Kabanata 13: Apoy at Lupa

Apoy at Lupa

Namayani ang ingay ng bakal na nagsasalpukan.

Isang Zephyrian at isang Terran. Isang kahanga-hangang duwelo.

Umaagos na ang dugo sa braso ng Terran dahil sa talas ng espada ng Zephyrian. Sa kabilang banda naman, umaagos sa noo ng Zephyrian ang dugo mula naman sa mga tipak ng bato na tumama mula sa atake ng kaduwelo niya. Sa kabila no'n ay wala pa ring sumusuko sa kanila.

"Sa tingin mo, sinong mananalo sa kanila?"

Natawa ako sa tanong ni Felicity. Mukhang mas tensiyonado pa siya kaysa sa mga kauri ng mga naglalaban. Binangga niya lang ang balikat ko dahil sa naging reaksyon ko.

"Kinakabahan ako, Elio. Yakapin mo nga ako." Napalingon ako sa kaniya at nakitang nakangiti ito sa akin. Mabilis pang bumubukas-sara ang mata nito na siya namang ikinaasar ko. "Yakap kaibigan lang!"

Mabilis ang nangyari. Nang ibalik namin ang aming atensiyon sa duwelo, nakita na lang namin na kinukuha na ng mga manggagamot ang Terran. Hindi ko alam kung paano siya nagawang matalo ng Zephyrian na noon ay iika-ikang sumunod sa mga manggagamot.

Sila ang ikalimang sumalang sa duwelo.

Habang patagal nang patagal, mas nagiging interasado ang laban. Wala pang naglalaban na galing sa parehong bansa; hindi ko alam kung sadya ba 'yon o nagkataon lamang.

"Salamat sa magandang laban, Wren at Neah." Malaki ang ngiti ng tagapagsalita nang muling tingnan ang papel na nasa kamay niya. Nakita kong bumuka pa ang bibig nito bago tumango-tango. Muli siyang tumingin sa dagat ng mag-aaral bago inilapit sa kaniyang bibig ang mikropono. "Betty at... Felicity."

Bumuka ang aking bibig bago napalingon sa aking katabi na noon ay tila nabato. Sinagi ko siya kaya naman tila bumalik siya sa kaniyang sarili. Mariin siyang napapikit bago mahigpit na napakapit sa kaniyang sandata. Tinapik ko lang ang balikat niya bago siya tumayo at nagsimulang maglakad patungo sa plataporma.

Tiwala naman ako na makakaya ni Felicity na manalo. Para saan pa't pumangalawa siya sa buong Cosvan.

Napuno ng sigawan ang buong arena nang parehong tumungtong ang dalawa sa plataporma. Nakita ko pang yumuko sila sa isa't isa kaya naman natawa ako nang marahan.

Pareho silang galing sa Misthaven.

Paano maglalaban ang parehong tubig?

Nadinig namin ang pagbatingaw ng kampana, hudyat na magsimula na ang labanan. Nakita kong pinaikot ni Felicity ang kaniyang sandata sa hangin bago siya pumosisyon. Nakabuka ang parehong bahagyang nakaluhod na mga binti, ang kanan ay nasa harap at ang kaliwa'y nasa likod. Mahigpit ang kaniyang hawak sa sibat.

Sa kabilang banda, dalawang kamay naman ang nakahawak sa hawakan ng espada na nasa kaniyang harap, pumosisyon din ang babaeng katunggali ni Felicity. Nauna itong sumugod.

Napangisi ako. Isa sa tinuro sa akin ni Dylan. Huwag mauunang sumugod. Binibigyan mo ng pagkakataon ang kalaban mo na mabasa ka.

Nagawang patamaan ni Felicity ang paa ng kalaban niya dahilan ng pagbagsak nito sa sahig. Dahil mahaba ang sibat, nagawa nitong saktan ang katunggali niya bago pa man makalapit. Akala ko'y doon na 'yon magtatapos kaso nang itututok na dapat ni Felicity ang kaniyang sibat kay Betty, nagawa nitong makawala.

