Kabanata 37: Banta

Banta

"Maaari bang sa iyo ako sumabay pabalik sa akademiya?"

Nasaksihan ni Elio kung paanong matigilan si Dylan sa kaniyang ginagawa matapos marinig ang kaniyang tanong. Dahil nakatalikod sa kaniya, hindi niya alam kung anong ekspresyon ang nakaukit sa kaniyang mukha.

Kasalukuyang naghahanda ang lahat para sa paglalakbay pabalik sa akademiya, ayon na rin sa utos ni Galea. Ngayong malaya na ang mga Sylpari at ang akademiya, mas makabubuting bumalik na ang mga mag-aaral doon upang tumulong sa muling pagsasa-ayos nito.

Napalunok si Elio nang humarap sa kaniya si Dylan. Bagaman bahagyang nagulat, nagawa pa rin nitong ngitian siya. Pinanood niya lamang kung paano lumapit si Dylan sa kaniya.

"May problema ba?" Nakangiting pinatong ni Dylan ang kaniyang palad sa buhok ni Elio na noon ay nanatiling nakatingin sa kaniya. "Kagigising mo pa lamang. Mas makabubuti kung sumabay ka na lamang kina Galea upang mabilis kang makarating sa akademiya."

Huminga nang malalim si Elio saka umiwas ng tingin. "Mas gusto ko lamang na kasama ka."

Malakas na tumawa si Dylan saka ginulo ang buhok ng kaharap dahilan upang sumama ang tingin sa kaniya ng huli. "Paano kita tatanggihan kung ganiyan ka magsalita?"

"Kung gayon ay hahayaan mo ako?" Kuminang ang mga mat ani Elio sa tuwa.

Tumango lamang si Dylan, nananatili ang ngiti sa mukha. "Kung maipapangako mong hindi ka maglilihim sa akin sa sandaling makaramdam ka ng pagod."

Iniwas ni Elio ang kaniyang paningin sa seryosong mga mat ani Dylan. Dahil doon ay narinig niya ang malalim na paghinga ng lalaki bago niya naramdaman ang paghawak nito sa kaniyang mga kamay.

"Elio, hindi mo maia-aalis sa akin ang pag-aalala." May lambot sa tinig ni Dylan nang sambitin niya iyon. "Hindi ko ililihim ang kagustuhan kong makasama ka rin ngunit mas mahalaga sa akin ang kalagayan mo."

"Kaya ko," sinserong sabi ni Elio.

Ilang sandaling natahimik si Dylan, tinitimbang ang sitwasyon. Kalaunan ay marahan lamang siyang tumango at mahinang ngumiti. "Ako na ang magsasabi kay Galea."

Bagamat nag-aalangan pa rin, dam ani Dylan ang kagustuhan ni Elio na makasama siya kaya hindi niya ito tinutulan pa. Sa ganitong oras, batid niya dapat inaasa sa iba ang kaligtasan ni Elio; dapat siya mismo ang magbigay nito.

Binilinan niya si Elio na mag-ayos na ng kaniyang mga dadalhin pabalik sa akademiya. Lumabas siya sandali upang hanapin si Galea upang ipabatid ang pagsama sa kaniya ni Elio upang hindi na rin ito maghintay.

Sa paghahanap niya kay Galea ay natagpuan niya si Aziel na noon ay mukhang hinahanap din siya. Nang matanaw ni Aziel ang hinahanap ay dali-dali siyang lumapit doon. Napatigil si Dylan at hinintay na makalapit ang kasama.

"Nakausap ko na ang mga kasamahan natin. Babalik na rin sila sa kuta." Kumunot ang noo ni Dylan dahil sa narinig.

"Ikaw?" Nilagay ni Dylan ang mga kamay niya sa bulsa ng kaniyang suot. "Hindi ka ba babalik sa kuta?"

Napangiti lamang si Aziel. "Iyon ang dahilan kung bakit nais kitang makita," panimula niya. "Nagpaalam na ako sa mga kasamahan natin."

"Anong ibig mong sabihin?" Nanatili ang pagkakakunot ng noo ni Dylan.

Huminga nang malalim si Aziel saka nilibot ang mata sa paligid. "Ngayong bumabangon na ang Verdantia, nais kong manatili rito. Batid kong hindi na ako kailangan ng mga kasamahan natin sapagkat nasa maayos na kalagayan naman na sila." Tumingin si Aziel sa kaniya. "Maayos na sila sa ilalim ng pamamahala mo, at sapat na iyon sa akin."

