Kabanata 35: Muling Pamamaalam

Muling Pamamaalam

"Lumen! Lumabas ka!"

Umalingawngaw ang tinig ni Kiarra sa paligid matapos nitong sumigaw.

Matalim ang tingin niya sa kawalan habang iniikot ang paningin. Mabigat ang kaniyang paghinga habang nanatiling mahigpit ang kaniyang espada na nabahiran na ng dugo ng mga napaslang niya ngayong gabi subalit hindi pa siya kontento.

Hindi pa kasama rito ang dugo ni Lumen.

"Katulad dati ay ginagamit mo na naman ang dilim upang magtago." Malakas na humalakhak si Kiarra habang patuloy pa ring iniikot ang kaniyang tingin. "Hanggang sa kasalukuyan ay tatakasan mo na naman ba ang iyong kamatayan?"

Unti-unti nang naglalaho ang madilim na kapangyarihan sa paligid. Nawawala na rin ang mabigat na pakiramdam sa dibdib nila Galea, Adam, at ng iba pa.

Hindi pa rin sila nakababawi mula sa nasaksihan. Hindi sila makapaniwala na magagawang saktan ni Kiarra ang sarili niyang kapanalig. Nanatiling nakabuka ang bibig ni Adam habang nakatingin sa Prusian na patuloy pa rin sa pagtawag sa pangalan ng Valthyrian.

"Huwag mo nang pahirapan ang sarili mo, Lumen!" Ngumisi si Kiarra.

Napatingin siya sa mga nilalang na nasa harap niya. Mas lalong lumawak ang ngisi niya nang masaksihan ang gulat sa mga mukha nito. Ganito rin ang hitsura ng kanilang ina noong mga panahong iyon.

Nakatutuwang pagmasdan.

Nang maramdaman ni Kiarra na wala na sa paligid si Lumen ay bumalik ang bangis sa kaniyang mukha. Umayos siya ng tayo at walang ano-ano ay bigla na lamang siyang binalot ng liwanag at naglaho.

Saka lamang nakahinga nang maluwag si Adam at Galea nang tuluyang maglaho ang presensiya ng mga pinuno ng dalawang kaharian. Gayunpaman ay nagpatuloy ang digmaan sapagkat hindi umatras ang mga kawal ng Valthyria at Prolus.

"Marami pa rin sila. Kailangan nating tumulong."

Nang magkatanguan ay sabay na bumalik sa pakikipagdigma ang magkapatid. Bagamat binabagabag pa rin sa biglaang paglantad ni Kiarra sa kaniyang tunay na layunin ay isinantabi na lang muna ito ni Galea.

Hindi na rin naman siya nagulat na hindi kapanalig ni Lumen ang babae sapagkat nang magtungo siya sa Valthyria noon ay naabutan niyang naglalaban ang dalawa. Hindi pa maunawaan ni Galea noon kung bakit Helena ang isinasambit na pangalan ni Lumen kahit na ang katapat niya naman ay si Kiarra.

Subalit noong tambangan sila ng dalawa matapos lumisan ni Adam kasama si Dylan at ang Sylpari ng Diwa, pinagbibintangan siyang may kakayahang magbagong-anyo, ay naunawaan niya na ang mga nagaganap.

Pinagtataksilan siya ni Kiarra.

Ginagamit nito ang liwanag upang gumawa ng ilusyong nagpaniwala kay Lumen na ibang nilalang ang kaharap niya.

Subalit hindi gumagana kay Galea ang kapangyarihan ng liwanag sapagkat wala siyang nakikita. Hindi rin nililihim ng liwanag ang katotohanan sa hangin.

Samantala, lumitaw naman si Kiarra sa kaharian ng Valthyria sapagkat batid niyang dito magtatago si Lumen. Pinanood niya kung paano magbigay-galang sa kaniya ang mga naiwang Valthyrian kaya napangisi siya at nagsimulang tahakin ang pasilyo.

Nagpatuloy siya sa paglakad sa malawak na palasyo ng Valthyria hanggang sa matagpuan ang hinahanap. Tumakbo siya at kaagad namang lumagitik ang bakal na tarangkahan patungo sa bulwagan ng kaharian.

"Lumen, tigilan mo na ang pagpapahirap sa sarili mo." Pinaglaruan ng babae ang kaniyang espada habang nililibot ang paningin sa paligid. Batid niyang narito ang hinahanap. "Huwag mo nang takasan ang kapalaran mo."

