Kabanata 38: Kadita

Kadita

"Ina, pinatatawag niyo raw ako..."

Mula sa kaniyang ina, lumipat ang tingin ni Kadita sa kaniyang mas nakababatang kapatid na noon ay kasama rin ng hari at reyna. Umikot lamang ang kaniyang mata saka umupo sa upuang katapat ng kaniyang kapatid.

Hindi inililihim ni Kadita ang pagkamuhi niya sa kaniyang kapatid sapagkat noon pa man ay kaagaw niya na ito sa trono. Walang araw na hindi niya ito sinubukang daigin sa lahat ng bagay sa pag-aakalang sa pamamagitan noon ay mapagtatanto ng kanilang mga magulang na mas karapat-dapat siya.

"Sa susunod na linggo ay malalaman na ng buong Prolus ang magiging sunod na reyna at hari ng kaharian."

Nanlaki ang mata ni Kadita sa sinambit ng amang-hari. Sinalamin niya ang reaksyon ng kaniyang kapatid na noon ay halatang hindi rin inaasahan ang aking ibinalita ng kanilang ama. Nagpabalik-balik ang tingin ni Kadita sa kaniyang mga magulang at nang mapagtantong walang halong pagbibiro ang mukha ng mga ito ay hindi niya mapigilang matuwa.

"H-Hindi kaya't masyadong mabilis?" Lihim na napalingon si Lumina, ang nakababatang kapatid ni Kadita, sa kaniyang kapatid nang iwika niya iyon. May hinuha na siya sa mga sunod na magaganap at nais niya iyong pigilan. "Ang akala ko ay sa mga susunod na taon pa."

"May naganap ba, ama? Ina?" Maging si Kadita ay nababahala rin sa hindi inaasahang balita.

Payak lamang na ngumiti ang kanilang ina. "Mahaba-habang panahon na rin ang aming panunungkulan sa kaharian. Nais din naming mamuhay nang malayo sa korona."

Nang magsalubong ang mga mata nina Lumina at ng kaniyang ina, nakiki-usap na umiling ang babae. Tiningnan lamang siya ng kaniyang ina na tila sinasabing wala siyang magagawa sa desisyon ng hari.

"Isa pa..." Uminom ng alak ang hari bago sinundan ang sinabi ng reyna. "Batid namin na mas ikagagalak ng kaharian na pamunuan ng bagong reyna't hari. Kailangan ito ng Prolus."

Tumikhim si Lumina upang iwaksi ang pagkabahala sa kaniyang dibdib. "K-Kung gayon ay sa tingin ko'y magiging mabuting reyna si Kadita."

Napatingin si Kadita sa kaniyang nakababatang kapatid na noon ay hindi nakatingin sa kaniya. Hindi siya makapaniwalang maririnig niya ang kaniyang kapatid na banggitin iyon lalo pa't akala niya'y katunggali rin ang turing sa kaniya nito. Hindi niya maikubli ang sayang nararamdaman.

Tila nabunutan siya ng tinik sa dibdib sa katotohanang hindi niya kaagaw sa trono si Lumina.

Tunay na hindi niya kaagaw ang kaniyang kapatid sapagkat ang totoong kalaban niya ay ang pasya ng kanilang mga magulang.

"Hindi si Kadita ang nais naming humalili."

Ang mga mata ni Kadita na nakatingin sa kaniyang kapatid ay mabilis na lumipat sa ama niya na mismong nagsabi ng mga katagang iyon. Kung kanina'y nababalot ng galak ang kaniyang mukha, ngayon ay nilukuban na ito ng pagkalito. Nagpalipat-lipat ang kaniyang tingin sa mga magulang niyang hindi makatingin sa kaniya.

"Ikaw, Lumina, ang nakikita naming karapat-dapat na maging susunod na reyna."

"Ama..." pabulong at madiing tawag ni Lumina. "Husto na."

Nanatili naman ang kagulumihanan sa mga mata ni Kadita na ngayon ay kinikintaban na ng nagbabadyang luha. Nanginginig ang kaniyang labi at mga kamay na mahigpit ang hawak sa kubyertos. "H-Hindi ko maunawaan..."

Napalunok si Lumina saka nanginginig na hinawakan ang kamay ng kapatid. "Kadita..."

"Mas marami akong napatunayan sa kaniya..." Napatingin si Kadita sa kaniyang ina, pumatak ang luha sa isa niyang mata. Lumipat naman ang kaniyang tingin sa kaniyang ama saka tuluyang bumuhos ang kaniyang luha. "Mas naging karapat-dapat ako sa kaniya kaya bakit hindi ako?"

