Kabanata 20: Pagbagsak

Pagbagsak

No'ng sinabi kong may mali sa kuwento, hindi ko inaasahan na gan'on pala kalala.

Humigop ako sa sabaw na inihanda ng mga Zephyrian para sa amin. Nakita ko ang madalas na pagsulyap sa akin ni Adam ngunit nanatiling nakatungo ang aking ulo. Kasalukuyan kaming tumuloy sa bahay ni Ginang Glen - ang kaibigan ni Galea.

Bumagsak na ang Veridalia Academy.

Lumunok ako. Napatigil lamang ako sa pag-iisip nang matunog na bumuntong-hininga si Adam. Napatingin ako sa kaniya at sinalubong ang seryoso niyang mga mata.

"Kasama niyo kami sa misyon, Elio." Nakita ko ang pagkuyom ng kaniyang palad. Nagsalubong ang kaniyang mga kilay habang mariing nakatingin sa akin. Nilabanan ko ang mata niya. "Bakit parang ang layo niyo sa amin? Bakit parang hindi niyo kami kasama?"

Tumitig lamang ako sa kaniya. Si Nick ay tumigil na sa pagkain at tumingin lang din sa amin. Tiningnan ko ang nakakuyom na palad ni Adam bago umiling.

Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanilang dalawa. Pinabagsak ng bansa nila ang tahanan ng pinaka-importanteng bagay sa mundo.

"Bakit hindi pa tayo puwedeng bumalik sa akademiya?"

Nasaan na ba si Galea?

Nang hindi ako sumagot, inis niyang hinampas ang lamesa at tumayo. Dahil magkaharap lamang kami, inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin. Nababasa ko ang galit at pagkalito sa kaniyang mga mata ngunit hindi ako nagpatinag.

Hindi pa oras para malaman nila.

"Kung gan'on..." Ngumisi siya nang magtapat ang mukha namin. "Aalamin ko ang lahat. Lahat ng bagay na inilihim niyo sa akin. Sa amin."

Lumabas siya sa kusina. Hindi ko siya pinigilan. Nakita ko ring tumayo si Nick at sumunod sa lalaki palabas. Sumandal ako sa upuan at huminga nang malalim.

"Babalik sila sa akademiya."

Napatingin ako sa pumasok na si Galea. Nabasa ko ang pag-aalala sa kaniyang mukha. Nanatili siyang nakatayo sa pintuan, malayo ang tingin.

"Hindi ko hahayaan si Adam na ipahamak ang kaniyang sarili." Yumuko ako at pinaglaruan ang aking mga kamay. "Paumanhin, Elio, ngunit kailangan na rin nating bumalik sa akademiya. Hindi natin matatakbuhan ang gulong ito."

Matapos no'n ay iniwan niya na ako. Kumunot ang aking noo at mahigpit na napakapit sa babasaging baso na hawak ko. Narinig ko ang pagkabasag nito kaya agad akong napatingin sa palad kong nagdurugo. May mga bubog na nakabaon sa palad ko ngunit hindi ko maramdaman ang sakit.

"Anong nangyari?"

Natatarantang pumasok ang isang ginang. Si Ginang Glen. Nanlaki ang kaniyang mata nang makita ang basong nabasag at ang palad kong nagdurugo. Lumapit siya at sinimulang pulutin ang mga bubog.

"P-Pasensiya na po..." Nakaramdam ako ng hiya. Nakasira pa ako ng gamit. "Hindi ko alam kung anong nangyari."

"Ayos lang. Nai-kuwento sa akin ni Galea ang naganap at ang mga nasa likod ng kaguluhan." Napailing na lamang siya habang patuloy pa ring dinadampot ang mga bubog. "Mukhang hindi talaga titigil ang mga Aquarian hangga't hindi naibabalik ang prinsipe ng kanilang bansa."

Kumunot ang aking noo sa kaniyang sinabi. Sinimulan kong alisin ang mga bubog na nakabaon sa aking palad at napapangiwi pa. Tumayo siya nang tagumpay niyang mapulot lahat ng bubog.

