Kabanata 25: Patungo sa Nakaraan
Patungo sa Nakaraan
"Gawin mo na ang trabaho mo, Lumineya."
Nanatiling nakaluhod ako sa lupa habang nakayuko ang ulo, ang mga luha ay patuloy na umaagos sa aking pisngi. Kinuyom ko ang aking palad at mahigpit na napahawak sa mga damo nang madinig ang tinig ng isa sa pinuno ng Verdantia.
"Buksan mo ang lagusan."
Umangat ang aking tingin kay Lumineya na noon ay nakatingin lang din sa akin. Hindi ko mabasa ang mga emosyon sa kaniyang mata, kitang-kita ko rin ang mga galos niya sa mukha. Halatang dumaan siya sa paghihirap.
Bumaling ang tingin ko sa reyna ng Misthaven. Nanatili itong tulala sa wala ng ulo na hari ng katubigan, ang mga luha ay lumalandas sa kaniyang mukha. Natauhan lamang ito nang madinig ang boses ng pinuno.
"T-Treyton... May babalikan ba ako sa nakaraan?"
Napanood ko kung paano matigilan ang pinuno ng Verdantia na tinawag ng reyna sa pangalan na Treyton. Bumaling siya sa babae at natawa ngunit bakas sa kaniyang mukha ang pagkabahala.
"O-Oo naman, mahal na reyna." Ngumisi si Treyton. Humarap sa kaniya ang reyna kaya bahagya siyang napaatras. "Babalik tayo sa nakaraan upang iligtas ang tagapagmana niyo, hindi ba?"
"Saan mo nakuha si Dylan kung ganoon?" Humakbang palapit ang reyna sa kaniya. Napahakbang ito ulit patalikod. "No'ng ibinigay mo siya sa amin upang ikubli ang pagkamatay ng susunod na henerasyon ng Misthaven..." Lumunok ang mahal na reyna habang mas lalong lumakas ang pag-iyak niya. "Saan mo siya kinuha?"
"Hindi ko na matandaan ang bagay na 'yan, Risca!" Tumalim ang tingin niya sa reyna. "Hindi na mahalaga kung saan ko kinuha ang hangal na 'yon. Ang mahalaga ay makabalik tayo sa nakaraan upang mailigtas ang tagapagmana ninyo!"
Wala akong maunawaan sa kanilang pinagsasabi. Hindi ko rin maintindihan kung bakit kailangang magtanong pa ng reyna ang mga bagay na konektado kay Dylan. Anong karapatan niya?
"Ang daluyong... Ang hamog..." Bumulong ang reyna ngunit sapat ito upang madinig namin. Lumunok siya saka napapikit. "Tanging ang aming odtiel lamang ang nakagagawa ng bagay na 'yon..."
Odtiel - "ninuno"
Nanghina ako nang mapagtanto ang mga bagay. Lumuwag ang pagkakakuyom ko sa aking mga palad at bumuka ang bibig. Nakita kong dumaan din ang pagkabigla sa mukha ni Treyton.
"Anak ko si Dylan, hindi ba?"
Narinig ko ang pagkabasag ng aking puso nang marinig ang boses ng reyna nang banggitin niya ang mga katagang 'yon. Nagtatanong ang kaniyang mga lumuluhang mata habang direktang nakatingin sa pinuno ng Verdantia.
"Si Dylan..." Suminghap ang reyna saka napakuyom ang mga palad. "Siya ang susunod na henerasyon ng Misthaven."
Bumagsak ang aking balikat sa aking nadinig. Hindi ko alam kung kakayanin pa ng aking isip ang mga bagay na nalalaman ko. Magaling talaga siya pagdating sa paglalaro ng mga buhay.
"Wala na akong babalikan sa nakaraan sapagkat kasama na namin matagal na ang tagapagmana sa kasalukuyan."
Natahimik ang paligid. Ang tanging ingay lang na naririnig ko ay ang pagtangis ng reyna ng Misthaven. Nawala sa kaniya ang lahat. Ang hari, ang prinsesa, at ang prinsipe. Mag-isa na lamang siyang nakatayo.
Ilang sandali lang ay binasag ng halakhak ni Treyton ang katahimikan. Tumatawa siya habang nakatingin sa reyna habang ang huli naman ay matalim na nakatingin sa kaniya. Kumuha ito ng espada na naging dahilan ng pagngisi ng lalaki.
"Hindi ko inaasahang mabubulilyaso kaagad ang aking plano." Pumakla ang mukha ni Treyton at bahagya pang napailing. "Gayunpaman, inaamin kong napahanga ako ng iyong anak sa kaniyang ginawa, mahal na reyna."
"Pinaglaruan mo kami..." Tinutukan ng reyna si Treyton ng patalim habang nanginginig sa galit. "Wala kang kasinsama!"
Napamaang ang lalaki sa sinabi ng reyna. Nang-uuyam na tumawa pa ito. "Hindi ko pinatay at kinalaban ang aking mga anak." Mas lalong nagngitngit sa galit ang reyna kaya ngumisi si Treyton. "Mukhang babaguhin ko na ang ating mga plano kung gan'on."
Ang mga nakapalibot na mga nilalang sa itim na baluti ay naglabas ng kaniya-kaniyang mga patalim. Itinutok nila ito sa reyna. Hindi man nagulat ngunit bumalatay sa mukha ng reyna ang sakit mula sa pagtataksil sa kaniya.
"Tinuring kitang kaibigan, Treyton..."
"Mukhang hindi Ignisreach ang unang babagsak na kaharian."
"Traydor ka!"
