Kabanata 5: Pagbabalik
Pagbabalik
Prolus.
Binabaybay ni Galea ang ang madamong bahagi ng abandonadong kaharian. Mabagal ang paglakad ng kaniyang kabayo ngunit hindi niya ito pinansin. Ngayon ang araw na babalik na siya sa akademiya upang magturo.
Isang taon na rin siyang nagtuturo sa akademiya. Hindi siya maaaring umalis sa lugar na iyon sapagkat nandoon pa si Adam — ang kaniyang kapatid, kaya hindi niya magawang iwan ang lugar. Ipinangako niya sa kanilang ina na gagabayan niya ito.
Si Adam at Galea ay parehong anak ni Helena — isa sa mga pinakamahuhusay na Zephyrian at pinakamagiting na mandirigma ng Veridalia. Isa si Helena sa mga nakipag-digmaan noong unang digmaang pandaigdigan at nagpabagsak sa kaharian ng Prolus, kasama ang Valthyria.
Si Galea ay isang tunay na Zephyrian sapagkat ang kaniyang ama ay isa ring Zephyrian. Hindi niya nga lang nakilala sapagkat napaslang na ito noong ikalawang digmaang pandaigdigan.
Sa kabilang banda, ang ama naman ni Adam ay nagmula sa lahi ng mga Terran. Nang isilang si Adam at napag-alamang Terran ang nananalaytay sa kaniyang dugo, agad siyang inalis sa Nimbusia at kinilala bilang isang Terran.
Ganoon ang sistema sa kanilang mundo. Iisang lahi lang ang pagkakakilanlan mo kahit na magmula ka sa dalawang magkaibang lahi. Kung ano ang hawak mong elemento, iyon ang magiging bansang kabibilangan mo.
Nasaan si Helena?
Sa kasamaang palad ay kasama ito sa mga napaslang noong magkaroon ng paglusob habang sinusubukan nilang pagtagumpayan ang sambuhay — ang tulay sa pagiging Sylpari. Hanggang ngayon ay nananatiling misteryo ang naganap noong mga panahong iyon.
Napatigil si Galea nang umihip ang hangin sa kaniyang tainga. Dahil pinanganak na bulag, hangin ang naging kakampi ng babae. Ito ang nagsilbing mata niya kaya nagagawa niyang malaman ang mga bagay na ipinagkakait sa kaniya ng kaniyang paningin.
Inihanda ni Galea ang kaniyang pana at sinalangan ito ng palaso, itinutok sa direksyon kung saan nakatayo ang isang nilalang. "Kalaban ka ba?"
Hindi niya alam kung bandido ba ang nilalang na ito at naligaw sa bumagsak na kaharian ng Prolus ngunit kung bandido nga ito'y nakapagtatakang mag-isa lamang ito. Hindi kumikilos mag-isa ang mga tulisan.
Ngumisi ang nilalang na natatakluban ng puti na may halong dilaw na balabal. Natatabunan ng takip sa ulo ang kaniyang mata ngunit malinaw niyang nakikita ang babaeng may hawak na pana. Mas lalong lumawak ang pagkakangisi nito nang mapagtantong isa itong Zephyrian.
"Paumanhin, ako'y naligaw lamang." Nagsalubong ang kilay ni Galea nang marinig ang nagsalita. Isa itong matandang babae. "Ang balak ko sana ay magtungo sa Arkeo ngunit dito ako dinala ng aking mga paa."
Ang Arkeo ang tirahan ng mga babaylan. Ibinaba ni Galea ang kaniyang pana nang walang ibulong ang hangin. Isinukbit niya ang kaniyang pana at ibinalik ang palaso. "Tiyak akong wala sa hilaga ang Arkeo. Nasa silangan ito."
"Salamat sa pagsasabing nasa hilaga ako. Hindi ko malaman ang direksyon ko sapagkat malabo na ang aking mata." Hindi sumagot si Galea at kinapa na lamang ang renda ng kabayo.
