Kabanata 7: Paglusob
Paglusob
Buo na ang balanse.
Ang liwanag, ang dilim, at ang kalikasan. Ang anim na elemento ng Veridalia.
"Elio, saan ka pupunta?"
Napasigaw sa gulat si Elio nang bigla na lamang may magsalita. Marahas siyang lumingon pabalik at natagpuan ng kaniyang mga mata si Adam na noon ay nakaupo sa kaniyang bintana, magkasalubong ang mga kilay.
Pinagmasdan ni Adam ang kasuotan ni Elio. Nakasuot ito ng balabal na kulay pula kaya tiyak siyang may pupuntahan ito. Huminga naman nang malalim si Elio. Bumalik siya sa kaniyang kama at umupo, nakaharap sa lalaking nakaupo rin sa nakabukas niyang bintana.
"Narinig mo ba ang balita? Nagbalik na rin ang mga Valthyrian." Tumalon si Adam saka lumapit kay Elio, nagtatanong ang mga mata sapagkat hindi makuha ang pinupunto ng lalaki.
"At?"
"Pupunta ako sa Valthyria."
"Nababaliw ka na ba?" Pinanlakihan ni Elio ng mata si Adam nang sumigaw ito. Napagtanto naman ni Adam ang kaniyang ginawa kaya hininaan niya ang kaniyang tinig, halos bulong na lamang ngunit may diin. "Gabi na, Elio. Nawawala ka na ba sa tamang pag-iisip?"
Bumuntong-hininga si Elio at umiwas ng tingin. "Hindi ako mapakali, Adam. Pakiramdam ko ay may magaganap na hindi kanais-nais." Umupo sa kaniyang tabi si Adam. "Nais ko lamang tingnan ang pangalawang kaharian na muling umusbong. Wala akong gagawin."
Wala rin naman siyang magagawa.
Namayani ang katahimikan sa paligid nila. Tanging kaniya-kaniyang paghinga lamang nila ang maririnig sa loob ng silid ng Pyralian. Kalaunan ay nagsalita si Adam. "Sasamahan kita. Ito'y upang matiyak na wala kang gagawin."
"Hahanapin ka ni Galea."
"Babalik naman tayo, hindi ba?" Napahinto si Elio ngunit ilang sandali lamang ay tumango ito. "Kung gayon ay wala tayong dapat ipag-alala."
Sinabihan niya si Elio na maghintay sapagkat kukuha lamang siya ng balabal. Dahil sa kakayahan nitong gamitin ang lupa bilang lagusan, mabilis din naman itong nakabalik sa dormitoryo ng mga Pyralian. Nag-aalangan pa si Elio na sumama si Adam ngunit mukhang pursigido na ang kaibigan.
Nang lumabas silang dalawa sa lupa ay natagpuan nila ang kanilang sarili sa gubat. "Hanggang dito pa lang ang alam kong direksyon: sa Bellamy." Tumango lang si Elio. Malapit lang din naman ang Valthyria rito. "Sigurado ka ba talaga sa gagawin mo?"
"Wala akong gagawin, Adam," paniniguro ni Elio.
Sukbit-sukbit ang pana at palaso, nagsimulang maglakad si Elio papasok sa gubat. Sumunod naman kaagad si Adam na noon ay nakasabit lang din ang mga baston sa likuran. Kahit papaano ay kailangan pa rin nilang maghanda sapagkat papasukin nila ang kaharian ng isang hindi tiyak kung kakampi o kalaban na kaharian.
Maririnig ang ingay ng mga kuliglig at kuwago, kasama ng iba pang ingay na ginagawa ng mga hayop sa gubat. Hindi maliwanag ang mga buwan; walang buwan sa kalangitan at tanging mga bituin lamang. Nahihirapan si Elio na makakita kaya bumuo ito ng apoy sa kaniyang palad, sapat upang magkaroon ng liwanag sa paligid.
Sa tulong naman ng lupa ay nagagawang malaman ni Adam ang kaniyang daraanan kaya kahit walang liwanag ay tiyak na hindi ito madadapa. Nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad sa kagubatan. Yumayakap ang lamig sa kanilang mukha dahil hindi ito natatapalan ng balabal.
"Adam, magagawa mo bang pakiramdaman sa lupa ang lugar ng mga Valthyrian?" Tumango lang ang lalaki. Isa rin sa kakayahan niya bilang Terran ay alamin ang posisyon ng nilalang na nakaapak sa lupa.
