Kabanata 24: Daluyong

Daluyong

"Anong ginagawa niya?"

Nakabukas ang aking bibig habang nakatingin kay Felicity na matapang na nakatayo sa harap ng pinuno ng dalawang bansa. Napalunok ako; naririnig ko ang malalakas na himutok ni Adam.

"Anong kalapastanganan ito, Prinsesa Felicity?"

Nagsalita ang hari habang matalim na nakatingin sa kaniyang anak. Tiningnan ko ang reaksyon ng reyna at bakas sa mukha nito ang pagkalito. Ngumisi si Felicity.

"Narinig ninyo ako, ama." Tila ibang Felicity ang nasasaksihan namin ngayon. Hindi na ito ang masigla at malditang babae na nakilala namin. "Kung nais niyong magtagumpay, bawiin niyo sa akin ang Tempus Nexus. Ngunit mababawi niyo lamang ito kapag wala na akong buhay."

Napatingin ako kay Adam nang marinig ang pagsinghap nito. Nakita ko ang pagkislap ng luha sa kaniyang mga mata. "Itigil mo ang kahibangan mo..." Umiwas ako ng tingin nang tumulo ang kaniyang luha. "Pakiusap..."

"Anong sinasabi mo?" Tumaas ang boses ng Hari at halatang hindi nagustuhan ang sinabi ng kaniyang anak. "Ibalik mo ang bagay na 'yan-!"

"Hindi niyo siya maililigtas!"

Natahimik ang lahat nang sumigaw pabalik sa hari ang prinsesa. Umagos ang luha sa kaniyang mga mata habang nagliliyab sa galit ang kaniyang mga matang direktang nakatingin sa kaniyang pamilya.

"H-Hindi niyo na maililigtas ang kuya ko..." Sumikip ang aking dibdib nang madama ang pighati sa bawat salitang binitawan ni Felicity. Kumuyom ang kaniyang mga kamao. "Bakit hindi niyo na lang siya patahimikin?"

Natahimik ang lahat. Sa gitna ng katahimikan na 'yon, tumutok ang aking paningin kay Dylan. May kung anong nabasag sa aking dibdib nang makita ang pagkalito at pighati sa kaniyang mukha. Napapikit ako kasabay ng pag-alpas ng luha sa aking mata.

Wala siyang alam.

Bumigat ang aking paghinga.

Ang alam niya, babalik lang sila sa nakaraan upang itaguyod at mas palakasin pa ang Misthaven at Verdantia. Pinaglaruan siya ng mga inakala niyang kakampi niya.

Dylan...

"Nakiki-usap ako... Itigil niyo na ang lahat ng ito." Nagmulat akong muli ng mata nang madinig ang boses ni Felicity. Lumambot na ang ekspresyon nito at tila pagod na sa mga kaganapan. "I-Iwan na natin siya sa nakaraan..."

"A-Anak..." Napatingin ako sa reyna. Nakita kong lumuluha na rin ito habang nakatingin kay Felicity. Dahan-dahan itong lumapit. "A-Ayaw mo bang mailigtas ang kuya mo? Hindi ba't 'yon ang pangarap mo? Ibalik mo na ang Tempus Nexus. Iligtas natin siya."

"Kapag hindi niyo pa ito itinigil, mawawalan kayo ng tagapagmana."

"Felicity!" Kaagad kaming nabalot sa halang ng hangin nang subukan naming lumapit kay Felicity. Tinutukan niya ang dibdib niya ng patalim!

"Galea, palabasin mo ako!" Napuno ng galit ang tinig ni Adam. Sinubukan nitong suntukin ang halang ngunit hindi ito naging sapat. Maging ang mga bato at lupa ay hindi nagawang wasakin ang halang. "Galea, p-pakiusap, palabasin mo ako..."

"Patawad, Adam, ngunit hindi ito ang pinangako ko sa iyong ina..." Nakita kong tumulo ang na rin ang luha sa mga mata ni Galea. "Hindi ito ang pinangako ko sa ating ina."

Hindi ko nabigyang pansin ang sinabi ni Galea nang makita kong naglakad palapit ang reyna kay Felicity na noon ay nanginginig ang kamay na may hawak na patalim. Nagmistulang batis ng luha ang kaniyang mata na dumadaloy sa kaniyang pisngi habang nakatingin sa papalapit niyang ina.

"A-Anak... Huwag mong gawin 'yan, pakiusap..." Ngunit hindi nakinig si Felicity sa sinabi ng reyna. Mas idiniin pa nito ang patalim sa kaniyang dibdib. "Felicity!"

"Bakit ba hindi niyo ako matanggap na tagapagmana ng ating bansa?" Sa sandaling banggitin ni Felicity ang bagay na 'yon, kaagad siyang napaluhod sa lupa. Nabitawan niya ang parehong bagay na hawak niya. "Bakit ba hindi niyo ako mapagkatiwalaan?"