Nataranta ang lahat ng nasa silid-kainan nang sumigaw at tumayo si Kadita. Ang nakahawak na kamay ni Lumina ay mabilis na naiwaksi ng kaniyang kapatid nang tumayo ito.

"Ako ang dapat na maging reyna at hindi iyan!"

Ang mga nagliliyab na mata ni Kadita ay tinunton ang noo'y nakayuko lang na si Lumina. Mahigpit ang kapit nito sa laylayan suot niyang bestida. Nang makita ang nakababatang kapatid ay hindi na napigilan ni Kadita na lumapit at subukang saktan ito subalit napatigil nang muling magsalita ang kanilang ama.

"Mas lalo mo lamang pinatutunayan na hindi ka karapat-dapat." Hinawakan ng reyna ang braso ng hari sa pag-asang mapatitigil ito sa pagsambit pa ng mga kataga. "Hindi ugali ng reyna ang magdamdam sa mga bagay na hindi naibibigay sa kaniya; mag-asal-paslit sa bagay na hindi niya nakuha."

Napapikit at napayuko si Kadita dahil sa bigat ng kaniyang nararamdaman noong panahong iyon. Pakiramdam niya ay pinagkakaisahan siya ng lahat. Pakiramdam niya'y walang silbi ang mga ginawa niya noon sapagkat sa mata ng kanilang magulang ay matagal nang nakatakda ang kapalaran ng kaniyang kapatid sa korona.

Sa mata ng kaniyang mga magulang ay si Lumina lamang ang dapat na pamunuan ang Prolus.

Huminga siya nang malalim saka matalim na tiningnan ang hari. "Pagsisisihan niyong siya ang pinili niyo at hindi ako."

Bago tumalikod ay nagawa niya pang samaan ng tingin ang nakababatang kapatid bago niya tuluyang nilisan ang silid. Simbigat ng kaniyang mga yapak ang kaniyang nararamdaman habang tinatahak ang kaniyang silid. Sing-ingay ng malutong na paglakad niya sa marmol na sahig ang mga tinig sa kaniyang utak.

Sinundan ni Lumina ang kaniyang kapatid. Nais niyang magpaliwanag dito. Nais niyang pagaanin ang loob nito kahit na tila imposible. Hindi niya rin maiwasang maghinanakit sa kanilang mga magulang sapagkat batid niya mas kailangan ng Prolus si Kadita.

"Kadita..."

Naabutan niya ang kapatid na nag-aayos ng gamit. Mula sa sandaling pagkakatulala ay mabilis na lumapit si Lumina kay Kadita upang pigilan ito sa kaniyang balak.

"Aalis ka? Hindi maaari!" Tumalim ang tingin ni Kadita sa kaniyang nakababatang kapatid.

"Para ano? Mapamukha mo ang tronong ninakaw mo sa akin?" Natahimik si Lumina sa mga winika ni Kadita. Kailanman ay hindi niya ninais ang trono.

Ipinagpatuloy ni Kadita ang pagsasa-ayos ng mga gamit at hindi na lamang pinansin ang kapatid. Hangga't maaari ay hindi niya nais saktan ito kahit pa pakiramdam niya'y tinraydor siya nito.

"P-Pakiki-usapan ko si ama..." Pinaglaruan ni Lumina ang kaniyang mga daliri. Napahinto si Kadita at tiningnan siya kaya nagsalubong ang kanilang mga mata. "Hindi ko nais maging reyna, Kadita."

Nang-uuyam na tumawa ang babae. "Hindi mo kailangang magpakita ng awa sa akin. Tumigil ka na sa pagpapanggap sapagkat kahit si Luban pa ang kausapin mo, hindi mawawala ang poot ko sa iyo," pagtukoy niya sa diyosa ng liwanag.

Hindi nakaimik si Lumina. Dama niya ang galit ng kaniyang kapatid sa kaniya. Subalit totoo ang kaniyang sinabi, hindi niya nais maging reyna, o maging bahagi ng monarka. Hindi ito ang buhay para sa kaniya.

"At huwag kang mag-alala, Lumina..." Napagitla siya nang banggitin ng kaniyang kapatid ang kaniyang pangalan sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon. "Kung may mawawala man sa kaharian sa ating dalawa, siguradong hindi ako iyon."

