Kabanata 31: Pagbabalik
Pagbabalik
"Elio!"
Mabilis na lumitaw si Galea sa likod ni Lumen saka hiniwa ito. Napahakbang nang ilang beses ang Valthyrian matapos sumigaw ngunit kaagad na siyang pinatamaan ni Galea ng puwersa ng hangin.
Hindi naman inaasahan ng babae na bigla na lamang lilitaw si Kiarra sa likuran niya at ginantihan siya ng hiwa. Napasigaw si Galea sa sakit bago nagpakawala ng hangin sa direksyon ng Prusian.
Dahil sa panghihina at sakit mula sa sugat na dinulot ni Kiarra, hindi mapigilan ni Galea na mapaluhod ang isang tuhod. Ngunit nang maalala ang kalagayan ni Elio, napayuko siya saka sinaksak ang espada sa lupa upang alalayan ang sarili na tumayo.
"Magbabayad ka, Galea!"
Binuka ni Galea ang kaniyang palad dahilan upang tangayin at hindi makalapit sina Kiarra at Lumen sa puwesto nila. Dahan-dahan siyang lumapit at bahagyang lumuhod sa tabi ni Elio na noon ay nag-aagaw-buhay. Hinawakan niya ang balikat nito.
Sa bawat sandali ay mas lalong lumalakas ang ihip ng hangin dahilan upang bahagyang mapaatras ang mga kawal na nakapaligid. Nang itaas ni Galea ang kamay niya ay kumawala ang malakas na alon ng hangin na kumalat sa buong lugar.
Kasabay ng pagkawala ng puwersa ng hangin sa paligid ay paglaho nina Galea at Elio. Nang tuluyang kumalma ang paligid, umayos ng tayo si Kiarra habang nakapako ang mga mata sa posisyon ng dalawang tumakas na mag-aaral.
Hindi niya maiwasan ang mga katanungang naglalaro sa kaniyang isipan. Ngayong bumagsak na ang akademiya, tiyak na lilikas ang mga ito palayo. Subalit, saan magtutungo ang mga ito?
Masyado nang nagiging sakit sa ulo ang mga mag-aaral kaya kailangan na nilang malupig.
Naputol lamang ang pag-iisip ni Kiarra nang marinig ang mahinang pag-ungot ni Lumen. Nang tingnan niya ito ay kababakasan na ito ng panghihina dahil sa sugat na dinulot ng Zephyrian sa kaniya.
"Lumen, malubha ang iyong sugat." Aligagang lumapit si Kiarra sa sugatang Valthyrian. Inalalayan niya ito upang makatayo nang maayos. "Kailangan mong gamutin ang iyong sarili. Tayo na."
Sa kabilang banda, muling lumitaw sina Galea at Elio sa timog ng akademiya kung saan nagtipon ang mga nakaligtas. Ang iba ay tuluyan nang lumisan subalit naabutan nila si Diego, kasama ang iba pang mag-aaral na naghahanda pa lamang sa pag-alis.
"Guro, anong nangyari?"
Mabilis na napatakbo palapit si Diego sa Zephyrian nang makita ang kalagayan nito. Hindi pa man nakababawi ay kaagad siyang napalingon sa katabi nitong nilalang na noon ay nakapikit na at maputla. Halos matuyo na ang dugo nitong umagos mula sa kaniyang bibig.
"L-Leo..."
Nanginig ang katawan ni Diego at hindi pa nakagalaw kaagad. Dumaloy ang lamig sa kaniyang katawan matapos makita ang kalagayan ni Elio. Mabilis siyang lumuhod sa tabi nito at hinawakan ang likod ng ulo nito upang bahagyang i-angat.
"L-Leo, gumising ka." Kinuha niya ang kamay ni Elio at nilapit ito sa kaniyang labi, ngayo'y tumutulo na ang luha sa kaniyang mga mata. "Paano nangyari ito, Guro?"
"Galea! Anong nangyari? Bakit malubha ang sugat mo?"
Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Ginang Kora matapos makita ang malaking hiwa sa likod ni Galea. Kasunod niya ang dalawang Aquarian na noon ay mabilis na lumuhod sa tabi ni Galea upang bigyan ito ng lunas.
"Si Elio..." Napasigaw si Galea nang gumapang ang hapdi sa kaniyang likod subalit nagawa niya itong tiisin. "Tulungan niyo si Elio, pakiusap."
Mula kay Galea, lumipat ang mata ni Ginang Kora kay Diego na noon ay patuloy pa rin sa pagtangis. Nagtaka pa ito sandali bago bumuka ang kaniyang bibig nang makita ang sugatang katawan ng isang lalaki. Ang sugatang katawan ni Elio.