Tuluyang nakalapit sa kaniya ang reyna. Umiyak siya sa harap ng kaniyang ina na noon ay nakatingin lang din sa kaniya. Nang silipin ko si Adam ay nakitang nakaluhod na ito habang hinihingal, mukhang napagod kasusubok na wasakin ang halang.

"K-Kailan ba ako magiging karapat-dapat?" Nabasag ang kaniyang tinig.

Niyakap siya ng kaniyang ina kaya mas lalong lumakas ang kaniyang paghugolgol. Walang laban siyang nakaluhod sa lupa habang yakap-yakap siya ng kaniyang ina.

"Patawad, Felicity..."

Nanlaki ang aking mata at tila bumagal ang takbo ng oras. Narinig ko na lamang ang malakas na pagsigaw ni Adam at naramdaman ang malakas na lindol. Lumandas muli ang luha sa aking mga mata.

Matapos sabihin ng reyna ang mga katagang binanggit niya, dinampot niya ang punyal na hawak ni Felicity kanina at siya na mismo ang sumaksak sa dibdib ng kaniyang anak.

Humiwalay ang reyna sa pagkakayakap at tiningnan si Felicity na noon ay nanlaki rin ang mata. Dahan-dahan niyang tiningnan ang punyal na nakabaon sa kaniyang dibdib saka mabagal na inangat ang kaniyang tingin sa kaniyang ina. Kasabay ng pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi ay umagos ang dugo sa kaniyang bibig.

"Iisa lamang ang tagapagmana ng Misthaven."

Nang kumurap ako, nakita kong nasa labas na kami ng akademiya. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nasaksihan.

Tiningnan ko si Adam at nakitang nakaluhod ito sa lupa habang patuloy na sumisigaw at lumuluha. Gusto ko man siyang lapitan ngunit natatakot ako sa galit niya. Sunod ko namang tiningnan si Galea na noon ay mabigat na rin ang pag-iyak habang nakatingin kay Adam.

"Naki-usap ako sa iyo, Galea..."

Umangat ang tingin ni Adam sa babae. Sa kabila ng luhang nakabalot sa kaniyang mata, bumakas ang galit dito. Napanood ko kung paano kumuyom ang kaniyang palad habang nagliliyab ang mga matang nakatingin kay Galea na noon ay patuloy pa rin sa pag-iyak.

"P-Patawad, Adam..."

"Unang beses akong naki-usap sa'yo, Galea." Tumayo ang lalaki at kasabay no'n ay ang pagliwanag ng kaniyang mga mata. Naging kulay ginto ang liwanag kasabay ng unti-unting pag-angat ng mga bato sa lupa. "H-Hindi ko siya nailigtas nang dahil sa'yo..."

Umihip din nang malakas ang hangin at nakitang katulad ni Adam ay lumiliwanag din ang mata ni Galea. Kulay puting liwanag ito. Napalunok ako at bahagyang napaatras. Tiningnan ko ang bakod ng akademiya at nanlaki ang mata nang may maalala.

Si Dylan.

Muli kong tiningnan ang dalawa bago tumakbo papalayo sa lugar kung saan kami dinala ng hangin. Tiyak naman na hindi nila sasaktan ang isa't isa. Sana lang.

Tumalon ako at muling ginamit ang apoy upang mapabilis ang aking pagkilos. Nilipad ko ang pader ng akademiya at nakaluhod ang isang tuhod na bumagsak sa loob. Muli akong tumakbo pabalik sa sentro.

"Ayon ang takas na bilanggo!"

Napahinto ako nang humarang ang nasa pitong nilalang sa aking harap. Napabuntong hininga na lamang ako at kaagad na bumuo ng malaking halang na kaagad namang bumalot sa kanila. Pinanood ko kung paanong mula sa kahel na apoy, naging asul ang halang na bumabalot sa kanila.

Nang mapaluhod silang lahat, kaagad akong tumakbo palayo. Ang ilan sa mga nakakasalubong ko ay sinusunog ko na lamang kaagad dahil wala akong panahon upang makipag-tagisan sa kanila. Ngunit nagawa nilang mapabagal ang aking takbo nang dahil doon.

Umangat ang tingin ko sa kalangitan at nakita ang ikatlong buwan. Kulay asul ito at ang pinakamalaking buwan sa kalangitan. Namuo ang luha sa aking mga mata at mas binilisan pa ang pagtakbo.

Humihingal na nang makarating ako sa sentro. Agad akong napatingin sa paligid at naramdaman ko ang pagbagsak ng langit at lupa sa akin nang makita ang kahabag-habag na sitwasyon.

Ang walang buhay na katawan ni Felicity.

At ang nakaluhod na si Dylan habang nakatutok sa kaniya ang patalim ng mga nakaitim na baluti.

Umagos muli ang luha sa aking mga mata nang makitang sugatan siya. May iilang kawal na nakatumba na. Mukhang pinagkaisahan siya ng lahat.

"Sa tingin mo ba'y magiging kawalan ka?" Tumawa nang malakas ang reyna. Kumuyom ang aking kamao. "Walang mawawala sa amin kahit na paslangin ka namin ngayon."

