Kabanata 2: Ang Veridalia Academy

Ang Veridalia Academy

"Binabati----!"

Isang mahigpit na kapit sa kuwelyo ang sumalubong sa noon ay maaliwalas na si Diego. Kaagad siyang tumama sa pader at umangat sa sahig. Hindi ko alintana ang hapdi mula sa mga sugat na natamo ko mula sa pakikipagtagisan kay Fria.

"Alam mo ba na puwede akong mamatay dahil sa ginawa mo?" Iwinika ko ang mga salitang 'yon nang dahan-dahan upang maintindihan niya ang nais kong iparating. Dama mula sa aking mababang boses ang galit at dismaya mula sa kaniyang desisyon na hindi man lang niyang kinonsulta sa akin.

Nararamdaman ko ang pagdaloy ng mainit na enerhiya na gustong kumawala mula sa akin. Hindi kababakasan ng takot ang mata ni Diego, ni hindi man lang ito nagpakita ng pagsisisi sa ginawa niya. Hinawakan niya ang kamay ko at walang kahirap-hirap niya 'yong tinanggal sa kaniyang kuwelyo.

"Nakita ko ang kakayahan mo, Leo." Lumambot ang ekspresyon ko nang banggitin niya ang pangalan ko na siya lang ang tumatawag. Pero pinilit kong 'wag ipahalata sa kaniya upang mapagtanto niyang mali ang ginawa niya. "Nakita ko na may potensiyal ka. Sa lahat ng taga-Ignisreach, ikaw ang pinakarapat-dapat na kumatawan sa ating distrito sa akademiyang iyon."

"Alam mong hindi 'yon ang nais ko!"

"Pero 'yon ang kapalaran mo, Elio." Natahimik ako sa kaniyang tinuran. Nanatiling magkasalubong ang aking kilay dahil sa inis. "Bilang isang Pyralian, nais kong mapanatili ang kapayapaan sa distrito. At upang makamit 'yon, kailangan ka namin. Isang mahusay na elementalist. Ikaw ang kailangan ng Ignisreach. Hindi ako, o ang pinsan ko."

Umiwas ako ng tingin. Sa lahat, mas kilala ako ni Diego. Nakita niya ang una kong pagsubok na manipulahin ang apoy gamit ang maliliit kong mga kamay. Nakita niya kung paanong mula sa pagmanipula, nagawa kong gumawa ng sandata mula sa elementong pagmamay-ari namin. Mas kilala niya ang kakayahan ko kumpara sa lahat.

"At isa pa, batid mong sa paraang ito, matutulungan mo ang pamilya mo."

Napabuntong-hininga ako at napapikit. Alam niya din ang kahinaan ko. Aaminin kong minsan ko na ding napag-isipan na subukan ang sumali sa patimpalak na 'yon sapagkat magbubukas iyon ng oportunidad sa aking pamilya. Magiging maginhawa ang kanilang pamumuhay.

Ngunit kapalit noon ay ang paglayo ko sa kanila kaya agad kong binura sa isipan ang plano. Nasa sentro ang akademiya, at nasa hilaga ang aming distrito. Hindi biro ang distansiya nito. Baka isang beses sa isang taon na lamang ako makabisita sa aking pamilya kung sakaling makapasok ako sa paaralang 'yon.

"Alam mong hindi ko kayang malayo sa kanila kaya hindi ko kinonsidera ang isiping sumabak sa paligsahan." Humina at mas naging mahinahon ang aking boses.

"Pero kung ang kapalit naman no'n ay ang paglakas mo at pagginhawa nila, bakit hindi? Gusto kong masaksihan ang pagbukas mo ng mga bagong potensiyal, Leo. Gusto ko na maging isa ka sa malakas na elementara."

Tumalikod ako sa kaniya. Masyadong mabigat ang mga nais niya. Isang bagay lamang ang alam ko na hindi alam ng marami sa Ignisreach. Hindi ako magiging makapangyarihan nang dahil lang doon. Kayang-kaya 'yon aralin ng sinuman na nanaising matuklasan ang hiwaga ng apoy.

"Sa sandaling makapasok ka sa akademiya, hindi na titingnan ng mga kauri natin ang pamilya niyo bilang Cinder!"

Cinders. Ang pinakamababang uri ng mga mamamayan sa distrito ng Ignisreach. Nagmula ako sa isang pamilyang Cinder. Kabaglitaran ng mga Flameborne, lahat ng karapatan ay wala kami. Isa 'yon sa mga nais kong wakasan. Bakit kailangang may Cinder? Bakit kailangang may Flameborne? Bakit hindi puwedeng Pyralian na lamang lahat?

"Umalis ka na. Baka hanapin ka ng Pyrocustos." Nagsimula akong maglakad papalayo sa kaniya.

Hindi ko makinita ang pangangailangan na ako'y hikayatin niya pa sapagkat nakasulat na sa patakaran ng patimpalak na ang nagtagumpay walang pamimilian kung hindi ang tanggapin ang kapalarang naghihintay sa premyong natanggap niya. Sa Veridalia Academy.

