Kabanata 19: Pagkubkob

Pagkubkob

"Ikinalulungkot ko ang nangyari sa kasamahan niyo."

Taliwas sa iniisip kong hitsura ng ikalimang Sylpari, may pagkabata pa ang babaeng bumungad at nagpapasok sa amin sa kaniyang tahanan. Inilapag niya ang tsaa at tinapay sa lamesa bago bumalik sa tabi ni Nick upang linisin ang sugat nito sa braso.

Nagsalubong ang aking kilay nang dahil sa sinabi niya. Si Adam ay abala sa pagkonsumo sa tinapay habang si Galea naman ay nakadiretso lang ang tingin habang humihigop ng kape. Nang makita ni Lumineya ang aking hitsura, natawa ito nang mahina.

"Dumating dito ang kasamahan niyo. Si Merida." Tumayo na siya matapos balutan ng benda ang braso ni Nick. "Hindi ang pisikal na anyo niya ngunit ang kaniyang kaluluwa."

Kahit na alam ko naman ang kakayahan niya, hindi ko pa rin maiwasang kilabutan. Nakausap niya ang kaluluwa ni Merida. At tiyak akong tinulungan niya nang makatawid ang diwa nito patungo sa kabilang buhay.

"Hindi na kami magpapaligoy-ligoy at sasabihin-,"

"Alam ko kung bakit kayo nandito." Sinuklay niya ang kaniyang maalon na kulay rosas na buhok gamit ang kaniyang palad. Sumilay ang ngiti sa kaniyang kulay pulang labi. "Alam kong hinahanap nila ako."

Natahimik ako. Wala pa ring pake sa usapin si Adam. Si Nick ay nakatulog. Si Galea, tiyak akong nakikinig siya.

"Hindi naman na lingid sa aking kaalaman ang kaguluhang nagaganap." Sumimsim siya sa kaniyang tasa at napangiti. "Hindi rin lingid sa aking kaalaman kung bakit kailangan ako ng mga Sylpari."

Napaisip ako. Hindi ko batid kung bakit pinahanap ng mga Sylpari ang ikalima nilang miyembro. Tiyak akong kaya naman nilang pangalagaan ang Tempus Nexus. Magiging mas malakas sila kung lima sila ngunit hindi naman gan'on kabigat ang dahilan kung 'yon lang.

"Hindi ko kayo paaasahin." Tumikhim siya at sumandal sa upuan. Tiningnan niya kaming dalawa ni Galea. "Wala akong balak na sumama sa inyo pabalik. Wala akong planong guluhin ang mga nananahimik na para lang magkaroon ng kapayapaan."

Bumuntong-hininga ako. Hindi naman ako hangal upang isipin na madali naming mapapasama si Lumineya pabalik sa akademiya. Alam kong may dahilan ang pag-alis niya, at ang kaguluhan na nagaganap ay hindi mabigat na dahilan upang bumalik siya.

"Hindi ko isasaalang-alang ang kapayapaan na nakamit nila para lang bigyan ng kapayapaan ang mundong hindi na sila nabibilang."

"Nauunawaan namin." Tumingin ako kay Galea nang magsalita ito. "Hindi rin naman kami narito upang pilitin kang sumama."

Namayani ang katahimikan sa pagitan namin. Sumimsim na lang din ako sa aking tsaa. Hindi ko ito malasahan no'ng una ngunit kalaunan ay lumaganap sa aking bibig ang linamnam nito. Wala sa sariling napangiti ako.

Walang ibang nakakagawa ng tsaa na nagustuhan ko maliban sa aking ina. Tsaa niya lamang ang tanging inumin na hindi ako nagsawa. Nawala ang aking ngiti nang maalala ang aking ina.

Wala akong balita sa kanila. Kumusta na kaya sila?

"Ang Tempus Nexus." Napukaw ni Lumineya ang aming atensiyon nang banggitin niya ang bagay na 'yon. Natawa pa siya. "Sa pangalawang pagkakataon, magdudulot na naman ito ng kaguluhan." Ibinaba niya ang kaniyang tasa at huminga nang malalim. "Tunay na napakalaking pinsala ang dulot nito."

"Alam mo ba kung saan ito matatagpuan?" Tumingin siya sa akin nang magtanong ako. Ilang minuto lang siyang nakatitig sa akin kaya naman tumikhim ako.