Dali-daling umupo si Ginang Kora sa tabi ni Elio. Lumiwanag ang palad nito at itinapat niya sa noo ng walang malay na Pyralian. "Buhay pa siya. Mga Aquarian, madali!"
Binitiwan na ni Diego si Elio upang magkaroon ng kalayaan ang mga Aquarian na gamutin si Elio. Nasa gilid lang siya, pinapanood ang lahat ng nangyayari habang pinipigilan ang mga luha.
Elio, marami ka pang dapat malaman. Kailangan mo pang mabuhay.
Napakuyom ang kamao ni Diego habang nakatingin sa hitsura ng kaibigan niya. Naghahatid ng mabigat na damdamin ang mukha nitong binawian na ng kulay. Ang nakapikit nitong mga mata ay tila naging bangungot para kay Diego.
Elio, kailangan ka pa ng Ignisreach.
Sa kabilang banda, nagtagumpay ang dalawang Aquarian na paghilumin ang natamong sugat ni Galea. Ngayon ay kasalukuyan niyang binabalot ng halang ang lugar kung nasaan sila upang ikubli ito sa kapangyarihan ng dilim.
Hindi pa tuluyang nanumbalik ang lakas niya subalit kailangan niya pa ring ipagtanggol ang natitira pang mag-aaral sa loob ng akademiya. Sapat na ang nangyari kay Elio.
"Kasalukuyang naglalakbay ang mga lumikas patungo sa Verdantia."
Binasag ni Diego ang katahimikan nang tumabi ito kay Galea na noon ay nakatanaw lamang sa malayo. Hindi sumagot o kumilos man lamang ang babae kaya nagbaba na lamang ng tingin ang lalaki.
"Hindi ko akalaing seseryosohin ni Elio ang sinabi niyang sasamahan ka niya sa lahat ng laban mo." Nang tingnan ni Diego si Galea ay nakita niya ang bahagyang pagbabago sa ekspresyon nito. Nasaksihan niya sa unang pagkakataon ang pagiging malambot nito kaya hindi niya mapigilang mapangiti. "Napamahal na nga siya nang lubusan sa inyo."
Tunay na nagagalak si Diego sa mga pagbabagong naganap kay Elio nitong mga nakaraang taon. Hindi tulad noong nasa Ignisreach lamang ito na tanging siya lamang ang nais nitong kausapin. Ngayon, handa na itong isakripisyo ang kaniyang buhay para sa iba. Para sa mga tinuturing niyang pamilya.
"Nagamot na ang sugat ni Elio."
Bumaling si Diego sa nagsalita. Nakasalikop ang kamay ni Ginang Kora habang marahang lumalapit sa puwesto kung nasaan sila ni Galea. Gumaan kahit papaano ang pakiramdam ni Diego matapos marinig ang sinambit ni Ginang Kora kahit pa sinundan niya ito ng isang malalim na buntong-hininga.
"Subalit walang katiyakan kung kailan siya magigising." Malamya ang tinig ng ginang nang banggitin niya ang mga katagang iyon. "Hindi tayo maaaring magtagal dito. Ano mang oras ay matutuklasan na ng mga kalaban ang lugar na ito."
Humarap si Galea kay Ginang Kora bago ito lumunok. "Kung handa na ang lahat ay lilisan na tayo."
"Handa na ang lahat, patnubay," sagot ng isa sa mga mag-aaral na kasama nila.
"Diego, malaking tulong kung sasamahan mo sa paglalakbay patungong Verdantia ang iba. Hindi kaya ng aking kapangyarihan na dalhin kayo lahat." Naglakad si Galea patungo sa isang Aquarian na noon ay buhat-buhat ang ngayo'y nasa maayos nang kalagayan na si Elio. "Ihahatid ko muna si Elio at si Ginang Kora sa Verdantia. Babalikan ko kayo."
"Maraming salamat, Guro Galea, subalit hindi na namin kakailanganin ang iyong tulong." Bagamat halata ang pagod at pagtangis sa mukha ni Diego, nagawa pa rin nitong ngumiti. "Sapat na ang tulong na naibigay mo. Magpahinga ka na lamang."
Lumapit si Ginang Kora sa puwesto ng Zephyrian at Aquarian. Hindi umimik si Galea sa tinuran ni Diego. "Kung gayon ay mag-iingat kayo."