"Ibig sabihin ay tumitiwalag ka na?" paglilinaw ni Dylan.

"Kailangan ako ng aming bansa, Dylan." Huminga nang malalim si Aziel. "Sa lahat, ikaw ang mas nakaaalam na noon pa man ay pangarap ko nang pamunuan ang bayan ko."

Nanatili ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Inalala ni Dylan ang mga panahong ikinukuwento ni Aziel ang kagustuhan niyang bawiin ang Verdantia at ibalik ito sa dati nitong tanyag. Kaya nauunawaan niya ang mga desisyon nito.

Nakangiting tumango lamang si Dylan. "Masaya ako para sa iyo, Atticus. Bagaman malaki kang kawalan sa amin ay malugod ko pa ring tinatanggap ang desisyon mo."

"Maraming salamat." Ang ngiti ni Aziel ay mabilis na nabura nang may mapagtanto. "Ikaw ba? Wala ka bang balak na ibangon ang Misthaven?"

Doon natigilan si Dylan. Matagal niya nang hindi naisip ang muling pagbabalik ng bansang dati niyang kinikilala. Matapos ang ginawa sa kaniya ng mga monarka, at karanasang nakuha sa sariling bansa, kinalimutan niya nang minsan niya na itong naging tahanan.

"Sa huli, ikaw pa rin ang nawawalang prinsipe ng mga taga-tubig."

Nanatili sa isip ni Dylan ang mga winika ni Aziel. Habang naglalakad patungo kay Galea ay iyon lamang ang iniisip niya. Binagabag siya ng huling salita ng lalaki.

Kailangan na ba ako ng Misthaven?

Ipinilig na lamang ni Dylan ang kaniyang ulo nang makarating sa tolda kung saan nanunuluyan sina Galea at Adam. Nang makapasok siya ay naabutan niya ang dalawa na nag-aayos ng gamit.

"Nasaan si Elio?"

Naunang tumayo si Adam at sumilip pa sa likod ni Dylan, umaasang nakasunod ang hinahanap. Nang hindi matanaw, tiningnan niya lamang ang lalaki na noon ay bahagyang yumuko upang batiin sila.

"Narito ako upang ipabatid na sa akin na sasabay si Elio." Sandaling natigilan si Adam mula sa narinig ngunit kalaunan ay nakaiintinding tumango na lamang din. "Huwag kayong mag-alala, pananatilihin ko ang kaligtasan niya."

"Kung gayon ay pakisabi sa kaniya na mag-iingat siya." Bumaba ang tingin ni Dylan sa noon ay umupo sa higaan.

Tumagal ang tingin niya rito, malalim ang iniisip. Kung hindi nito batid ang namagitan kay Adam at Felicity, tiyak na hanggang ngayon ay makararamdam pa rin siya ng paninibugho rito. Katulad na lamang noong nasa akademiya pa sila.

Napasinghal na lang sa kaniyang isip si Dylan habang inaalala ang mga panahong matalim niyang tinitingnan si Adam kapag kausap nito si Elio. Kung katulad pa rin siya noon, tiyak na hindi nito magagawang ngumiti sa winika ni Adam.

"Hihintayin namin kayo sa akademiya."

Hindi na rin naman nagtagal si Dylan at matapos ang sandaling pakikipag-usap kay Galea ay nilisan na rin nito ang tolda upang i-ayos ang mga kasabay nilang maglalakbay pabalik sa akademiya.

Dahil malayo ang akademiya, hindi kakayanin nila Galea at Adam na idala roon ang lahat kahit pagsamahin pa ang kanilang kakayahan. Dahil doon ay kinakailangang maglakad ng ilan pabalik sa Veridalia Academy.

"Tipunin mo na ang mga sasabay sa iyo, Adam." Napatingin ang lalaki sa kaniyang kapatid nang magsalita ito. Kalaunan ay tumango rin siya at muling tumayo. "Tutungo na ako sa ikalimang Sylpari, isasabay ko siya sa akin. Gayundin ang mga babaylan."

"Kung gayon ay magkita na lamang tayo sa akademiya, Galea," nakangiting wika ni Adam. Matapos noon ay lumabas na rin siya.

