Kabanata 12: Duwelo

Duwelo

"Bukas na ang duwelo namin."

Pinanood ko kung paano tumalbog nang tatlong beses ang batong inihagis ko sa ilog saka bumuntong-hininga. Walang salitang tumabi sa akin ang kasama ko saka nagbato din. Tumalbog nang apat na beses ang kaniya.

"Mag-iingat ka sa duwelo niyo." Napatingin ako sa kaniya saka napangiti. Nakita niya naman ang reaksyon ko kaya nangunot ang noo nito.

"Nag-aalala ka ba sa akin?" Tuluyan akong natawa nang umikot ang mata nito. Nakatutuwa siyang asarin. "Isang pagpapala na mag-alala sa akin ang prinsipe ng katubigan."

"Mas nag-aalala ako sa makakalaban mo." Ang ngiti ko ay naging ngisi nang dahil sa sinabi niya. "Sana lang ay magaling ang mga manggagamot na humawak sa inyo."

Hindi na ako nagsalita at ngumiti na lamang. Muli kong ibinalik ang aking tingin sa ilog na payapang umaagos. Tinatangay ang mga maliliit na hibla ng buhok sa aking noo ngunit hinayaan ko na lamang 'yon at pinaglakbay ang aking diwa.

Hindi pa rin siya bumabalik.

Hindi ko mabilang kung ilang araw na siyang hindi nagpaparamdam. Hindi ko rin naman binabantayan ang pagdaan ng araw ngunit hindi ibig sabihin no'n ay hindi ko binabantayan ang pagbabalik niya.

Marahil ay naging kampante ako matapos kong makita ang pares ng mga mata niya. Naging sigurado ako na babalik siyang muli. At hanggang ngayon ay naniniwala pa rin ako doon.

"Manonood ako."

Bumalik ako sa aking sarili at napatingin sa kaniya. Nasa malayo ang kaniyang tingin at mukhang seryoso siya sa kaniyang sinabi. Kung gagawin niya man talaga ang balak niya, hindi ko alam ang mararamdaman ko. Hindi ko rin alam kung mabuting bagay ba na nandoon siya kasi baka pagdudahan ko lamang ang kakayahan ko.

"Sige. Pero manonood din ako sa inyo."

Mabilis siyang napabaling sa akin nang dahil sa sinagot ko. Ginantihan ko lamang ng tawa ang kaniyang reaksyon. Kahit naman tumanggi siyang panoorin ko siya ay manonood talaga ako dahil kay Galea.

"Dapat pala ay mas magsanay pa ako, kung gano'n." Sinapak ko ang kaniyang braso dahil sa kaartehan niya. Alam ko namang madali niya lang makukuha ang pinakamataas na ranggo kahit na hindi siya magsanay. Hindi naman sa minamaliit ko si Galea.

Parehong magaling sa labanan si Dylan at Galea. Ngunit hindi ko alam. Kakaiba si Dylan. Parang hindi bagay sa kaniya na hindi siya ang nasa itaas. Hindi siya papayag.

"Ihatid na kita sa dormitoryo niyo. Kailangan mo ng pahinga sapagkat tiyak na hindi magiging madali ang araw para sa iyo bukas."

Sumang-ayon ako sa sinabi niya. Nauna siyang tumayo at katulad ng lagi niyang ginagawa, inilahad niya ang kaniyang kamay sa akin. Malugod ko naman itong tinanggap bago namin sabay na nilisan ang lugar na naging tagpuan na namin.

Tahimik naming binaybay ang daan patungo sa dormitoryo ng mga Pyralian. May mga nakakasalubong kami at napapansin ko ang pagnakaw nila ng tingin sa lalaking katabi ko. Para nga akong hangin sa tabi niya. Hindi ko maiwasang matawa sa iniisip.

Nilingon niya ako kaya binalik ko ang seryoso kong ekspresyon. Kumunot naman ang kaniyang noo bago umiling. Inilagay niya sa bulsa niya ang kaniyang mga kamay. Hindi ko na lamang siya pinansin at tumuon sa daang tinatahak namin.

Nang malapit na sa dormitoryo na aking tinutuluyan, kumunot ang aking noo nang matanaw ang pamilyar na nilalang na nakatayo sa tapat nito. Nakatingala siya, tila may hinihintay doon. Tiningnan ko naman ang aking katabi at mataman lang itong nakatingin sa nilalang na kanina ay tinitingnan ko lang din.

Nang makalapit kami ay napatingin siya sa amin ngunit ibinalik din kaagad ang atensiyon sa itaas. Matapos ang ilang sandali ay mabilis muli siyang lumingon at tila nagulat pa sa aming presensiya.

"Elio!" Malaking ngiti ang gumuhit sa labi ni Felicity nang makita ako ngunit kaagad 'yong naglaho sa sandaling lumipat ang tingin niya sa lalaking na nasa aking tabi. Yumuko siya nang bahagya. "K-Kuya..."

"Naparito ka?" Mula sa gilid ng aking mata ay tiningnan ko ang reaksyon ni Dylan. Malamig na ekspresyon lamang ang bumungad sa akin. "May kailangan ka ba?"

