Kabanata 15: Ikalimang Sylpari
Ikalimang Sylpari
Tumama ang palasong apoy sa dibdib ng vivar.
Tumakbo kami ni Adam papalapit sa gulo. Nagulat ako kasi mas marami na ang lumusob ngayon kaysa sa mga nakaraang paglusob. Muli kong inasinta ang aking palaso sa isang kalaban at tumama naman kaagad ito.
"Bakit ang dami na nila?" Nakita kong tumalsik ang lupa sa isa sa mga kalaban na pinagtangkaang saksakin ang isang Zephyrian na nanghihina. "Hahanapin ko si Galea."
Nang tumango ako, kaagad kaming nagkahiwalay na dalawa. Mula sa pana ay naging espada ang apoy na hawak ko. Hinawakan ko ang braso ng akmang sasaksak sa akin saka ko hiniwa ang tiyan nito. Walang dugong dumanak, ngunit tumumba ito.
Bakit kasi hindi puwedeng pumatay?
Inilibot ko ang aking paningin. Marami nang nakatumbang kalaban ngunit marami na rin ang walang malay na mag-aaral. Malas pa na karamihan sa mga mag-aaral ay nasa pagamutan dahil sa duwelong naganap. Bumuga ako ng hangin bago muling ginamit ang pana para patumbahin ang isang kalaban mula sa malayo.
"Ayos ka lang ba?" Nilapitan ko ang isang Terran na biglang tumalsik matapos sipain ng kalaban. May malalim na hiwa ito sa braso.
Napatalon ako nang may biglang dumaang alon ng tubig sa likod ko. Sumimangot ako at tiningnan 'yong gumawa ng alon. Tinaasan niya lang ako ng kilay saka tiningnan ang dalawang kalaban na tinangay ng alon na ginawa niya. Umuubo ang mga 'yon, nalunod ata.
"Bakit hindi ka nag-iingat?" Nakalapit siya sa akin. "Paano kung hindi ako dumating? Nasaksak ka na!"
Itinutok ko ang pana ko sa kaniya. Nang pakawalan ko ito, kaagad itong dumaan sa gilid ng leeg niya at tumama sa nilalang na dapat ay sasaksak sa kaniya sa likod. Ngumisi ako sa kaniya.
"Sinong hindi nag-iingat?" Napailing lang siya sa akin.
Nagpatuloy ako sa pakikipaglaban. Hindi na ako gumamit ng espada sapagkat hindi ko pa ito masyadong nako-kontrol. Gusto ko lang patulugin ang mga kalaban. At sa pana ko lang 'yon magagawa. Hindi na umalis sa tabi ko si Dylan. Hindi katulad ko, mahusay nitong nako-kontrol ang pinsala ng espadang hawak niya. Iniiwan niyang duguan ang kalaban ngunit may hininga pa din.
Pinakawalan kong muli ang palaso ngunit kasabay no'n ay ang paglaho ng aking sandata. Ashna sentu. Naubos na ang aking apoy. Wala na rin akong mapagkukunan.
Nakita naming palapit na rin sa amin sina Galea kaya nakahinga na ako nang maluwag. Paubos na rin naman ang mga vivar. Sakto lang sa pagkaubos ng apoy ko. Pinanood kong unti-unting magapi ang mga kalaban.
"May tumatakas!"
Natanaw namin ang nilalang na nakasuot ng baluti na tumatakbo palayo. Kung may pana pa rin sana ako ay magagawa namin 'yong patumbahin.
"Galea!" Sumigaw si Dylan at tumango naman ang babae. Malakas na ibinato ni Dylan ang kaniyang espada na kaagad namang binalot ng hangin. Hindi ko alam ang plano nila ngunit nang marinig kong pumalahaw ang tumatakbong nilalang ay nalaman ko rin kaagad.
Tumakbo kami palapit sa nilalang na tumatakas. Naka-upo ito sa lupa habang sinusubukan niyang bunutin ang espada na nakatusok sa kaniyang binti. Napangiwi na lamang ako. Tiyak na masakit 'yon. Lumapit si Dylan at siya na mismo ang humugot dahilan upang mas malakas na napasigaw ang lalaki.
Kumunot lamang ang noo ko nang biglang maging tahimik. Nakikita ko pa ring sumisigaw ang lalaki ngunit hindi ko na siya naririnig. Napatingin ako kay Adam at nahuling nakatingin din ito sa akin. Ngumiti siya saka kumindat na ikina-kunot ng noo ko. Tumama naman ang aking paningin kay Galea.
Umangat ang aking kilay nang makitang may nakapalibot na hangin sa kaniya. Bumuka naman ang aking bibig bunga ng pagkamangha nang mapagtanto ang kaniyang ginagawa. Ginagamit niya ang hangin upang magmanipula ng tunog.
Kahanga-hanga ang paggamit ni Galea sa kaniyang elemento. Kilalang-kilala niya ito.