"Pinagkatiwalaan kita, Kiarra."

Hindi nabura ang ngisi sa mukha ng babae matapos marinig ang tinig ni Lumen. Hindi niya ito makita sapagkat nagkukubli ito sa kadiliman subalit batid niyang malapit ito sa kaniya. Patuloy siyang nakiramdam sa paligid.

"Pinlano mo ba ang lahat? Ikaw ba ang pumaslang sa pamilya ko?" Mapait ang tinig ni Lumen nang banggitin ang mga katagang iyon.

Inalala ni Lumen ang nakaraan. Kung paano niya nakita mata sa mata kung paanong halos gumapang na lang palapit sa kaniya ang kaniyang ina na noon ay naliligo sa sariling dugo.

Walang kaaway ang Valthyria.

Sa kagustuhan ng katahimikan ay hindi kailanman naghangad ng kahit ano ang monarkiya ng kaharian. Sapagkat naniniwala ang mga ito na kailangan ang balanse, at makakamit lamang iyon kung mananatiling nagkakaisa ang bawat bansa at kaharian.

Kaya isang malaking katanungan para kay Lumen ang sinapit ng kaniyang mga magulang.

"Helena..."

Iyan ang huling salita ng kaniyang ina bago ito tuluyang pumanaw. Hindi lubos maunawaan ni Lumen ang ibig sabihin nito noon sapagkat malapit si Helena sa hari at reyna ng Valthyria.

Subalit nang kalabanin siya nito at pagtangkaang patayin ay naunawaan niya ang nais iparating ng reyna.

Si Helena ang pumaslang sa kanila.

Isang kasinungaling pinaniwalaan niya sa loob ng mahabang panahon.

Kasinungalingang itinanim sa kaniya ni Kiarra. Ang isa sa pinakamalapit na kaibigan niya.

"Napakadali talagang linlangin ng mga Valthyrian." Bagaman hindi nakikita ang hitsura, batid ni Kiarra na galit na ang hari ng kadiliman dahil bumibigat muli ang paligid. "Hindi man lamang ako nahirapang paglaruan kayong lahat."

Hanggang sa kasalukuyan ay nagagawa niya pa ring laruin ang takbo ng kuwento. Labis ang kapangyarihan ni Kiarra.

"Napakasama mo, Kiarra!"

"Ikaw ang tumalikod kay Helena, Lumen. Ikaw ang lumipol sa kaniyang mga kalahi." Nang-uuyam na humalakhak si Kiarra. Naiinip na siya sapagkat hindi lumalabas si Lumen kahit na anong panunukso na ang sambitin niya. "Sino sa atin ang masama?"

Nagngitngit ang ngipin ng Valthyrian. Nararamdaman niya na ang pag-init ng sulok ng kaniyang mata dahil sa emosyong nais na kumawala. Napagtanto niya ang mga bagay na nagawa niya dahil sa kasinungalingang pinaniwalaan niya.

Lumawak ang ngisi ni Kiarra nang maalala ang isang bagay na tiyak na hindi matitiis ni Lumen. Nagsimula siyang dahan-dahang humakbang habang nililibot pa rin ang paningin.

"Pinagsisisihan ko tuloy na pinaslang ko si Glen." Umakto itong nalulungkot saka muling tumawa. "Siya dapat ang magsasabi sa iyo nito ngunit, ngayong wala na siya ay hayaan mong ako na lamang."

Kumunot ang noo ni Lumen dahil sa narinig sa babae. Sa kabila ng katanungan ay pinili niyang manatili sa dilim habang pinagagaling ang kaniyang sugat. Hindi pa panahon upang harapin si Kiarra.

Hindi kapag ganito ang kalagayan niya.

"Tunay na ako ang nagsabi kay Helena na magtungo sa Barkona. Iyon din ang araw na pinaslang ko ang iyong ama at ina."

Nagpatuloy sa paghakbang si Kiarra, nakikiramdam pa rin sa paligid. Pinaglalaruaan niya pa rin ang kaniyang espada habang nakaukit sa kaniyang mukha ang galak.

"Subalit alam mo bang hindi lamang ang hari at reyna ang namatay na Valthyrian noong araw na iyon, Lumen?"

Mas lalong nagsalubong ang kilay ng Valthyrian sapagkat hindi niya lubos maunawaan ang sinasabi nito. Bukod sa mga monarka, meron pang pinaslang na iba si Kiarra?

