi. "Salamat kasi hindi ka nawala."
Marahan akong natawa bago hinagisan ng apoy ang tatlong kalaban na papunta sa akin. Ganoon din ang kaniyang ginawa; binato niya ng mga tipak ng bato ang mga papalapit. "Hangga't may dahilan upang manatili, hinding-hindi ako mawawala."
Naging abala kami sa pakikipaglaban matapos kong sabihin 'yon ngunit nanatili kami sa tabi ng isa't isa. Naririnig ko ang pagsigaw niya kasabay ng pagtama ng sandata niya sa katawan ng mga kalaban. Hinawakan ko ang siko ng nasa harap ko saka hiniwa ang kaniyang dibdib pababa.
"Si Galea, kailangan niya ng tulong natin." Nagkatingin kami ni Adam. Pareho naming naubos ang mga kalaban na lumapit sa amin. "Kailangan natin siyang puntahan."
Nang sabay kaming tumango, pareho naming tinakbo ang daan patungo sa kung nasaan man si Galea ngayon. Siguradong si Treyton ang hinaharap ngayon ni Galea at mag-isa lamang siya. Hindi maitatangging mahusay sa pakikipaglaban si Galea ngunit mag-isa lamang siya at tuso ang kaniyang kalaban.
Napahinto lamang kami nang may humarang na walong kalaban sa amin. Nagkatinginan kami ni Adam saka sabay na ngumisi. Pinaglapat namin ang aming palad saka bumaling sa mga kalaban. Naramdaman ko ang pagbuo ng malakas na enerhiya sa mga palad naming magkalapat at nang tuluyan itong maging malakas, pinakawalan namin ang bolang enerhiya na 'yon. Lahat ng kalaban ay tumilapon at bumulagta sa lupa.
"Galea!"
Kaagad akong nagpakawala ng apoy sa aking palad at tumama ito kay Treyton na noon ay sasaksakin na sana si Galea. Nakaluhod sa lupa ang kanang tuhod ng babae habang nakatusok ang kaniyang espada sa lupa. Halata sa mabibigat niyang paghinga ang pagod.
Mabilis kaming lumapit ni Adam sa kaniya. Nakatutok ang espada ko sa dahan-dahang tumatayo na si Treyton. Inalalayan naman ni Adam si Galea upang muling makatayo. Mabilis kong sinilip ang lagay ng babae at nakitang may sugat na ang pisngi niya at nagdurugo naman ang kaniyang noo. May iba pa siyang galos ngunit hindi ko na napagtuunan ng pansin sapagkat tuluyan nang nakatayo si Treyton.
"Sumuko ka na lang, Treyton." Lumunok ako at mas hinigpitan ang hawak sa hawakan ng espadang nakatutok sa kaniya. Tumingin lang siya sa akin saka nakakaasar na humalakhak. "Hindi mo ba nakikita kung gaano kalaking pinsala ang ginawa mo?"
"Hindi titigil ang digmaan na ito hangga't hindi bumabagsak ang mga Pyralian." Tumalim ang aking tingin sa ko sa kaniya nang isumpa niya ang aming lahi. Ano bang kasalanan ng Ignisreach sa isang ito?
"Nalipol na namin ang hukbo mo, Pinunong Treyton." Katulad ko, nakatutok din ang sandata nina Galea at Adam sa lalaki. Napatingin ako kay Adam nang magsalita ito. Walang emosyon ang kaniyang mukha. "Hindi niyo na magagawa pang magpabagsak ng isa pang bansa."
"Hindi ako makapaniwalang nagagawa mong kalabanin ang mga kalahi mo, Adam..." Ngumisi si Treyton na siya namang kinainis ko.
"Paumanhin ngunit wala akong kalahing traydor."
Pinaikot ni Treyton ang kaniyang espada at hinarap kaming tatlo. Halos maligo na siya sa sarili niyang dugo dahil sa pinsalang natamo niya mula sa labanan nila ni Galea ngunit kamangha-manghang nagagawa niya pa ring tumayo. Naghanda rin kaming tatlo sa atake niya.
"Kung hindi ko mabibigyan ng katarungan ang aking anak sa nakaraan, bibigyan ko na lamang siya ng katarungan sa kasalukuyan."
