Kabanata 23: Verdantia
Verdantia
"Lisanin niyo na ang Veridalia Academy."
Nanatili akong nakatayo at nakatingin lang sa kaniya habang iwiniwika niya ang mga katagang iyon. Hindi rin siya kumilos sa kinatatayuan niya.
"Wala kang laban sa akin." Yumuko ako, bahagyang nasaktan sa kaniyang sinabi. "Umalis na lang kayo sa akademiya."
"Bakit niyo ginagawa ito?" Malalim na huminga ako. Namumuo ang luhang tumingin ako sa kaniya ngunit pinanatili niya ang matatag na ekspresyon niya. "B-Bakit mo gustong bumalik sa nakaraan, Dylan?"
"Umalis ka na."
"Aalis ako..." Humina ang aking boses. Lumunok muna ako saka tumango-tango. "Aalis ako, Dylan. Pero sabihin mo muna kung bakit mas pinili mong talikuran kami?" Mula no'ng una kaming magkita kanina, ngayon ko lang nakitang may magbago sa kaniyang ekspresyon. "Bakit pinili mo akong talikuran, Dylan?"
Nakita ko ang pagdaan ng galit sa kaniyang mata nang dahil sa sinabi ko. Kumuyom ang kaniyang kamao at mas bumilis ang pag-ikot ng tubig na nakapaligid sa kaniya. Napansin ko rin ang pagbilis ng kaniyang paghinga. Ngumisi siya.
"Sino ka ba?"
Naramdaman ko ang paghina ng aking tuhod nang dahil sa kaniyang tanong. Kaagad na namatay ang apoy na bumabalot sa aking mga kamao. Bumuka ang aking bibig habang nakatitig sa nakangisi niyang mukha.
Sino ba ako?
Kinagat ko ang aking ibabang labi upang iwasan sa pag-agos ang aking luha ngunit mukhang pinagtaksilan ako ng aking mga mata sapagkat walang tigil na kumawala sa mula rito ang mga luhang pinipigilan ko.
"N-No'ng sinabi mong hindi nila ako masasaktan..." Nilunok ko ang nakabara sa aking lalamunan. Nanginginig ang aking boses at gumagaralgal pa. "Ang ibig mo bang sabihin no'n ay ikaw lang ang mananakit sa akin?"
"Umalis ka na, Elio." May pagbabanta sa boses nito kaya naman natawa ako. Mas lalong tumalim ang tingin niya sa akin. Napansin ko ang pag-usbong ng yelo sa paligid. "'Wag mong hintayin na masaktan pa kita."
Nagawa mo na.
Pinunasan ko ang luha sa aking mata bago ngumisi. Mabilis na bumuo ang apoy sa aking dalawang kamay at pinakawalan ito kay Dylan. Mukhang hindi niya inaasahan ang aking ginawa kaya nanlaki ang kaniyang mata. Huli na nang makagawa siya ng kalasag dahil nabasag lamang 'yon ng apoy.
Mabilis akong lumapit kay Dylan na kasalukuyang nakahiga sa sahig at walang malay. Walang emosyon akong nakatingin sa kaniya. Kikilos pa lang sana ako ngunit kumunot ang aking noo nang mahirapan akong igalaw ang aking katawan. Saka ko lamang napansin na nakabalot pala ako sa yelo.
Napalingon ako sa gumawa nito. Bumungad sa akin ang nakangising mukha ng hari ng Misthaven. Matikas pa itong naglakad patungo sa akin. Umikot ang aking mata dahil naaasiwa ako sa kaniyang pagmumukha.
"Ang lakas ng loob mong muling tumapak sa akademiya." Humalakhak siya. Pinanood ko lang siya.
Ang kaniyang mga mata. Ang hugis ng kaniyang mukha. Ang paraan ng pagtawa niya.
"Nakaharap ko na naman ang makasariling hari." Nang-uuyam na tumawa ako. Napangiwi ako nang maramdaman ang pag-ipit sa akin ng yelo. "Hanggang kailan niyo lolokohin ang bansa niyo?"
Hanggang kailan niyo siya pahihirapan?
