Kabanata 1: Elio
Elio
"Bantayan mo upuan ko. Saglit lang ako."
Napatingin ako sa kaibigan ko nang bigla itong tumayo. Nanlaki ang mata ko at mabilis na nilunok ang kinakain ko upang makapagsalita.
"Ikaw na ang susunod! Saan ka pa pupunta?"
Napatingin ang ilan sa amin pero agad ding ibinalik ang atensiyon sa harap nang makarinig ng malakas na pagsabog. Tiningnan niya ako at agad na natawa kaya kinunutan ko siya ng noo.
"Mabilis lang."
"Bahala ka diyan ka---!"
Hindi niya na ako pinatapos at kaagad na umalis. Napapikit ako sa inis saka napipilitang ibalik ang mga mata sa mga naglalaban.
Ang Tagisan ng Kapangyarihan.
Ginaganap ito taon-taon. Sa pamamagitan nito, nakakapili ang mga distrito ng magiging katawan na ipadadala sa isang akademiya. Meron namang sariling paaralan ang aming distrito ngunit ang makapasok sa prestehiyosong paaralan na iyon ay isang malaking oportunidad para sa mga nilalang na may natatanging abilidad.
Pinanood ko kung paano bumuo ng isang malaking bolang apoy si Fria. Anak siya ng pinaka-mataas na tao sa aming distrito. Ngayong taon, inaasahang siya ang maipadadala sa akademiyang iyon dahil hindi naman maitatanggi ang kahusayan niya sa paggamit at pagmanipula ng apoy.
Naghiyawan ang mga tao nang magawang iwasan ng kalaban ni Fria ang kaniyang bolang apoy pero hindi maitatanggi na nagdulot 'yon ng malaking pinsala sa kalaban. Mula sa malayo, nakita ko ang pagbalatay ng ngisi sa magandang mukha ng dalaga. Sa mga oras na 'to, batid niyang magwawagi na siya.
At sa mga oras na 'to, dapat nakabalik na si Diego kasi siya na ang susunod! Ano ba 'yan! Sasali-sali kasi tapos kung saan-saan pupunta kapag siya na ang sasalang!
Tinutok ko na lang ang aking atensiyon sa labanan. Bahala ka diyan, hindi ka makapapasok sa pinapangarap mong paaralan.
Bumuo ng singsing ng apoy ang kalaban ni Fria at sunod-sunod 'yong pinatama sa kaniya. Ang kamangha-mangha ay nagawang kontrolin ni Fria ang mga 'yon.
Kapag mas mataas talaga ang antas mo sa pamayanan, mas madami kang kaalaman pagdating sa kalikasan ng abilidad mo. Mas madaming oportunidad na palakasin, patatagin at palawakin ang iyong kakayahan. Kaya naman namamangha ako kay Fria.
Mula sa pagiging singsing, ginawa itong ipo-ipo ni Fria. Isa... Dalawa, hanggang sa maging tatlong malalaking ipo-ipo na tiyak tutupok sa kalaban niya. Kung hindi pa susuko ang kalaban niya, tiyak na kamatayan ang kalalagyan nito.
Mukhang nagsasalita si Fria, kinakausap ang kaniyang kalaban. Hindi namin ito madinig sapagkat nababalot ng halang ang tanghalan. Ito'y upang hindi masaktan ang mga manonood.
Humina ang apoy ni Fria. Tanda ito ng pagsuko ng kalaban. Hindi pa siya natatalo mula kanina. Ito na ata ang panglima niyang panalo. Mabuti na lamang at may kakayahan na magbigay ng lakas ang halang kaya hindi nauubusan ng kapangyarihan ang mga naglalaban.Ang problema lang ay ang pagod. Mukha namang sanay na si Fria kaya hindi niya na 'yon iniinda.
Si Diego na.
"Ang susunod na maglalaban ay sina..."
"Nasaan na ba 'yon?" Kahit naman nakakainis 'yong lalaki na 'yon, may pake pa rin ako sa pangarap niya. Matagal niya nang inaasam ang akademiya na 'yon kaya sana naman ay hindi niya pakawalan 'to.
"Elio at Fria!"
Nanlaki ang mata ko nang marinig ang aking pangalan. Nadinig ko ang sigawan ng mga taga-distrito ng apoy ngunit hindi ko magawang ma-proseso ang nangyari. Lumikot ang aking mata sa paligid at nahanap ng aking mga mata ang taong kanina ko pa hinahanap.
Diego... anong ginawa mo?
Lumawak ang ngiti nito. Ako naman ay gusto nang magpakawala ng apoy sa sobrang galit. Nagsimula na itong tumalikod kaya tumayo ako, hahabulin sana siya ngunit nang dahil sa ginawa kong iyon, nakuha ko ang atensiyon ng lahat.
