Kabanata 22: Digmaan

Digmaan

Sino si Dylan?

Tumitig ako sa aking kamao na nakabalot sa benda. Napakagat ako sa aking ibabang labi nang makaramdam ng kirot doon. Hindi ko na nagawang gamutin ang aking palad bago umalis sa Nimbusia, tapos ay ginamit ko pa ito sa pakikipaglaban kaya naman masakit ito kapag ginagalaw.

Bumalik ang aking diwa sa tanong na naglaro sa aking isipan. Naalala kong tinanong ko rin sa aking sarili ang bagay na ito. Hindi ako makapaniwalang sa matagal naming pinagsamahan, bigo pa rin akong makilala siya. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin pala siya tuluyang nakikilala.

"Masaya akong nakabalik ka nang ligtas, Elio." Umangat ang tingin ko sa nagsalita. Napansin ko kaagad ang malawak na ngiti ni Adam, ngunit hindi na katulad ng dati ang kaniyang mga mata. Hindi na ito masigla.

Umupo siya sa aking tabi. Nagtayo ng mga pansamantalang kubo ang mga nakatakas sa akademiya at dito kami kasalukuyang nananatili habang hindi pa namin nababawi ang paaralan. Dahil gabi na, kakaunti na lamang ang mga nananatili sa labas.

Pinanood ko ang pagsayaw ng apoy at paglipad ng baga. Umangat ang aking tingin sa kalangitan at nakitang wala ang mga buwan. Tanging mga bituin lamang ang nasa kalangitan. Bumaling ang tingin ko kay Adam nang marinig ang paghikbi nito.

"Nahihiya akong lumapit sa kanila, Elio..." Bumigat ang aking dibdib nang marinig ang boses niyang nanginginig. "Pinagkalulo ng bansa namin ang buong mundo."

Humarap ako sa kaniya at hinawakan ang kaniyang balikat. "Pinagkalulo ng mga sakim na Terran at Aquarian ang mundo. Hindi mo - o ninumang Terran na naririto - kasalanan ang kasalanan ng iba ninyong kalahi." Hindi ko alam kung tama pa ang aking sinasabi ngunit wala akong alam na salitang makapagpapagaan sa kaniyang damdamin.

"Maraming napaslang na mag-aaral sa akademiya." Namuo ang luha sa aking mata nang dahil sa sinabi niya ngunit pinigilan ko ito. Alam ko. Nakita ko ang kalagayan ng akademiya. "Hindi kaya ng konsensiya kong isipin na mga kalahi ko ang pumaslang sa kanila."

Wala sa sariling niyakap ko na lang siya para tumahan na siya. Wala na rin akong maisip na salita na sasabihin sa kaniya kaya ito na lang ang magagawa ko. Yumakap siya sa akin pabalik at mas lalong lumakas ang kaniyang paghikbi.

Nang tuluyan na siyang tumahan, kaagad siyang nagpaalam na hahanapin si Galea. Tumayo na rin ako at lumayo sa kanilang lahat. Kailangan kong mag-isip.

Tiyak na sa bawat oras na lumilipas, gumagawa na rin ng paraan ang mga kalaban upang matuklasan kung paano mapagana ang Tempus Nexus. Sa kabila ng hiwaga ng kasangkapang ito, hindi magiging madali ang paraan upang mapagana ito. Hindi ko alam kung paano sapagkat hindi naman ako nagka-interes sa bagay na ito. Ang akala ko kasi ay nawasak na.

Kailangan na naming kumilos bago pa mahuli ang lahat.

Hindi ko alam kung gaano katagal akong nanatili sa dilim. Naramdaman ko na lamang ang pagdating ng isang nilalang at pagtabi nito sa akin. Tiningnan ko kung sino ito at hindi na nagulat nang makita si Galea.

"Babalik ako sa akademiya bukas." Hindi siya lumingon sa akin. Dahil madilim, hindi ko rin makita ang reaksyon niya. "Susubukan kong hanapin si Dylan."

"Ikaw lang mag-isa?" Tumingin ako sa malayo. Napalunok ako.

