Kabanata 9: Kiarra at Lumen
Kiarra at Lumen
Hindi ko maintindihan.
Nangangatal ang katawan ni Elio habang nakatingin sa mga nilalang na unti-unting lumalapit sa kaniya. Nabitawan niya ang kaniyang espada dahil sa panginginig. Namumuo ang malamig na pawis sa kaniyang katawan.
"H-Hindi ako ang kalaban..."
Lumunok si Elio nang maramdaman niya ang pagdaloy ng malakas na daloy ng init sa kaniyang katawan. Dahil nakadarama ng panganib, kaagad na lumalabas ang kapangyarihan ng lalaki ngunit dahil sa takot, hindi niya ito magawang makontrol nang maayos.
"Pakiusap, h-huwag kayong lumapit..." Lumabas ang malaking apoy sa dalawang kamay ni Elio. Pinakawalan niya ito sa taas ng mga estudiyante ngunit sumabog lamang ito. Nabingi ang binata sa sarili niyang atake. "Diyan lang kayo!"
Sunod-sunod na nagbato si Elio sa hangin ng mga apoy nang nagsimulang umatake ang mga mag-aaral sa kaniya. Naging sanhi ito ng mga nakabibinging pagsabog. Nakararamdam ng sakit sa katawan si Elio sa tuwing may sumasabog kaya alam niyang hindi siya nananaginip.
Sinasaktan siya ng sarili niyang apoy.
"Galea, tulungan mo siya, pakiusap..."
Dumadaloy ang luha sa mga mata ni Adam habang pinapanood si Elio na magpakawala ng mga apoy na sumasabog lamang sa kaniya dahil sa halang na binalot sa kaniya ng Prusian. Kung magpapatuloy ang ginagawa ni Elio ay tiyak na ikamamatay niya ang sarili niyang elemento.
Ito ang kapangyarihan ng Prusian na kaharap nila. Nagagawa nitong makuha ang alaala ng mga nahahawakan ng liwanag at ginagamit niya ang mga nilalang na nasa loob ng alaala upang gumawa ng isang mapaglarong ilusyon.
Isang velga na papaslang kay Elio.
Velga — "ilusyon"
Sinubukang lumapit ni Dylan sa halang ngunit kaagad siyang tumatalsik pabalik dahil sa lakas ng pagsabog na nagaganap sa loob. Walang makalalapit sa halang. Maging ang tubig at lupa ay hindi nagagawang makalapit sapagkat sumasabog kaagad ito.
Puno na ng sugat si Elio. Nagdurugo na ang kaniyang braso at tuluyan nang nasunog ang kasuotang pang-itaas niya. Hindi niya mapigilan ang pagpapalabas ng apoy sa kaniyang kamay na kaagad niyang pinatatama sa mga nilalang na lumalapit sa kaniya.
Sa kabilang banda, inangat naman ni Galea ang kaniyang dalawang braso dahilan upang umihip ang hangin. Kumikilos ang mga daliri ng babae at kasabay no'n ay ang papalakas na papalakas na pag-ihip ng hangin.
Nanlisik ang mga mata ng Prusian nang mapagtanto ang ginagawa ng Zephyrian. Napatingin siya sa halang na ginawa niya upang ikulong sa ilusyon ang Pyralian at nakitang nagpapatay-sindi ito. Humihina ang kapangyarihan ng liwanag dahil sa lakas ng hangin.
"Ashna sentu..."
Habang may liwanag pa, kaagad na pinaglaho ng Prusian ang kaniyang sarili. Kasunod no'n ay ang malakas na pagsabog at nakasisilaw na liwanag dulot ng pagkawasak ng halang at pagkalat ng kapangyarihan ni Elio.
Gumawa ng kalasag sina Galea at Dylan upang protektahan ang lahat sa tumalsik na apoy. Ang mga natirang Prusian sa Arkeo ay kaagad na nagsi-atrasan nang maramdaman nilang wala na ang kanilang pinuno sa lugar.
"Elio!"
Naunang tumakbo si Dylan palapit sa nakahandusay na katawan ng binata. Sandali niyang tiningnan ang mukha nito at ang nakapikit nitong mata bago niya ito binuhat sa kaniyang mga braso.
Hinanap niya kaagad ang punong babaylan na noon ay abala sa pagtingin sa kanilang mga kasamahan. Mabilis na tumakbo si Dylan palapit sa kaniya kaya napatingin ang babaylan sa kaniyang direksyon.