Dinig na dinig ko ang mga bulungan ng mamamayan. Maging ang pagtawa nila sapagkat isang katulad ko ang naisipang hamunin ang isang Flameborne. Nagawang mapalitan ng inis sa mga mamamayan ang inis ko kay Diego.
Ganoon talaga kababa ang tingin nila sa amin?
Ibinaba ko ang tingin ko kay Fria na noon ay natatawa ding nakatitig sa akin. Mukhang katulad ng iba, ganoon din ang kaniyang iniisip. Na sino ba ako upang maglakas-loob na hamunin siya? Mas lalong nag-alab ang aking loob dahil doon.
Kahit na ayaw kong sumali sa mga ganitong patimpalak dahil hindi katulad ni Diego, wala akong pake sa paaralang 'yon, minabuti kong bumaba at pangatawanan ang tadhanang ibinigay sa akin ng magaling kong kaibigan. Ramdam ko ang mga matang nakatitig sa akin hanggang sa makababa ako nang tuluyan.
Malawak pala ang tanghalan, malayo sa nakikita ng aking mata kapag nasa itaas ako. Naglakad ako papunta sa gitna habang inililibot ang aking paningin sa paligid hanggang sa dumapo at huminto ito sa babaeng nasa aking harapan.
"Ang lakas ng iyong loob."
Dahil magkalapit lamang kami, umabot sa aking pandinig ang kaniyang tinuran. Pinanatili kong walang ekspresyon ang aking mukha, nilalabanan ang kagustuhang simulan na kaagad ang labanan sapagkat ako'y naaasiwa sa kaniyang kayabangan.
Napaka-matapobre.
"Simulan na natin!"
Kasunod ng mga hiyawan ng mga tao, kaagad na gumawa ng apoy si Fria. Napaatras pa ako sa gulat sa biglaang kilos na iyon. Hindi pa man ako tuluyang nagiging handa ay nagawa na nitong mabato sa akin ang binuo niyang apoy. Hinarang ko ang aking braso sa aking mukha nang naka-krus upang maiwasan ang pinsala.
Bukod sa kakayahang magmanipula ng apoy, may kakayahan din ang mga katulad namin na labanan ang init na dala ng elemento. Ngunit hindi ibig sabihin no'n ay hindi na kami magagawang saktan nito. Maaari pa rin kaming masugatan, ngunit hindi ang mapaso.
Patuloy lang siya sa pagbato ng mga bolang apoy habang ako naman ay patuloy ding isinasangga ang aking braso, naghihintay ng magandang oportunidad upang makabawi. Dama ko na ang pagdugo ng aking braso kaya napangiwi ako.
Sinukat ko ang dalas ng pagtama ng apoy sa aking braso. Meron lamang akong dalawang segundo upang paghandaan ang kaniyang susunod na atake. Masyadong kaunti ang oras na 'yon ngunit kung patuloy kong isasalag ang aking braso, hindi malabong lamunin ng apoy ang mga 'yon.
Kaya naman nang makatanggap ng isa pang bolang apoy, agad akong ibinuka ang aking kamay at kinontrol ang dalawang bolang apoy na papalapit sa akin. Ang mga elementara na katulad namin, hindi nagagawang gumawa ng sariling elemento. Tanging pagkontrol lamang sa mga elementong malapit sa amin ang aming nagagawa. Ngunit sa pamamagitan ng matinding pagsasanay ay magagawa na rin naming gumawa ng sariling elemento.
Hindi nasindak si Fria nang magawa kong agawin ang mga bolang apoy na binabato niya. Pinagsama ko muna ang dalawang bolang apoy saka umikot bago ko ito muling ibinato sa kaniya. Kasabay ng mabilis na pagtungo ng apoy sa kaniya ay tumakbo ako sa direksyon niya habang patuloy na gumagawa ng marami pang mga bolang apoy.
Mabilis akong umikot sa babae habang patuloy lang sa pagbato ng mga bolang apoy. Kamangha-mangha sapagkat nagagawa niyang salagin ang mga iyon. Naging baligtad nga lamang ang aming sitwasyon sapagkat siya na ngayon ang patuloy na sumasalag.
Ngumisi ako nang makita ang inis sa kaniyang magandang mukha ngunit agad na nanlaki ang aking mata nang magpakawala ito ng sobrang lakas na pabilog na enerhiya kaya nagawa ako nitong patalsikin. Tumama ang aking likod sa halang na agad ko namang ininda kaya agad akong napapikit.
Nang magmulat ng mata, agad akong nataranta nang makita ang malaking bolang apoy na palapit sa direksyon ko. Kaagad akong gumawa ng malaking kalasag na gawa sa apoy ngunit masyadong malakas ang apoy na ibinato ni Fria kaya nawasak ang kalasag ko.
Hindi na ako nagsayang ng oras at kaagad na tumalon. Nakita ko agad ang babae na gumagawa na naman ng panibagong apoy kaya gumawa din ako ng bolang apoy at sabay naming ibinato sa isa't isa. Sumabog ang mga 'yon sa pagitan namin na nagdulot ng makapal na usok.
