Kabanata 21: Ang Hari

Ang Hari

Hindi ko inakala na sobrang makapangyarihan ng nakaraan.

Nagawa nitong bumali ng pagkakaibigan. Nagawa nitong sumira ng mga pangako. Nagawa nitong pagkaitan ng kapayapaan ang mundo. Nagawa nitong baguhin ang kapalaran.

Nagawa nitong baguhin ang kuwento.

Hindi tumigil ang pagtulo ng luha sa aking mga mata habang nakayuko. Tinutupok na ng apoy ang tarangkahan ng akademiya mula sa apoy na kumawala sa akin. Pinanghinaan ako ng loob nang dahil sa sinabi ni Galea.

Nakuha na nila ang Tempus Nexus.

Hawak na nila ang kapalaran ng mundo.

"M-May mga nakatakas ba?"

Umangat ang aking tingin sa dalawang nilalang na nasa aking harapan. Mahapdi na ang aking mata ngunit tumigil na ang pag-agos ng aking luha. Sabay silang tumango kaya naman nakahinga ako nang maluwag.

"Patungo sila sa Bellamy." Ito ang bayan na malapit sa Valthyria. Nasa pagitan ito ng kanluran at hilaga ng akademiya. "Susunod tayo roon."

Tumayo ako at suminghap. Tiningnan ko silang dalawa. Umangat din ang kanilang mga tingin sa akin. Kahabag-habag ang kanilang kalagayan.

"Adam, gamitin mo ang lupa upang mabilis kayong makarating doon." Bumuka ang bibig ng lalaki bago magsalubong ang kaniyang mga kilay.

"K-Kayo?" Umiwas ako ng tingin at hindi sumagot. Narinig ko ang pagsinghap niya nang mapagtanto ang nais kong iparating. "Hindi ka namin iiwan!"

"Galea, naniniwala akong magagawa niyong protektahan ang iba pang mag-aaral." Hindi ko pinansin ang sinabi ni Adam. Dahan-dahang tumango ang babae sa aking sinabi.

"Galea, 'wag kang papayag!" Nakita kong gustong tumayo ni Adam ngunit masyado na itong nanghihina. "Pilitin mo siyang sumama sa atin!"

Hindi sumagot si Galea kaya naman halos sumigaw si Adam. Tiningnan niya ako, nagmamakaawa ang mga mata na huwag akong magpaiwan. Ngumiti ako.

"Hindi ako mawawala, Adam."

Nakita kong sunod-sunod na bumagsak ang kaniyang luha. Umiwas ako ng tingin at tumingin sa bukas nang tarangkahan ng akademiya. Nawasak na ang tarangkahan. Bumalik ang tingin ko at nakita kong inilapat na nito ang kaniyang palad sa lupa kaya naman napangiti ako.

"'Wag kang mawawala, Elio."

Ilang sandali lang ay tuluyan na silang nilamon ng lupa. Napatitig ako sa puwesto kung nasaan sila nakaupo kanina. Huminga ako nang malalim saka pumikit. Nang magmulat ng mata, kaagad na binalot ng apoy ang dalawa kong kamao.

Kaagad akong pumasok sa akademiya. Bumigat ang pakiramdam ko nang maabutan ang mga nakahandusay na mga mag-aaral, ang iba ay ang mga nilalang na naka-itim na baluti. Nilibot ko ang aking paningin at nanlumo nang makita ang wasak na dormitoryo ng mga Zephyrian.

Lumapit ako sa isang bangkay at kinuha ang espada nito. Wala na akong panahon upang pumunta sa kamara ng mga sandata sapagkat nakita ko na may mga sasalubong sa akin. Pinaikot ko ang espada sa hangin. Kasabay ng matalim na tunog, gumuhit ang apoy sa nadaanan ng aking patalim.

"Ang lakas ng-!"

Hindi ko pinatapos ang pagsasalita ng kalaban at kaagad na binato ito ng apoy. Naalerto naman ang mga kasama niya nang makitang tumalsik ang umuusok nitong katawan. Napangisi ako.

Itinutok ko ang talim ng espada sa grupo nila. May anim pang natitira. Nagkatinginan sila at tumango sa isa't isa. Kumilos sila at bago ko pa mapagtanto, nakapaligid na sila sa akin.

Sumigaw ang nasa harap ko at nauna itong sumugod. Nang aktong hahampasin niya na ako, hinampas ko ang espada niya at sinipa ang mukha nito kaya napunta ako sa kaniyang likod. Kaagad kong pinakawalan ang apoy sa aking palad na agad namang tumama sa kaniyang likod dahilan ng pagtalsik nito.