"Ginang Kora, kailangan ko ang inyong tulong..." Bumaba ang tingin ng babaylan sa hawak-hawak ng Aquarian at bahagyang nabahala sa pinsalang natamo nito. "Hindi ko pa gamay ang kakayahang magpagaling gamit ang tubig kaya hindi ko alam kung matutulungan ko siya."
"Idala mo siya sa aking silid." Nang tumalikod ang matanda, kaagad na sumunod si Dylan sa kaniya.
Malapit ang prinsipe ng Misthaven sa mga babaylan sapagkat no'ng panahong umalis siya sa akademiya at nalaman ang tunay niyang katauhan, mga babaylan ang tumanggap sa kaniya. Nanatili siya rito ng isang taon hanggang sa mapag-desisyunan niyang sumapi sa mga tulisan upang mas maprotektahan ang mga nasa paligid niya.
Sa loob ng isang taong pananatili niya, maraming naitulong ang mga babaylan sa kaniya. Natuto siyang mas makilala pa ang elemento ng tubig. Natuto siyang kontrolin ang hamog, ang pagpapagaling, at pagkuha ng mga tubig mula sa mga halaman.
Isa ito sa dahilan upang manaig ang apat na bansa noon laban sa Prusia at Valthyria. Dahil kilala ng mga babaylan ang bawat elemento ng buhay, nagagawa nilang alamin ang kapasidad nito. Itinuro nila sa apat na bansa ang kapangyarihan ng bawat elemento na naging daan upang magapi ang dalawang kaharian.
Ngunit nang dahil sa kanilang ginawa, nawasak ang pinakamataas na balanse ng sansinukob. Hindi sila natuwa sa naging resulta ng digmaan kaya lumayo sila at humiwalay sa mga nilalang na bumubuo sa balanse ng buhay.
Ngunit ngayong nakabalik na ang Prolus at Valthyria, tiyak na gagawin nila ang lahat upang mabago ang balanse.
Tiyak na paghihiganti ang pakay nina Kiarra at Lumen.
"Natalo kayo?"
Kasalukuyang nagpapagpag ng balabal ang Prusian na si Kiarra nang marinig ang pamilyar na tinig. Kasabay ng pag-angat ng kaniyang ulo ay ang pag-angat ng kaniyang kilay nang mapagtanto kung sino ito. Umikot ang mata ng babae.
"Anong ginagawa mo rito?" Hinubad mi Kiarra ang kaniyang balabal at basta na lamang ito hinagis. Tinanggap nito ang alak na inalok ng kaniyang bisita.
"Nabalitaan ko ang ginawa mong pagsalakay sa Arkeo." Itinago ng Valthyrian na si Lumen ang kaniyang ngisi sa pamamagitan ng pagsimsim sa kaniyang alak. Nanatili ang kaniyang mata sa babae. "Masyado mo atang minamadali ang lahat, Kiarra."
Suminghal ang Prusian at sumimsim din sa kaniyang alak. Nanlilisik ang mga mata nito. "Nakipag-kumustahan lamang ako sa mga kaibigan nating babaylan." Bakas ang pang-uuyam sa tinig ng babae. "Hindi na pala sila magiliw sa mga panauhin."
Dahan-dahang naglakad palapit sa trono ang Valthyrian. Pinanood lamang siya ni Kiarra hanggang sa umupo siya sa trono ng Prolus. Napangiwi ang babae nang mapagtantong hindi bagay ang itim at lila sa puti at dilaw na trono.
"Tinalo kayo ng mga babaylan?" Nang-aasar na tumawa si Lumen. "Isang kabalintunaan."
"Wala kang alam sa nangyari." Suminghal si Kiarra saka lumapit sa Valthyrian. Umupo siya sa patungan ng kamay ng trono at pinagkrus ang kaniyang mga binti, sumimsim sa kaniyang alak. "Nangialam ang mga taga-akademiya."
Napukaw ng balitang iyon ang atensiyon ni Lumen. Tumaas ang kaniyang isang kilay ngunit kalaunan ay mahina itong natawa. "Nagpapakabayani na naman ang mga nilalang na iyon?"
"Hindi lang 'yon, Lumen." Bahagyang nagsalubong ang kilay ng Valthyrian ngunit nanatiling tahimik. "Nakaharap ko si Helena."