Nagawang makabangon ng katunggali niya at ang masaklap, nagawa din nitong sugatan ang kaniyang braso. Mukhang hindi 'yon inaasahan ng babae kaya napaatras siya habang hawak ang brasong dumudugo. Nakita ko pa kung paano sumama ang tingin niya sa kaduwelo na noon ay ngumisi lang at pinunasan ang dugo sa dulo ng espada.

Natawa ako. Tiyak na hindi palalampasin ni Felicity ang bagay na 'yon.

Tumayo nang tuwid ang babae. May maliit na agwat lamang sa pagitan. Sabay nilang ipinosisyon ang kanilang mga sarili. Muli, naunang umatake 'yong Betty. Nakita ko pa ang pagngisi ni Felicity kaya naman napabuntong-hininga na lang ako sa sasapitin ng katunggali niya.

Mahigpit niyang hinawakan ang kaniyang sibat bago sinalag ang dapat sana'y paghiwa ng kaniyang kalaban. Nang magkaroon ng pagkakataon, inihambalos ni Felicity ang dulo ng kaniyang sibat sa ilong ng kalaban, pagkatapos ay hinampas niya naman ang kabilang dulo sa likod ng babae.

Dumugo ang ilong ni Betty na noon ay muntikan pang matumba.

Hindi pa man nakakabawi ang babae, kaagad na kumuha si Felicity ng tubig at pinatulis ito bago pinasugod sa noon ay nakayuko pa ring si Betty. Nang malapit ng tumama sa kaniya, tumigil ito sa himpapawid. Kaagad itong nahati sa dalawa at mula sa patalim na tubig, naging bola ito. Mga bolang ilang sandali lang ay sumugod na kay Felicity.

Hindi ko alam kung paano niya nagawa pero naglaho sa ere ang dalawang bola. Para itong bula na pumutok, ngunit nakakamangha ang bagay na 'yon. Kakaiba talaga ang mga monarka ng Veridalia.

Nakita kong napatigil ang kalaban niya matapos niyang masaksihan ang ginawa ni Felicity. Nakita kong may sinabi si Felicity sa kaniya, at kakaiba dahil narinig ko ito kahit na malayo ang kanilang distansiya.

"Bakit mo gagamitin ang tubig sa prinsesa ng tubig?" Tumawa siya.

At matapos niyang tumawa, nakita ko na lang si Betty na kinukuha na rin ng mga manggagamot.

Ang bilis no'n. Mukhang nagalit ata.

Hindi na nakabalik si Felicity sa kaniyang upuan dahil kinailangan niya ring magpagamot. Sunod-sunod pa ang tumuntong sa plataporma at nakipag-duwelo. Ang iba'y umasa sa kanilang elemento, ang iba'y umasa sa sandata, samantalang mahusay namang nagamit ng iba nang sabay ang pareho.

Hindi pa rin ako tinatawag. Maging si Adam.

Si Adam na nakaupo malayo sa amin. Hindi nito nagawang lumapit. Hindi ko alam kung dahil ba sa kasikipan ng lugar namin o dahil ayaw niya lang talaga lumapit. Pero hindi na mahalaga 'yon kasi nandito naman siya.

Nagpatuloy pa ang duwelo. Marami na ring duguan at nawalan ng malay sa labanan. Mukha namang natural lang ang bagay na 'yon para sa lahat sapagkat lahat ng nandito ay nakaranas na ng duwelo.

"Ang susunod na maglalaban..."

Matapos kuhanin ng mga manggagamot ang katatapos lang na nagduwelo, muling bumalik sa tanghalan ang tagapagsalita. Katulad kanina ay may hawak na naman itong papel. Binuklat niya ito at malaki na naman ang ngiti nang humarap sa mga manonood.

"Si Adam..." Napahinga ako nang maluwag nang matawag na ang pangalan niya. Ngunit sandali lamang ang kapayapaan na 'yon dahil tinawag na ang katunggali niya. "At si Elio!"