Sumunod naman ang dalawa. Una kong hinampas ang espada ng nasa kanan ko at hinampas ang espada ng nasa kaliwa. Pagkatapos no'n ay hiniwa ko ang tiyan ng nasa kanan; umikot ako at hiniwa naman ang tagiliran ng nasa kaliwa.

Sabay-sabay na sumugod ang tatlong natitira. Bumuo ako ng apoy sa kaliwa kong kamay at pinakawalan ito sa nilalang na nasa gitna. Tumakbo ako palapit sa dalawa pang natitira. Hinampas ko ang espada ng nilalang na nasa kanan. Yumuko ako nang ipadaan nito sa aking taas ang kaniyang espada saka sinugatan ang binti nito kaya napaluhod siya. Pumunta ako sa kaniyang likod at hinawakan ang kaniyang buhok at ginilitan siya ng leeg sa harap ng kasamahan niya.

Napahinto ito. Sinipa ko ang likod ng ginilitan ko saka tinutukan ng apoy ang nasa harapan ko. "Nasaan ang prinsipe ninyo?"

Hindi ko makita ang kaniyang reaksyon dahil may takip ang mukha nito. "N-Nasa tirahan ng mga Sylpari. Paki-usap 'wag mo 'kong sasaktan."

Ibinaba ko ang kamay kong may apoy saka tumalikod na sa kaniya. Hindi pa man ako nakakahakbang ay kaagad ko nang naramdaman ang pagbulusok ng isang bagay sa akin. Agad akong humarap at pinasabog ang bato gamit ang apoy. Nagliyab ang aking mata sa galit.

Natabunan ng alikabok ang paligid kaya wala akong makita. Narinig ko na lamang ang mga yabag papalayo sa lugar kung nasaan ako.

"Ashna sentu." Siguradong magsusumbong ang isang 'yon.

Tumakbo ako palayo. Kapag may nakakasalubong ako ay hinahambalos ko na lamang ng apoy. Natatagalan pa ako lalo na sa mga Terran dahil gumagamit din sila ng elemento.

Ininat ko ang aking braso saka gumuhit ng bilog sa hangin gamit ang dalawang kamay. Sumunod sa galaw ng aking kamay ang apoy. Nang tagumpay na mabuo ang singsing na apoy, sinuntok ko ang gitna nito. Kaagad na tumalsik ang apoy sa apat na nilalang na papalapit sa akin.

"Hindi kayo ang gusto kong makita."

Bumalik ako sa pagtakbo papunta sa tahanan ng mga Sylpari. Alam kong alam na ngayon ng mga kalaban na may nakapasok na Pyralian sa loob ng akademiya ngunit ipinagsawalang bahala ko ang bagay na 'yon.

Nagngitngit ang ngipin ko nang makitang umangat ang lupa sa aking harap; gumagawa sila ng bakod upang maharang ako. Tumalon ako at umikot sa hangin bago sumipa. Kumawala sa aking paa ang malakas na apoy na kaagad wumasak sa pader na lupa.

Bumagsak ako nang nakaluhod ang kanang tuhod at nakatukod ang kaliwang kamay. Umangat ang tingin ko sa apat na Terran. Inangat ko ang kaliwa kong braso at sinuntok ang lupa gamit ang kanang braso. Sumabog ang napakalakas na apoy dahilan upang tumalsik ang apat na Terran na nasa aking harap. Nagtaas-baba ang aking balikat dala ng pagod.

Tatayo pa lang sana ako nang bigla kong maramdaman ang pagtama ng isang bagay sa akin. Tumalsik ako't gumulong nang ilang beses sa lupa. Malamig. Nanlaki ang aking mata.

Tubig.

Nakarinig ako ng halakhak kaya naman nanginginig akong bumangon. Masakit ang pagtilapon ko kaya naman nahirapan akong bumangon. Umangat ang aking tingin sa nilalang na tumatawa. Napalunok ako.

Kaharap ko ang isa sa mga monarka.

Ang hari ng Misthaven.

"Kamangha-mangha ang ipinakita mo, bata." Ngumisi siya. Napaatras ako nang isang beses. Mas lalong lumawak ang kaniyang ngisi nang mabasa ang takot sa mukha ko. "Umaasa ka bang mababawi niyo pa ang Tempus Nexus?"

Sumama ang tingin ko sa kaniya. Ipinosisyon ko ang aking mga braso at paa, walang balak na atrasan siya. Matunog ang pagngisi nito. Nagliyab ang aking kamao. Iwinasiwas ko ang kamay ko mula baba, pataas. Gumawa 'yon ng matalim na apoy. Gan'on din ang ginawa ko sa kabilang kamay kaya dalawang matalim na apoy ang umatake sa hari.