Bumigat ang pakiramdam ni Lumen.

"Noong araw rin na iyon, namatay ang tagapagmana ng Valthyria..." Ngumisi si Kiarra. "Na nasa sinapupunan ni Helena."

Umalingawngaw ang katahimikan sa buong bulwagan ng Valthyria matapos sabihin ni Kiarra iyon. Naglaho rin pansamantala ang mabigat na enerhiyang bumabalot. Tila sandaling naglaho ang buong kaharian.

Tagumpay ang naging pagngisi ni Kiarra nang marinig ang pagkalansing ng bakal na nalaglag sa sahig. Naibagsak ni Lumen ang kaniyang espada dahil sa panghihina.

"A-Anong sinabi mo?"

Tuwid ang tingin ni Lumen sa babaeng humarap sa kaniya. Dama niya ang pangangatog ng kaniyang tuhod mula sa narinig. Ang kaniyang mga mata ay may malambot na ekspresyon kahit na dama niya sa kaniyang dibdib ang bigat.

Tagapagmana ng Valthyria sa sinapupunan ni Helena.

Humalakhak si Kiarra. "Tama ang narinig mo, Lumen. Napaslang ang sanggol na dinadala ni Helena nang makipaglaban ito sa mga mababangis na hayop upang iligtas ang mga magulang mo."

Hindi naramdaman ni Lumen ang pagdaloy ng mainit na likido sa kaniyang mga mata. Hindi na niya nagawang pigilan ang paglukob sa kaniya ng emosyon noong mga sandaling iyon. Nagbaba ang kaniyang paningin at bumuka ang bibig.

"Namatayan ka rin ng anak, Lumen."

Umalingawngaw sa kaniyang isip ang katagang binitawan ni Helena nang muli silang magharap sa digmaan. Nababalot ito ng dugo habang nakaukit sa mga mata niya ang pagod at hinagpis. Wala itong balak labanan siya.

"Bakit kailangang pati ikaw mawala sa akin, Lumen?"

Narinig niya kung paano mabasag ang kaniyang puso. Balewala ang pagguhit ng hapdi sa kaniyang likod sa nararamdaman niya nang mga oras na iyon. Hindi mapantayan ng galos na natamo niya ang sugat sa kaniyang puso.

Walang lakas na bumagsak ang mga tuhod ni Lumen sa lapag nang mapagtanto ang lahat ng mga bagay. Itinukod niya ang kaniyang mga kamay, hinahayaang pumatak ang kaniyang mga luha.

Nawala na sa kaniya ang lahat.

Ang kaniyang pamilya.

Si Helena.

Kumuyom ang kaniyang mga palad.

Ang kaniyang anak.

"Wala ka ng laban, Lumen."

Humakbang nang ilang beses palapit si Kiarra patungo sa noon ay nakaluhod at nakayuko nang Valthyrian. Makikinita sa wangis nito ang pagluluksa sa mga bagay na bigo siyang malaman mula sa nakaraan.

"Bumagsak na ang Valthyria."

Sa sandaling banggitin ni Kiarra ang mga katagang iyon ay ang pagdating naman ng kawal ng kaharian ng kadiliman. Mabibigat ang kanilang mga hakbang habang mahigpit ang hawak sa kanilang mga espada.

Subalit sa halip na sa pinuno ng Prolus nila itutok ang mga patalim ay sa direksyon ni Lumen nila ito pinunta. Habang nananatiling nakaluhod sa marmol na sahig, pinalibutan siya ng kaniyang mga kawal habang nakatutok ang mga patalim sa kaniya.

"Hindi ko isusuko ang dangal ng Valthyria."

Umangat ang tingin ni Lumen sa babaeng nakatayo sa kaniyang harapan. Nakapinta pa rin sa mukha nito ang galak dahil nararamdaman na nito ang nalalapit na pagbagsak ng Valthyria.  Sumasalamin na sa namumugtong mata ni Lumen ang muling pamamaalam ng kaharian.

Sa kabila noon ay nagawang tumawa ni Lumen. Itinukod niya ang kaniyang espada upang alalayan ang sarili na tumayo. Nang tuluyang makuha ang tindig, diretso niyang tiningnan ang babae.

"Hindi ko ibibigay ang kaligayahan mo, Kiarra."