Mabuti na lamang at nakipagkasundo si Fria na kung sino man ang makatalo sa kaniya ay agad na tatanghaling panalo kaya hindi ko na kailangang harapin ang iba pang Pyralian. Ganoon kataas ang tingin ng mga Flameborne sa kanilang mga sarili.

"Narito na ako."

Hindi katulad ng mga nakaraang araw, walang gana akong bumati sa aking pamilya. Napabuntong hininga ako bago winasiwas ang kamay at pinatay ang apoy na pinaglalaruan ng aking kapatid, dahilan ng pag-iyak nito. Binuhat ko siya kaya agad siyang tumigil.

"Balita ko'y sumali ka raw sa patimpalak para makapasok sa mataas na akademiya." Malawak ang ngiti ng aking ina nang makalabas ito. Gamit ang tuwalyang nakasabit sa kaniyang balikat, pinatuyo niya ang kaniyang kamay.

"Gano'n na nga, ina." Hindi ko maaaring ilaglag si Diego sapagkat hindi batid ng aking pamilya na may kaibigan akong Flameborne. "Maaaring tama nga kayo."

Katulad ni Diego, nais din ng aking ina na makapasok ako sa akademiya. Ayaw niya daw na sinasayang ko ang aking oras sa pagawaan ng sandata. Ang Ignisreach kasi ang sentro ng pagawaan ng sandata kaya magandang trabaho iyon upang kumita.

"Mabuti naman at napagtanto mo iyan. Masaya akong ikaw ang nagwagi sa labanan." Mabilis ngang kumalat ang balita. Katulad ng apoy sa isang papel. Nauna pang nakauwi ang balita kaysa sa akin.

Hindi na ako nagsalita at kaagad na nagtungo sa aking silid. Labag man sa aking loob ay kinailangan kong maghanda dahil ano mang oras ay darating na ang Pyrocustos - ang tagapamahala ng apoy. Siya ang nangangasiwa sa Ignisreach. Ang ama ni Diego, at ang tiyuhin ni Fria.

Hinatidan ako ng aking ina ng panggamot sa aking galos. Pagkatapos kong gamutin ang aking sugat ay kaagad akong nagpahinga. Nang magising ako ay agad kong nadinig ang mga boses galing sa labas. Nandito na sila.

Naghugas lamang ako ng katawan saka nagsuot ng damit bago sila hinarap. Agad na bumungad sa akin ang isang lalaki may mahaba at maputing balbas na nakikipag-usap sa aking ina. Sa tabi no'n ay isang hindi pa gaanong katandaan. Tumayo ito kaya agad akong yumuko, tanda ng paggalang.

Yumuko din ako. "Magandang araw, Pyrocustos. Ako'y nagagalak na kayo'y nakabisita sa aming tahanan. Maupo kayo."

"Magandang araw din. Binabati kita at nagawa mong magwagi sa taunang paligsahan." Hilaw na ngumiti na lamang ako upang hindi mahalata ang pagka-disgusto ko sa kaniyang tinuran. "Nakarating sa amin ang pinamalas mong kakayahan. Talaga namang kakaiba at kamangha-mangha ang iyong ipinakita. Bilang lamang sa mga nabubuhay pang Pyralian ang nakagagawa no'n."

Matapos ang malawakang digmaan sa pagitan ng mga elemento, labis na naapektuhan ang mga Pyralian. Ang mga may kakayahang bumuo ng sandata gamit ang apoy ay nalipol sapagkat ginawa silang mandirigma. Dahilan 'yon kung bakit natigil ang pagtuturo ng kaalaman sa paggawa ng sandata gamit ang elemento.

Nang walang matanggap na reaksyon mula sa akin, malalim itong huminga. "Hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa. Narito lamang kami upang paalalahanan ka na sa susunod na Linggo, maaari ka nang magsimula sa Veridalia."

Payapa akong nakaupo sa sanga ng isang puno. Mula rito, tanaw ko ang liwanag na nagmumula sa sentro ng distrito. Kilala ang aming distrito bilang ang pinaka-maliwanag na bayan. Hindi natutulog ang bayang ito.

Mula sa aking pagmumuni-muni, naramdaman ko ang presensiya ng isang nilalang sa aking tabi. Hindi ko napansin ang pag-akyat niya sapagkat masyadong abala ang aking isipan. Sa kabila ng sadya niyang pagpapaalam sa akin na nasa tabi ko siya, hindi ko nagawang siya'y lingunin. Sa halip, pinanatili ko ang aking mga mata sa nagniningning na bayan.

"Nauunawaan ko na ikaw ay nagdadamdam pa din nang dahil sa aking nagawa." Bumuntong-hininga siya. "Nais kong humingi ng paumanhin, Leo." Yumuko ako at tumingin sandali sa ibaba. "Naisip ko ang aking ginawa, at napagtanto ang aking kamalian. Totoo man ang aking layuning ilagay ka at ang pamilya mo sa mabuti, batid kong naging makasarili ako nang ako ang gumawa ng desisyon."