Napaharap ako sa ibang direksyon nang maramdaman ko ang paglapat ng palad ng hari ng Misthaven sa aking pisngi. Napapikit ako sa sakit; nalasahan ko pa ang dugo sa aking labi. Ngumisi lamang ako.
"Pinaniwala niyo silang para sa susunod na henerasyon ang gagawin niyo." Muli akong humarap sa kaniya at ngumisi. "Pero ang katotohanan, para sa sarili niyong kapakanan ang ginagawa niyo."
"Manahimik ka!"
"Binali niyo ang kuwento." Unti-unting nabitak ang yelo na nakabalot sa akin. "Sinira niyo ang sarili niyong bansa."
Tuluyang sumabog ang yelong nakabalot sa aking katawan kaya nagawa kong makawala. Napaatras ang hari nang dahil sa nangyari. Humakbang ako palapit sa kaniya.
"Gumawa kayo ng bangungot para sa bansa niyo."
Matapos kong sabihin ang mga katagang iyon, kaagad akong napatigil nang may maramdaman. Mabilis na humarap ako ngunit kaagad na tumama sa akin ang malaking tipak ng bato na kaagad nawasak. Tumumba ako sa lupa; nandilim ang aking paningin.
Ramdam ko ang pag-agos ng dugo sa aking noo ngunit nagawa kong imulat ang aking mata. Malabo man ngunit nasilayan ko ang nilalang na may gawa ng hindi inaasahang atake. Napangisi ako sa aking utak.
Napagtanto ko na ang mga bagay.
Ang mali sa kuwento.
Bumigat ang aking ulo at nandilim na ang aking paningin. Nahihirapan man, nagawa kong ibulong sa hangin ang hudyat ng ikatlong digmaan.
"Adam..."
* * * * *
Kilala ang Verdantia bilang isa sa pinakamapayapa at pinakatahimik na bansa kasunod ng Nimbusia. Ang lupain na pinagpala sa biyaya ng kalikasan.
Ang tahanan ng mga pinaka-matalinong nilalang sa Veridalia.
Iminulat ko ang aking mata. Madilim. Sinubukan kong kumurap ngunit nanatiling madilim ang paligid.
Napahawak ako sa aking noo nang maramdaman ang sakit doon. May nakapa akong malagkit kaya alam kong nagdurugo ang aking sugat. Napangiwi ako dahil sa hapdi.
Kinapa ko ang aking paligid at mabilis ko namang naramdaman ang pader. Mukhang nasa maliit na kulungan lamang ako. Muli kong hinawakan ang pader at napamura nang malamang bakal ito.
Inilapat ko ang aking palad sa bakal, pinakiramdaman ang init na dumadaloy sa labas. Bumababa ang temperatura. Ibig sabihin, malapit nang maggabi. Bumuntong-hininga ako. Malapit na silang dumating.
Umupo muna ako nang ilang sandali. Sinandal ko ang aking likod at ulo sa malamig na bakal at muling bumuga ng hangin. Kailangan ko pang maghintay ng ilang minuto at magpahinga.
Pinroseso ko ang mga impormasyon na nakalap ko ngayong araw. Ang Misthaven. Ang Verdantia. Ang prinsipe. Ang madilim na layunin.
Dumaloy sa aking dibdib ang galit. Naramdaman ko ang init sa buo kong katawan; nagbabaga at hindi maaapula.
Tama nga siya.
Tauhan lang ang lahat.
Habang nagkakagulo ang lahat, nanonood lamang sila, naghahanap ng magandang pagkakataon. Nagngitngit ang aking mga ngipin sa poot ngunit hindi ko ito hinayaang lukubin ako.
Nang maibalik ang lakas, kaagad kong inilapat ang dalawa kong palad sa magkabilang gilid. Pinikit ko ang aking mga mata at ngumisi, kasunod no'n ay ang tunog ng pagsabog. Sandaling nabalot ng usok ang paligid bago ko narinig ang sigawan ng mga bantay.
"Ashna sentu, nakatakas siya!"
"'Wag niyong hayaang makatakas!"
Lumagablab ang hangin nang magpakawala ako ng apoy sa magkabilang gilid ko. Tumalsik ang mga bantay na sumubok na lumapit sa akin.
