Kabanata 26: Laban sa Lahat
Laban sa Lahat
"Salamat sa tulong, Lumineya."
Pinanood ko kung paano bumagsak sa lupa ang ikalimang Sylpari. Ang paggamit niya ng kaniyang kakayahan upang tawagin ang diwa ng mga namayapa sa nakaraan ay dumagdag sa panghihina ng kaniyang katawan na dulot ng ikatlong buwan.
Naglakad palapit sa lagusan ang pinuno ng Verdantia. Tumatama ang kulay lilang liwanag sa kaniyang katawan. Napanood ko kung paano magdiwang ang mga kawal niya. Napakuyom ang aking kamao.
"Ito na ang panahon na matagal nating hinintay!" Humarap sa kaniyang kawal ang pinuno ng Verdantia. Ang ibang pinuno ay nanonood lamang mula pa kanina, hindi sila nagsasalita. "Ngayong gabi, itataguyod natin ang Verdan-!"
Nanlaki ang aking mata nang bigla na lamang tumilapon si Treyton nang tumama sa kaniya ang malakas na puwersa ng hangin. Tumingala ako at nakita si Galea na nakalutang sa hangin habang may namumuong hangin sa kaniyang nakakuyom na palad; nakabaluktot ang kanan niyang tuhod. Nakatingin siya sa baba; kay Treyton. Naglaho na ang puting liwanag sa kaniyang mata.
Nakita kong lumabas sa lupa si Adam at dumeretso kay Lumineya bago sila muling naglaho. Dahan-dahang bumaba si Galea sa lupa. Naramdaman ko na lamang na may hanging pumaligid sa akin kaya napapikit ako. Nang magmulat, nakatayo na ako sa tabi ni Galea.
"Paumanhin kung hindi ko mapapahintulutan ang plano niyo."
Bumangon ang tumalsik na si Treyton at umatras. Pumantay siya sa iba pang pinuno ng Verdantia. Nanlaki ang kaniyang mata ngunit nang makabawi ay tumalim ang kaniyang tingin sa amin, lalo na kay Galea.
"Kailan pa natutong mangialam ang Nimbusia?"
Ngumisi si Galea sa narinig ngunit hindi siya sumagot. Tumingin ito sa likod namin at nanlaki ang kaniyang mga mata. Nagtaka ako kaya naman tumalikod at kaagad na napangiti sa nakita.
Nagma-martsa palapit sa amin ang mga mamamayan ng Nimbusia. Pinangungunahan sila ng tatlong nilalang na lulan ng puting kabayo, si Ginang Glen ang isa.
Mula naman sa kabilang banda, lumabas ang batalyon ng mga Pyralian, pinangungunahan din ito ng tatlong nilalang. Si Diego. Si Friah. Ang Pyrocustos.
Lumabas din sa isang sulok ang mga nakaligtas na mag-aaral ng Veridalia Academy. Namuo ang luha sa aking mata dahil sa galak. Huminga ako nang malalim saka ibinalik ang tingin sa noon ay gulat pa ring si Treyton.
"Mga lapastangan!" Humalakhak ang pinuno ng Verdantia. "Sa tingin niyo ba ay ganoon niyo kami matatalo?"
Mula sa likod nila, lumabas din ang hukbo ng mga Terran. Hindi na nakakagulat ang bilang nila sapagkat hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na Verdantia ang may pinakamaraming populasyon. Kumuyom ang aking palad at agad 'yong nabalot ng apoy.
Napalingon lamang ako sa aking gilid nang maramdamang may tumabi sa akin. Bumungad ang nakangiting mukha ni Diego kaya muling namuo ang luha sa aking mata. "Wawakasan natin ang digmaang ito nang magkasama."
Tinanggap ko ang espadang inabot niya sa akin at desididong tumango. Huminga ako nang malalim at humarap sa mga kalaban. Mayabang pa ring nakangisi si Treyton. Lumabas sa tabi ni Galea si Adam na noon ay nakahanda na rin ang mga baston.
"Hindi matatapos ang gabing ito nang hindi bumabagsak ang Verdantia."
Ipinosisyon ko ang aking espada. Si Galea ang nagmistulang pinuno ng aming hukbo. Mas naging malakas ang hangin sa paligid nang humakbang siya paharap at pinaikot ang kaniyang espada sa kamay na naglikha ng matalas na tunog sa hangin.