Nag-angat siya ng ulo bago muling bumalik ang liwanag sa kaniyang mukha. Ngumiti siyang muli bago umiling. "Hindi naman importante. Aayain sana kitang magsanay para sa duwelo bukas."

Napatango na lamang ako sa kaniya, hindi alam ang isasagot. Bubukas pa lamang sana ang aking bibig nang maunahan ako ng lalaki. "Nakapagsanay na siya. Magpahinga na kayo pareho." Napatingin ako sa kaniya. Nakakaintinding tumango naman ang babae habang nakangiti pa rin. "Ihahatid na kita sa dormitoryo."

"Hindi na. M-May kailangan pa rin kasi akong daanan... Kuya." Kumunot ang aking noo. Ito ang unang beses na makita kong mag-usap ang dalawa kaya naman naninibago ako. "Mauna na ako. Galingan mo sa duwelo, Elio!"

Mabilis siyang naglaho sa paningin namin. Naiwan kaming nakatayo sa labas ng aking dormitoryo. Tiningnan ko ang aking mga paa bago umangat ang aking paningin kay Dylan na noon ay nakatingin na rin sa akin. Nang magtama ang aming mata, tumaas lamang ang kilay nito. Mukhang alam niyang may tumatakbong katanungan sa aking isip ngunit pinili kong itikom ang aking bibig.

"Aakyat na ako. Salamat sa paghatid." Nang tumango siya, agad akong tumalikod at pumasok sa loob. Nang makapasok, sinilip ko siya at nakitang nakatanaw pa rin ito sa akin gamit ang malamig nitong ekspresyon. Iniling ko na lamang ang aking ulo bago tuluyang umakyat sa itaas.

Mabibigat na hakbang ang umalingawngaw sa pasilyo ng dormitoryo. May mga nadadaanan akong Pyralian. Ang iba ay nakasalubong ko pang pababa sa hagdan. Ang iba ay nakilala ako samantalang ang iba naman ay hindi ako nilingon. May katagalan na rin naman akong nananatili rito kaya nagawa kong kilalanin ang iba.

Nang makapasok sa silid ay ibinagsak ko ang aking sarili sa aking higaan. Napatulala ako sa kisame, hinahayaang maglaro sa aking isipan ang mga katanungan.

Sino si Dylan?

Sino ang tunay na prinsipe ng Misthaven?

Pumikit ako at ginamit ang kanang braso upang takpan ang aking mga mata. Sa ilang araw na magkasama kami, may mga bagay akong nalaman tungkol sa kaniya. Mga bagay na nais niyang malaman ko. Ngunit alam kong katulad ng malalim na tubig, mas marami pa akong dapat malaman sa kaniya. Marami pang nakatagong lihim.

Hindi ko namalayan na nakatulog ako sa gitna ng malalim na pag-iisip. Nagising lamang ako nang maramdaman ang presensiya ng isang nilalang na direktang nakatitig sa akin. Hindi naman ako nakaramdam ng panganib kaya pinanatili kong nakapikit ang aking mga mata, kinikilala ang presensiya na nasa aking tabi.

"Pasensiya na, Elio. Natakot lang talaga ako."

Nagulat man, hindi ko pa rin iminulat ang aking mga mata. Hinayaan kong magsalita ang lalaking nandito sa loob ng aking silid.

"Ayaw kong matulad ka sa kaniya." Narinig ko ang pagsinghap niya. "H-Hindi ko alam kung kakayanin ko pa... Hindi ko alam kung matatanggap ko pa ang sarili ko kapag sinapit mo rin ang kapalarang sinapit niya..."

Naguguluhan man, pinili kong manahimik. Ilang sandali siyang hindi nagsalita. Kung hindi ko lang nararamdaman ang kaniyang presensiya, iisipin ko na umalis na ito. Hindi ko rin alam kung bakit pero parang may pumipigil sa akin na imulat ang aking mga mata. Baka kapag minulat ko ang mga mata ko, wala na siya.

"Natatakot akong mawala ka sa akin, Elio."

Nang magmulat ng mata, wala na siya sa aking silid. Bumangon ako sa aking higaan at tinanaw ang nakabukas kong bintana kung saan malayang pumapasok ang liwanag ng buwan. Napailing na lamang ako saka bumangon at isinara ang aking bintana.

Hindi naman ako nagugutom kaya natulog na lamang ako. Hindi ko na rin inabala ang aking sarili sa pag-iisip at hinayaan ang katawan na magpahinga.

Nang muli akong magising ay sumisikat na ang araw. Wala pa sana akong balak bumangon nang maalalang ngayon pala ang araw na pinakahihintay ng lahat. Ang pagra-ranggo. Napipilitan akong bumangon at dumeretso sa banyo upang mag-ayos.

Lumabas ako ng dormitoryo at dederetso na sana sa silid aralan nang bigla akong hinarang ni Felicity. Katulad ng mga iba pang araw, nakangiti na naman ito. "Sabi ko na nga ba't sa silid ang tungo mo."

"Bakit?" Hindi ko magawang maglakad papalayo dahil nakaharang siya.