"Hindi ko lamang sigurado kung Valthyrian ba ang masasagap ng kapangyarihan ko." Ito naman ang kahinaan ng kakayahan niya.
"Tiyak naman na walang gumagalang nilalang na iba rito maliban sa mga Valthyrian." Hindi lihim sa lahat kung gaano ka-brutal ang mga nilalang ng dilim kaya walang maglalakas ng loob na lumapit man lang sa mga iyon.
Maliban sa kanilang dalawa.
Pinakiramdaman ni Adam ang lupa. Ang bigat ng mga yabag ang una niyang naramdaman. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at nabuo sa kaniyang isip ang imahen ng mga paang naglalakad. Nang magmulat siya ng mata, nakaharap na siya sa kanilang kanluran.
"Ang pinakamalapit na nasagap ko ay sa direksyong ito." Itinuro ni Adam ang kanluran at napatango naman si Elio, nagsimulang tahakin ang daan na tinuro ng kaibigan.
Nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad. Gumagawa ng malutong na tunog ang mga tuyong dahon na natatapakan nila. Pareho nilang inililibot ang kanilang paningin. Mula naman sa isang sanga ng puno, inasinta ng isang nilalang ang kaniyang pana sa dalawang nilalang na naglalakad bago niya ito pinakawalan.
Lumikha ng matalas na tunog sa hangin ang bumubulusok na palaso na kaagad namang nasalo ni Adam ilang sentimetro bago tumama sa kaniyang mukha. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa katawan ng palaso at nanlaki ang mga mata habang nakatingin sa talim ng palaso ngunit ilang sandali lamang ay sumabog sa kaniya ang isang itim na usok.
"Adam!"
Hinanda ni Elio ang kaniyang palaso at inasinta ito sa pinanggalingan ng bumubulusok na palaso. Puno ng pag-aalala niyang tiningnan ang kaibigan na nawalan ng malay. Ibinalik niya ang tingin sa direksyon ng palaso at nakagat niya ang ibabang labi nang walang makita.
Basta na lamang niya pinakawalan ang palaso at isinukbit ang pana. Lumikha siya ng apoy sa kaniyang kamay dahilan ng pagliwanag ng paligid. Nakita niya ang isang anino sa likod ng puno.
"Lumabas ka at magpakita sa akin!" Itinutok ni Elio ang nakabuka niyang palad sa anino, handang pakawalan ang apoy roon sakaling may mangyari. "Huwag kang duwag!"
Mabilis na pinakawalan ni Elio ang apoy na kaagad namang rumagasa papunta sa anino. Narinig ang pagsabog nang tumama ito sa punong kahoy. Inilikot ni Elio ang kaniyang mata sa paligid, hinahanap ang kalaban.
Nang makitang muli ang anino, pinakawalan niyang muli ang apoy sa kaniyang palad. Sa tulong ng liwanag ng apoy, nagagawa niyang sundan ang galaw ng anino. Naiinis ang anino dahil doon at kaagad na inasinta ng palaso ang may-ari ng apoy.
Napaiwas ang anino nang dumaplis sa kaniya ang apoy ngunit nagawa niya pa ring pakawalan ang palaso na dumaplis at humiwa rin kay Elio. Napahawak si Elio sa kaniyang sugat ngunit nanatiling nakabukas ang isang palad niya upang hindi mawala ang liwanag.
Nasunog ang balikat ng anino kaya hindi niya na magawang mahawak nang maayos ang kaniyang pana. Napasinghal ito habang nakatingin sa nilalang na may hawak na apoy. Matalim niya itong tiningnan ngunit ilang segundo lamang ay kaagad siyang umalis sa lugar.
Nang maramdaman na nawala na ang init ng katawan ng nakalaban niya, agad na pinaglaho ni Elio ang apoy sa kaniyang palad. Lumingon siya sa nakahandusay na kaibigan at kaagad na sinubukang lumapit dito ngunit kaagad siyang napahinto nang maramdaman na umikot ang kaniyang paningin.
"Ashna sentu..."
Paliko-likong naglakad palapit si Elio sa kaniyang kaibigan habang hawak pa rin niya ang kaniyang balikat. Bago pa man niya tuluyang marating ang kaniyang kaibigan ay napaluhod na ito.
May lason ang palasong sumugat sa kaniya.
Napapikit si Elio nang tuluyang bumigat ang kaniyang ulo. Kinapa niya ang lupa ngunit ilang sandali lamang ay bumagsak din siya sa lupa.