Pinatamaan niya lang ng tubig ang atakeng 'yon at kaagad na sumabog ang tubig at apoy sa ere. Tumalon ako at sinuntok ang hangin, dahilan upang dumaloy ang apoy patungo sa kaniya. Nakita kong umikot siya at ininat ang kaniyang braso. Tumapat sa apoy ang kaniyang palad na nakabukas at kaagad na lumabas doon ang tubig.

Dumagundong ang paligid nang magsalpukan ang elemento namin. Napaligiran ng usok ang paligid nang dahil doon. Mabilis din naman 'yong naglaho kaya bumalik ako sa pagsuntok sa hangin na gumagawa naman ng mga bolang apoy. Winawasiwas lamang ng hari ang kaniyang kamay at sunod-sunod na sumabog ang mga apoy sa ere.

Sumirko ako sa hangin at kaagad na lumabas sa paa ko ang apoy na kaagad humambalos sa hari. Nakita ko ang pag-atras nito nang tamaan kaya umangat ang sulok ng aking labi. Nang magtama ang mata namin, nakita ko ang galit sa mata nito. Nasunog ang kasuotan niya.

"Aanhin niyo ang Tempus Nexus kung hindi naman kayo marunong gumamit?" Ngumisi ako. Nakita ko ang pagbalatay ng gulat sa kaniyang mata.

"W-Wala kang alam!" Pumadyak siya sa lupa bago iniunat ang dalawa niyang kamay papunta sa akin.

Pinaikot ko ang aking braso saka iniunat ito katulad ng ginawa niya. Malakas na ragasa ng apoy ang sumalubong sa malakas na ragasa ng tubig. Umalingawngaw ang aking sigaw at napanood ko kung paano maging kulay puti ang kulay ng apoy na pinakawalan ko. Natupok ng apoy ang tubig na pinakawalan ng hari. Nang maglaho ang apoy, parehas kaming nakaluhod na sa lupa.

"P-Paano mo nagawa sa sarili mong anak ang mga bagay na 'yon?" Sumikip ang aking dibdib nang itanong ang bagay na iyon. Nanlaki ang kaniyang mata. "Anong kasalanan niya?"

"Manahimik ka!" Hinampas niya ang hangin at sunod-sunod na lumabas ang mga yelo sa lupa.

Nanlaki ang aking mata at sunod-sunod na sumirko patalikod hanggang sa makalayo sa yelo. Napamura ako nang mawala siya sa aking paningin. Napalingon ako sa aking gilid ngunit huli na sapagkat nagawa na nitong makalapit sa akin at sipain ang tiyan ko habang nakaluhod pa rin ako sa lupa. Tumalsik ako ngunit kaagad ding tumama ang aking likod sa yelong binuo niya.

Napapikit ako nang maramdaman ko ang pag-agos ng dugo mula sa aking ilong. Nang magmulat, kaagad akong bumangon at napaupo sa lupa ngunit kaagad na pumalibot sa akin ang matutulis na tipak ng yelo na nakalutang.

Hindi kalayuan sa akin, nakita ko ang hari na naglalakad papalapit. Nag-aalab ang galit sa kaniyang mga mata. Itinukod ko ang aking braso at tinulungan ang sariling makatayo. Pinunasan ko ang dugo sa aking ilong.

"Kapag nagawa na namin ang aming mga plano..." Malawak siyang ngumisi. Ang mukha niya ay nabahiran na ng uling at alikabok. May sugat na rin siya sa kaniyang pisngi. "Pababagsakin ko ang bansang pinanggalingan mo. Uubusin ko ang lahi ninyo."

Gumanti ako ng ngisi sa kaniya. "Hihintayin ko 'yan, mahal na hari." Humakbang ako nang dalawang beses palapit sa kaniya, hindi alintana ang mga matatalim na yelong nakatutok pa rin sa akin. "Hilingin mo na mapabagsak mo ang Ignisreach, dahil sa sandaling mabigo ka..." Muling nag-alab ang apoy sa aking palad. "Kami ang magpapabagsak sa inyo."

Tumalon ako at ginamit ang apoy upang makalipad papalayo. Umikot ako sa ere upang maiwasan ang mga nakabuntot na yelo sa akin. Bumalik ang tingin ko sa kaniya at nakitang nakatingin lamang ito sa pagtakas ko. Napangisi ako.

Ang susunod na pag-apak ko sa akademiya ang magiging hudyat ng pagbagsak ng dalawang bansang sumira sa kapayapaan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top