Natapos ang labanan sa gitna ng akademiya. Dumating ang mga manggagamot at kaagad na kinuha ang mga sugatan at walang malay. Tumulong sa pag-asikaso ng mga vivar ang ibang mag-aaral kasama ang mga bantay. Naiwan kaming apat.
"Ang bilis mong nakabalik dito, Galea." No'ng dumating kami ay nakikipaglaban na siya at marami nang napatumba! Alam ko namang magaling talaga sa pakikipaglaban ang babae ngunit hindi ko inaasahan na gan'on kalakas ang abilidad niya.
Kumunot ang aking noo nang tumawa si Adam. Nagtataka ko siyang tiningnan ngunit patuloy lamang ito sa pagtawa. Nakakunot din ang noo ni Dylan. "Umalis ka?" Mas lalong lumakas ang tawa ng lalaki.
Umiling lamang ang babae at lumakad na palayo. Nagkatinginan kami ni Dylan at parehong nagkibit-balikat. Tinanguan niya lang ako bago umalis. Siniko ko ang tiyan ni Adam at nauna nang maglakad. Tumatawa pa rin siya nang sundan ako. Hindi ko na lamang pinansin ang kaniyang pagtawag.
"Ano 'yong sinabi ni Galea? Tungkol sa pinakamataas na ranggo?"
Hindi na ako bumalik sa kuwarto ni Adam. Baka malanta na talaga lahat ng tanim niya. Bumaba ang tingin niya sa akin. Siya kasi ay nasa sanga ng isang kahoy habang ako naman ay nasa ugat nito, nakasandal sa katawan ng puno. Kasalukuyan siyang kumakain ng berde na mansanas.
"Ah, mukhang alam niya na kung sino ang napiling bagong pinakamataas na ranggo." Tumawa siya.
"Paano?" Nakapagtataka naman.
"Siya si Galea."
Kumunot ang aking noo sa kaniyang sinabi. Parang hindi naman sagot ang binigay niya. Napaka-misteryoso ng babaeng 'yon. At kahit na madaldal si Adam, kamangha-mangha na hindi niya naisisiwalat ang kung ano mang tungkol kay Galea.
"Kaibigan niya ang hangin. Walang naitatago sa hangin. Nakikita nito lahat." Tumingala ako sa kaniya at nakitang nakangiti siya. "Walang nakapagtatago kay Galea."
Naalala kong sinabi niya ito noong pinasok nila ang silid ko. Mukhang hindi siya nagbibiro. Ang nalalaman ng hangin ay nalalaman niya.
"Sinabi niya na kailangan daw doon ang dalawang may pinakamataas na ranggo. Alam kong tayo ang tinutukoy niya. Ibig bang sabihin no'n ay dalawa tayong may pinakamataas na ranggo?"
Nangangalay na akong tingalain siya kaya naman umakyat na rin ako sa puno at naupo sa sangang katabi ng kaniya. Kumagat siya ng mansanas, nakatingin pa rin sa malayo. Ako naman ay naghintay ng sagot sa aking tanong.
"Hindi abilidad ng lupa na alamin ang katotohanan." Lalo akong naguluhan sa naging sagot niya.
Nawala lang nang ilang araw, misteryoso na ang atake niya!
Hindi na lamang ako nagtanong pa dahil mas lalo akong naguguluhan. Inayos ko na lamang ang pagkakaupo sa sanga at sinandal ang likod sa katawan ng puno. Bumuga ako ng hangin. Pinaglakbay ko ang aking isipan at natagpuan na lamang ang sariling iniisip na naman ang kaganapan kanina.
Lumalakas na ang loob nilang pasukin ang akademiya. Desidido talaga silang makuha ang Tempus Nexus.
Kumunot ang noo ko sa isiping 'yon.
Bakit?
Ang Tempus Nexus ang humahawak sa takbo ng panahon. Ang may hawak sa nakaraan at hinaharap. Gamit ang kapangyarihan nito, magagawa ng sinumang may hawak na maglakbay pabalik sa nakaraan, o papunta sa hinaharap.
Ngunit, anong dahilan kung bakit ito nagdudulot na naman ng panibagong sigalot?
May dapat bang baguhin sa hinaharap?
May dapat bang baguhin sa nakaraan?
Napatigil ako sa pag-iisip at sandaling tumulala.
May naiwan ba sa nakaraan?
Napailing na lamang ako. Hangga't hindi namin nakikilala ang mga nilalang sa likod ng anino, hinding-hindi masasagot ang mga katanungan ko. Napahawak ako sa aking ulo.
Kasalanan 'to ni Diego.
Iminulat ko ang aking mga mata nang makarinig ng tatlong katok. Inalis ko ang braso kong nakaharang sa aking mga mata bago bumangon. Inayos ko pa saglit ang nagusot na higaan bago tumungo sa pintuan upang pagbuksan ang kumakatok.