Dapat ay si Elio at ang iba pang mga sugatan ang isasama niya sa kaniyang hanay subalit dahil sasabay na ito kay Dylan ay napagdesisyunan niyang maghanap ng iba pa. Hindi naman kailangang punan ang puwesto ni Elio ngunit magiging malaking tulong din kung may maisasama siyang iba pa.

"Adam, handa na ang mga sugatang mag-aaral."

Napatingin si Adam sa kaniyang gilid nang marinig ang nagsalita. Agad niya itong nakilala. Si Fria. Habang nakatingin dito, nakaisip si Adam ng ideya.

"Nais mo bang sumabay sa amin?" Nakita niya kung paano mapatingin sa kaniya ang babae. Napalunok siya nang taasan siya nito ng kilay.

Kakaiba talaga tumingin ang mga Pyralian.

"Akala ko ay si Elio ang isasabay mo?" Hindi mapigilan ni Adam ang matawa.

"Binabakuran siya ni Dylan," nakangising anas niya. "Isa pa, ituring mo na rin itong pasasalamat sa pagliligtas mo sa amin ni Galea kay Lumen."

Napangiwi ang babae at nagbawi ng tingin. Tumingin ito sa malayo, pinag-iisipan kung sasang-ayon ba sa inaalok ng Terran. Inisip niya ang pagod na mararamdaman niya sa paglalakbay. Bagaman hindi siya tatablan ng init ng araw ay tiyak na magiging kahindik-hindik ang daranasin niya sa mahabang paglalakad.

Nanatili ang mata ni Adam kay Fria na noon ay tahimik, mukhang nag-iisip. Napalunok siya saka huminga nang malalim. Sa loob-loob niya ay umaasa siyang pumayag ito.

"Mukhang hindi naman masamang ideya." Muling humarap si Fria kay Adam saka ngumisi. "Ihahanda ko lamang ang aking gamit."

Tagumpay ang naging pagngiti ni Adam dahil sa narinig. Tinanaw niya ang malinis na paglalakad ng babae palayo sa kaniya habang nakangiti pa rin. Napailing na lamang siya nang mapagtanto ang kaniyang ginagawa saka tinungo ang pook kung saan nananatili ang mga sugatang isasabay nila ni Fria.

Samantala, si Galea naman ay nakaupo sa kama habang pinapakiramdam ang Sylpari na noon ay nag-aayos na ng mga kagamitan. Matapos ang ilang araw na pahinga ay isang mabuting balita na nakatatayo na itong muli.

"Sigurado ka bang babalik ka na sa Avanza, Lumineya?"

Binasag ni Galea ang katahimikan sa silid. Nang marinig ang tanong ng babae ay napatingin sa kaniya ang Sylpari bago matunog na ngumiti. Habang nagsasalita ay nagpatuloy siya sa pag-aayos ng gamit.

"Nagawa ko na ang tungkulin ko sa akademiya," panimula niya. "Hindi na ako kailangan pa roon, at batid ko ring kaya niyo nang tapatan si Kiarra gayong wala na si Lumen."

Narinig niya ang mahaba at mabagal na pagbitaw ng hininga ni Galea kaya naman bahagya siyang natawa. Tunay ang kaniyang winika. Ang tunay na dahilan lang naman sa pagtungo niya sa akademiya ay dahil kailangan siya ng mga ito.

Tinupad lamang niya ang tungkulin niya bilang Sylpari.

"Kung kakailanganin niyong muli ang aking tulong ay bukas naman ang Avanza para sa inyo."

"Bakit hindi na lamang kayo manatili sa tahanan ng mga Sylpari?"

Palaisipan pa rin kay Galea ang paghiwalay ng Sylpari ng Diwa sa iba pang Sylpari. Sa naging pag-uusap nila noon, bago pa sumiklab ang ikatlong malawakang digmaan, nagbigay na ng senyales ng suklam si Lumineya sa iba pang Sylpari.

Ngunit, anong dahilan?

Bakit malayo ang ika-limang Sylpari?

"Mas mapayapa sa Avanza, Galea," nakangiting wika ni Lumineya saka tumabi sa Zephyrian. "Mas nanaisin kong doon magtungo ang diwa ng mga namaalam na sa mundo upang humingi ng tulong sa akin sa pagtawid."

Nakauunawang tumango na lamang ang babae, hindi na gustong palalimin pa ang usapan. Huminga lamang nang malalim si Lumineya saka sinabing handa na siya upang lumisan. Dahil doon ay sabay silang lumabas ng silid at tumungo sa iba pang babaylan na naghihintay sa kanila.