Hindi nagawang matahimik ng kapaligiran sapagkat patuloy na gumagawa ng ingay ang mga kuliglig. Sa gitna ng ingay nito ay ang malalim na pagbuntong-hininga ni Diego.

"Hindi ko hangaring galitin ka, o inisin. Hindi ko alam kung kailan, pero umaasa akong mapatawad mo ako. Umaasa akong magagawa mo ulit akong tingnan." Walang sagot na namutawi sa aking bibig. "At umaasa ako na sana, maunawaan mong hindi ako nagsisisi sa aking ginawa. Katulad ng aking sinabi, kailangan ka ng Ignisreach, Leo. Kailangan ka namin."

Batid ko sa aking sarili na hindi ako galit kay Diego. Hindi ko kailanman magagawang magalit sa kaniya. Marahil natatakot lamang ako, na baka dahil sa ginawa niya, tuluyan nang magbago ang aking buhay. Dahil hindi tulad ng iba, nananatili sa aking puso ang takot na ihahatid ng pagbabago. Nais kong manatili sa kung saan ako payapa.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Sa bawat araw na dumadaan, ang tanging ginawa ko lamang ay magtrabaho sa pagawaan ng sandata. Hindi na kami muling nagkita ni Diego. Marahil ay nagsasanay siya sapagkat balita ko'y sa susunod na taon ay sasabak siya sa Tagisan.

Nang sumapit ang huling araw ko sa Ignisreach, maaga pa lamang ay ginising na ako ng aking ina. Iyon ay upang makapaghanda sa aking paglalakbay patungo sa akademiyang anumang oras ay papasukan ko na. Hindi na kasing-bigat ang aking damdamin katulad ng mga nagdaang araw. Marahil ay ito ang aking kapalaran.

"Mag-iingat ka, Elio."

Maliit na ngiti lamang ang aking isinukli sa aking ina. Tumingin ako sa aking kapatid bago ito ibinalik sa aking ina. Nang makita ang karwaheng susundo sa akin, kaagad akong nagmano sa aking ina bilang paalam.

"Hanggang sa muli, Ina. Alagaan mo ang iyong sarili at ang aking kapatid."

Huminto sa tapat namin ang karwahe. Isinakay ko ang aking mga gamit bago ako lumulan. Muli akong lumingon sa aking pamilya na noon ay nakatingin lang din sa akin. Tiyak na bukas o sa susunod na araw ay lilipat na din sila ng tirahan.

Nang magkapaalaman, agad nang pinalakad ng kutsero ang kabayo. Nang magsimulang lumakad ang kabayo, hindi ko na pinanood kung paano unti-unti mawala sa aking paningin ang aking pamilya. Napabuntong-hininga na lamang ako at napasandal. Mabuti na lamang at hindi umiimik ang kutsero kaya muli akong nagbalik sa pagkakahimbing.

Nang muling magmulat, kaagad na bumungad sa akin ang pares ng mga matang direktang nakatitig sa akin. Dahil malapit lamang ito, hindi nakatakas sa aking paningin ang paglaki ng mga ito nang dahil sa gulat. Ako naman ay kumunot ang noo.

"Diego."

Sa sandaling tumaas ang kaniyang balikat, marahan akong natawa. Tila minaliit ako ng aking kaibigan sa pag-aakalang hindi ko malalaman na siya ang kutserong naghatid sa akin. Naglakad ako papunta sa harap niya at sinalubong ako ng pamilyar na pares ng mga mata. Ang kaniyang mukha ay nababalutan ng tela, tila walang balak na magpakilala sa akin.

"N-Narito na tayo sa akademiya..."

Agad akong tumalikod sa kaniya at humarap sa harap. Bahagyang nanliit ang aking mata nang tanawin ang mga gusali sa likod ng nagtataasang pader ng Veridalia. Maging ang bukana ng paaralan ay napakalaki. Kung magkakaroon ako ng pagkakataong makita ang aking sarili, tiyak na makikita ko ang kinang mula sa aking mga mata.

Tunay nga. Kamangha-mangha ang paaralang ito.

"Maligayang pagdating sa Veridalia Academy, Elio. Ang paaralan para sa mga katulad nating may abilidad."

Muli akong humarap kay Diego. Ngayon ay tuluyan na niyang inalis ang takip sa kaniyang mukha. Malawak ang ngiti nito mula sa pagtingin sa akademiya. Mas lalo itong lumawak nang bumalik ang kaniyang tingin sa akin.

"Maraming salamat sa paghatid sa akin." Pinanatili niya ang kaniyang ngiti at bahagyang yumuko. "Maaari mo na akong iwan at bumalik sa Ignisreach. Ipabatid mo sa Pyrocustos na ako'y nagagalak sa pagkakataong ibinigay niya."

"Tiyak na makararating ang iyong mensahe." Umayos siya ng tayo. "Maraming salamat, Elio. Hanggang sa muli."

Nagsimula siyang maglakad pabalik sa karwahe. Nang matapatan niya ang kabayo, muli siyang humarap sa akin.

"Magkaroon ka nawa ng mapayapa at maligayang paglalakbay sa Veridalia Academy."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top