"Kailangan mo ba ng tulong patungo sa Arkeo?" Humarap sa daraanan si Galea ngunit nanatiling nakatayo ang kaniyang kabayo.
Ngumiti naman ang naka-puting balabal. "Maraming salamat ngunit batid kong ikaw ay may pupuntahan. Kaya ko na ang aking sarili."
"Kung gayon ay mauuna na ako. Mag-iingat ka sa iyong biyahe, adtel."
Adtel — "nakatatandang babae / lola"
Nang magsimulang patakbuhin ni Galea ang kabayo, nanatiling nakangiti ang nilalang sa puting balabal. Pinanood niya ang unti-unting paglayo ng kabayo lulan ang babae. Hinangin nang bahagya ang kaniyang balabal at lumabas ang tatak sa kaniyang kasuotan.
Ang dilaw na araw.
"Hanggang sa muli nating pagtatagpo, Helena..."
* * * *
"May hamog din ba sa iyong silid kagabi?"
Nagsalubong ang kilay ni Diego nang dahil sa sinabi ni Elio. Bahagya siyang tumingin sa taas, inaalala kung may pumasok bang hamog sa kaniyang silid ngunit wala siyang maalala. Umiling lamang siya kaya napabuntong-hininga si Elio.
"Bakit?" Tumingin si Diego kay Elio na may halong pagtataka. "Baka nagkalat ang hamog sa akademiya kagabi. Nakasarado ang aking bintana kaya hindi ito napasok ng hamog."
Hindi na lamang sumagot si Elio at nagpatuloy na lamang sa paglalakad. Nagpatuloy sila sa paglalakad. Iniwan kasi sila ni Fria sapagkat maaga pa itong umalis sa dormitoryo. Inihatid lamang ni Diego si Elio sa silid-aralan ng mga Sincov bago siya nagtungo sa sarili niyang silid.
"Nakatulog ka ba?"
Natatawang tiningnan ni Adam si Elio na noon ay namumula ang ilalim ng mata, tanda na wala itong sapat na tulog. Sinimangutan lamang siya ni Elio saka naupo sa tabi nito.
Hindi talaga nakatulog nang maayos si Elio sapagkat hinintay niyang magpakita ang may-ari ng hamog. Ngunit lumalim nang lumalim ang gabi nang walang nangyayari. Hindi siya nagpakita.
Matapos ang huling digmaan, ngayon lang ulit siya nilapitan ng hamog. Ang huling pagdampi ng hamog sa kaniya ay no'ng panahong nilisan ni Dylan ang akademiya at hindi na muling nagpakita pa.
"Magandang araw..."
Pumasok ang patnubay kaya naman doon na napunta ang atensiyon nina Adam at Elio. Ang mga pinag-aaralan ng mga Sincov ay nasa pagitan ng baguhan at mahusay. Sa ikalawang yugto ng pag-aaral, mas nagagawang makilala ng isang nilalang ang elementong kaniyang hawak.
Ang pangalawang elemento ng kanilang elemento.
Nagawa nang magamit nina Galea at Dylan ang pangalawang elemento ng kanilang elemento. Katulad na lamang ng pagmamanipula ng tunog na nagagawa ng mga Zephyrian, at pagmamanipula ng yelo para sa mga Aquarian.
"Ang kakayahan ng mga Terran na magmanipula ng lupa ay hindi nalalayo sa kakayahang magmanipula ng mga bagay na may buong anyo." Tumayo ang patnubay ng ikalawang elemento at ngumiti. Siya ay nagmula sa bansang Verdantia. "Bukod sa lupa, may kakayahan din ang mga Terran na manipulahin at hulmahin ang mga bakal at kristal."
Mula sa lamesa, lumutang ang isang baluti para sa ulo na gawa sa bakal. Lumapit ito sa patnubay at kaagad namang kumilos ang mga braso ng patnubay hanggang sa mabali ang anyo nito at maging isang bola. Ngumiti siya sa mga mag-aaral na noon ay namamangha.