Nabato ako sa aking puwesto nang marinig ang pangalang tinawag ng tagapagsalita. Napapikit ako nang mariin at mahigpit na napahawak sa aking upuan. Tiningnan ko ang magiging reaksyon ni Adam ngunit tumayo lamang ito at walang salitaang dumeretso sa plataporma.

Wala sa sariling napatayo ako.

Pamilyar ang pakiramdam.

Ang dagat ng manonood na humihiyaw. Ang plataporma para sa labanan. Ang mabigat na pakiramdam kasi kailangang gawin ang hindi gustong gawin.

Napabuga ako ng hangin bago naglakad patungo sa plataporma kung saan gaganapin ang duwelo namin ni Adam. Nandoon na siya, hinihintay akong makarating. Nang iapak ko ang aking mga paa sa malapad na bato, kaagad na tumama sa aking balat ang init ng araw.

Tiningnan ko ang reaksyon ni Adam ngunit bigo akong makakuha ng kahit katiting na kahit ano mula sa kaniya. Hawak-hawak niya ang kakaibang sandata. Hindi ito ang inaasahan kong sandata na gagamitin niya. Dalawang baston na gawa sa kahoy.

Huminto ako sa tapat niya, ilang dipa mula sa kaniya. Sa ilang araw na hindi siya nagpakita, parang ang laki na agad ng pinagbago niya. Hindi ko lang mapagtanto kung alin.

"Naalala mo ba no'ng panahong sinabi ko na tatalunin kita?" Ngumisi siya. Sinabi niya ang mga salitang 'yon na akala mo'y matagal na panahon na ang lumipas. No'ng isang linggo lang 'yon.

Ngumisi ako pabalik. "Naalala ko din kung paano kita tinawanan."

Tumunog ang batingaw. Ang hudyat.

Gumawa ng matalas na tunog sa hangin ang paghampas ng espadang hawak ko nang paikutin ko ito, naghahanda. Ganoon din ang kaniyang ginawa sa kaniyang mga baston.

Ako ang unang umatake at binato siya ng bolang apoy. Hindi naman ako nabigo sa aking plano nang salagin niya lamang ito gamit ang mga baston niya. Namangha ako nang hindi man lang tablahan ng apoy ang kahoy na sandatang 'yon. Tama nga ang aking hinala.

Ang puno ng Eldrathel. Ang puno ng engkanto ng lupa. Ang tanging puno na hindi tinatablahan ng kapangyarihan ng apoy at talas ng bakal. Ang pinakamatibay na uri ng kahoy.

Ngayong kilala ko na ang sandata niya, maaari ko nang simulan ang tunay na laban.

Lumutang ang dalawang tipak ng bato at mabilis iyong tumungo sa akin. Bago pa man makalapit ang mga 'yon ay sumabog na ang mga ito sa ere nang salubungin ito ng mga bolang apoy. Nagdulot ng makapal na alikabok ang pagsabog na naging sanhi kung bakit wala akong makita. Naisahan niya ako.

Kasabay ng pagkawala ng alikabok ay ang pagkawala niya. Hindi ikinikilos ang ulo, napatingin ako sa aking likuran nang maramdaman ang presensiya niya doon. Bago pa man niya magawang maidampi ang mga baston sa aking likuran, nagawa ko nang umikot at mahampas ang mga ito. Gumuhit ang apoy sa hangin nang dahil sa ginawa ko.

Tumalsik si Adam dahil sa ginawa ko ngunit nagawa niyang maitukod ang kaniyang braso bago siya tuluyang madapa. Umangat ang kaniyang tingin sa akin bago siya muling tumayo. Sabay kaming tumakbo palapit sa isa't isa.

Pinagkrus niya ang kaniyang mga baston nang ihampas ko sa kaniya ang aking espada. Ang pagtama ng sandata namin ay naglikha ng malakas na puwersa. Binawi niya ang isa sa kaniyang mga baston at sinubukang ihampas sa akin ngunit nagawa ko iyong hawakan.

Nagawa kong maagaw ang isa sa mga baston niya at umikot bago ipinatama ang likod ng aking kamao sa kaniyang ilong habang hawak pa rin ang baston na naagaw ko. Napaatras siya, nakita ko pa ang paghawak niya sa parteng tinamaan.