Hindi na nagtagal pa sila Galea sa Verdantia at kaagad na pinaglaho ang sarili kasama ang iba pang babaylan. Ilang sandali lamang ang kanilang hinintay ay kaagad silang lumitaw sa akademiya. Si Ginang Kora na ang nanguna sa iba pang babaylan sa lugar kung saan sila kasalukuyang nananatili.

Naiwan naman si Galea at Lumineya, parehong walang imik. Ramdam nilang dalawa na may darating kaya kahit na gusto na nilang lumisan ay pinili nilang maghintay. Hindi nga sila nagkamali dahil kalaunan ay bigla na lamang lumitaw sa tapat nila ang apat na Sylpari.

Suot-suot pa rin ng mga ito ang kanilang mga balabal. Naunang lumapit sa kanila ang Sylpari ng hangin na noon ay tiningnan sandali si Galea bago napako ang tingin kay Lumineya. Ganoon din ang ginawa ng iba pa.

Katulad ng iba pa, gulat din ang nakapaskil sa kanilang mga mukha matapos makita ang kaniyang anyo.

Mabigat ang hangin sa paligid; nararamdaman iyon ni Galea. Hindi mabuting bagay ang pagsasama-sama ng limang Sylpari. Mariing napalunok na lamang ang Zephyrian at piniling huwag nang magtanong.

"Galea, iwan mo muna kami."

Nanatiling walang imik ang babae kahit na narinig niya ang winika ni Lumineya. Hindi niya batid kung magandang ideya ba ang iwan ang mga ito subalit nang maramdaman ang pagsang-ayon ng Sylpari ng hangin ay wala na siyang nagawa kung hindi ang marahang tumango at paglahuin ang sarili.

Umihip ang malamig na hangin sa pagitan nilang lima nang maiwan sila. Nakaririndi ang katahimikan sapagkat ni isa sa kanila ay hindi nais na magbukas ng usapan o kausapin man lang ang isa't isa.

Kalaunan, ang katahimikan ay sinira ng malakas na halakhak ng Sylpari ng apoy. Dahil doon ay tumalim ang tingin ng Sylpari ng lupa sa kaniya.

"Akalain mo nga naman..." Ngumisi ang Sylpari ng apoy nang magsalita. "Tinablahan ka na ng oras, Lumineya."

"Lumineya, nanghihina ka na." Umangat ang tingin ng ikalimang Sylpari sa Sylpari ng tubig na noon ay nakatingin sa kaniya nang may habag sa mga mata. "Mas kailangan mo kami ngayon..."

Tumagal ang tingin ni Lumineya saka nang-uuyam na tumawa. "Anong aasahan ko sa mga Sylpari na hindi kayang ipagtanggol ang akademiya?"

Tumalim ang tingin ng Sylpari ng apoy sa kaniya. "Hanggang ngayon ba ay magmamataas ka pa rin sa amin?"

"Lumineya, manatili ka na lamang, nakiki-usap ako." Ang Sylpari ng hangin na ang nagsalita. Bahagyang napayuko ang babae. "Kailangan natin ang isa't isa ngayon."

"Hindi ko kayo kailangan."

"Hanggang kailan ka magiging matigas sa amin?" Nagsalita na ang Sylpari ng lupa. Seryoso ang tinig nito, naglaho na ang mapaglaro nitong wangis. "Mahabang panahon na ang nakalipas."

"Sa tingin mo ba ay matatakbuhan mo ang tadhana sa pamamagitan ng paglayo sa amin?" Sumilip ang mapang-asar na ngisi sa labi ng Sylpari ng apoy.

Natahimik si Lumineya. Dahan-dahan niyang iniangat ang kaniyang paningin sa apat na nilalang na nakatingin lang din sa kaniya. Inisa-isa niyang pagmasdan ang mga iyon habang hinahayaan ang sarili na balutin ng pagkamuhi. Kalaunan ay mahina siyang ngumisi.

"Kailanman ay hindi ko tinakasan ang kapalaran ko." Napalunok siya nang mariin. "Ang pagkakaiba nating lima, matagal ko nang niyakap ang tadhana ko."

Inisang hakbang niya ang pagitan nila saka bahagyang tumingala dahil likas na mas matangkad sa kaniya ang mga ito. Hindi nabura sa kaniyang mukha ang ngisi matapos makatanggap ng iba't ibang reaksyon sa kanila. Galit, gulat, at takot.