Sabay-sabay na naglaho sa hangin ang katawan ni Galea at mga kasama nito. Naiwan sandali ang paningin ni Diego sa dating puwesto ng patnubay bago ito malalim na huminga. Hinarap niya ang mga kasamahan nila saka ito tumango, senyales upang lisanin na ang lugar.
Dinampot niya ang kaniyang espada saka nangunang maglakad. Sa harapan nila ay unti-unti nang sumisilip ang sinag mula sa papaangat na araw. Ang bawat hawakan ng liwanag ay kumikinang dahil sa hamog. Nagsimula na ring gumawa ng ingay ang kalikasan.
Samantala, sa kabilang banda naman, lumitaw muli sila Galea sa isang kakaibang lugar. Inilibot niya ang kaniyang mata at tumambad sa kaniya ang abalang paligid. Dumating na sa Verdantia ang hanay ng mga mag-aaral, patnubay, at babaylan na lumikas.
"Galea!"
Humarap ang babae sa kaniyang gilid matapos marinig ang pamilyar na tinig ng isang lalaki. Humahangos papalapit sa kanilang puwesto si Aziel, suot-suot ang kulay gatas na kasuotang tela. Ibinigay nito ang bitbit niyang tapayan sa nasalubong na Terran saka dumiretso kay Galea.
"Tunay nga ang ibinulong ng hangin sa akin." Tiningnan ni Aziel ang kasama ni Galea at agad na bumuka ang kaniyang bibig nang mamukhaan ang nilalang na walang malay. "Ang kaibigan ni Adam." Bumalik ang tingin ni Aziel kay Galea nang huminga ito nang malalim. "Anong nangyari?"
"Idala mo muna sina Elio at Ginang Kora sa maayos na silid." Tumango lamang ang Aquarian saka ito umalis. Sinundan pa sandali ni Aziel ng tingin si Elio ngunit agad ding ibinalik kay Galea ang tingin, naghihintay ng paliwanag.
"Hindi ko inaasahan ang mensahe mo. Maaari mo bang ipaliwanag ang mga naganap?"
Humakbang paharap si Galea at sinundan lamang siya ng tingin ni Aziel. "Mabilis ang mga nangyari. Ni hindi man lang namin naramdaman ang pagkilos ng mga Prusian at Valthyrian, marahil dahil sa tulong ng kapangyarihan ni Lumen sa dilim."
"At walang ginawa ang mga Sylpari?" Tumaas ang boses ni Aziel. Hindi niya lamang maunawaan kung paanong hinayaan ng mga ito na bumagsak ang akademiya.
Ang tahanan ng susunod na henerasyon ng Veridalia.
"Mahirap paniwalaan subalit nagawang bihagin nina Lumen at Kiarra ang mga ito." Ipinatong ni Galea ang kanan niyang paa sa malaking tipak ng bato na nasa harapan niya. Sunod niyang iniligay roon ang kaniyang dalawang braso. Huminga siya nang malalim. "Sa palagay ko'y dahil ito sa sumpa ng bughaw na buwan."
Kahit papaano ay may kabatiran si Galea tungkol sa pagiging Sylpari sapagkat nang lumisan ang kaniyang ina matapos isilang si Adam upang sumailalim sa Sambuhay ay sinubukan niyang humanap ng magandang dahilan upang piliin ng kanilang ina ang pagiging Sylpari kaysa pagiging ina. Marami siyang nalaman sa kaniyang pag-aaral.
"Anong plano mo?" Lumapit si Aziel kay Galea. "Malaking kawalan para sa Veridalia ang pagkagapi ng mga Sylpari. Mahihirapan tayong bawiin ang akademiya."
"Hindi ko na alam, Aziel." Mahina na ang tinig ni Galea, bakas na sa gaspang ng tinig niya ang pagod. "Hindi ko na alam paano lumaban. Wala ang aking kapatid. Ngayon ay maging si Elio." Tumingala si Galea upang pigilan ang luhang nangingilid na. "Ang hirap nang lumaban."
"Kasama mo ako, Galea."
Hindi batid ni Aziel kung saan siya kumuha ng lakas ng loob upang isatinig ang mga katagang iyon subalit nakaramdam siya ng pangangailangan na banggitin iyon. Hindi siya sanay na makitang ganito si Galea. Ang bawat salita nito ay nagsisilbing punyal na pumupukol sa dibdib niya.
"Hindi man ako kasinlakas mo, o ni Adam, maging ni Elio; subalit, hindi ko hahayaang lumaban ka mag-isa." Tumingin sa malayo si Aziel saka tipid na ngumiti. "Magsabi ka lamang at dadaluhan kita sa bawat laban, Galea."
Umayos ng tayo ang babae. "Magtutungo muna ako sa silid ni Elio."