"Noon, iniisip ko kung bakit ayaw niyong tinatawag ko kayong ina..." Kinurot ang puso ko nang marinig ang boses ni Dylan. Ibang-iba ito sa boses niya. Hindi ito sinlamig ng tubig at sintigas ng yelo. Ang boses niya ay mahina at pagod na. "Hindi ko maintindihan ang pagkakamali ko..."

Umangat ang tingin niya sa mga nilalang na tinuring niyang magulang. Katulad ko ay lumuluha rin siya. Naghalo ang dumi, luha, at pawis sa kaniyang mukha. Gumuhit ang sakit sa kaniyang mga mata.

"G-Ginawa ko ang lahat para sa inyo... Nakapatay at nang-traydor ako ng mga malalapit sa akin..." Narinig ko ang pagkabasag ng kaniyang boses. Parang may umipit sa aking dibdib dahilan ng pagsikip nito. Hindi ko kayang makita na nasasaktan siya ngunit kailangan niya ito. Kailangan niya ang katotohanan. "Ngayon, naiintindihan ko na." Dahan-dahan siyang tumayo at kumuyom ang kaniyang mga kamay. "H-Hindi ko kayo mapapatawad..."

Napaatras ang mga kawal na nakaaligid sa kaniya nang biglang malakas na umihip ang hangin. Maging ako ay natigilan at napatitig sa nakatayong si Dylan. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at itinaas ang mga braso, kasunod no'n ay ang pagyanig ng lupa.

Napasinghap ako sa kaniyang ginawa.

Hindi maaari...

Nang imulat niya ang kaniyang mga mata, lumiliwanag din ito katulad ng mga mata nila Adam at Galea. Kulay asul naman ang kaniya. Napahakbang ako paatras nang mapagtanto ang kaniyang ginagawa.

Una niya itong ginawa sa ilog.

Ang daluyong.

Bago pa man ako makakilos, kaagad kong natanaw ang kumikislap na bagay mula sa malayo. Nasisinagan ng buwan ang bagay na 'yon kaya natatanaw namin ito. Natatanaw namin ang laki nito; doble pa sa taas ng bakod ng akademiya.

Napalunok ako at bumalik ang tingin kay Dylan na noon ay patuloy na nagliliwanag ang mata. Walang emosyon ang mukha nito at tila guhit na lamang ang kaniyang labi habang nakatingin sa mga pinunong napaatras dahil sa kaniyang ginawa.

Ang akademiya...

Mawawasak ito kapag nakalapit ang daluyong na ginawa ni Dylan.

Naramdaman ko na lamang na kumilos ang aking mga binti papunta sa lugar kung nasaan si Dylan. Hindi ako napansin ng mga pinuno ngunit kaagad kong pinalibutan ng apoy ang paligid nila upang hindi sila makalapit bago ako tumungo kay Dylan.

Nasa tapat niya ako. Puno ng luhang nakatingin ako sa kaniyang mga mata na noon ay tila walang nakikita. "D-Dylan..."

Sa sandaling banggitin ko ang kaniyang ngalan, kaagad kong nakita ang pagbago ng ekspresyon ng mukha nito bago napatingin sa akin. Nanatiling blangko ang kaniyang mga mata.

"H-Huwag mong ituloy..." Sumikip ang aking dibdib habang sinasabi ang mga katagang 'yon. Halos naging bulong na lamang ang mga salitang 'yon. "Pakiusap, t-tama na..."

Wala akong sagot na nakuha mula sa kaniya. Ngunit napansin ko na may nabubuong hamog sa paligid. Hindi ko ito pinagtuunan ng atensiyon at nanatiling nakatitig kay Dylan. Lumubog na ang aming mga binti sa hamog.

"I-Itigil mo ang daluyong, Dylan. Pakiusap..." Hanggang sa umabot sa aking dibdib ang makapal na hamog. Narinig ko ang pagkabalisa ng mga nakapaligid sa amin. Pumikit ako nang tuluyang mabalot ang paligid ng mamasa-masa at malamig na hamog.

Matagal akong pumikit at naramdaman ko na lamang ang lumapat na malamig na bagay sa aking noo kaya tumulo ang aking luha. Nang magmulat ng mata, wala na ang hamog.

Isang malakas at matinis na tili ang umalingawngaw sa paligid kaya napaharap ako sa mga monarka at pinuno. Nanlambot ang aking tuhod nang makita ang nasa lupa.

Nakaluhod sa lupa ang hari ng Misthaven. Sa tabi niya ay ang ulo niya na humiwalay sa kaniyang katawan.

Umangat ang aking tingin sa kalangitan at muling bumagsak ang aking luha.

Wala na ang daluyong.

Wala na ang hari ng Misthaven.

Sunod-sunod na bumagsak ang luha sa aking mata kasabay ng pagluhod ko sa lupa. Napayuko ako.

Wala na si Dylan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top