"Sa arena gaganapin ang duwelo." Tumawa siya nang makita ang pagkunot ng noo ko. "May nagsabi sa akin na puntahan ka daw dahil baka maligaw ka na naman, kaya nandito ako."

Tatanungin ko sana kung sino ang nagbigay ng utos sa kaniya ngunit nagsimula na siyang maglakad kaya tahimik na sumunod na lamang ako. Nauuna siyang maglakad kaya naman nakikita ko ang kaniyang likod. Maging sa pagkatao ni Felicity ay napakarami kong katanungan.

Sino ang tunay na prinsesa ng Misthaven?

"Felicity, nagkita na ba kayo ni Adam?"

Nakita kong natigilan siya sa aking tanong. Nang magawa kong mapunta sa tabi niya, tiningnan ko ang reaksyon niya ngunit tumawa lamang ito. Kumunot ang noo ko dahil sa kaniyang ginawa.

"A-Ano ka ba, Elio! Sa 'yo nga hindi siya nagpapakita, sa akin pa kaya?" Iniling niya ang kaniyang ulo, natatawa pa din. Nagsimula na siyang maglakad ulit. "Hindi ko rin naman gusto na makita siya, at sa tingin ko'y gan'on din siya sa akin."

Napatango na lamang ako at sumabay sa lakad niya. Ilang minuto lang din ay nagawa na naming marating ang arena na tinutukoy niya. Napahinto ako at napatingala. Napapalibutan ito ng mataas na pader.

Nang pumasok kami, malawak na parang ang bumungad sa amin. May mga upuan na pataas kung saan maaaring maupo ang mga manonood. Ang malawak na damuhan ay nasisinagan ng araw dahil bukas ang itaas nito samantalang nasa ilalim naman ng lilim ang upuan para sa mga manonood.

Hindi pa ganoon karami ang mag-aaral na nasa loob ng arena, marahil ay nagsisimula pa lang sila ng kanilang araw. Iilan pa lamang ang nandito, at karamihan ay Cosvan. May iilang nakaupo sa upuang nakalaan para sa manonood at sa tingin ko'y nagmula sila sa ibang departamento.

Hindi umalis sa aking tabi si Felicity. Pinupunasan niya ang kaniyang sibat, takot na madumihan ito. Ako naman ay sinimulang ilibot ang aking paningin, umaasang matatanaw ang lalaking nangakong manonood. Hindi naman ako nabigo nang makita ko siyang prenteng nakaupo sa isa sa mga upuan sa itaas. Naka-krus ba ang kaniyang mga binti, gan'on din ang kaniyang mga braso sa kaniyang dibdib.

Nang mapansin akong nakatingin sa kaniya, kaagad na bumalatay ang mayabang na ngisi nito. Suminghal lamang ako sa kaniya saka umiwas ng tingin. Unti-unti na ring dumating ang mga kamag-aral namin ngunit wala pa rin ang nilalang na hinihintay.

Bumuntong-hininga ako.

Sigurado namang sisipot siya sa duwelo.

"Magandang araw, Veridalia!"

Naagaw ang atensiyon ko ng lalaking nakatayo sa gitna ng plataporma na nakapuwesto sa gitna ng arena. Doon malamang magaganap ang duwelo. Napuno ng ingay ang buong lugar dahil sa sigawan ng mga mag-aaral. Umalingawngaw naman ang pagtawa ng nagsasalita.

"Ang araw na ito ang araw na matagal nang hinihintay ng mga mag-aaral, alam ko." Malawak itong ngumiti bago inilibot ang mata sa buong lugar. Ginaya ko siya at natanaw ko si Galea na nakaupo hindi kalayuan sa puwesto ni Dylan. "Sino sa tingin niyo ang tatanghaling pinakamataas na ranggo?"

Marami silang isinigaw na pangalan kaya wala akong naintindihan. Napatingin ako sa aking katabi na noon ay seryosong nakatingin lang din sa dagat ng mga mag-aaral. Nang maramdaman na nakatingin ako, lumingon din siya sa akin at ngumiti.

"Naririnig ko ang pangalan mo." Sabay kaming natawa sa kaniyang sinabi. Napaka-imposible. "Mukhang madami kang taga-suporta."

"'Wag mo nang bilugin ang aking ulo. Pangalan mo ang isinisigaw nila." Sino bang hindi susuporta sa susunod na reyna ng Misthaven?

Napansin ko ang mga naka-antabay na manggagamot sa paligid. Mukhang hindi magiging madali ang magaganap na labanan. Muli kong inilibot ang aking mga mata sa paligid.

"Handa na ba kayo?"

Napako ang aking mga mata nang matanaw ang pamilyar na tindig. Nakatingin ito sa harapan, sa nagsasalita. Sa tingin ko'y naramdaman nitong may nakatingin sa kaniya kaya lumingon ito sa direksyon ko.

"Mukhang handang-handa na kayo."

Nagtama ang aming mata. Kumislap na naman ang mata niyang kakulay ng bagong sibol na halaman. Berde.

"Kung gano'n, simulan na natin ang duwelo!"

Ngumiti siya sa akin.

Bumalik na si Adam.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top