Kumurap lamang ako ng aking mata at kaagad na nakulong sa isang globo ng yelo ang parehong pinuno ng dalawang bansa. Naiwan ako, kasama ang mga kalaban, at si Lumineya sa labas ng globo. Ginamit ko ang pagkakataong iyon upang lumapit kay Lumineya.
"Itatakas kita rito." Nang tuluyan akong makalapit sa kaniya, sinubukan kong itayo siya ngunit kataka-takang mabigat siya. "Lumineya, kailangan mong umalis dito. Ilang sandali lamang ay magsisimula na ang digmaan."
Hindi ito sumagot. Tumingin ako sa kaniyang mata at nakitang walang buhay ang mga ito. Nagsalubong ang aking kilay nang dahil doon. Tumingin siya sa akin at umiling.
"H-Hindi ako makakatakas..." Mahina ang kaniyang tinig. "H-Hindi ako hahayaan ng ikatlong buwan..."
Tumingala ako at nakitang mas naging maliwanag pa ang ikatlong buwan. Napakagat ako sa aking labi dahil sa inis. Pinahihina ng ikatlong buwan ang ikalimang Sylpari. Kaya pala hindi siya makatakas kahit na kaya niya namang tumakbo kanina.
Nakarinig ako ng malakas na pagsabog kaya bumalik ang aking tingin sa globo ng yelo. Unti-unting nabasag ang yelo na nakapalibot at nang tuluyang mabasag ang globo, nanlumo ako sa aking nakita.
Tumagos sa dibdib ng reyna ang espadang hawak niya kanina.
Hawak-hawak siya sa leeg ni Treyton, nakalutang ang kaniyang mga paa sa lupa. Umaagos ang dugo sa kaniyang bibig. Patay na rin ang reyna ng katubigan.
Bumagsak na ang Misthaven.
Mababakas ang galit sa mga mata ni Treyton nang bitawan niya ang reyna kaya bumagsak ito sa lupa. Bumuga siya ng malalim habang nakatingin sa reyna. Bumaling ang tingin niya sa amin kaya napalunok ako. Hinugot niya ang espada sa dibdib ng reyna bago mabilis na lumapit sa puwesto namin.
Hindi ko na nagawang manlaban nang bigla akong hinaklit ng pinuno ng Verdantia at tinutok ang patalim sa aking leeg. Napatingin sa amin si Lumineya at nakita ko ang pagguhit ng galit sa kaniyang mga mata.
"Buksan mo ang lagusan patungo sa nakaraan kung gusto mong mabuhay pa ang anak ng pinakamamahal mong Pyralian."
Napatigil ako sa sinabi ni Treyton. Mahigpit na nakahawak ang isa niyang kamay sa dalawa kong palapulsuhan habang ang isa naman ay nakahawak sa patalim na nakatutok sa aking leeg. Mas diniin niya ito nang hindi sumagot ang babae. Narinig ko ang matunog na pagngisi ng lalaking nasa likod ko.
"Akala mo ba ay hindi ko siya makikilala?"
"Huwag mo siyang sasaktan." Nakita ko ang pagkuyom ng kaniyang kamao.
"Gawin mo sinabi ko. Buksan mo ang lagusan." Napalunok ako nang makitang unti-unting tumayo si Lumineya.
"L-Lumineya..." Tumingin ako sa kaniya, ganoon din ang kaniyang ginawa. Nang magtama ang aming mata, umiling ako sa kaniya. "H-Huwag mong gawin..."
"Naiinip na ako, Sylpari!" Naramdaman ko ang hapdi sa aking leeg nang masugatan ng talim ang parteng 'yon. Ramdam ko ang panginginig ng katawan ng Terran na may hawak sa akin. Sa kabila ng hapdi, nagawa ko pa ring ilingan si Lumineya. "Kung hindi mo bubuksan ang lagusan, bubuksan ko ang leeg nito."
Kasabay ng pagtulo ng luha sa kaniyang mata, ngumiti lamang ang babae sa akin. Bumukas ang aking bibig nang damputin niya ang Tempus Nexus.
"Lumineya, ipapahamak mo ang buong mundo!"
"Ililigtas pa rin kita, Elio..." Nakangiti siyang pumikit at tumalikod sa amin. Sinubukan kong magpumiglas ngunit humigpit lamang ang pagkakakapit ni Treyton sa aking pulsuhan.
"Sa wakas, matapos ang ilang taon na paghihintay, maililigtas ko na rin ang anak ko..."
Nakita kong tumindig nang tuwid si Lumineya. Sa hindi mabilang na pagkakataon, naramdaman ko na naman ang pag-agos ng luha sa aking mga mata nang itaas ni Lumineya ang kamay niyang may hawak ng Tempus Nexus.
"Hintayin mo ako, aking anak..."
Lumiwanag ang bilog na bagay na hawak ni Lumineya nang masinagan ng liwanag ng ikatlong buwan. Naramdaman kong lumuwag ang pagkakakapit sa akin ni Treyton ngunit masyado akong nanghihina upang makatakas pa.
"Per speritum historiae et potemtiam temporis..." Nagkaroon ng kislap sa hangin nang banggitin ni Lumineya ang mga katagang iyon. Mas lalo akong nanghina at patuloy na umagos ang mga luha sa aking mata. "Asperi portam ad praeteritum..."
Huli na.
Tapos na.
Lumiwanag ang kapaligiran nang mabuo ang isang bilog na kulay lilang lagusan sa hangin. Tuluyan na akong nabitawan ni Treyton kaya napaluhod ako sa lupa.
Nabuksan na ang lagusan patungo sa nakaraan.
- - - -
Translation no'ng sinabi ni Lumineya:
"Gamit ang diwa ng kasaysayan at kapangyarihan ng oras, magbukas ng lagusan patungo sa nakaraan!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top