"Kung-,"

"Isama mo si Adam." Nanlaki ang aking mata sa kaniyang sinabi. Hindi pa rin siya tumitingin sa akin. "Hindi ligtas na bumalik nang mag-isa sa akademiya. Sa ginawa mong paglusob, tiyak na mas paiigtingin nila ang bantay."

Hindi na lamang ako sumagot. Hindi ko alam kung papayag bang sumama si Adam sa akin ngunit kung hindi ay hindi ko rin naman ipipilit. Kaya ko namang harapin muli ang aming mga vivar.

Matagal na namayani ang katahimikan sa pagitan namin ng babae. Humuhuning muli ang mga kuliglig sa paligid; ganoon din ang mga palaka sapagkat katatapos lamang ng ulan kanina.

"Ihahanda ko sila."

Tumingin ako kay Galea nang magsalita ito. Nagsalubong ang aking kilay, hindi maunawaan ang nais niyang iparating. Nakita kong kumilos ang kaniyang kamay at inipit ang takas na buhok sa kaniyang tainga.

"Sa sandaling maagrabyado kayo, bumulong lamang kayo sa hangin." Naging matigas ang kaniyang boses. Nabalot ito ng kakaibang lamig. "Sisimulan ko ang digmaan."

Alam ko namang hahantong ang lahat sa digmaan. Lalo pa't ang magkaparehong panig ay may ipinaglalaban. Ngunit hindi ko maiwasang kabahan sa mga pangyayari. Ito ang unang digmaan na mararanasan ko.

"Galea, may nais lang akong alamin." Hindi siya sumagot. Huminga ako nang malalim. "Kaya mo bang magdala ng mensahe gamit ang hangin?"

"Bakit?" Humarap siya sa akin. "Nagawa ko na ito noon."

Ngumisi ako. "May padadalhan lang ako ng mensahe."

Pinilit ko ang aking sarili na magpahinga. Tiyak na magiging mahaba ang aking araw bukas. Malalim na ang gabi nang maramdaman kong tumabi sa akin si Adam at natulog din. Siguro ay sinabi na ni Galea sa kaniya ang gagawin namin bukas.

Nang magising ako, mataas na ang araw. Si Adam, nakadantay na naman sa akin. Huminga ako nang malalim at hinayaan muna siya sa posisyon niya nang ilang minuto bago ito tinulak paalis sa higaan.

"Nasaan ang kalaban?" Nagulat ako nang bigla itong malakas na sumigaw.

Salubong ang kilay na tumingin ako sa kaniya habang bumabangon. Nakaposisyon pa ang mga braso at binti. Nang makita ako, kaagad na nagbago ang ekspresyon nito at tumayo nang maayos saka tumikhim.

"Malikot ka matulog kaya nahulog ka."

Umalis ako sa kama saka lumabas sa kubo. Nakita ko pa siyang inaayos ang pinaghigaan namin habang bumubulong sa hangin bago ako tuluyang makalabas. Nasalubong ko ang mga kasamahan namin na nag-uusap. May mga paapuyan na rin, mukhang nagluluto sila ng pagkain.

Hinanap ko si Galea. Nakita ko siya sa bangin. Nakatalikod siya sa akin ngunit alam kong alam niya na parating ako. Umangat ang dalawa niyang braso at pinaglapat ito habang nakatapat sa kaniyang dibdib. Mukhang nananalangin siya.

"Naipadala ko na ang mensahe mo." Tumindig ako sa kaniyang tabi. Napangiti ako habang tinatanaw ang mga burol at gubat na nasa tapat namin. Banayad ang pag-ihip ng hangin.

"Mamaya-maya na ang alis namin ni Adam." Bumuga ako ng hangin. May parte sa aking gustong manatili na lamang dito at takasan ang kaguluhan. "Hindi ko alam kung anong kahahantungan ng gagawin namin, Galea. Hindi ko alam kung magtatagumpay tayo."

Bumuntong-hininga siya. "Maraming bagay ang walang kasiguraduhan, Elio. Pero hindi kasama do'n ang tagumpay natin." Tumingin ako sa kaniya ngunit nanatiling malayo ang kaniyang tingin. "Naniniwala kami sa 'yo."