Naiwang mag-isa si Aziel habang tinatanaw ang pag-angat ng araw. Hindi niya maiwasang magbalik-tanaw sa nakaraan kung saan nananatili pa siya sa akademiya, kasama si Galea na siyang nagturo sa kaniya sa mga nalalaman niya ngayon sa pakikipaglaban.
Pagngiti na lamang ang tanging nagawa niya nang maglaro sa kaniyang isipan ang malamig nitong tinig kapag sinusuway niya sila ni Adam sa mga pagkakataong lumiliban sila klase. Kapag naaalala niya ang bagsik nito sa pakikipag-duwelo ay hindi niya pa rin maiwasang mamangha.
Si Galea lamang ang tanging babaeng hinangaan niya nang lubusan.
Subalit ang lahat ay mananatili na lamang sa nakaraan.
"Elio..."
Sa kabilang banda, matapos lumabas ni Ginang Kora sa tolda ay dagliang lumapit si Galea sa noon ay nahihimbing pa ring si Elio. Umupo siya sa bakanteng silya at hinarap ang binata. Gamit ang nanginginig na kamay ay hinawakan niya ang kamay nito.
"Salamat sa pananatili." Nabiyak ang tinig niya nang muli siyang magsalita. "Salamat sa pakikipaglaban kasama ako."
Hindi man ipakita ni Galea subalit batid ng hangin ang pagmamahal niya para kay Elio. Sa mga lumipas na taon ay itinuring niya na itong parang sarili niyang kapatid. Nagawa ni Elio na manatili sa kabila ng lahat.
"Masama bang hilingin na magmulat ka nang muli?" Hinayaan na lamang ni Galea na umagos ang luha sa kaniyang mga mata. Inilapit niya ang likod ng palad ni Elio sa kaniyang bibig. "Kailangan kita ngayon, Elio. Kailangan ka namin, at ng buong Veridalia."
Ilang beses nang napatunayan ni Elio na isa siya sa pinaka-makapangyarihang mag-aaral sa akademiya. Nag-uumapaw ang kaalaman niya hindi lamang sa paggamit ng iba't ibang sandata, gayundin sa pag-kontrol ng sarili nitong elemento.
Hindi siya madaling kalaban sapagkat likas din ang katalinuhan niya. Maliban na lamang kapag namagitan ang mga nilalang na iniingatan niya. Kahinaan ni Elio ang emosyon, na ilang beses na ring ginamit ng kalaban laban sa kaniya.
Nang magtanghali ay tuluyan na ring nakarating sa Verdantia ang hanay nila Diego. Agad na hinanap ng kaniyang mata si Fria na hindi naman siya nahirapang hanapin. Lumapit siya rito kaya napatigil ang babae sa pakikipag-usap sa kapwa Pyralian.
"Batid mo ba kung saan dinala si Elio?"
Sandali siyang pinagmasdan ni Fria bago nagsalita. "Nasa may toldang iyon."
"Salamat." Aalis na sana si Diego nang magsalitang muli si Fria.
"Magpahinga ka na lang muna." Lumapit sa kaniya ang babae at pinunas ang uling na nasa pisngi niya. Kumunot ang noo ng babae at nakangiwing pinagkiskis ang hinlalaki at hintuturo nito. "Maligo ka na rin."
"Titiyakin ko lamang na nasa ayos na si Elio." Yumuko pa si Diego bilang paggalang saka tumakbo paalis.
Nang makita niya ang tolda na tinutukoy ng kaniyang pinsan, agad-agad siyang pumasok. Natigilan lamang siya nang makitang nahihimbing sa tabi ni Elio ang nakaupong si Galea na suot-suot pa rin ang puting baluti nito. Nabahiran na iyon ng mga dugo.
Pinili niyang huwag na lamang itong pansinin at nilipat ang tingin kay Elio. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang maayos ang kalagayan ng kaniyang kaibigan. Upang hindi na makagambala, lumabas din kaagad siya ng tolda.
"Ilang araw pa lamang ang nakalilipas subalit malaki na ang nagbago sa lupaing minsan nang naging tahanan natin, pinuno."
Nakita ni Kalen si Aziel na nakatanaw sa malawak na lupain ng Verdantia kaya naman lumapit siya. Mula sa mataas na bangin na kanilang kinatatayuan, makikita ang pag-aagaw ng kulay berde at kayumanggi.
Masagana na ang kagubatan na nasa ibaba nila. Ang ibang bundok ay buhay na rin. Bagamat malaking parte pa rin ng lupain ang nababalot ng disyerto, hindi maitatangging kahit papaano ay bumabalik na ang buhay sa Verdantia.
