Kabanata 10: Kaibigan

Kaibigan

"Sunod-sunod na ang pag-atake ng mga vivar."

Hindi ko nagawang lingunin ang nilalang na dumating. Nanatili ang aking mga mata sa ilog na nasisinagan ng liwanag ng buwan. Ilang sandali pa ay naramdaman ko na ang presensiya nito sa aking tabi.

Ni hindi ko magawang intindihin ang sinabi nito. Masyadong binabalot ng makapal na ulap ng pagkalito ang aking pag-iisip para pansinin pa siya. Hindi ko maunawaan si Adam.

"Puwede kang magsabi sa akin."

Doon ako napalingon sa kaniya. Nakatingin din ang kaniyang mga mata sa tubig kaya naman sumasalamin ang kinang sa kaniyang mga mata. Ang mga hibla ng kaniyang buhok ay bahagyang nililipad din ng hangin.

Bumuntong-hininga ako upang pakawalan ang bigat sa aking dibdib. Hindi ko maialis sa aking utak ang takot sa mukha ni Adam. Para itong sumpa na hindi maialis sa aking isipan at paulit-ulit na pinaparusahan ang aking konsensiya. Hindi ako mapanatag.

"Kung mabigat, puwede kang umiyak." Nagtama ang aming mga mata. Nang makita ang pamilyar na pares ng mga asul na mga mata, kaagad na nanlabo ang aking paningin.

Banayad siyang ngumiti bago ko naramdaman ang pagbalot ng tubig sa akin dahilan upang mawala siya sa aking paningin. Sunod-sunod na bumagsak ang luha sa aking mata nang tuluyan akong mabalot ng tubig.

Natatakot ako na baka pagbalik ko ay hindi na kami magkausap ni Adam. Natatakot ako na baka mag-isa na lang ako ulit sa akademiya. Natatakot ako na baka tuluyan nang matakot sa akin si Adam. Natatakot ako na baka kapag nawala na ang tubig na nakapalibot sa akin, wala na din siya.

Hindi ko alam kung gaano katagal akong tumangis ngunit nakadama ako ng ginhawa sa loob ko matapos 'yon. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa kapayapaang hatid sa akin ng nakapalibot na tubig, o dahil nailuha ko na ang mga takot ko, o dahil alam kong may naghihintay sa akin na matapos umiyak.

Pinunasan ko ang aking mukha at dahan-dahan namang natanggal ang halang na gawa sa tubig. Muli kong narinig ang ingay na nagmumula sa ragasa ng tubig at ang ingay ng mga kuliglig.

Napatingin ako sa lalaking sumunod sa akin. Prenteng nakaupo ito sa bato habang nasa malayo ang tingin. Nakaramdam naman ako ng hiya nang mapagtantong nakita niya akong umiiyak, at hinintay niya pa talagang matapos. Katulad ng dati, tahimik pa rin siya. Mukhang malalim ang iniisip niya.

Dahan-dahan akong naupo sa tabi niya. Tumingin siya sa akin pero mabilis lang. Umisod siya upang magkaroon ako ng puwesto kaya naman nagawa kong maupo sa tabi niya. Naramdaman ko ang pagragasa ng lamig sa aking balat dahil na rin sa hangin.

"Pasensiya na. Nasagabal pa kita." Hindi ko naman sinabing sumunod siya pero pakiramdam ko, kasalanan ko kung bakit siya nandito. Nababali na talaga ang mga paniniwala ko. "Salamat."

Wala akong sagot na natanggap ngunit hindi ko rin naman inaasahan na sasagot siya. Sa tingin ko nga'y mas nakakagulat kung sasagot siya. Kakaibang kapayapaan ang inihatid sa akin ng katahimikan sa pagitan namin. Kapag malapit siya, nagiging payapa ang lahat sa akin.

"Alam mo ba ang pinaka-importanteng batas ng Veridalia Academy?"