Bumalik ako sa kubo kung nasaan kami na nananatili ni Adam ngunit isang hindi inaasahang tanawin ang bumungad sa akin. Bumuka ang aking bibig sa gulat. Nakita ko kung paano sila sabay na humarap sa akin at sinalamin ang reaksyon na meron ako.

"E-Elio..."

Ihahakbang ko pa lang sana ang aking paa palapit nang biglang may nakaangat nang lupa sa aking harap. Napatingin ako kay Adam at napalunok pa ito habang nakatingin sa akin.

"H-Hindi siya kalaban, Elio."

Tumawa ako saka hinawi ang batong nakalutang sa harap ko. Napanganga lang si Adam nang dahil sa ginawa ko. Lumapit ako sa babaeng nagtatago sa likod ni Adam.

"Felicity, masaya akong makita kang muli." Nakita kong mag-angat ng tingin sa akin ang babaeng nakasuot ng kulay abong balabal. Namuo ang luha sa kaniyang mata. "Ngunit, anong ginagawa mo rito? Hindi ikasisiya ng hari't reyna kapag nalaman nilang bumibisita ka sa mga kalaban."

Umalis siya sa pagtatago sa likod ni Adam at lumapit sa akin. Naramdaman ko na lamang na niyakap niya ako kaya naman napangiti ako. "Patawad, Elio. Hindi ko sila napigilan. Natatakot ako."

Hinaplos ko ang kaniyang buhok upang tumahan siya. "Wala kang kasalanan, Felicity. Nauunawaan ko ang desisyon mo."

Halata sa kaniyang mga mata ang pagod at pagtangis. Mukhang katulad ni Adam, pinagdurusahan niya rin ang konsensiya mula sa kasakiman ng sarili nilang mga bansa. Nang tumahan siya, kaagad kaming naupo. Lumabas si Adam upang kumuha ng pagkain naming tatlo.

"Lumabas sila ama ng akademiya." Napatingin ako sa kaniya nang magsalita siya. Tulala lamang siya. "Nakalabas ako sa akademiya nang dahil do'n." Hinayaan ko siyang magsalita. "Elio, natagpuan na nila ang ikalimang Sylpari."

Kumalabog ang aking dibdib nang dahil sa kaniyang sinabi. Napatingin ako sa kaniya at nakitang muli na namang namuo ang luha sa kaniyang mga mata. Bakas na bakas ang takot sa kaniyang mukha.

"G-Gagamitin nila ang Sylpari ng Diwa upang buksan ang lagusan patungo sa nakaraan." Nanginig ang kaniyang boses nang iwika ang mga katagang 'yon. "Sa t-tulong ng diwa ng mga namayapa noong ikalawang digmaan at paglabas ng ikatlong buwan, ibabalik nila ang nakaraan."

Tumingin siya nang diretso sa aking mga mata kasabay ng walang tigil na pagdaloy ng luha sa kaniyang pisngi. Napansin kong nanunuyo na ang kaniyang labing nagbabalat.

"Maglalaho tayong lahat."

Pumasok si Adam sa kubo at naabutan ang kalagayan namin ni Felicity ngunit wala sa kaniya ang aking atensiyon. Nalaman na nila ang daan upang magamit ang Tempus Nexus.

"Adam, kailangan na nating magtungo sa akademiya." Tumayo ako at kumuha ng espada.

"H-Ha? Teka, hindi pa tayo kumakain-," Napatigil siya nang tumingin ako sa kaniya. Lumunok siya saka tumango. "Felicity-,"

"Sasama ako pabalik. Hindi ako maaaring magtagal dito." Naiinis na napabuntong-hininga si Adam at marahas na napakamot sa kaniyang ulo. "Walang ideya ang hari at reyna na nasa Bellamy ang mga nakatakas. Kapag nanatili ako rito, tiyak na malalaman nila."