Sabay-sabay na pumadyak sa sahig ang mga natitira kasabay ng magaspang na pagtunog ng umaangat na lupa. Ngumisi ako. Sinusubukan na naman nila akong ikulong gamit ang lupa.
Sunod-sunod na pinagsusuntok ko ang hangin at ang apoy na lumalabas sa kamao ko ay direktang tumatama sa mga lupang nakapaligid sa akin. Nang mabalot ng alikabok ang paligid, pumadyak din ako sa lupa at ininat ang dalawang braso sa magkabiling gilid dahilan ng pagkawala ng apoy at pagsabog ng pader.
Nang makatakas sa harang ay kaagad akong tumakbo papalayo sa lugar. Napatingin pa ako sa aking likod at kaagad na napasimangot nang makitang humahabol pa rin sila. Tumigil ako at gumuhit ng bilog na apoy sa hangin. Sinuntok ko ang gitna nito dahilan upang dumaloy ang pabilog na apoy patungo sa kanila. Tiyak na hindi sila makakalabas.
Nang tuluyang makalabas sa lugar na pinagkulungan nila sa akin, kaagad na umangat ang tingin ko sa kalangitan. Nakahinga ako nang maluwag nang makita na dalawang buwan pa lamang ang nandoon.
Hindi pa ako huli.
Bumalik ako sa pagtakbo ngunit nabigla na lamang ako nang may biglang humatak sa akin. Magpapalabas pa lang sana ako ng apoy nang makita kung sino ito. Kumunot ang aking noo.
"Nandito na sila."
Nakahinga ako nang maluwag sa ibinalita ni Galea. Binitawan niya na rin ako. May hinahanap ang aking mga mata kaya nilibot ko ang paningin. Kaagad namang bumukas ang lupa sa tabi namin at lumabas doon ang nilalang na hinahanap ko.
"Naharang ko na ang mga lagusan." Mukhang hindi niya pa ako napansin no'ng una ngunit nang mapansin niya na, malawak na ngiti ang ibinigay niya sa akin. "Tagal mo natulog, Elio. Akala ko babaliin mo ang plano."
Umikot ang aking mata sa kaniyang sinabi. "Nasa gitna na sila ng paaralan. Inihahanda na nila ang kanilang mga sarili."
"Kailangan na nating pumunta roon." Nang tumango sila ay sabay-sabay kaming tumakbo. Wala ng pagala-galang mga bantay kaya tiyak na nagtipon ang lahat sa gitna ng paaralan.
Mabilis naming narating ang sentro ng paaralan. Agad naming natanaw ang kumpol ng mga nakaitim na baluti na nakapalibot. Natanaw ko rin na nakatayo ang mga monarka ng Misthaven katabi ang mga pinuno ng Verdantia.
Nasa harap nila si Lumineya, nakaluhod. Uminit ang sulok ng aking mata nang dahil sa kaniyang sitwasyon. Wala siyang kalaban-laban.
"Sa sandaling magpakita ang ikatlong buwan, magsisimula na ang lahat." Nasaksihan ko kung paanong magsigawan ang lahat. "Ibabalik natin ang kapangyarihan ng ating mga bansa."
Sa kabila ng nagngingitngit kong galit, nagawa ko pa ring ngumisi nang madinig ang sinabi ng hari ng Misthaven.
Hangal.
"Paumanhin, ama..."
Napatigil ako nang marinig ang pamilyar na boses. Nanlaki ang aking mga mata. Narinig ko ang mga mura na lumabas sa bibig ni Adam, samantalang bumalatay naman sa mukha ni Galea ang kaba.
Pinanood ko kung paanong magbago ang ekspresyon ng mga pinuno nang dahil sa simabi niya. Napalunok ako nang humakbang ito palayo sa mga pinunong nakatingin lamang sa kaniya.
Anong ginagawa niya?
"Hindi ko na kayang tiisin ang ginagawa ninyo." Ibinaba niya ang balabal kaya kaagad na lumitaw ang buhok niyang hanggang balikat. "Hindi ko hahayaang magtagumpay kayo." May inilabas siya na nagpalaki hindi lamang sa mga mata namin, gan'on na rin sa mga pinuno.
Hawak ni Felicity ang Tempus Nexus.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top