"Ang mga Pyralian naman na may kakayahan sa pagmamanipula ng apoy ay may malawak na kahusayan pagdating sa panibagong uri ng init." Bumalik sa paglalakad ang patnubay habang nakatingin sa kanila. "Malawak ang kanilang kaalaman pagdating sa pagbuo ng kidlat."
Hindi naman lingid sa kaalaman ni Elio ang kakayanan na iyon sapagkat nabasa niya rin ang kakayahang ito sa libro. Ngunit hindi niya binigyang pansin ang abilidad na iyon sapagkat masyadong mapanganib. Ang pagpapadaloy ng kidlat sa kanilang katawan ay nangangailangan ng matinding disiplina at lakas.
"Nakabalik na raw si Galea. Tara sa mga Cosvan." Tumango si Elio sa paanyaya ni Adam. Si Galea kasi ay napiling magturo sa mga baguhan.
"Galea!"
Napatigil sa paglalakad si Galea nang tawagin siya ni Adam at Elio. Hinintay niyang makalapit ang dalawa sa kaniya, humihingal pa ang mga ito. Hinarap niya ang mga ito at tinaasan ng kilay.
"Nagagalak akong makita kang muli, Galea." Ngumiti si Elio sa kaniya ngunit tango lamang ang sinagot ng babae.
"Saan ka pupunta? Nagmamadali ka ata." Hindi kaagad nakasagot ang babae sa naging tanong ni Adam. "Ayos ka lang?"
"Patutungo ako sa mga Sylpari." Parehong nagtaka sina Adam at Elio sa winika ng babae. Nagkatinginan silang dalawa at sabay na nagkibit-balikat.
"Maaari ba kaming sumama?" Si Elio na ang nagtanong. Gusto niyang malaman ang dahilan kung bakit makikipagkita si Galea sa mga Sylpari.
Wala mang makita, batid ni Galea ang pagkasabik sa tinig ng lalaki kaya napipilitan na lamang siyang tumango. Hindi naman niya balak isekreto ang mga impormasyon na nabubuo sa kaniyang isipan. "Huwag lamang kayo makikialam."
Sabay-sabay nilang tinahak ang daan patungo sa tahanan ng mga Sylpari. May mga nakakasalubong silang mga mag-aaral na noon ay nag-uusap lamang o hindi naman kaya'y namamasyal lamang. Ang iba ay binabati si Galea sapagkat ito'y kanilang patnubay.
Si Adam lamang ang nagsasalita sa buong oras ng paglalakad; tahimik lang si Galea at Elio. Ang katahimikan ng babae ay gumugulo sa utak ni Elio. Bagaman matagal nang tahimik si Galea, kakaiba ang katahimikan nito ngayon. Tila naging isang babala ang kaniyang katahimikan.
Naabutan nila ang apat na Sylpari sa isang silid kung saan nagaganap ang mga pagpupulong. Tila batid ng mga ito na darating ang tatlo. Yumuko ang tatlo sa kanila bago sila pinaunlakan na maupo.
"Magsalita ka."
Bumuntong-hininga si Galea bago nagsalita. "Nais kong magpadala kayo ng mga espiya sa Prolus."
Kumunot ang noo ni Adam at Elio nang dahil sa narinig. Nanatili naman ang tuwid na mukha ng apat na nilalang na nasa kanilang harapan. Sandaling namayani ang kapayapaan sa silid.
Umangat ang kilay ng Sylpari ng tubig. "Bakit kailangang bantayan ang Prolus?"
"Kanina ay may nakasalamuha akong nilalang." Tumingin si Galea sa malayo at inalala ang mga salitang sinambit ng matandang nilalang kanina. "Ang sabi niya'y tutungo siya sa Arkeo."
Bumakas ang gulat sa mukha ng mga Sylpari samantalang nanatili ang pagkalito sa mukha nina Adam at Elio. Kalaunan ay nakabawi ang Sylpari ng lupa. "Baka nakalabas lamang siya ng kanilang bansa. May kakayahan ang mga babaylan na tumagos sa sarili nilang halang."