Naiwan si Lumina sa silid ng kaniyang kapatid nang muli siyang talikuran nito. Nanatiling nakatingin ang babae sa likod ng papalayo nang si Kadita habang nabibiyak ang puso sa katotohanang wala ng pag-asa upang mabuo sila muling dalawa.

"Kadita? Saan ka patutungo?"

Napahinto ang babae nang makasalubong niya ang pamilyar na nilalang. Magiliw itong nakangiti sa kaniya katulad ng nakasanayan nitong gawin. Kung katulad ng ibang araw ang ngayon, malamang ay kakausapin niya ito nang masaya. Subalit iba ngayon.

"Sa malayo," tipid na sagot niya.

"May pinagdaraanan ka ba?" Bahagyang tinagilid ni Isagani ang kaniyang ulo, mariing pinagmamasdan si Kadita. "Galing ka sa pagtangis. Anong nangyari?"

Napahinga nang malalim si Kadita. "Hindi ko nais makipag-usap, Isagani. Kumausap ka na lamang ng iba kung nababagot ka sa Valthyria."

Marahang natawa si Isagani sapagkat sanay na siya sa ugali ng kaibigan. "Naparito ako upang dalawin kayo ni Lumina. Kukumustahin na rin ang hari at ang reyna."

"Tumungo ka na lamang sa loob," tipid na pahayag ni Kadita, nais nang tapusin ang usapan. "Huwag mong sabihin na lumabas ako ng Prolus."

"Anong dahilan?"

"Bakit ang dami mong katanungan ngayon, Isagani?" Natatawang napaatras na lamang ang lalaki. Mukha masama talaga ang pinagdadaanan ni Kadita upang umasta ito nang ganito.

"Kung gayon ay mag-iingat ka na lamang, Kadita," nakangiting wika ni Isagani.

Walang paalam niyang nilisan ang kaharian ng Prolus. Hindi naman ito ang unang beses niyang lumabas ng kaharian kaya batid niya ang pasikot-sikot ng daan. Iniwasan niyang magtungo sa hilaga kung saan nakatira ang mga Zephyrian, ang tagapangasiwa ng hangin.

Hindi niya nais na gambalain ang mga iyon kaya naman tinungo niya na lamang ang hilaga ng Arkeo na siyang tahanan ng mga babaylan. Wala naman siyang balak makipag-usap sa mga nilalang na iyon, nais niya lamang magtungo sa dalampasigan na malapit.

Lumulubog nang bahagya ang kaniyang talampakan sa kulay puting buhangin. Nang makakita siya ng bato ay agad siyang umupo roon nang makaramdam ng pagod.

Nakapinta sa langit ang nag-aagaw na kulay ng asul at kahel mula sa papalubog nang araw. Mula sa kaniyang kinaroroonan ay natatanaw ang malaking kaharian ng Misthaven, ang tahanan ng mga nangangasiwa sa tubig.

"Nararamdaman kong may mabigat kang dinadala."

Lumingon si Kadita sa kaniyang gilid nang marinig ang malalim na tinig mula roon. Hindi siya binigo ng kaniyang mata nang may magpakitang nilalang na nakatayo hindi kalayuan mula sa kaniya.

Maayos ang buhok nitong kulay asul na halos magkulay itim na dahil sa kahel na liwanag na dumapo rito. Masasabi mula sa kasuotan nito na hindi siya galing sa isang karaniwang nilalang ng Veridalia; nabibilang ito sa monarka ng isang bansa. Ang bansang Misthaven.

"Ano't tila naliligaw ang isang Prusian dito?" Nakangiti siyang hinarap ng nilalang. Kumikinang ang mukha nito dahil sa liwanag na sumasalamin sa katubigan.

Walang balak si Kadita na kausapin ito subalit mukhang iba ang plano ng lalaki nang maglakad ito palapit sa kaniya. Hawak nito sa kamay ang isang patpat na kanina'y ginagamit niya sa pagguhit sa buhangin bago niya napansin ang babae.

"Ang ngalan ko ay Kalid, mula sa lupain na nangangasiwa sa katubigan."

Minata lamang ni Kadita ang kamay na ini-alok ng nagpakilalang Kalid bago niya ibalik ang atensiyon sa kawalan. Dahil doon ay narinig niya ang marahang pagtawa ng lalaki na mukhang hindi naman naasar sa hindi niya pagpansin. Nanatili ito sa kaniyang tabi nang hindi nagsasalita.