Matapos ang mahabang katahimikan ay nagawa niyang magsalita. Napatingin ako sa kaniya. Bago pa lang ako sa akademiya kaya wala pa akong masyadong alam sa mga sinasabi niyang batas. Agad akong umiling bilang sagot sa kaniyang katanungan. Narinig ko naman ang marahan niyang pagtawa.

"Ang pinaka-importanteng batas ng paaralan ay bawal pumatay." Hindi naalis ang tingin ko sa kaniya. Nagulat ako nang tumingin din siya sa akin at magtama ang aming mga mata. "Hindi ka puwedeng pumatay sa loob ng akademiya kahit anong mangyari."

Kung totoo nga ang batas na iyon ay napakadaya. Kahit na malagay sa alanganin ang aming buhay, hindi pa rin kami dapat pumatay. Dapat, kami lang ang patayin, gan'on ba?

"At alam mo ba ang kaparusahan kapag nakapaslang ka sa loob ng akademiya?" Ngumiti siya habang nakatingin sa akin. "Ipapatapon ka palabas. Masuwerte ka na lamang kung tatanggapin ka pang muli ng angkan na pinanggalingan mo."

Nanatili akong walang imik. Umiwas na rin siya ng tingin. Bumuntong-hininga siya saka muling nagsalita.

"Walang kasiguraduhan ang buhay kapag pinatapon ka palabas. Dalawa lang ang maaaring mangyari: mamamatay ka o magpapagala-gala ka at ituturing na rebelde."

Unti-unti naman akong naliwanagan. Kahit papaano ay nauunawaan ko na ang reaksyon ni Adam sa nangyari. Kung bakit ganoon na lamang ang takot niya na baka napaslang ko nga ang mga nanloob. Kasi batid niya ang kahihinatnan ng aking ginawa.

"Umaasa akong sa pamamagitan nito ay maunawaan mo ang naging reaksyon ng iyong kaibigan."

Kaibigan.

Hindi ko alam kung bakit natuwa at kinabahan ako. Sa buong buhay ko, tanging si Diego lamang ang itinuring kong kaibigan. Ipinangako kong hindi ako magkakaroon ng ibang kaibigan maliban sa kaniya. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Ngunit hindi naman sinasabi ni Adam kung kaibigan ba ang turing niya sa akin. Hindi ko rin batid kung kaibigan ba ang turing ko sa kaniya.

Nanatili pa kami sa tabing ilog. Tinanong niya ako ng mga bagay tungkol sa akin na sinasagot ko naman. Sa pamamagitan no'n, unti-unting gumaan ang aking pakiramdam. Maging siya ay nagagawa kong tanungin ng mga bagay na sinasagot niya rin. Kalimitan naman ay tungkol lang sa karanasan sa kaniya-kaniyang bansang kinabibilangan namin.

Nang makitang humikab ako ay kaagad na siyang nagyayang bumalik. "Lumalalim na ang gabi. Hindi na ligtas na manatili sa labas."

Nauna siyang tumayo bago inabot ang kamay ko. Napatigil man sandali, kalaunan ay tinanggap ko rin ang kamay niya at tinulungan niya akong makatayo. Nagpagpag muna ako saka nagsimulang maglakad. Sumunod naman siya sa akin.

Akala ko ay maghihiwalay na ang landas namin nang makalabas ng gubat ngunit nagpatuloy siya sa pagsunod sa akin. Hindi ko na lamang pinansin at nagpatuloy sa paglakad. May mga ilaw naman sa nadadaanan namin kaya hindi ako kinakabahan.

Hindi naman kalayuan sa dormitoryo namin ang gubat kaya agad din akong nakarating. Huminto ako kaya agad din namang huminto si Dylan. Nang tingnan ko ito ay nakatingala ito sa gusali ngunit naramdaman niya siguro ang pagtingin ko kaya tumingin din siya sa akin at ngumisi.

"Dito ako nanunuluyan." Kahit na alam kong alam niya 'yon, sinabi ko pa rin. Tumango lang siya pero hindi pa rin umaalis. Hindi ko naman alam kung tama bang iwan siya dito. "Maraming salamat sa gabing ito, Dylan."