Mabilis siyang sumugod sa akin. Sinalag ko ang kaniyang espada. Sumunod na umatake si Adam ngunit sinipa lamang ni Treyton ang mukha niya kaya napaatras siyang muli. Habang magkadikit pa rin ang aming sandata, nagawa kong sipain ang gilid ng kaniyang ulo. Napatras siya at napamura.
Muli kaming tumabi ni Adam kay Galea, nasa harap naming muli si Treyton. Nakita kong umangat ang mga tipak ng bato sa paligid ng kalaban at mabilis na pumaikot sa kaniya. Nang makaipon ng lakas, sunod-sunod niyang ibinato sa amin ang mga tipak ng bato.
Pare-pareho kaming tatlo ng ginawa. Gamit ang kaniya-kaniya naming elemento, pinasabog namin sa ere ang mga bato. May isang dumaplis sa aking pisngi kaya nasugatan ako nito. Sobrang bilis kasi ng paglipad ng mga bato.
Mabilis na nilipad ng hangin ang mga alikabok dahil sa tulong ni Galea. Nang muli naming matanaw si Treyton, nanlaki ang aking mata nang makitang nababalutan na ng lupa ang kaniyang katawan habang nakalabas ang kaniyang ulo. Malawak na ngumisi siya saka ipinosisyon ang kaniyang mga binti at braso.
Pinalibutan namin siyang tatlo. Mabagal kaming umikot sa kaniya at isa-isa niya kaming sinundan ng tingin habang umiikot din. Nagliliyab ang aking kamao sa apoy ngunit tiyak na walang laban ang apoy sa lupang nakabalot sa kaniya.
"Matatapos lang ang digmaang ito kapag may napaslang na sa inyo."
Tumakbo ito palapit kay Galea. Itinaas ng babae ang dalawa niyang braso at gumuhit ng bilog sa hangin. Sinuntok niya ang gitna ng bilog kaya rumagasa ang malakas na puwersa ng hangin patungo kay Treyton. Nang tumilapon ito, kaagad akong gumawa ng latigong gawa sa apoy at hinambalos ito sa nakalutang niyang katawan. Muli siyang tumalsik at padapang bumagsak sa lupa.
Pinalambot ni Adam ang lupang pinagbagsakan ni Treyton kaya lumubog ang kalahati ng katawan nito sa lupa. Pare-pareho kaming bumuo ng enerhiya sa aming mga palad at itinutok ito sa noon ay nakalubog nang si Treyton.
"Talo na kayo, Treyton. Ikaw na lang ang natitirang pinunong nakatayo. Napabagsak na ang tatlong iba pa."
Patuloy ang tunog ng mga pagsabog sa paligid ngunit hindi na ito kasinlakas ng kanina. May mga tunog pa rin ng pagkalansing ng mga bakal na sandata ngunit unti-unti na rin itong kumakalma, isang pahiwatig na ilang sandali lamang ay matatapos na ang digmaan.
Naramdaman ko ang pagbigat ng aking dibdib. Gustong kumawala ng mga luha sa aking mata sapagkat sa wakas, magagawa na naming magpahinga mula sa lahat. Matapos ang mahabang panahon ng pakikidigma, sa wakas ay magkakaroon na rin ng katapusan ang lahat.
Hindi nasayang ang mga buhay na nawala.
"At dahil nanatili akong nakatayo, ibig sabihin, hindi pa nagtatapos ang lahat..." Kumurap lamang ako at kaagad na nawala sa aming paningin ang noon ay nakalubog na Terran.
"Elio!"
Nanlaki ang aking mata nang marinig ang matinis na tunog ng paghiwa ng talim ng bakal sa balat at laman. Bumuka ang aking bibig nang maramdaman ang sakit sa aking likod. Nakita kong nanlalaki ang mata ni Adam habang nakatingin sa nilalang na nasa aking likuran. Parang bumagal ang lahat.
Narinig ko ang pagsigaw ng isang babae at muli kong narinig ang matalim na paghiwa, kasunod ng palahaw ng isang lalaki. Nanghihinang humarap ako sa aking likod at nakita si Lumineya habang may hawak na espada.