Hindi nilisan ni Kadita ang lugar sa loob ng ilang araw. Si Kalid naman ay hindi rin pumalya sa pagtungo roon, dahilan upang maging bukas ang loob sa kaniya ng babae at makilala ito nang higit pa sa lahat.

"Bakit ayaw mong maging hari?"

Mula sa dumaang bulalakaw, lumipat ang tingin ni Kadita kay Kalid na noon ay hindi pa rin binubura ang ngiti sa kaniyang labi. Nasaksihan niya kung paano bumaba ang ulo nito at marahang natawa.

"Hindi ko gusto ang responsibilidad," panimula niya. "Kapag naging hari ako, hawak ko lahat."

"Hindi ba iyon mabuting bagay?" Napalunok si Kadita saka umiwas ng tingin.

"Sa iba, maaari." Tumawa lang si Kalid ngunit ilang sandali ay natahimik din. "Pero hindi sa akin. Nakasalalay sila sa mga pasya ko, at isang pagkakamali lamang ay maaaring masira ang lahat."

Nakauunawang tumango si Kadita at hindi na nagsalita pang muli. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang mga mata ni Kalid na nakatingin sa kaniya. Nang lumingon siya ay hindi nga siya nagkamali.

"Ikaw, Kadita?" Umangat ang kilay ng babae. "Bakit gusto mong maging reyna?"

Umiwas ng tingin ang babae, nag-iisip ng sagot. Kalaunan ay tumawa lamang siya. "Gusto ko lang."

Hindi iyon ang katotohanan. Nais ni Kadita na baguhin ang takbo ng Prolus. Nais niyang sagipin ang pangarap ng bawat mamamayan na naroon. Nais niyang bigyan ng kalayaan at karangyaan ang kahariang palaging nagtatago sa anino ng iba pang kaharian.

Mayamaya lang ay naramdaman ni Kadita ang pagyakap sa kaniya ng kakaibang lamig. Napalingon siya kay Kalid na noon ay nakangiti lang habang nakatanaw sa malayo. Naramdaman marahil nito ang pagtingin niya kaya bumaling ito sa kaniya.

"Saan nanggaling ang hamog na ito?"

Inilibot ni Kalid ang kaniyang paningin at mas lumawak ang kaniyang ngiti nang makilala ang bagay. "Sa akin ito."

"Marunong kang bumuo ng hamog?" Tiningnan siya ni Kalid saka nakangiting tumango.

"Isa itong kakayahan na naipapasa lamang sa mga natatanging Aquarian." Unti-unting naglaho ang hamog na tila kinausap ito ni Kalid. "Dumadating ito kapag kailangan ng may-ari ng tulong o nakararamdam ng sobrang emosyon."

"Bakit narito ito ngayon? Nasa panganib ka ba?"

Marahang iniling ni Kalid ang kaniyang ulo. "Marahil ay gusto ka lamang nitong makilala."

Kinabukasan, ang pampitong araw ng pananatili niya sa baybayin, naramdaman ni Kadita ang kakaiba sa liwanag. Tila ito'y napupundi, nawawala rin ang kulay ng ibang bagay sa paligid niya. Tanda ito na may hindi magandang nangyayari sa Prolus. Humihina ang liwanag.

Sa kagustuhang malaman ang kaganapan ay agad niyang nilisan ang lugar. Hindi alintana kung babalik ba roon muli si Kalid upang puntahan siya. Ang nais niya lamang ay mabatid ang mga kaganapan sa likod ng paghina ng liwanag.

Hindi rin naman naging matagal ang paglalakbay bago niya narating ang Prolus. Kumunot ang kaniyang noo sa malaking pagbabagong inabot nito sa loob lamang ng isang linggo.

Makikita sa paligid ang naging paghahanda ng lahat para sa dapat sana'y koronasyon ng susunod na reyna. Subalit hindi maunawaan ni Kadita ang nangyari at tila nagluluksa ang buong kaharian.

"Hindi nakita ang pumana sa kaniya."

Napatingin si Kadita sa dalawang Prusian na nag-uusap. Hindi niya alam kung bakit kumabog ang kaniyang dibdib at dali-daling tinunton ang landas pabalik sa palasyo.

Doon niya naabutan ang mga monarka, kasama ang hari at reyna ng Valthyria. Una siyang napansin ni Isagani.

"Kadita! Saan ka nanggaling?" Dali-dali itong lumapit sa kaniya. Kumunot ang noo ng babae saka tiningnan ang mga kasunod nito ngunit isang nilalang ang hindi niya makita. "May masamang nangyari kay Lumina."