Tumango lamang si Adam at inilapag sa lamesa sa tabi ng kama ang dala niyang pagkain. Kinuha niya ang kaniyang mga baston na nakasabit. "Humawak kayo sa balikat ko." Iniluhod niya ang isang tuhod sa lupa kasabay ng paglapat ng kaniyang palad dito. Sinunod namin ang sinabi niya. "Felicity, sa ibang lugar kita ilalabas. Hindi ligtas na makita kang kasama kami."

Naramdaman kong parang naging tubig ang lupang inaapakan namin kasabay ng aming paglubog. Puro kadiliman lamang ang nakita ko ngunit ilang sandali lang ay lumiwanag muli. Inilibot ko ang aking paningin at namangha nang makitang nasa loob na kami ng akademiya. Hindi na namin kasama si Felicity.

"Susunod ako sa tahanan ng mga Sylpari. Susubukan kong harangin ng bato ang tarangkahan upang hindi kaagad makapasok ang mga nasa labas." Tumango lamang ako sa kaniya.

"Mag-iingat ka." Magkasabay naming binigkas ang mga katagang 'yon bago kami humiwalay sa isa't isa.

Agad akong tumalon at ginamit ang apoy upang pabilisin ang aking paglipad. Sa sandaling maubos ang apoy ay bumabalik ako sa pagtakbo ngunit kaagad ding ginagamit muli ang apoy kapag nakapagpahinga. Mabuti na lamang at wala akong masyadong nakasalubong kaya mabilis kong narating ang tahanan ng mga Sylpari.

Naabutan kong may mga nagbabantay. Bago pa man nila magawang bumunot ng espada, kaagad na silang tinupok ng mga bolang apoy na kumawala sa kamay ko. Tumakbo ako palapit sa pintuan at hindi nagdalawang isip na pasabugin ito. Pumasok ako sa nag-uusok na pintuan ngunit kaagad ding tumalsik palabas nang maramdamang tumama sa akin ang isang malakas na puwersa.

Paupo akong bumagsak sa lupa at kaagad na napangiwi. Tiningnan ko ang umuusok pa ring pintuan at nakita ang silweta ng nilalang na umatake sa akin. Kaagad na namuo ang luha sa mata ko nang makilala ito ngunit pinigilan ko ang aking emosyon. Tumayo ako kasabay ng paglabas ni Dylan sa pintuan; nakapaligid ang tubig sa kaniya.

Pinalabas ko ang apoy na kaagad namang bumalot sa aking kamao. Nagkatitigan ang aming mga mata. Hindi ko na makilala ang kaniyang mga mata. Hindi ko na mahanap ang kapayapaan sa mga asul na bagay na iyon.

"Umalis ka na." Nabasag ang aking puso nang marinig ang kaniyang tinig. "Wala na kayong lugar dito."

"M-Mahina ka, Dylan..." Tuluyang dumaloy ang luha sa aking mata nang makapagsalita ako. "Napakahina mo..." Humakbang ako nang isang beses palapit sa kaniya. Nakita ko ang pag-igting ng kaniyang panga. "Naririnig mo ako? Mahina ka!"

Hindi ko na naihakbang ang aking paa nang mabalot ito ng yelo. Bumaba ang aking tingin doon at kaagad na tumalim ang pagkakatitig sa mga yelo. Kaagad kong pinasabog ang mga 'yon at inatake siya. Sinuntok ko ang hangin at lumabas ang apoy doon. Walang kahirap-hirap niyang pinasabog ang apoy.

Hindi ko inakalang hahantong kami sa ganito. Tumalon ako at hinagisan siya ng apoy. Nang bumagsak, kaagad kong sinipa ang aking paa kaya umagos ang apoy papunta sa puwesto niya dahilan ng kaniyang pagtalon. Pataas akong nagbato ng apoy na sinalubong naman kaagad ng kaniyang tubig.

Pareho kaming matalim na nakatingin sa isa't isa na parang hindi kami magkakilala. Ramdam ko ang pag-apoy ng aking mata dahil sa galit, samantalang nanatiling malamig at malalim ang kaniyang titig.

Hindi ko inakalang magiging magkalaban kami sa digmaan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top