Sandali niyang binalingan ang mga nagtaksil na kawal bago pinaglaho ang sarili. Nang muling lumitaw ay nasa likod na siya ng tatlong Valthyrian at sabay-sabay na hiniwa ang likod ng mga iyon.

Naalarma ang lahat sa biglaang pagkilos niya. Maging si Kiarra ay nanlaki ang mata dahil hindi niya inaasahan na maliksi pa rin ito kahit na may malaking sugat na ito sa kaniyang likod. Nagngitngit ang kaniyang ngipin dahil sa gulat.

Ginamit ni Kiarra ang kaniyang kapangyarihan sa liwanag upang bahagyang pahinain ang kapangyarihan ng kadiliman. Dahil doon ay bahagyang natigilan si Lumen dahilan upang makatanggap siya ng hiwa sa kaniyang pisngi.

Napaharap sa kaniyang gilid ang lalaki at kaagad na dumaloy ang mainit na dugo sa kaniyang pisngi. Gayunpaman ay nagawa niya pa ring salagin ang espadang tatama sa kaniya dapat. Matapos niyang itulak palayo ang sandatang nasalag ay natigilan siyang muli nang may humiwa naman sa kaniyang likod.

Mariin siyang napapikit nang maramdaman ang pagguhit ng hapdi sa parteng iyon. Hindi pa tuluyang naghihilom ang kaniyang sugat doon kaya ang panibagong sugat ay lubha niyang ininda.

Nang muling magmulat ay humarap siya sa humiwa sa kaniya saka sinaksak ito. Mabigat na ang kaniyang kilos kaya hindi pa siya tuluyang nakababawi ay naramdaman niya na ang pagtagos ng espada sa kaniyang tagiliran.

Napangiwi siya. Subalit hindi pa iyon natigil nang muling tumagos ang isa pang espada sa kabilang tagiliran niya.

Umagos ang dugo sa kaniyang bibig. Sandaling dumilim ang paningin niya ngunit bumalik din kaagad sa ayos. Mas nayupi ang kaniyang mukha nang sabay na hugutin ng dalawang kawal ang kanilang mga espada na nakasaksak sa kaniya.

Ramdam niya na ang pagkaubos ng kaniyang buhay.

Hindi na nakatulong ang mahigpit na paghawak niya sa balikat ng sinaksak niya upang hindi siya matumba sapagkat matapos hugutin ng dalawang kawal ang kanilang mga sandata ay nakatanggap muli siya ng isa pang paghiwa sa pisngi.

Umalingawngaw ang pagkalansing ng bakal nang bumagsak ito sa sahig.

Kasabay ng pagbagsak ng kaniyang espada ay ang pagbagsak din ng kaniyang mga tuhod.

"Ginusto mo iyan, Lumen."

Umangat ang tingin ng lalaking noon ay lumiliwanag na ang katawan. Nagdurugo na ang magkabilaang pisngi niya at patuloy na umaagos ang sariwang dugo sa kaniyang bibig.

Humakbang palapit si Kiarra sa noon ay nanghihina nang si Lumen. Walang bakas ng pag-alala o pagsisisi sa kaniyang mga mata. Sa halip, nakapinta pa rin sa kaniyang mukha ang ngisi ng tagumpay.

"Kung sumuko ka na lang sana sa akin ay sana mas napadali ang lahat." Pinanood ni Kiarra kung paano itayo ng isang kawal si Lumen sa pamamagitan ng pagsakal ng lubid sa kaniya. "Ito ang kapalaran mo; ninyong mga Valthyrian."

Sa kabila ng kawalang-lakas, humawak pa rin nang mahigpit si Lumen sa lubid na nakasakal sa kaniya sa pag-asang makakuha ng hangin. Nanatili ang kaniyang mata kay Kiarra na noon ay unti-unti nang lumalabo sa kaniyang mga mata.

"Bakit, Kiarra?"

Nahihirapan na siyang magsalita subalit nagawa pa rin ni Lumen na itanong ang katanungang naglalaro sa kaniyang isipan. Bumibigat na ang kaniyang pahinga at batid niyang hinahabol na siya ng oras.

"Bakit mo tinraydor ang Valthyria?" Napalunok si Lumen nang may bumara sa kaniyang lalamunan. "Bakit mo kami tinraydor ni Helena?"