Nang tuluyan ko nang mabuksan ang pinto, naiwang nakalutang sa ere ang kamao niyang kakatok sana muli. Sa muling pagkakataon, natagpuan ulit ng aking mga mata ang pares ng asul na mga batong direktang nakatingin sa akin. Ngumiti siya; tumaas ang kilay ko.
"Kung tama ang aking hinuha, hindi mo pa alam ang balita." Kumunot ang noo ko bago lumabas. Hindi maayos ang aking silid kaya sa labas ko na lamang siya kakausapin.
"Anong balita?" Inilagay niya ang mga kamay sa loob ng bulsa ng suot niya.
"Pinapatawag tayo ng mga Sylpari."
Hindi kaagad nagawang i-proseso ng aking utak ang kaniyang tinuran. Ilang minuto kaming nagkatitigan nang dahil do'n. Mukhang sinusubukan niyang basahin ang magiging reaksyon ko ngunit bigo siya. Umiwas siya ng tingin.
"Para saan?" Nagkibit-balikat siya. Nanliit ang aking mga mata ngunit hindi siya nakatingin sa akin. May alam siya. "Susunod ako."
"Sabay na tayo." Tahimik na tumango lamang ako. "P-Puwede pumasok?" Napatingin ako sa paligid at napansing maraming nakatingin sa kaniya.
Tama. Bakit magkasama ang tubig at apoy?
Tumango ako at pinagbuksan siya ng pintuan. Pumasok naman siya at kaagad na nilibot ang paningin sa paligid. Hinayaan ko siya at dumeretso sa kabinet na naglalaman ng aking mga kasuotan. Nang makakuha, dumeretso ako sa paliguan. Wala akong planong maligo; magpapalit lang ako ng kasuotan.
Mabilis lang din 'yon kaya nakaalis kami kaagad. Tinahak namin ang daan patungo sa tahanan ng mga Sylpari. Ito ang unang beses na makakapunta ako roon.
Pinagmasdan ko ang kalangitan. Malalim na kulay ng asul ang bumungad sa akin, senyales na ilang sandali lamang ay maaagaw na ng dilim ang paligid. May mga nakikita pa akong maliliit na ulap na kulay itim. Mukhang uulan sa mga susunod na araw.
"Nandito na tayo." Tumindig kami sa tapat ng isang hindi kalakihang gusali. Mayroon itong dalawang palapag. Nababalutan ng puting pintura ang pader. May bintanang gawa sa salamin.
Wala namang kakaiba.
Tumuloy kami dahil ayon naman sa kaniya, pinaunlakan kami ng mga Sylpari. Maayos ang pagkakaputol sa mga damo sa loob ng tahanan nila. Tinahak namin ang daan na gawa sa mga bato hanggang sa marating namin ang pintuan.
Nagkatinginan pa kami bago niya buksan ang pintong gawa sa kahoy. Pinihit niya ang seradura at kaagad kaming pumasok. Wala ding kakaiba sa paligid. Maliwanag. May mga plorera at bulaklak. Sinundan ko lang ang nilalakaran ni Dylan hanggang sa huminto ulit kami sa tapat ng isang pinto. Agad niya itong binuksan.
Unang bumungad sa akin si Galea na nakaupo. Nang tuluyan kaming makapasok, tuluyan ko nang natanaw ang apat na Sylpari. Suot-suot pa rin nila ang kanilang mga balabal. Napansin ko rin na nandito si Adam na noon ay tahimik lang na nakaupo sa tabi ng babae. May dalawa pang hindi pamilyar na nilalang ang nandoon ngunit sigurado akong mag-aaral din sila ng Veridalia. Umupo na rin kami ni Dylan.
Tumikhim ang Sylpari ng tubig. "Batid naming may hinuha na kayo sa kung bakit kayo naririto."
Walang sumagot. Tama naman siya.
"Ipapadala namin kayo sa isang misyon."
Sumukob ang kakaibang damdamin sa aking dibdib nang dahil sa sinabi ng Sylpari ng lupa. Batid ko naman na misyon ang pakay namin dito ngunit sa paraan ng pagkakabigkas ng Sylpari ng lupa, parang hindi ito isang simpleng misyon lamang. Nakatitig silang apat sa aming anim puno pa rin ng otoridad ang kanilang mga mukha. Umiwas ako ng tingin.
"Hanapin niyo ang nawawalang Sylpari."
Doon ako tuluyang napatigil. Umangat ang tingin ko sa apat na nilalang na nakaupo sa aming harapan. Ang apat na Sylpari. Kumunot ang aking noo. May nawawala sa mga Sylpari?
Bumuka ang aking bibig nang may mapagtanto. Nakita kong ganoon din ang naging reaksyon ng iba pang nandito sa silid. Ibig sabihin...
"Ibalik ninyo ang ikalimang Sylpari. Ang Sylpari ng Diwa."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top