"Naku, kailangang magamot ng mga sugat mo." Aalis na sana siya nang magtanong ako.

"Nawawala po ba ang prinsipe ng Misthaven?"

Napahinto siya, nakatalikod na sa akin. Nakita ko kung paano umangat ang kaniyang balikat, palatandaan na nagulat ito. Mas lalo akong naguguluhan.

Nawawala ba si Dylan?

Ang sabi ni Galea ay nasa akademiya na siya kasama ang mga monarka. Kasama siya sa pagpapabagsak ng akademiya.

Binalot ng kilabot ang aking diwa. Hindi ako nilingon ng matanda, sa halip ay huminga lamang ito nang malalim. "Ang ikalawang digmaang pandaigdigan."

Ang digmaang hindi lingid sa kaalaman ng lahat. Ngunit ang digmaan din na pinaka-inilihim. Ano pa bang nangyari no'ng mga panahong 'yon?

Ano pa bang itinatago ng kasaysayan?

"Maraming binawing buhay ang digmaang 'yon. Maraming pinagkaitan ng kinabukasan." Humarap siya sa akin. Nakita ko ang hinagpis sa kaniyang mukha. "Nasaksihan ko lahat. Kung paano bumagsak ang kaharian ng Misthaven dahil sa pagkawala ng susunod na henerasyon."

Ang pagkawala ng susunod na henerasyon.

Suminghap ako nang may mapagtanto. Nanlabo ang aking mga mata at naramdaman ko ang pag-init no'n. Yumuko si Ginang Glen.

"Babalik sa nakaraan ang mga Aquarian upang iligtas ang susunod na henerasyon." Bumagsak ang luha sa aking mga mata. Iniling ko ang aking ulo, hindi na ninanais na marinig ang mga kasunod niyang sasabihin. "Ililigtas nila ang prinsipe sa kapalaran niya."

Umangat muli ang kaniyang ulo at nagtama ang aming paningin. Naramdaman ko ang pagdaloy kakaibang init sa aking katawan. Isang enerhiyang hindi ko aakalain na magiging ganoon kalakas. Galit.

"Matagal nang patay ang tagapag-mana ng trono ng Misthaven." Literal na huminto ako sa aking paghinga nang madinig iyon. "At sa pagbalik nila sa nakaraan, babawiin nila ang prinsipe."

Dylan.

Nakita ko na lang ang aking sarili na dali-daling tumakbo sa kabayong gamit ko sa paglalakbay. Mag-isa na lamang ito kaya batid kong lumisan na sina Galea.

Walang pag-aalinlangan akong lumulan doon. Mabilis na pinatakbo ko ang kabayo paalis sa Nimbusia; hindi na ako nakapag-paalam sa mga butihing nilalang na tumanggap sa amin. Nililipad ang aking isipan kaya hindi ko napansin na nakapasok na ako sa gubat kung saan nagkaroon ng gulo.

Nadaanan ko ang mga bangkay ng mga nilalang na nakaitim na baluti ngunit hindi ko na lamang ito pinansin at mas pinabilis pa ang takbo ng kabayong sinasakyan ko.

Paglabas ko ng gubat ay umuulan na. Mabilis na nabasa ang aking katawan dahil sa lakas ng ulan. Hindi ko na rin halos makita ang dinadaanan ngunit may tiwala naman ako sa kabayo. Nasa Prolus na ako, kung saan namatay si Merida.

Malakas ang hangin dahil sa ulan. Kumikidlat pa kaya naman napapapikit ako kapag dumadagundong ang kulog. Gayunpaman, nagpatuloy ako sa paglalakbay. Ilang oras na lang ay mararating ko na ang Sahadra.

Paakyat na kami sa burol nang bigla na lamang napatigil ang kabayo kung saan ako nakalulan. Kumunot ang aking noo at tiningnan kung anong nagaganap. Napasigaw ako sa inis nang makitang nakaapak ng kumunoy ang kabayo. Mabilis akong tumalon at kaagad na bumagsak sa maputik na lupa.