Nanghina ang tuhod ni Kadita sa narinig. Hindi pa man sinisiwalat ni Isagani ang naganap ay may hinuha na siya na si Lumina ang pinag-uusapan ng mga mamamayang nadaanan niya kanina.

"Kadita, hindi ka na dapat bumalik. Baka ikaw ang ituro nilang salarin."

Umangat ang tingin ni Kadita kay Isagani na noon ay nakatingin lang din sa kaniya. Bakas ang kaguluhan sa mukha ng babae sapagkat hindi niya maunawaan kung bakit siya ang magiging salarin.

"Hindi ba't pinagbantaan mo si Lumina bago ka umalis?"

Nanigas sa kinatatayuan si Kadita nang marinig ang sinabi ng lalaki. Bumuka ang kaniyang bibig mula sa pagkagulat at naalala ang huling katagang binitawan niya sa kaniyang kapatid. Nagsimulang manginig ang kaniyang kamay.

"Ikaw ba ang pumaslang kay Lumina, Kadita?"

Hindi alam ni Kadita ang mga sumunod na nangyari dahil ang tanging nasa isip niya lamang ay ang pagkamatay ng kaniyang kapatid at ang katotohanang siya ang pinagbibintangan ng lahat. Natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili na nakakulong sa selda ng mga nagkasala sa kaharian.

"Kumain ka muna..."

Umangat ang tingin ni Kadita sa dumating. Bitbit ni Isagani ang mga pagkain at umupo sa tapat ng bakal na rehas na namamagitan sa kanilang dalawa. Hindi kumibo si Kadita at nanatiling nakatingin lamang kay Isagani habang inaasikaso nito ang pagkain.

"Bago mamatay si Lumina..." Napatigil si Isagani sa ginagawa nang magsalita si Kadita. Garalgal ang tinig nito at halatang tuyo na ang lalamunan. "Ginamit niya ang liwanag upang balaan ako."

Ipinagpatuloy ni Isagani ang paglapag sa mga pagkain, nakikinig sa sinasabi ni Kadita. Hindi niya man pagmasdan ang babae, nararamdaman niya ang nanunusok nitong tingin sa kaniya.

"Akala mo ba ay hindi ko malalaman, Isagani?"

Napatigil nang tuluyan ang lalaki nang mapagtantong tama ang kaniyang hinuha. May ideya si Kadita sa mga naganap. Napapikit siya nang mariin dahil sa inis.

Likas ang katalinuhan ng mga Prusian.

"Kayong mga Valthyrian, pare-pareho lamang kayo." Nang-uuyam na tumawa si Kadita dahilan upang umangat ang tingin sa kaniya ni Isagani. "Katulad ng elemento niyo'y madilim din kayo; mapanganib."

Hindi nagsalita si Isagani. Wala rin namang magagawa si Kadita laban sa kaniya lalo pa't nahulog na rin ito sa patibong niya. Hinayaan niya na lamang ang babae na kutyain siya sapagkat hindi na rin naman ito magtatagal.

"Subalit tagapangasiwa pa rin ako ng liwanag, Isagani," nakangising wika ni Kadita. "Manalo man ang kadiliman ngayon, babalik ako hangga't hindi kayo bumabagsak."

Tumayo na lamang si Isagani at handa nang lisanin ang silid sapagkat nakaramdam din siya ng takot sa banta ni Kadita. Iba ang bigat ng kapangyarihan ng liwanag; mas mabigat ito sa kapangyarihan ng dilim.

"Sa huli, walang puwang ang kadiliman sa Veridalia."

Naiwan si Kadita sa loob ng malamig at tahimik na selda. Mula sa maliit na bintana ay tumatagos ang liwanag na nagmumula sa labas. Doon lamang nakatingin ang kaniyang mga mata hanggang sa dahan-dahan siyang tumayo at lumakad palapit doon.

Hinawakan niya ang liwanag kaya bahagya siyang napapikit. Ninais niyang maging kaisa nito. Hindi lamang maging tagahawak nito kung hindi maging bahagi nito mismo.

Sa paraang iyon, mabibigyan niya ng panahon ang kaniyang sarili upang bumalik para sa paghihiganti.

Gamit ang buong lakas at kapangyarihang meron siya, nagawa niyang gamitin ang liwanag upang maglaho at ikubli ang kaniyang sarili. Dahil doon ay nakulong ang kaniyang diwa sa isang ilusyon na kung saan hawak ng liwanag ang oras.

Tuluyang naglaho sa Veridalia si Kadita.