Humakbang din paharap si Treyton at binunot ang espada mula sa kaniyang tagiliran. Ngumisi siya sa amin ngunit hindi kababakasan ng tuwa ang kaniyang ngisi. Puno ito ng galit.
"Sugod!"
"Para sa Veridalia!"
Sa isang iglap, kaagad nagkaroon ng mga pagsabog sa paligid. Ang kaninang tahimik na paligid ay nabalot ng ingay ng nagsasalpukang elemento ng hangin, tubig, lupa at apoy. Namayani rin ang tunog ng mga bakal na nagtatama sa isa't isa. Binasag ng sigawan ng mga nilalang na nasa digmaan ang katahimikan ng gabi.
Ang simula ng ikatlong digmaang pandaigdigan.
Ang Verdantia laban sa lahat.
Agad akong napaliyad patalikod nang padaanin ng isang Terran ang kaniyang espada sa aking ulo. Nakabawi kaagad ako at hiniwa siya sa tiyan. Umikot ako at muling hiniwa ang kaniyang likod. Sunod kong pinuntahan ang isang Terran na sasaksakin na sana ang isa sa mga mag-aaral na abala sa pakikipaglaban. Bago pa niya malaman, kaagad na tumagos sa kaniyang dibdib ang aking patalim.
Hinugot ko ito at kaagad na nilibot ang aking paningin. Agad na natagpuan ng aking mata ang isa sa mga pinunong kasama ni Treyton kaya napangisi ako. Tumakbo ako papalapit sa kaniya.
Habang nakatalikod siya sa akin, kaagad ko siyang binato ng apoy na hindi niya magawang iwasan. Tumalsik siya at bahagyang nasunog ang kaniyang baluti. Nakabangon din naman siya kaagad at masamang tumitig sa akin.
"Patalikod talaga lumaban ang mga Pyralian."
Ngumisi ako. "Ang tanging bagay na parehas sa mga Terran."
Pinaikot niya ang kaniyang espada sa kaniyang braso bago naunang sumugod. Hinampas ko ang espadang tatama dapat sa akin kaya kaagad na gumawa ito ng kalansing. Binawi niya ang espada at muling sumubok na hampasin ako ngunit nagawa ko ulit itong salagin. Umikot ako at sinipa ang kaniyang mukha.
Bahagya siyang napaatras nang dahil doon. Nagdugo ang kaniyang labi ngunit dinura niya lamang ang dugo bago muling tumingin sa akin. Naramdaman ko na lamang ang pag-uga ng lupa na inaapakan ko kaya agad akong tumalon.
Nang bumagsak, kaagad na sinalag ko sa aking ulo ang aking espada na kaagad namang tinamaan ng patalim niya. Tinulak ko palayo ang sandata niya gamit ang espada ko saka hiniwa ang isa niyang binti bago tumayo.
Napasigaw siya sa sakit at bahagyang napaluhod. Tinutukan ko siya ng talim ng espada. Tumalim ang tingin niya sa akin matapos tingnan ang nagdurugo niyang binti.
"Huwag mong kalilimutan na nagmula ako sa bayan ng mga mandirigma." Ngumisi ako habang nakatutok pa rin ang espada sa kaniya.
Mabilis din siyang nakabawi at pinaglandas sa hangin ang kaniyang espada. Umatras ako upang iwasan ang atake niya ngunit nang dahil sa aking ginawa, naging bukas ang aking depensa. Naramdaman ko na lamang ang pagtama ng matigas na bagay sa aking tiyan dahilan ng pagtalsik ko.
Umangat ang tingin ko sa kaniya at siya naman ngayon ang nakangisi. "At nagmula naman ako sa bayan ng mga pinakamatalino."
Tumakbo ako palapit sa kaniya at ganoon din ang kaniyang ginawa. Sabay kaming tumalon sa ere at nagsalpukan ang pareho naming sandata. Lumikha ng malakas na puwersa ang pagtama ng aming sandata. Ganoon pa din ang ayos namin nang bumagsak kami sa lupa.
Nagkatingin kami sa mata ng isa't isa at sabay na pinatamaan ng sariling elemento ang isa't isa. Tumalsik ako dahil sa lupang tumama sa aking tiyan at tumalsik naman siya dahil sa apoy na tumama rin sa kaniyang tiyan. Hinihingal na umangat ang tingin ko sa kaniya.