"Ang apat na Sylpari lamang ang nakakaalam." Hindi ko alam kung namamalikmata lamang ba ako o nakita ko ang pagdaan ng galit sa kaniyang mata. "Wala ako no'ng ikalawang digmaan kaya hindi ko alam kung saan nila ito itinago."

Lumabas ako ng bahay niya matapos ang aming pag-uusap. Ako lamang mag-isa sapagkat nakatulog si Adam at Nick, samantalang ipinagpatuloy naman ni Galea ang pakikipag-usap sa Sylpari.

Inikot ko ang aking mata sa paligid. Maraming mga bulaklak ang nandito. Samu't saring kulay at uri. Hindi maipagkakailang maganda ang mga ito ngunit hindi talaga dumadaloy sa dugo ko ang pagkakaroon ng tuwa kapag nakakakita ng mga halamang bulaklakin.

Kakaiba ang nararamdaman ko sa paligid kaya alam kong may mga elemento na naririto. Dahil hindi naman ako sumailalim sa sambuhay, hindi ko sila magagawang makausap o makita man lamang. Ngunit alam kong nasa paligid lamang sila.

Isang araw nang wala kami sa akademiya. Sa tingin ko ay magpapalipas kami ng gabi sa lugar na ito sapagkat palubog na rin ang araw. Kailangan din ni Nick ng pahinga.

Umupo ako sa isang duyan na natagpuan ko sa likod-bahay niya. Itinulak ko ang aking sarili dahilan ng mahinang pag-andar nito. Muling naglakbay ang aking diwa.

Isang bagay ang malinaw sa akin ngayon.

Tinraydor kami ni Dylan.

Tama ang tauhan sa sinabi niya. Tauhan kaming lahat. Tauhan kami sa palabas na sinimulan niya. Natawa ako sa aking sarili. Kawawang tauhan.

Hindi ko alam kung bakit nakikipag-tulungan sa kaniya ang mga Terran. Sigurado akong mula sa Misthaven at Verdantia ang mga umatake sa amin.

Hindi ko rin batid kung bakit kami tinraydor ng lalaki. Bakit niya kailangan ang Tempus Nexus?

Anong mali sa kuwento?

Gabi na nang maisipan kong bumalik sa loob ng tahanan ng Sylpari ng Diwa. Naabutan kong gising na si Nick at Adam; masaya silang nagk-kuwentuhan habang mataman namang nakikinig si Lumineya sa kanila, minsan ay ngumingiti pa ito kapag nagtatalo ang dalawa.

Hinanap ko si Galea ngunit hindi ko ito natagpuan. Napatingin sa akin ang Sylpari at kaagad na tinuro ang hagdan. Mukhang alam niyang hinahanap ko si Galea. Tumango lang ako sa kaniya bago umakyat.

Natagpuan ko si Galea sa itaas ng bubong. Nakapagpalit na ito; nakasuot na lamang siya ng bestidang kulay puti. Lampas tuhod ang haba no'n. Nakalugay na lang din ang kaniyang buhok na malayang nililipad ng hangin.

"Desidido na ang ikalimang Sylpari sa kaniyang desisyon."

Bumuntong-hininga ako dahil sa kaniyang winika. Mukhang sinubukan niya pang pakiusapan ang Sylpari no'ng lumabas ako. Ngunit katulad ng naunang pagsubok, bigo pa rin.

Tumabi ako sa kaniya at tumingin sa maliwanag na kalangitan. Dalawang gasuklay na hugis ng buwan ang nasa itaas. Madaming bituin sa langit. May nakikita pa akong mga androde na mabilis na bumabagsak.

Androde - "bulalakaw"

"Ano nang plano mo?"

Simple lamang ang tanong ngunit tila nablangko ang aking utak. Nanatili akong nakatitig sa mga bituin at saka napalunok. Hindi ko alam. Wala akong plano.

Bumalik? Tumakas?

"Galea..." Napatigil ako sandali. Nakita ko namang bahagya siyang kumilos nang tawagin ko ang kaniyang ngalan. "Maganda naman siguro ang dahilan niya, 'di ba?"

Alam kong alam niya ang tinutukoy ko. Alam kong alam niya ang ginawa ni Dylan. Walang hindi nalalaman ang hangin.

