Kabanata 6: Masamang Balita

Masamang Balita

Sitaoro.

Ang paniniwalang lahat ng bagay na nagtapos ay muling magsisimula pagdating ng tamang panahon. Ang paniniwalang walang katapusan hangga't may oras.

Iikot ang mundo. Maglalaho ang mga nanatili. Magbabalik ang mga naglaho. Muling iikot ang mundo.

"Naaral mo na ba kung paano palabasin ang kidlat?"

Napatingin si Elio sa dumating. Si Adam, may hawak na naman itong berdeng mansanas na may kagat na niya. Bumuntong-hininga siya at umiling. Hindi niya batid kung paano sisimulan ang page-ensayo sa pagpapalabas ng kidlat sapagkat kakaunti lamang ang libro sa akademiya na patungkol doon.

"Ikaw? Nagawa mo nang aralin ang pagmanipula sa bakal?" Tumatawang umiling lamang si Adam at kumagat sa mansanas niya. Umupo siya sa malaking tipak ng bato samantalang nanatiling nakatayo si Elio, nakatingin sa kaniya at naghihintay ng sagot.

"Nahihirapan akong hanapin ang kalikasan ng lupa sa mga bakal." Hindi nagsalita si Elio at dahan-dahang umupo sa tabi ng kaibigan. Nakatingin sa malayo si Adam habang kumakain ng mansanas. "Sa tingin mo, mabuting bagay ba na bumalik ang isa sa balanse?"

Tumingin lamang si Elio sa malayo. Pinapanood nila ang mga naglalarong mag-aaral. "Sa totoo lang, hindi ako nagagalak sa muling pagtaguyod ng Prolus." Mapait na ngumiti ang lalaki. "Batid ng lahat ang pinsalang idinulot ng kanilang kaharian, kasama ang kaharian ng Valthyria, sa Veridalia." Yumuko si Elio, inaalala ang kaniyang mga odtiel. "Ngunit wala pa namang ginagawang masama ang mga Prusian kaya wala pa namang dapat ikabahala."

Huminga nang malalim si Adam. "Kung nagawang makabalik ng mga Prusian, hindi malabong makabalik din ang mga nangangasiwa ng kadiliman." Nagsalubong ang mga mata ng magkaibigan. Parehas na naglalaro sa kanilang mga mata ang takot. "Natatakot ako para sa magaganap pa, Elio. Natatakot ako para sa mga mawawala pa."

Takot.

Mula pa noon, hindi na nawala-wala kay Adam ang emosyon na iyan. Mas madalas niya itong maramdaman kaysa sa kasiyahan at kalungkutan. Natatakot siya kaya nananatili siyang buhay. Hindi niya alam kung ito ba ang kaniyang kahinaan o ang kaniyang kalakasan.

"Magkasama nating winakasan ang ikatlong digmaan, Adam." Gumuhit ang ngiti sa labi ni Elio at tinapik ang balikat ng kaniyang kaibigan. "Kung may mangyari man, magkasama pa rin natin itong wawakasan."

"Hindi ka maglalaho?" Lumawak ang ngiti ni Elio.

"Kung hindi ka maglalaho. Hangga't may naghihintay sa akin, hinding-hindi ako maglalaho."

Sa kabilang banda, nanatiling nakaupo si Galea sa isang sanga ng punong kahoy. Nakasandal siya sa katawan ng puno, hinahayaang maglakbay ang kaniyang diwa.

Hindi siya makapaniwalang tama ang kaniyang hinala. Kaya pala kakaiba ang pakiramdam niya noong makaharap niya ang matanda sa Prolus. Parang kilala niya ang presensiya nito. Sapagkat nagmula pala ito sa angkan na minsan nang naging malapit sa mga Zephyrian.

Ang liwanag, dilim, at hangin ay isa sa mga pinakamalapit na angkan bago pa sumiklab ang unang digmaang pandaigdigan. Hindi alam ni Galea ang tunay na kuwento sapagkat sa katagalan ng panahon ay nabali na rin ang mga kaganapan sa kuwento ng tatlong angkan.