"Leo, ayos ka lang?"
Napatingin ako sa aking tabi nang biglang may tumabi sa akin. Nakita ko si Diego na habang suot-suot ang pag-aalala sa kaniyang mukha. Tumango ako bago muling bumaling pabalik sa kalaban. Hindi ito makatayo nang tuwid dahil sa hiwa sa kaniyang binti.
Napatingin din sa kaniya si Diego at sabay naming inangat ang aming espada saka tinutok sa kaniya. Nakita kong pinapaangat nito ang lupa upang magkaroon siya ng pananggalang laban sa amin. Nagkatinginan kami ni Diego saka sabay na tumango sa isa't isa na akala mo'y nabasa namin ang nasa isip namin.
Binaba namin ang aming espada at sabay na bumuo ng apoy sa palad. Sabay namin itong pinakawalan patungo sa isa sa mga pinuno ng Verdantia na noon ay nasa likod ng pader. Habang nasa hangin, pumulupot sa isa't isa ang apoy na sabay naming pinakawalan bago ito tumama sa batong agad namang nawasak.
Binalot ng alikabok ang paligid. Tumakbo kami papalapit sa noon ay nahihirapang tumayo na Terran. Pinalibutan namin siya ni Diego. Nagkaroon na ng galos at dumi ang kaniyang mukha ngunit nagawa pa rin nitong tumawa.
"M-Mukhang hindi kayo kasing-hina ng katulad ng sinasabi ni Treyton..." Umubo siya ng dugo, nanatiling blangko ang aking mukha habang nakatutok ang espada sa kaniya.
Mabilis niyang dinampot ang kaniyang espada at nanlaki ang aking mga mata nang makitang tumalikod siya sa akin at inatake si Diego. Nakita kong nakabalot sa lupa ang kalahati ng katawan ni Diego kaya hindi ito makakilos.
Naramdaman ko na lamang ang pagkilos ng sarili kong mga paa at bago ko pa mamalayan, nakatusok na ang talim ng espada sa tagiliran ng Terran. Hinawakan ko ang kaniyang balikat at hinarap siya sa akin. Nakita ko ang pagtulo ng dugo sa kaniyang bibig na nakangiti. Mahigpit kong hinawakan ang balikat niya at sinaksak ang kaniyang tiyan. Tiningnan ko ang kaniyang mga mata at ibinaon pa ang patalim hanggang sa tumagos ito sa kaniya.
Nang hugutin ko ang espada sa kaniyang tiyan, kaagad siyang napaluhod. Nakita kong nawasak ang batong bumabalot kay Diego at tuluyan siyang makawala. Tiningnan ko sa huling pagkakataon ang nakaluhod na lalaki bago ito dahan-dahang bumagsak sa lupa, mulat pa rin ang mga mata.
"Marami pa ring kalaban. Kailangan na nating magmadali." Binawi ko ang tingin sa napaslang na Terran at tumingin kay Diego na noon ay dinampot ang nalaglag niyang sandata. Tumango ako sa kaniya at tumalikod.
Tumatakbo akong bumalik sa digmaan. Hinampas ko ang espada ng isang lumapit sa akin kaya dumeretso ito sa aking likod. Tumakbo ako palapit sa isa pa at sinipa ang tiyan nito kaya tumumba siya. Napatingin ako sa aking gilid at kaagad na tinagilid ang katawan upang maiwasan ang atake ng kalaban. Agad ko rin naman siyang hiniwa matapos makailag.
Nilibot ko ang aking paningin. May mga apoy na sa paligid. Marami na ring bangkay ang nakatumba sa lupa. Bumibigat ang aking dibdib kapag nakikita kong galing sa puwersa namin ang iba. Nasusunog na ang ibang gusali ng akademiya.
Tiningnan ko ang nakabukas pa ring lagusan at nakitang nakapaligid ang mga Zephyrian doon, pino-protektahan ang lagusan gamit ang pananggalang na gawa sa hangin. Napalunok ako.
Sisiguraduhin kong hindi masasayang ang mga sakripisyo ng mga nasangkot sa digmaang ito. Ang mga buhay na nawala. Sa mga pangarap na nawakasan.
Para kay Felicity.
Para kay Dylan.
Para sa Misthaven.
Huminga ako nang malalim saka naglakad patungo sa mga kalaban.
Para sa Veridalia.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top