Masama siyang tumingin sa akin ngunit ngumiti lamang ako. Ibinato ko sa sahig ang naagaw kong baston, malapit sa kaniya. Pinaangat niya ang lupa at hinawakan ang baston na iniangat ng lupa. Matapos no'n, ang nakaangat na lupa ay tinulak niya palapit sa akin.

Nagawa kong iwasan ang atake na 'yon ngunit mabilis rin siyang nakalapit sa akin. Hindi ko na nagawang isangga ang aking espada nang hampasin niya ang aking tuhod dahilan kung bakit napaluhod ang isa kong binti. Bakas pa rin ang ngisi sa mukha niya nang itutok sa aking leeg ang kaniyang baston.

Ngumiti ako bago minanipula ang apoy mula sa kaniyang likod. Inaasahan kong malalaman niya 'yon kaya agad siyang nagpalutang ng tipak ng bato na muling nawasak at nagdulot ng alikabok. Nang mabalot kami ng alikabok, sinipa ko ang kaniyang binti kaya siya natumba sa sahig. Ako naman ang tumayo saka siya tinutukan ng patalim sa leeg.

Mabilis kong ibinalot ang aming mga sarili sa isang halang na gawa sa apoy. Ito ay upang masiguro na hindi na niya magagamit ang alikabok laban sa akin.

Hinampas niya ng baston ang aking espada at nang maalis ang talim sa kaniyang leeg, gumulong siya palayo kaya nagawa niyang makatakas. Nasa loob pa rin siya ng halang na ginawa ko.

"Matalino ka nga talaga, Elio."

"Salamat."

Sunod-sunod na bumagsak ang malalaking tipak ng bato sa halang na ginawa ko. Batid ko ring gagawin niya 'yon sapagkat ginawa niya na ito kay Felicity.

Ngunit hindi ako si Felicity.

At hindi tubig ang aking elemento.

Nakita kong unti-unting matigilan si Adam. Kumunot ang noo nito. Ang sunod-sunod na pagbagsak ng mga tipak ng bato ay unti-unting bumagal. Nakatingin lang sa akin ang mga mata niyang nagtataka. Humakbang ako papalapit ngunit kaagad kong nakita ang pagluhod niya. Tumawa ako.

"Bakit, Adam?" Isang hakbang pa ang ginawa ko palapit sa kaniya.

"A-Anong ginagawa mo?" Tumigil ang pagbagsak ng mga bato sa halang na ginawa ko. Sumigaw ito nang malakas kaya sumimangot ako.

"Akala ko ba tatalunin mo ako?" Hindi ko sinagot ang kaniyang tanong. Bagaman hindi ko gusto ang aking nakikita, hindi ko ito itinigil. Ayoko nang saktan pa siya.

"Ang init!" Umalingawngaw ang kaniyang sigaw sa buong arena. Pinanood ko kung paano siya dumapa sa sahig. "Elio, ang init!" Nabasa ang kaniyang katawan dahil sa pawis. "T-Tama na..."

Ngumiti ako saka pinaglaho ang halang. Lumuhod ako sa harap ng humihingal na si Adam. Basang-basa na talaga siya. Hindi niya man lang magawang mag-angat ng tingin.

"Huwag kang mag-alala, Adam. Takot din akong mawala ka."

Mabilis siyang dinaluhan ng mga manggagamot. Ako naman ay tumayo at pinanood siyang bitbitin. Wala naman aking galos, maliban na lang sa sakit sa paa. Hindi talaga kami magkakampi ng Eldrathel.

Hindi ko na pinansin ang sigawan ng mga mag-aaral at kaagad na umalis sa lugar na 'yon. Bagaman nasaktan ko si Adam, masaya pa rin ako na hindi namin sinapit ang lagay ng mga naunang nag-duwelo.

At masaya din ako kasi gumana ang panibagong kakayahan na natutunan ko sa loob ng akademiya.

Kaya ko nang kontrolin ang temperatura ng apoy na nakapaligid sa akin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top