Ang kaniyang paglaho ay naging buhay na banta hindi lamang para kay Isagani, kung hindi sa buong Valthyria sapagkat batid nilang ang muling pagbabalik nito ang magiging dahilan ng kanilang pagbagsak.

* * * *

"Kiarra!"

Napuno ng galak ang mukha ni Lumen nang matanaw si Kiarra na palabas ng palasyo. Mukhang natanggap nga nito ang mensaheng kaniyang ipinadala.

Nang matanaw ang lalaki, agad na umikot ang mata ni Kiarra saka walang pagmamadaling naglakad palapit sa Valthyrian. Wala pa man ay batid na ng babae ang nais na mangyari ni Lumen.

"Pagagalitan ako ni Haring Isagani kapag nalaman niyang tinulungan na naman kitang tumakas," nakangusong reklamo ni Kiarra.

Napangisi si Lumen. "Huwag kang mag-alala, hindi naman tayo magtatagal." Sinaklob na ng lalaki ang kaniyang itim na balabal. "Hindi mo ba nais makita si Helena?"

"Sa susunod nga'y huwag niyo na akong idamay sa inyong dalawa." Napahinga nang malalim si Kiarra at napipilitang suotin din ang balabal.


Lumipas ang mga taon. Tila nakalimutan na ng lahat ang naganap noon sa Prolus kahit na hindi pa rin nakalalaya nang tuluyan ang kaharian sa impluwensiya ng Valthyria.

Si Kiarra ay anak ng kapatid ng dating hari at reyna, ang siyang inaasahang susunod na mamumuno sa Prolus. Si Lumen naman na siyang anak ni Isagani ang hahalili sa trono ng kaniyang ama na noon ay nagtagumpay na paniwalain ang lahat sa anino ng kapayapaang binuo niya.

Walang mag-aakala na ang kapayapaang buhangin ay muling sisirain ng isang nilalang na nagbabalik mula sa pagkakahimbing.

Muling nagbalik si Kadita.

Nagimbal ang kaharian ng Prolus at Valthyria nang lumitaw siyang muli taglay ang kapangyarihang hindi mapapantayan. Nasadlak sa takot ang dalawang kaharian sapagkat ang liwanag na dala ni Kadita ay bangungot para sa lahat.

Hindi na niya kilala ang mundong binalikan niya. Marami na ang nagbago. Subalit nanatili sa kaniya ang layuning pabagsakin ang Valthyria. Na hindi hinayaan ng tatlong nilalang.

"Balanse?"

Natawa si Kadita sa kaniyang narinig. Hindi niya inasahan ang bagsik sa pakikipaglaban nina Lumen, Kiarra, at Helena na nagawa siyang daigin sa isang labanan.

"Matagal nang nawasak ang balanse." Matalim na nakatingin si Kadita kay Lumen sapagkat ang wangis nito ay wangis ni Isagani na lubos niyang kinamumuhian. "Kailanman ay hindi nagkaroon ng balanse."

"Ang katotohanang nagapi ka namin ay patunay na mayroong balanse, Kadita," wika ni Helena.

"Hindi niyo ako nagapi, mga hangal," natatawang ani ni Kadita. "At ipagdasal ninyong magapi niyo ako dahil kung hindi..." Tumayo siya nang tuwid. "Babalikan ko kayo."

Hindi lamang nagbabanta si Kadita.

Nangangako siya.

At hindi pa siya kailanman nagmintis sa kaniyang pangako.

"Lumen?"

Namumugto ang mata, isinarado ni Kiarra ang pinto saka hinarap si Lumen na noon ay nakatingin lang din sa kaniya. Kumunot ang noo ng babae at pilit tinatago ang kaniyang mga matang halatang galing sa pagtangis.

"Sumama ka sa akin, Kiarra. May dapat kang malaman," seryosong anas ni Lumen saka tumalikod.

Hindi na nagawang magtanong pa ni Kiarra sapagkat mabilis na humahakbang si Lumen palayo. Wala na siyang nagawa kung hindi ang sumunod na lamang.

Ang hinuha ni Kiarra ay tungkol ito sa pagdadalang-tao ni Helena. Ngunit hindi man lang kababakasan ng tuwa ang mukha ni Lumen kaya hindi niya tiyak kung iyon ba talaga ang sasabihin nito.

Naabutan niya si Lumen na nakatayo sa isang parang. Muling kumunot ang noo ni Kiarra ngunit lumapit pa rin siya sapagkat nais niyang malaman ang sasabihin ni Lumen. Tila may hindi tamang nangyayari.