Ayon sa kuwento, ang pagta-traydor ng dalawang kaharian ang naging dahilan ng pag-usbong ng digmaan at naging dahilan upang tuluyang maubos ang lahi ng Prusian at Valthyrian.

Ngunit paano sila nakabalik?

Nagsalubong ang kilay ni Galea nang dumaan sa kaniyang isip ang katanungang iyon. Tiyak na nalipol ang mga Prusian kaya't paano nagawang muling maitaguyod ang kahariang ito?

Nawasak na ang Tempus Nexus kaya hindi na ito maaaring magamit ng kahit sino. Ang lahat ng nasa nakaraan ay maiiwan sa nakaraan.

"Galea, nagkakagulo ang mga mag-aaral mo." Bumuntong-hininga ang babae nang maputol ang kaniyang pag-iisip. Nakilala niya ang tinig ng nagsalita. Si Avis — ang patnubay ng kasaysayan. "Bakit ka nandiyan?"

"Nagtataguan kami." Tumalon pababa si Galea. "Kasama ito sa kanilang aktibidad."

Si Galea ang patnubay ng pakiramdam. Layunin niyang palakasin ang pandama ng mga mag-aaral sa Cosvan upang matulungan silang magamay ang mga sandata at ang kanilang elemento.

"Kasama rin ba sa aktibidad nilang maging magulo?" Ngumisi lamang sa kaniya si Galea ngunit hindi sumagot.

"Paumanhin, Gurong Avis." Yumuko pa si Galea bago nagsimulang maglakad papalayo. Masungit na talaga noon pa man ang patnubay ng kasaysayan kaya hindi na lamang niya pinansin.

* * * *

"Galing ka sa akademiya?"

Napatigil ang lalaking papasok sa tolda nang magsalita si Aziel. Nakaupo ito sa matigas na kama na binabalutan lamang ng puting bulak na tela. Naka-krus ang binti nito, nakatukod ang dalawang braso habang matamang nakatingin sa pumasok na lalaki.

Umiwas lamang ng tingin ang kinakausap niya at nagtungo sa kalapit na kama. Pinanood niya kung paano alisin ng nilalang na 'yon ang balabal na nakabalot sa kaniya, kasunod ay ang lalagyanan ng espada sa kaniyang tagiliran. Pabagsak na umupo ito sa kaniyang kama at malalim na bumuntong-hininga.

"May tiningnan lamang." Inalis ng lalaki ang sapin niya sa paa ngunit napatigil nang marinig ang marahang pagtawa ni Aziel.

Tumigil sa pagtawa ang lalaki ngunit nanatiling nakangiti. "Sinundan mo ang mga bihag?"

Nagsalubong lamang ang kilay ng lalaki ngunit hindi sumagot. Nang dahil doon ay mas lalong natawa si Aziel. Nawala lamang ang ngiti niya nang maalala ang naganap sa akademiya. Naramdaman niya ang pagdaloy ng kakaibang init sa kaniyang katawan at nakita niya na lamang ang kaniyang sarili na nakakuyom na ang mga kamao.

Bakit kailangan niya pang makita ang nilalang na 'yon?

Nagpaalam na lumabas ang lalaking bagong dating kaya hindi niya na ito pinigilan. Nang mawala sa kaniyang paningin ang lalaki, nagpakawala siya ng malalim na hininga upang ikalma ang kaniyang sarili.

Ilang taon na ang nakalipas ngunit nananatiling sariwa ang bangungot na iyon sa kaniyang utak.

"Adam... Pakiusap, a-ayaw kong matanggal sa akademiya..."

Ipinikit ni Aziel ang kaniyang mga mata nang marinig ang sariling boses. Nang imulat niya ang kaniyang mata, nakita niya ang isang tanawin kung saan makikita ang isang binatang duguan ang mga kamay at sa harap naman nito ay ang binatang binabaha ng luha ang mukha.

"Aziel, h-hihingi ako ng tulong..." Suminghap si Adam at nagsimula muling humakbang papalayo at patalikod habang nakatingin pa rin sa duguang kamay ng lalaki. Bumigat ang dibdib ni Aziel sa pinaghalong sakit at galit habang pinapanood ang mga kaganapan. "H-Huwag kang aalis..."