Mula sa makapal na usok, nakita ko ang silweta ni Fria at batid kong patungo ito sa akin. Agad akong naghanap ng maaari kong pagkunan ng apoy at gumawa ng alon gamit ang mga ito na kaagad namang lumamon sa kaniya. Ngunit dahil siya si Fria, maliit na bagay lamang para sa kaniya ang takasan ang bagay na iyon.
Nanlaki ang mata ko nang mawala siya sa aking paningin at huli na nang makita ko siya sa itaas. Bumagsak ang aking katawan nang humampas sa akin ang ibinato niyang apoy. Dama ko ang pagkahilo nang muli akong magmulat ng mata.
Agad na nagtama ang mata naming dalawa at sa kabila ng pagkahilo, nakita ko ang hitsura ni Fria. Madami na din siyang galos sa katawan katulad ko at dama ko ang pagod sa mga mata niyang nanlilisik.
Nanginginig akong bumangon. Hindi ko nanaising matalo, lalo na kapag naiisip ko ang panunuya ng mga tao sa mga katulad namin. Ipinosisyon ko ang aking katawan sa kabila ng pagkapatid sa hangin. Ganoon din ang ginawa ng aking kalaban.
Ang kasunod na narinig sa loob ng tanghalan ay ang pag-alingawngaw ng aking sigaw habang sinusuntok ang hangin na kaagad namang nagiging apoy na sunod-sunod umatake kay Fria. Kaagad niyang naiwawasiwas ang mga 'yon na agad namang tumatama sa mga halang, sanhi ng sunod-sunod na tunog ng pagsabog.
Sa sandaling tumigil ako, nagpakawala naman ng apoy si Fria na diretsong tatama sa akin kaya ini-unat ko ang aking kamay at ibinuka ang mga palad, dahilan upang maharang ko ang apoy. Napaatras ako at napayuko sa lakas ng enerhiyang sinalag ko kaya gumawa iyon ng mahabang guhit sa lupang inaapakan namin.
Malapit nang masira ang halang! Kung hindi namin agad tatapusin ito ni Fria, maaaring tuluyang sumuko at mawasak ang bagay na naghihiwalay sa amin at sa mga manonood. Kahit nagdududa pa din sa sariling kakayahan, ginawa ko ang isang bagay na dalawang beses ko pa lamang nasusubukan.
Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga nang malalim. Ramdam ko na ang pag-agos ng pawis sa aking katawan. Nang magmulat, kaagad kong itinipon ang mga apoy sa aking kamay hanggang sa maging sapat na 'yon.
Mabilis at maingat kong inihulma ang isang bagay na nakapagpalaki ng mata ng aking kalaban. Isang pana.
Hindi madaling gumawa ng sandata gamit ang isang elementong walang tiyak na hugis. Hindi katulad ng elemento ng lupa, kinakailangan ng mataas na konsentrasyon at pagsasanay upang makagawa ng iba't ibang sandata katulad ng pana, kalasag, at espada gamit ang elementong katulad ng apoy.
Kaya hindi kataka-taka ang naging reaksyon ni Fria. Nakita ko ang pag-atras nito dahil sa pagkagulat. Tama ka, Fria. Kaya kong gawin ang isang bagay na hindi mo kailanman magagawa.
Nang tuluyan kong magawa ang aking pana, kaagad ko siyang inasinta. Ang kagandahan ng elementong walang tiyak na hugis, mas matalim ito kumpara sa may tiyak na hugis. Sa sandaling matamaan ka ng isang sandatang binuo gamit ang elemento ng apoy, tiyak na tatagos ito sa katawan mo.
Nang magtagumpay sa pag-asinta, isang ngisi ang aking binitiwan bago ko tuluyang pakawalan sa ere ang palaso. Habang nasa hangin ang aking palaso, itinaas ko ang aking dalawang braso at agad kong pinaglaho ang aking pana bago kinontrol ang palaso na kaagad namang nahati sa madaming piraso. Sunod-sunod at mabilis na bumulusok ang mga ito sa noon ay na-estatwa nang babae.
"Tama na! Suko na ako!"
Kasabay ng pagwika niya ng mga iyon ay ang paghinto ng mga palasong nagliliyab sa ere. Natahimik ang lahat. Ang mga braso ng takot na takot na si Fria ay nakaharang sa kaniyang mukha, umaasang mapo-protektahan siya ng mga ito laban sa mga palasong pinakawalan ko.
Palihim akong natawa saka ibinagsak ang mga palaso sa lupa. Kaagad na umapoy ang paligid ni Fria, sapat lang upang hindi siya masunog nang buhay. Sa sandaling napaluhod siya sa sahig, kaagad akong tumalikod kasunod ng malakas na hiyawan ng mga manonood.
Ako, si Elio, ang nagwagi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top