Matatayog na pangarap ang binubuo nilang tatlo noon para sa Veridalia. Nang makatapos sa akademiya ay sabay-sabay rin nilang pinangarap ang pagiging Sylpari.

Matatag ang kanilang pagkakaibigan.

Iyon ang pinaniwalaan ni Lumen. Kahit nang magkaroon sila ni Helena ng relasyon ay hindi ito natibag; bagkus ay si Kiarra ang pinaka-natuwa. Kaya ang katotohanang tinalikuran sila ni Kiarra ay hindi lamang gumimbal kay Lumen.

Winasak siya nito.

"Kailan hindi naging sapat ang pagiging magkakaibigan natin?"

Nanatiling walang imik ang babae sa kaniyang harap. Bumagsak na ang isang braso ni Lumen dahil sa panghihina. Maging ang imulat ang kaniyang mata ay hindi niya na magawa subalit hawak niya pa rin ang kaniyang kamalayan.

"Magsasama-sama naman kayo sa dakuparoon."

Natigilan si Lumen.

Pakiwari niya'y tumigil sandali sa pagtibok ang kaniyang puso matapos marinig ang isang pamilyar na tinig. Sinubukan niyang imulat ang kaniyang mga mata subalit nanatiling malabo ang kaniyang paningin.

Gayunpaman ay nagawa niyang masilayan kahit papaano ang anyo ng kaharap niya.

Hindi ito si Kiarra.

"Hinihintay ka na nila, Lumen."

Napalunok siya nang makilala ang may-ari ng tinig.

"K-Kadita..."

Matunog ang naging pagngisi ng babaeng kaharap niya nang marinig ang isinatinig ni Lumen. Nang mapagtanto ni Lumen na tama ang kaniyang hinala ay nagawa pa nitong tumawa.

"Buhay ka pa pala..."

"Sinabi ko naman sa inyo na kapag hindi niyo ako nagapi ay babalikan ko kayo." Bahagyang nawawala na ang tinig ng babae sa pandinig ni Lumen. "Ngayon ay ikaw na lamang ang kailangang mamatay upang wala nang humadlang sa akin."

Ngumisi lamang si Lumen. Wala na siyang balak na lumaban pa sapagkat wala na ring saysay. Bagaman nag-uumapaw ang pagkasuklam niya sa babaeng kaharap ay mas pinili niyang kamtan na lamang ang kapayapaan.

"Marahil nadaig mo kami..." Huminga nang malalim si Lumen nang muling bumigat ang kaniyang dibdib. "Pero hindi ka mananalo sa susunod na henerasyon ng Veridalia."

Natigilan ang babae dahil sa narinig. Humigpit ang pagkakahawak niya sa kaniyang espada, bahagyang nanginginig ang mga kamay. Matalim niyang tiningnan ang nagaagaw-buhay na Valthyrian.

"Hindi ka pa rin lubusang malakas, Kadita."

Matapos sabihin ni Lumen ang mga katagang iyon ay isang patalim ang tumagos sa kaniyang katawan. Muli siyang sumuka ng dugo at mas nagliwanag. Ang isa niyang braso ay bumagsak na rin dahilan upang tanggalin na ng kawal ang lubid.

"M-Magagapi kang muli, Kadita."

Hinugot ni Kadita ang espada at pinanood kung paano mapaluhod si Lumen. Walang emosyon siyang nakatingin sa Valthyrian na noon ay nakangisi pa rin ang mukha kahit na nababalutan na iyon ng dugo.

"Isinusumpa kita."

Matalas ang naging tunog ng patalim sa hangin nang paglandasin ni Kadita ang talim ng kaniyang espada sa leeg ni Lumen. Kumalat ang malakas na enerhiya sa paligid nang tuluyang mawala ang liwanag na bumabalot kay Lumen.

Mabigat ang tunog ng pagbagsak ng hari ng Valthyria sa sahig nang tuluyan na itong bawian ng buhay.

Nanatiling nakapalibot sa kaniyang nakadapang katawan ang sarili niyang kawal at si Kadita. Nagliliyab ang nakatungong mata nito dahil umugong sa kaniyang isip ang mga huling winika ni Lumen.

Gayunpaman ay nagawa pa rin niyang mapangisi nang tingnan muli ang bangkay ni Lumen.

"Masaya akong masaksihan ang muling pamamaalam ng Valthyria."

Sa pagkamatay ng hari ng kadiliman, tuluyan nang bumagsak ang ikalimang kaharian.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top