"Hindi ko alam, Elio." Bumagsak ang balikat ko. "Nalalaman ng hangin ang nagaganap, ngunit hindi nito nalalaman ang dahilan at katotohanan. Hindi abilidad ng hangin na alamin ang katotohanan."

Pinilit ko ang aking sarili na makatulog no'ng gabing 'yon. Mahaba ang magiging paglalakbay namin bukas kaya naman hindi puwedeng pagod ako.

Nang magising ako, katabi ko na si Adam sa kama. Kumunot pa ang aking noo dahil nakadantay pa sa akin ang kaniyang binti. Dahan-dahan ko 'yong inalis at napahinga nang maluwag nang magtagumpay. Babangon na sana ako ngunit bumungad naman sa akin ang nahihimbing sa sahig na si Nick.

Bumangon ako't dahan-dahan na naglakad palabas ng silid. Naabutan ko sila Galea at Lumineya na payapang nag-uusap. Hindi muna ako dumeretso sa kanila at naghugas muna ng mukha sa kusina.

Nang lumabas ako'y gising na rin si Nick. Binati niya pa ako kaya tumango ako sa kaniya at dumeretso kina Galea. Napatingin sa akin ang Sylpari.

"Nasabi sa akin ni Galea na aalis na kayo." Hindi ako nagsalita. "Bagamat nais kong manatili muna kayo rito nang ilan pang araw, batid kong may mas mahalaga kayong dapat balikan."

Kumunot ang aking noo dahil naging iba ang dating ng mga wika niya sa akin. Para itong babala. Parang premonisyon.

"Tungkol sa nakaraan..." Pinaglandas niya ang kaniyang daliri sa hawakan ng tasa. Tumitig siya sa laman no'n. "Tama kayo. May mali sa kuwento. Ngunit walang mali sa nakaraan." Umangat ang tingin niya sa amin. "Kahit anong mangyari, hayaan niyo siyang isulat ang kapalaran niya."

Hindi nakatulong ang mga winika ng Sylpari sa amin. Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niyang hayaan naming isulat ang sariling kapalaran. Ginulo no'n ang utak ko.

"Mag-iingat kayo sa paglalakbay. Kapag maayos na ang lahat, maaari kayong bumalik dito." Nakangiting nagpaalam sa amin ang ikalimang Sylpari.

Bigo ang aming misyon.

Sinimulan na naming baybayin ang daan patungo sa Sahadra. Parehong daan ang tinahak namin. Parehong gubat. Ngunit huminto kami sa isang bangin kung saan tanaw namin ang pamayanan ng Nimbusia.

"Hindi na bumalik si Dylan. Baka naligaw na siya kahahanap sa atin."

Bumuntong-hininga ako nang dahil sa sinabi ni Adam. Ganoon din ang nasa isip malamang ni Nick. Si Galea ay nasa dulo ng bangin, suot nitong muli ang kaniyang baluti at muli na namang nakatirintas ang buhok nito.

"Hanapin kaya natin?"

"Hindi na siya babalik."

Hinarap ko silang dalawa. Bakas ang pagkalito sa kanilang mga mukha nang dahil sa sinabi ko. Mukhang hindi niya ito maunawaan kaya naman napailing na lamang ako.

"Nakabalik na siya sa akademiya."

Bumuka ang bibig niya dahil sa gulat. "I-Iniwan niya tayo?" Tinitigan ko lamang siya, umaasang sa pamamagitan no'n ay makukuha niya ang sagot sa sariling tanong. "Iniwan niya tayo..."

Tumalikod na ako sa kanilang dalawa. Lumapit ako kay Galea at nakita itong nakapikit. Hinarap ko ang tanawin mula sa itaas. Umihip nang malakas ang hangin kaya napatingin ako kay Galea na noon ay unti-unting nagbubukas ang mga mata.

"Nasa Veridalia Academy na siya." Hinarap niya ako at nakita ko pa ang bahagyang pagsalubong ng kaniyang kilay. "Kasama ang mga monarka."

Umawang ang aking labi nang dahil sa kaniyang sinabi. Naramdaman ko ang paghina ng aking tuhod dahil sa narinig. Kasama niya ang mga monarka.

Bumuntong-hininga si Galea.

At alam kong hindi maganda ang ibig sabihin no'n.

"Napabagsak na ng Misthaven at Verdantia ang Veridalia Academy."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top