Tiningnan ko ang kabayo na sinusubukan pa ring kumawala sa kumunoy ngunit nakalubog na ang kalahati ng binti nito. Napailing na lang ako bago tumalikod at nagsimulang tumakbo paakyat sa burol, iniwan na ang kabayo.

Nagpatuloy ako sa pagtakbo kahit na ramdam ko na ang lamig at pagod sa aking katawan. Tumila na ang ulan ngunit ang ihip ng hangin ay hindi nakatulong sa lamig na nararamdaman ko. Napaluhod ako nang tuluyan ko nang maakyat ang bangin. Nakalapat sa lupa ang aking tuhod at ang aking mga palad.

Humihingal na inangat ko ang aking mukha at napangiti nang makita ang gubat ng Sahadra. Tumingala ako at natanaw ang matayog na pader. Ang Veridalia Academy.

Itinukod ko ang aking braso bago dahan-dahang tumayo at nagpatuloy sa pagtakbo. Ilang minuto lang ay napasok ko na ang gubat. Ilang beses pa akong nadapa, nadulas at napatid sa mga ugat ng puno na nakausli. May mga galos na rin ako sa braso.

Hanggang sa wakas, nakalabas na ako ng gubat ng Sahadra. Bumungad sa akin ang parang at sa gitna nito ay ang prestehiyosong paaralan ng buong mundo. Dahil sa pagod, mabagal na lamang ang aking pagtakbo. Napaluhod ako nang ilang beses ngunit muli akong tumatayo at nagpapatuloy hanggang sa marating ko ang tarangkahan ng akademiya.

Nakasara ang dambuhalang tarangkahang kahoy. Hindi ko alam kung gugustuhin ko bang makita ang nasa likod nito. Hinihingal na napaluhod ako sa tapat ng akademiya. Naramdaman ko ang pag-agos ng mainit na likido sa aking pisngi kaya agad ko 'yong pinunasan.

Hindi ko alam kung ilang minuto ako nakaluhod. Basta, hinayaan ko munang mawala ang pagod sa aking katawan saka ako bumangon. Tinitigan ko ang tarangkahan na gawa sa kahoy bago bumaba sa aking palad ang aking mga mata. May lumalabas na apoy roon.

Napatigil lamang ako sa pagpapalabas ng apoy nang biglang bumuka ang lupa sa aking harapan. Napaatras ako at tinitigan ang butas. Maglalakad pa lang sana ako palapit nang biglang umangat ang isang nilalang habang nakaluhod.

Bumuka ang aking bibig. Umuuga ang balikat ni Adam habang bitbit niya sa kaniyang braso ang duguang si Nick. Kapansin-pansin ang mga galos at sugat sa katawan nila pareho.

Umangat ang tingin sa akin ni Adam kaya tuluyan ko nang nakita ang kalagayan nila. Nanlaki ang aking mga mata at tuluyang nabato sa aking kinatatayuan.

Si Nick. Wala na siya.

Kitang-kita ang sugat sa kaniyang dibdib. May tuyong dugo sa kaniyang bibig at may maliit na sugat sa kaniyang pisngi. Bakas ang pagdurusa sa kaniyang putlang mukha.

Lumipat ang aking tingin kay Adam na noon ay namumula ang mga mata. Mahigpit ang pagkakahawak niya kay Nick. May mga tuyong luha sa kaniyang pisngi.

"A-Adam..."

Napatigil ako sa paglakad nang biglang may bumagsak na nilalang sa tabi niya. Si Galea. Puro galos din ito at nabahidan ng dugo ang puti niyang baluti. Bakas din ang pagod sa kaniyang hitsura.

"P-Patawad, Elio..." Sumikip ang aking paghinga nang magsalita si Adam. "Hindi ko naprotektahan si Nick..."

"Nahuli na tayo, Elio." Bumagsak ang aking tingin kay Galea na noon ay nakayuko lang. "Nagtagumpay na sila."

Hindi maaari.

Tumulong muli ang aking luha.

"Nakuha na nila ang Tempus Nexus."

Napaluhod ako; kasabay no'n ay ang pagsabog ng kahoy na tarangkahan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top