Kumuyom ang kamao ni Aziel. Pinanood niya kung paano yumuko ang binatang naiwan sa mga duguan nitong kamay. Bumaba ang tingin niya sa walang buhay na vivar.

Ilang sandali lamang ay dumating ang mga bantay ng akademiya. Nanlaki ang mata ni Aziel at bahagyang napahakbang patalikod. Hinanap ng kaniyang mata si Adam at hindi maman siya nabigo nang makita ito sa likod ng mga Sylpari.

Nabasag ang kaniyang puso at sunod-sunod na tumulo ang kaniyang luha habang direktang nakatingin sa mata ni Adam. Nakatingin lang din sa kaniya ang lalaki. Bumigat ang paghinga ni Aziel at namula ang kaniyang mata habang pinapanood ang mga tagpong iyon.

"Adam..." Nabitak ang tinig ng lalaki nang tawagin niya ang pangalan nito. Napayuko si Adam kaya pinanghinaan ng loob ang binata. Sunod-sunod na tumakas ang luha sa mata ni Aziel.

Traydor.

Huminga nang malalim si Aziel at marahas na pinunasan ang kaniyang luha. Tumayo ito at mabigat ang loob na nagtungo sa lugar ng pagpupulong. Tiyak na naroroon ang mga kasamahan niya.

Hindi nga siya nagkamali dahil nang makarating doon ay agad niya silang natagpuan. Napatingin sa kaniya ang lahat nang pumasok siya ngunit naupo lamang ito sa tabi ng lalaking pumasok kanina sa tolda. Tiningnan lamang siya nito sandali bago ibinalik ang tingin sa mga kasamahan.

"Nanggaling ako sa Bellamy at natagpuan ang tatlong Terran na pagala-gala." Nagsalita ang isa sa kanila. Magkahalong bughaw at berde ang kulay ng buhok nito; isang Aquarian.

"Ipinatapon? O rebelde?" Nagsalita si Aziel. Umiling naman ang kasamahang nagsalita.

"Naiwan sila sa lugar na iyon no'ng gabing naganap ang digmaan. Hindi na nila ninais na bumalik sa akademiya." Inalis ng lalaking may bughaw at berdeng buhok ang nakapatong niyang mga braso sa lamesa. "Nagawa ko silang mapasama sa ating pangkat."

Wala namang masyadong mahalagang pinag-uusapan. Galing lamang sa kaniya-kaniyang pagmamanman ang mga bandido at nagtipon sila upang mag-ulat ng mga nabatid, nasaksihan, at naranasan nila sa pagmamasid.

"Nagawa kong pumuslit sa kaharian ng Prolus." Nagsalita ang isang Pyralian. "Nakapagtataka ang bilis ng kanilang pagbangon. May mga kawal nang umaaligid sa kaharian. Nakasuot sila ng puting baluti na may halong dilaw. Sa ngayon ay wala pa naman silang ginagawang hakbang laban sa kahit na kanino."

Natahimik ang lahat. Ang muling pagtaguyod ng Prolus ay naging isang kagimbal-gimbal na balita lalo pa't alam ng lahat ang kasaysayan ng mundo noong mga panahong nasa lupa pa ang mga tagapangasiwa ng liwanag. Ngayong nasa lupa silang muli, hindi nila batid kung ano ang mga susunod na magaganap.

"Nagawa ko ring makapunta sa Valthyria."

Lahat ay napako ang tingin sa isang Zephyrian. Kasama ito ng Terran sa pagmamanman sa Bellamy ngunit mukhang kumilos ito nang walang pasabi. Ngunit hindi pa mahalaga iyon sa ngayon. Ang impormasyon na nakuha niya mula sa Valthyria ang mahalaga.

Walang balita sa Valthyria. Walang nakakaalam kung nakabalik na rin ba ito katulad ng mga Prusian o hindi. Nang makitang lumunok ang Zephyrian, kaagad na binalot ng kakaibang kaba ang lahat ng nasa tolda.

Isang masamang balita.

"Katulad ng Prolus, nagbalik na rin ang mga tagapangasiwa ng dilim."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top