"Kung tunay ngang papalapit na ang hustisya, malugod ko itong sasalubungin."

Kahit na ang kapalit pa nito ay ang kaniyang buhay. Kahit na ang pagdating nito ay ang kaniyang katapusan.

"Kung hindi ka pa rin babalik sa amin ay mapipilitan kaming gamitin siya laban sa iyo." Mahinang natawa si Lumineya sa naging banta ng Sylpari ng apoy.

"Nakakatawa ka." Nagkibit-balikat lamang ang ika-limang Sylpari saka tumalikod. "Subukan mo nang mas maging mabilis ang lahat."

Halo-halong emosyon ang nakapinta sa mukha ng apat na Sylpari habang tinatanaw ang papalayong babae na noon ay hindi kababakasan ng takot sa mga magaganap pa. Napalunok ang Sylpari ng apoy sa pagkabahala bago niya ikinuyom ang kaniyang mga kamao.

Samantala, lumitaw si Galea sa muog-tanggulan ng kahariang Prolus. Dahil tiyak niya na magtatagal ang usapin ng mga Sylpari, minabuti niyang magtungo na lamang sa kaharian ng mga nangangasiwa sa liwanag.

Tahimik ang kapaligiran kahit na nararamdaman niyang may mga nilalang pa rin sa paligid. Huminga siya nang malalim at muling naglaho saka lumitaw sa bulwagan ng kaharian.

Mabilis siyang napatago nang maramdaman ang presensiya ni Kiarra na kasalukuyang naglalakad patungo sa kaniyang trono. Umaalingawngaw sa paligid ang malutong na tunog na ginagawa ng pagtapak nito sa marmol na sahig.

Nang makaupo sa kaniyang trono ay huminga nang malalim si Kiarra. Tamad na inilibot niya ang kaniyang paningin sa paligid nang maramdaman ang isang pamilyar na presensiya.

"Hindi ba talaga kayo natututo at pumunta ka pa talaga rito?"

Napangisi si Galea saka lumabas sa pinagtataguan. Hindi talaga dapat minamaliit ang kakayahan ng mga sinaunang nilalang na ito. Mabagal na naglakad si Galea patungo kay Kiarra na noon ay nakatingin lang sa kaniya.

"Kumusta, Kiarra?"

Umikot ang mata ni Kiarra nang matunugan ang sarkasmo sa tinig ng babae. Tumayo siya subalit hindi siya bumaba sa kinaroroonan. Tinanaw niya ang Zephyrian.

"Anong kailangan mo?"

Nailing lang si Galea, natatawa. Nagsimula siyang maglakad-lakad habang pinaglalaruan ang mga hakbang dahilan para sumama ang tingin sa kaniya ng Prusian na kaharap.

"Masama bang bisitahin ang isang kaibigan?"

Huminto si Galea at tumitig sa harap. Bagaman hindi niya nakikita, iginuguhit ng hangin ang mapaklang wangis ng nilalang na nasa harap niya ngayon. Natawa siya dahil doon.

"Bakit nag-iba ang ihip ng hangin nang banggitin ko ang taguring iyon?" Hindi mabura ang mapaglarong ekspresyon sa mukha ni Galea. "Naalala mo ba si Lumen?"

"Imbes na pasasalamat sa panandaliang kalayaan na inihandog ko sa inyo, inuna mo talagang mang-uyam?"

Bumaba sa trono si Kiarra sa mabagal na paraan pa rin. Nang magkatapat sila ni Galea ay ngumisi siya saka naglakad palibot sa babae. Mapaglaro siyang tumingala saka tumawa.

"Ang lakas ng loob mo subalit..." Tumingin nang tuwid ang Prusian sa kaniya. "... napakarami mo pang dapat malaman, bata." Napalunok si Galea nang bumulong si Kiarra sa kaniyang tainga. "Akala mo ba ay nagtatapos sa pagkawala ng Valthyria ang lahat?"

Marahang bumungisngis ang Prusian saka umakyat pabalik sa kaniyang trono. Tila nabato naman si Galea sa kaniyang kinatatayuan, nararamdaman ang pagbigat ng paligid. Mas mabigat ito sa kapangyarihang naramdaman niya kay Lumen.

Mas mapanganib.

"Nagsisimula pa lang ang lahat."

Mas nakamamatay.

"Hindi ito banta, Galea. Isa itong pangako."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top