"Walang hiya ka, Lumineya!"
Mabilis na kumilos ang aking paa nang makitang sasaksakin niya ang babae. Bago ko pa maramdaman, nakita ko na lang na nakatagos na sa tiyan ni Treyton ang espadang hawak ko. Marahas ko itong hinugot at hinarap siya sa akin.
Sa kabila ng pag-agos ng dugo sa aking bibig, nginisian ko siya nang makita ang pagdurusa sa kaniyang mukha. Nanlalaki ang mga mata nito, halatang hindi inaasahan ang atakeng ginawa ko. Hinawakan ko ang kaniyang balikat.
"S-Sa sandaling magkita kayo ng aking odtiel, i-kuwento mo sa kanila ang mga hinanakit mo sa aming bansa..."
Hinagis ko ang pataas ang aking espada at nang makuha ko itong muli ay nakatutok na ito sa baba. Inangat ko ito at binaon sa balikat ng Terran. Bumalot sa paligid ang malakas na pagsigaw nito nang ibaon ko pa ang talim ng espada.
Hinugot ko ito saka malakas na sumigaw. Umikot ako at pinaglandas ang talim ng espada ko sa kaniyang leeg. Kasabay ng pagbagsak ng aking mga tuhod sa lupa, narinig ko rin ang paggulong ng kaniyang ulo.
"Elio!" Bumagsak ang aking espada sa lupa nang dahil sa panghihina.
Naramdaman ko ang pagbigat ng talukap ng aking mga mata. Tumingin ako sa nilalang na lumuhod sa aking harap, nagpantay ang aming mukha. Napangiti ako nang makitang muling bumaha ang luha sa kaniyang mukha.
"A-Adam..." Humina ang aking boses nang maramdaman ang pagguhit ng sakit sa aking likod. "N-Natapos natin..."
"Elio, 'wag ka munang magsalita..." Hinawakan ko ang kaniyang braso at napapikit nang muling maramdaman ang sakit sa likod. "E-Elio, pakiusap..."
"Lumineya..." Humarap ako sa babaeng noon ay nakita kong lumuluha na rin. Sandali pa akong napapikit at napabuga ng malakas na hangin. "Isarado mo na ang lagusan..."
Nakita kong dahan-dahan itong tumango at lumapit sa lagusan. Inalis ng mga Zephyrian ang pananggalang na bumabalot sa lagusan kaya muling kumawala ang nakasisilaw na liwanag. Mariin akong napatitig sa lagusan.
"Leo, anong nangyari?"
Napabaling ako sa nilalang na lumapit sa akin. Mabilis itong lumuhod sa lupa at hinawakan ang aking mukha. Nanlabo ang aking mga mata, ngunit hindi dahil sa luha. Nagsisimulang sakupin ng dilim ang aking paningin.
"Leo, i-ihahanap-," Nahirapang magsalita si Diego, narinig ko pa ang pagpiyok nito. "Ihahanap kita ng gamot..."
Bumagsak ang aking mga palad sa damo at mahigpit na napahawak ako roon. Patuloy ang pagguhit ng sakit sa aking likod. Hindi rin tumigil sa pag-agos ang dugo sa aking bibig. Humihina ang kanilang tinig.
"Revoca virtutem Tempus Nexus." Umalingawngaw ang tinig ni Lumineya ngunit nanatiling pikit ang aking mga mata. Naramdaman ko ang pagdaloy ng luha sa aking mga mata.
Ito na 'yong pinaglalaban namin.
Makakamit na namin ang kapayapaan.
Bumagsak ang aking katawan sa lupa. Narinig ko ang unti-unting pagbagal ng pintig ng aking puso habang nakadapa sa lupa. Ang paghinga ay tila naging isang mahirap na gawain.
"Confringe ostium cum instrumentis temporis."
- - - -
Biembeh Says:
Hi! Thank you for reaching this part! This is the last chapter of Revamped. The next part will be the Epilogue. 'Til then, readers!
Translation no'ng sinabi ni Lumineya:
"Bawiin ang bisa ng Tempus Nexus. Wasakin ang lagusan kasama ang kasangkapan ng oras at panahon."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top