"Lumen? May problema ba? Tungkol ba ito sa pagdadalang-tao ni Helena?"

Nakatayo na si Kiarra sa likuran ng lalaki na noon ay nanatiling walang imik at nakatalikod. Napalunok siya, sa kaniyang isip ay nabubuo ang mga agam-agam. Nararamdaman niyang may mali.

Nanlaki ang kaniyang mata nang makitang mapundi ang Lumen na kaharap niya. Napaatras siya mula sa pagkagulat.

Isang velga!

"Kumusta, Kiarra?"

Agad na napaigik at napatalikod si Kiarra nang maramdaman ang pagsaksak sa kaniyang balakang. Napahakbang siya patalikod nang matukoy ang anyo ng nilalang na nanakit sa kaniya.

"K-Kadita..."

Ngumiti ang babaeng may hawak na patalim. "Anong aasahan ng Prolus sa susunod na reyna na mabilis malinlang?"

"Walang hiya ka, Kadita!"

Napasigaw sa sakit si Kiarra mula sa kaniyang sugat na tinamo. Hindi ordinaryong patalim ang ginamit sa kaniya. Isa itong patalim na gawa sa liwanag — ang kahinaan ng mga Prusian. Sandatang gawa sa sarili nilang elemento.

"Akala niyo ba ay nagapi niyo na ako?" Napamulat si Kiarra saka sinamaan ng tingin ang babaeng kaharap. "Masyado ka nang nagiging sakit sa ulo, aking pinsan."

Nasaksihan ni Kadita kung paano lumiwanag nang dilaw ang mata ni Kiarra. Iyon lamang ang hinihintay niya upang tuluyan itong tapusin. Papaslangin niya ito gamit ang sarili nitong kapangyarihan.

Bumuo ng halang si Kadita nang magpalabas si Kiarra ng kapangyarihan. Hindi maitatanggi ang lakas nito kaya hindi na rin mahihirapan si Kadita na paslangin ito. Sa loob ng halang ay bumuo siya ng mga ilusyon na siyang pupuksain ni Kiarra dahilan upang bumalik sa kaniya ang sarili niyang kapangyarihan.

"Paalam, Kiarra..."

Tumalikod at nagsimulang maglakad palayo si Kadita. Ilang sandali lamang ay narinig na ang malakas na pagsabog kaya tagumpay siyang napangisi.

Samantala, nataranta naman si Helena nang makita ang nag-aalalang mukha ni Lumen. Mukhang pagod na pagod ito at walang pahinga.

"Anong nangyari?"

Ang balak na pagsabi ni Helena tungkol sa anak nila ni Lumen ay ipinagpaliban niya muna lalo pa't halatang wala sa wisyo ang lalaki. Nakaramdam ng pagkabahala si Helena. Kailanman ay hindi niya pa nakitang ganito si Lumen.

"Helena..." Napalunok nang mariin si Lumen. "Nagbalik na si Kadita..."

Natahimik si Helena. Batid niyang darating ang panahong ito ngunit hindi niya inaasahang ganito kaaga. Huminga siya nang malalim nang mapansing may gusto pang sabihin ang lalaki.

"Dinakip niya sina ama at ina."

Natutop ni Helena ang kaniyang bibig mula sa narinig. Mahalaga rin sa kaniya ang monarka ng Valthyria dahil pamilya na ang turing niya rito. Ngayong nalagay ang mga ito sa panganib ay batid niyang dapat niya itong tulungan.

"Saan sila dinala?"

"Sa Barkona."

Tumingin sa kawalan si Helena. Isa ang lugar na iyon sa pinaka-delikadong lugar sa Veridalia. Hindi niya marapat puntahan iyon lalo pa't nasa sinapupunan niya ang anak nila ni Lumen.

"Helena, ikaw lang ang alam kong makatutulong sa akin..." Lumuhod ang lalaki sa lupa. "Nakiki-usap ako..."

Napahinga na lamang nang malalim si Helena saka tumango. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ni Lumen na noon ay binabaha ng luha.

"Gagawin ko ang makakaya ko, Lumen."

Nang magpaalam sa kaniya si Helena ay tagumpay na napangisi si Kadita at pinanood ang paglayo ni Helena. Umaayon sa kaniyang plano ang lahat. Nawawala na ang mga sagabal sa kaniyang plano.

Ang planong paghihiganti.

"Helena, ano pala't naparito ka? Wala rito si Lumen."