Bumalatay ang gulat sa kaniyang mukha nang marinig na binanggit ko ang kaniyang ngalan. Ito ang unang beses na banggitin ko ang kaniyang pangalan. Hindi ko alam kung bakit siya napahinto; kung ayaw niya bang banggitin ko ang kaniyang pangalan. Gayunpaman, hindi ko gustong malaman. Basta ang nais ko ay makapagpasalamat sa kaniya sapagkat aaminin kong kung hindi dahil sa kaniya, baka ay hindi magiging magaan ang pagharap ko sa takot.

"Wala 'yon..." Umiwas siya ng tingin at kumamot sa kaniyang tainga. "M-Mauuna na ako."

"Sige, ingat ka." Payak na ngumiti ako sa kaniya. Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad paalis. Hinintay kong maglaho siya sa dilim bago ako umakyat sa aking silid.

Ang mga sumunod na araw ay hindi katulad ng mga nagdaang araw. Walang lalaking nakangising bumungad sa higaan ko matapos kong maghilamos. Walang lalaking bigla-bigla na lamang tumatalon sa bintana ng silid ko. Wala si Adam.

Mag-isa kong binaybay ang daan patungo sa aming silid aralan. Umaasa akong makikita ko roon ang lalaki ngunit bigo ako. Walang nilalang na nakasuot ng balabal sa klase. Bumuga ako ng hangin saka tahimik na naupo sa upuan ko.

Mabuti na lamang at walang praktikal na pagsasanay na naganap. Wala rin ako sa wisyo. Nagturo lamang ang mga patnubay at matapos no'n ay kami na ang bahala sa natitirang oras. Marami ang nagsanay para sa nalalapit na duwelo.

Hinayaan kong lumipas ang mga araw na hindi nakikita kahit na anino ni Adam. Hindi ko alam kung anong plano niya, at hindi ko alam kung kasama pa ba sa plano niya ang muling pagkakaayos namin, pero hindi ko na masyadong inisip ang bagay na 'yon.

"Elio!" Pabalik na ako sa dormitoryo nang bigla akong tinawag ni Felicity. Malaki ang ngiti sa labi nito. Huminto ako at hinintay siyang makalapit. "Hindi mo na kasama 'yong lalaking hindi naliligo. Nasaan siya?"

Nagtaka man no'ng una ay nagawa ko pa ring makilala ang tinutukoy niya. Malungkot na ngumiti ako, dahilan upang magbago ang ekspresyon niya. "Hindi ko alam, Felicity. Ilang araw na kaming hindi nagkakausap."

Kumunot naman ang kaniyang noo. "Ha?" Alam kong hindi niya maiintindihan. Hindi ko rin alam kung paano ipapaliwanag sa kaniya, o dapat ko bang ipaliwanag. Nagsimula akong maglakad kaya naman sumunod siya sa akin. "Bakit? Ano namang palabas niya?"

Tumawa lang ako sa sinabi niya ngunit mukhang seryoso si Felicity. "Hayaan na muna natin siya. Baka kailangan niya lang ng oras."

Sumimangot siya sa sinabi ko kaya naman napangiti ako. Maging siya ay apektado sa biglaang paglaho ni Adam. "Kapag nagpakita lang 'yon, makakatikim 'yon sa akin."

Hindi nawala ang ngiti sa aking labi. Tumingin ako sa taas ng isang puno nang may ngiti sa aking labi. Sumalubong ang pamilyar na pares ng esmeralda na mga mata na matagal ko ding hindi nasilayan.

"Babalik 'yon."

Isinambit ko ang mga katagang 'yon habang nakatitig sa mga matang nagtatago sa taas ng puno. Kumurap lang ako at nang magmulat ay wala na siya doon. Parang isang ilusyon. Parang hindi totoo.

Pero sigurado akong babalik siya.

Kasi nandito pa rin siya. Kasi nararamdaman ko pa rin siya.

Babalik ang kaibigan ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top