Matapos bumagsak ng Valthyria at Prolus sa tulong ng mga babaylan, napagdesisyunan ng mga ito na isarado ang kanilang pamayanan sa pamamagitan ng pagbuo ng matibay na halang. Ito ay upang protektahan ang kanilang lahi at hindi na masangkot sa mga gulong magaganap sa mundo.
"Ang sabi niya ay malabo ang kaniyang mata." Hindi man makita ni Galea, alam niyang nakatingin sa kaniya ang apat na Sylpari. "Hindi lumalabo ang mata ng mga babaylan sa parehong paraang may kakayahan silang labanan ang pag-edad."
Patunay no'n ay si Lumineya. Kaya hindi ito kasintanda ng mga Sylpari ay sapagkat matagal na nitong nilalabanan ang natural na proseso ng pagtanda.
"Ano ang nais mong ipahiwatig, Zephyrian?"
Mariing napalunok si Elio sa mga naririnig niya. Nang tingnan niya si Adam ay ganoon din sa kaniya ang ekspresyon nito. Naguguluhan sa mga bagay.
Umangat ang sulok ng labi ni Galea. "Magpadala kayo ng espiya sa Prolus kung gusto niyong malaman."
Umalis na silang tatlo sa tahanan ng mga Sylpari. Maghapong naglaro sa isipan ni Elio ang mga narinig hanggang sa abutin na naman siya ng gabi kaiisip. Ganoon din si Adam. Hindi rin siya makatulog.
Kinabukasan, bumalik sa normal ang lahat. Nakasabay pa nila sa tanghalian si Galea. Nagpatuloy ang mga araw na ganoon lamang ang nangyayari. Hindi batid ni Galea kung sinunod ba siya ng mga Sylpari at nagpadala ng mga espiya ngunit kung hindi, kikilos siya mag-isa. Kailangan niyang malaman ang mga bagay-bagay at malinawan.
"Guro, ipinatatawag daw po kayo ng mga Sylpari."
Napangisi si Galea at kaagad na lumabas ng silid. Nagsalubong lamang ang kaniyang kilay nang marinig muli ang tinig nina Adam at Elio na papalapit.
"Ipinatawag ka rin ng Sylpari?" Naguguluhan na tumango si Galea sa tanong ni Elio. "Kami rin. Hindi ko alam kung anong kailangan niya sa amin."
Nagmadali ang tatlo upang mabilis na marating ang tahanan ng mga Sylpari. Muli nila itong naabutan sa parehong silid kung saan nila ito huling iniwan. Suot-suot na naman nila ang kaniya-kaniya nilang mga balabal nang harapin ang tatlo.
"Nagpadala kami ng espiya sa Prolus katulad ng sinabi mo..." Tumikhim ang Sylpari ng lupa.
Umangat ang kilay ni Galea. "Anong ibinalita ng mga espiya?"
Huminga nang malalim ang Sylpari ng lupa. "Namatay sila."
Bumuka ang bibig nina Elio nang dahil sa narinig. Hindi rin nakagalaw si Galea sa pagkakaupo nang dahil sa narinig.
"Namatay silang mulat ang mga mata." Sumandal ang Sylpari ng apoy sa kaniyang upuan. "Puti ang kulay ng kanilang mga mata."
Nabulag. Binulag sila.
Napalunok si Galea dahil sa balita. Maging si Elio at Adam ay hindi mapakali sa kanilang upuan. Huminga nang malalim ang Sylpari ng tubig saka siya nagsalita.
"Nagtungo kaming apat sa Prolus at nakita ang kalagayan ng kaharian."
Bumigat ang hangin sa paligid. Bumilis ang pintig ng puso ng tatlong nilalang na pumasok sa tahanan ng mga Sylpari. Ramdam nila ang pagtaas ng tensiyon sa loob ng silid.
"Nakatayo nang muli ang kaharian ng Prolus. Nagbalik na ang lahi ng mga tagapangasiwa ng liwanag."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top