Naglakad pabalik-balik si Helena sa tapat ng hari't reyna na noon ay nakamasid lang sa kaniya. Nagulat ang mga ito nang magtungo ito rito nang hindi kasama si Lumen. Hindi niya pa ito nagagawa noon pa man.

"Kasiya-siyang tunay ang kaharian ng Valthyria," nakangiting wika ni Helena at nagpatuloy sa paglalakad. "Madilim, katulad ng elementong hawak nito." Natawa siya. "Dahil sa pagkukubli ng dilim, hindi magawang matanaw ng ibang taga-Veridalia ang tunay na anyo nito."

Kumunot ang noo ni Isagani nang matunugan ang kakaiba kay Helena. "Hindi ako nagagalak sa iyong tinuturan, Helena."

"Isagani..." Nanlaki ang mata ng hari nang tawagin siya nito sa pangalan. Isa iyong kalapastanganan. "Walang puwang ang kadiliman sa Veridalia."

Hindi naging mahirap kay Kadita ang lahat.

Paslangin si Kiarra.

Paikutin si Helena.

Paslangin ang monarka ng Valthyria.

Paglaruan si Lumen.

Pasiklabin ang unang digmaan.

Akala niya ay sa paraang iyon, magtatapos na rin ang kaniyang paghihiganti. Subalit simula pa lamang pala iyon ng mas kahindik-hindik na poot na naramdaman niya, hindi lamang sa kaharian ng Valthyria, kung hindi sa buong mundong Veridalia.

"K-Kalid..."

Nanginig ang kamay ni Kadita habang nakatingin sa nilalang na noon ay nakahandusay sa lupa. Pinaglaho niya ang ilusyong bumabalot sa kaniya upang makilala siya ng lalaking matagal niyang hindi nakita.

"Kadita..."

Nangilid ang luha sa mata ng babae nang banggitin nito ang kaniyang pangalan. Tinablahan na ng oras ang dati niyang kaibigan. May balbas at bigote na ito at namumuti na rin ang iilang hibla ng buhok.

"Masaya akong buhay ka, Kadita," ngumiti si Kalid, ang ika-limang hari ng Misthaven. "Ang tagal kitang hinanap."

"Patawad, nawala ako..." Gamit ang nanginginig na kamay ay hinawakan niya ang palad ni Kalid. "Huwag mo akong iwan, Kalid."

Natawa ang lalaki, katulad sa kung paano ito tumawa noon. Nabibiyak ang puso ni Kadita sa katotohang haharapin niya ilang sandali na lamang. Humigpit ang hawak niya sa kamay ni Kalid.

"Masaya na akong makita kang muli, Kadita," nakangiting wika nito. "Iyon lamang naman ang tangi kong hiniling."

Naramdaman niyang muli ang pagyakap ng pamilyar na hamog sa kaniya dahilan upang mas lalo siyang tumangis. Tila pinararamdam sa kaniya ng hamog ang katotohanang dapat niyang tanggapin.

Wala na si Kalid.

Ang pagkamatay nito ang dahilan ng galit ni Kadita sa balanse.

Ang pagkawala ni Kalid ang mas nag-udyok kay Kadita na mawalan ng pagmamahal sa mundong matagal na siyang tinalikuran.

Kaya naman nang makitang magagapi na ang panig na kinabibilangan niya, agad siyang bumuo ng ilusyon na kung saan nakakubli sila. Kasama si Lumen.

"Lumen, hindi natin kaya."

Nanatili ang mga mata ni Lumen kay Helena na noon ay napaluhod sa lupa sa pag-aakalang tuluyan nang nawala sa mundo ang lalaking pinakamamahal. Sa isang iglap ay naglaho ang mga Valthyrian at Prusian subalit hindi sila tuluyang nagapi.

"Babalik tayo."

Kailangan niya ang puwersa ng Valthyria sa kaniyang paghihiganti.

Kaya katulad noon ay muli niyang ginamit ang liwanag upang maging bahagi silang lahat nito. Upang pagdating ng tamang panahon, tuluyan nang magbayad ang mga dapat pagbayarin.

Upang pagdating ng panahon, tuluyan nang maglaho ang balanse.

* * * *

A/N: huhu sorry natagalan, hindi ko kasi kilala si Kadita e (accidental character lang siya) kaya I have to figure out pa anong past niya para ma-justify pinaggagawa niya. grabe ang ginulo ng story na 'to after hiatus huhu edit ko na lang pag sinipag

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top