* * * *
"Anong ginawa mo sa kanila?"
"Bakit ako? Nakita ko lang sila."
Pinanood ni Aziel ang kasama niya na suriin ang dalawang katawan na natagpuan nila sa Valthyria. Mariin siyang nakatitig sa mukha ng Terran na walang malay, iniisip kung paano ito napunta rito kasama ang Pyralian.
Huminga nang malalim ang kasama ni Aziel bago kumuha ng tubig sa kaniyang sisidlan. Gumalaw ang mga braso niya, pinaglalaruan ang tubig sa kamay bago ito nilapat sa sugatang braso ng Pyralian. Kasabay no'n ay ang pagliwanag ng tubig.
Dahil may alaala ang tubig, nagagawa nitong gumamot ng sugat. Isa ito sa mga kakayahang iilan lamang sa mga Aquarian ang nakagagawa sapagkat matagal nang tumigil sa pagtulong ang mga babaylan sa mga elementalista.
"Matatagalan pa bago sila magising." Umiwas ng tingin si Aziel sa Terran at suminghal. "Hindi ligtas manatili sa Valthyria."
Napasabunot si Aziel sa sariling buhok at mabigat ang paang naglakad palapit kay Adam na noon ay payapang natutulog. Huminga lang nang malalim ang kasama niya bago binuhat ang Pyralian. "Ibabalik natin sila sa akademiya."
"Hindi maaari!" Napasigaw si Aziel. "Ayaw kong bumalik sa lugar na iyon."
Hindi ngayon. Hindi kailanman.
"Kung gayon ay dadalhin natin sila sa ating kampo upang doon ay makapagpahinga sila." Nakasimangot na tiningnan ni Aziel si Adam na noon ay buhat-buhat niya sa dalawa niyang braso. Sa hindi mabilang na pagkakataon ay suminghal itong muli.
Nagsimula na silang maglakad patungo sa kanilang kampo. Hindi ito malayo sa Valthyria kaya naman ilang sandali lang ay narating na nila ito. Nagtungo lamang silang dalawa sa bansang iyon sapagkat nais nilang magmanman ngunit hindi nila inaasahan na matatagpuan nila ang dalawang nilalang na nakatumba sa lupa.
Tiyak na Valthyrian ang nakasagupa nila sapagkat ang sugat ni Elio ay nangingitim — palatandaan ito na ang sandata ay nagmula sa mga nilalang na may hawak ng dilim. Hindi naman sila nalason, nakatulog lamang sila dahil sa mahika.
Nang sumikat ang araw, sabay na nagising ang dalawa sa hindi pamilyar na silid. Mabigat pa rin ang kanilang mga ulo ngunit agad iyong napalitan ng pangamba nang makitang wala sila sa kanilang silid.
"Nasaan tayo?" Hindi sumagot si Elio at kinuha ang kaniyang pana na nakapatong sa lamesa. Ganoon din ang ginawa ni Adam sa kaniyang baston.
Nasa loob sila ng isang tolda. Nagkatinginan ang dalawa, pinapakiramdaman ang paligid. Nang walang maramdamang panganib, agad silang lumabas. Hinawi nila ang telang nagsilbing harang sa tolda at kaagad lumabas.
Ang kuta ng mga tulisan.
"Gising na pala kayo."
Napalingon sila Adam sa kanilang gilid nang may magsalita. Nakasimangot ito habang nakatingin sa kaniya. Umikot kaagad ang mata ni Elio nang makita ang pamilyar na kulay berdeng buhok.
"Nasaan ang mga kasamahan mo?" Inasinta ni Elio ng palaso ang Terran. "Bakit kami nandito?"
"Malay ko. Ibinilin lamang kayo ng pinuno sa akin." Naglakad palapit ang Terran sa dalawa, hindi alintana ang palasong tutusok sa kaniya sa sandaling pakawalan ito ni Elio. "Umalis sila. Baka mamaya o bukas pa ang balik."
"Saan sila nagtungo?" Ibinaba na ni Elio ang kaniyang pana nang magtanong si Adam. Tamad silang tiningnan ng Terran.
"Sa Arkeo." Nagkatinginan si Adam at Elio nang dahil sa sinagot ng Terran.
Anong ginagawa nila sa mga babaylan?
Ngumisi ang lalaki nang makita ang reaksyon ng dalawa. Sinuklay niya ang kaniyang berdeng buhok saka mahinang natawa.
"Nilulusob ng Prolus ang mga babaylan."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top