Umalingawngaw ang pagkabasag ng babasaging baso. Kapansin-pansin ang pagbalatay ng galit sa mukha ni Lumen habang mariing nakatingin sa kaniyang harapan. Ikinuyom niya ang kaniyang kamao, hindi alintana ang bubog na bumaon sa kaniyang laman.
Ngumisi si Kiarra bago umikot ang mata at sumimsim muli sa kaniyang baso. Nanira pa ng kagamitan sa hindi naman nito kaharian. Natanggal lamang ang kaniyang ngisi at nagsalubong ang mga kilay nang may maalala.
"Ngunit, kakaiba..." Humugot ng hininga ang Prusian saka tumayo. Hindi tumingin sa kaniya si Lumen; hindi pa rin nito matanggap ang binalita sa kaniya. "Bulag na si Helena, Lumen."
Napatingin sa kaniya ang Valthyrian at ilang sandali ay tumawa ito dahilan ng pagsimangot ni Kiarra. Mukhang tinablahan ng oras ang Zephyrian.
"Bakit ka tumatawa? Dahil bulag na siya, hindi ko na magagamit ang kapangyarihan ko sa kaniya!" Ngumuso ang Prusian saka ibinato ang kaniyang baso. "Hindi ko na siya mapapaslang."
"Tumigil ka, Kiarra." Umalingawngaw ang malamig na tinig ni Lumen. Tumalim ang kaniyang tingin sa babae. "Walang ibang papatay kay Helena kung hindi ako."
Ngumisi si Lumen ngunit walang bakas ng tuwa roon. Nababalot ng galit at kagustuhang makapaghiganti ang kaniyang loob. Sisiguraduhin niyang babagsak ang mga Zephyrian.
Tatanggalan niya ng hininga ang Veridalia.
"Ngayong naki-alam na ang mga taga-akademiya, dapat na ba tayong kumilos?" Muling nagsalita si Kiarra kaya bumalik sa kaniyang sarili si Lumen. "Hindi na rin naman lihim sa kanila ang ugnayan ng Prolus at Valthyria, panahon na upang itigil na ng iyong kaharian ang pagtatago sa anino ng pagiging isang tahimik na bansa."
Pinaglaruan ni Lumen ang kaniyang ibabang labi gamit ang kaniyang gitnang daliri at panturong daliri. "Kulang pa ang sandatahang lakas ng mga bansa natin. Hindi pa tayo tuluyang nakababawi." Itinigil ni Lumen ang kaniyang ginagawa sa kaniyang labi. "Kailangan natin ng mas mabisang plano."
Kailangan pa nilang magpalakas upang mapadali ang pagpapabagsak sa mga natitira pang bansa.
"Kailangan niyang magpahinga pa upang mabawi ang enerhiyang naubos niya. Ang kaniyang mga galos ay gagaling kaagad ngunit ang kaniyang enerhiya, siya lamang ang makababalik nito."
Napabuntong-hininga si Dylan at tumitig lamang sa walang malay na si Elio. Nagpaalam si Ginang Kora na lalabas upang tingnan ang lagay ng mga kasamahan niya kaya napatango na lamang ang lalaki.
Hinila ni Dylan ang isang upuan at umupo roon, sa tabi ni Elio. Humugot siya ng malalim na hininga bago tumingin sa kamay ng binata. Nanginginig niyang inilapit ang kaniyang kamay roon at nang magdampi ang kanilang balat, binalot ng kapayapaan ang kaniyang diwa.
Gamit ang kaniyang hinlalaki, hinaplos niya ang likod ng palad ni Elio habang may maliit na ngiti sa labi. Bumalik ang kaniyang tingin sa payapang mukha ng lalaki at ang kaniyang matamis na ngiti ay napalitan ng mapait na ngiti.
"N-Nakabalik na ako, Elio..." Habang hawak pa rin ng kabilang kamay ni Dylan ang kamay ni Elio, pinaglandas niya ang kaniyang mga daliri sa buhok ng binatang natutulog. "Naghintay ka ba sa akin?"
Bumigat ang paghinga ni Dylan nang banggitin ang mga katagang iyon. Matapos ang pagsasanay niya kasama ang mga babaylan, paminsan-minsan niyang dinadalaw si Elio ngunit pinananatili niya ang malayong distansiya sapagkat hindi pa panahon upang magkita silang muli.
Pero, ngayon ay hindi na pinigilan ni Dylan ang kaniyang sarili. Hindi ngayong may bago na namang mga kalaban ang mundo.
"Napaghintay ba kita nang matagal, mahal ko?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top