Walang lingunang ngumiti si Aziel. "Mabuti nga at nahikayat ko ang mga natirang Terran dito na itaguyod muli ang ating bansa."
Dahil sa natural na kakayahan ng mga Terran na mangalaga ng mga halaman at hayop, hindi naging mahirap sa kanila ang pagbabalik ng buhay sa bansa. Maraming bilang din kasi ang naiwan sa Verdantia kaya tiyak na magiging madali ang pagbangon ng bansa.
"May mga pagbabago nga lamang na magaganap."
Napatingin si Kalen kay Aziel dahil sa tinuran nito. Bahagyang tumaas ang kaniyang kilay, nag-uusisa. Nilagay ni Aziel ang kaniyang mga kamay sa bulsa ng kasuotan niya saka huminga nang malalim.
"Hahatiin ko ang Verdantia sa apat, Kalen." Nasaksihan ni Aziel ang paglaki ng mata ng lalaki matapos marinig ang isiniwalat niya.
"Aalisin na ang pangkat-pangkat na uri ng pamumuno?"
Medyo nag-alinlangan si Kalen sa plano ng kaniyang pinuno sapagkat simula pa lamang ay ganoon na ang kalakaran sa pamumuno sa bansang Verdantia. Hindi lamang basta-basta pagbabago ang nais nito; isang malaking pagbabago. Maaaring hindi lahat ay sumang-ayon.
"Kailangan ng bansang ito ang pagbabago. Matagal nang hindi maganda ang paraang sinusunod natin." Naalala ni Aziel ang pagtataksil ng mga dating pinuno ng Verdantia. "Sa pamamagitan ng paghahati sa Verdantia, mabibigyan ng kapangyarihan ang lahat, hindi lamang ang mga namumuno."
Kailangan nilang pangalagaan ang Verdantia sapagkat kahit anong mangyari, kasapi pa rin ito ng balanse.
"At bilang anak ka ng isa sa mga dating pinuno, sa palagay ko'y karapat-dapat ka ring pamunuan ang isa sa distrito ng Verdantia."
Natigilan si Kalen dahil sa narinig. Matagal siyang napatitig kay Aziel na noon ay nakatingin lang din sa kaniya, binabasa ang kaniyang reaksyon.
Nakaramdam ng pag-ugoy si Kalen sa kaniyang dibdib sa isiping pamumunuan niya ang isa sa mga distrito ng Verdantia. Matagal na niyang ina-adhika ang bagay na iyon. Para sa kaniya, isa iyong karangalan.
"Subalit, kung tatanggapin ko iyan ay walang maiiwan sa mga kasamahan nating tulisan." Bumaba ang tingin ni Kalen dahil sa naisip.
Hindi niya kayang iwan ang nagsilbi niya nang ikalawang pamilya. Sapagkat noong mga panahong wala siyang mapuntahan, sila ang tumanggap sa kaniya.
"Makabalik man ang mga kasamahan nating Terran sa Verdantia ngunit, paano ang mga maiiwan? Kailangan nila ako." Bumalik ang tingin ni Kalen kay Aziel na noon ay nakatingin lang din sa kaniya, hindi makapaniwala.
"Pero..."
"Ikinararangal ko ang Verdantia, pinuno. Hinahangad ko ang tagumpay nito, at batid kong hindi ako ang kailangan ng bayan natin."
Mas may higit na nangangailangan sa akin.
Marahan at matunog na ngumiti si Aziel sa narinig na sagot mula sa kasama. "Iginagalang ko ang desisyon mo, Kalen. Nakatutuwang marinig mula sa iyo ang mga katagang iyan."
Sa kabilang banda naman ay kung saan-saan na hinagilap ni Diego si Kalen. Nakapagbihis na ito at ngayon ay naghahanap na lang ito ng maaaring gawin. Nagkalat ang mga elementara mula sa iba't ibang bansa kaya hindi niya matukoy kung nasaan ang hinahanap niya.
"Nakita niyo ba si Kalen?"
Nagtatakang tiningnan lang siya ng mga nakasalubong niya saka inilingan. Tumango lang siya saka bumuntong-hininga.
Muli na sana siyang aalis nang matanaw na lumabas si Galea mula sa tolda kung nasaan si Elio. Nakita niya pa itong nilibot ang paningin sa paligid. Sa pag-asang matutulungan siya nitong hanapin si Kalen ay tumakbo siya palapit.
"Guro!" Napaharap si Galea sa kaniyang gilid nang marinig ang pagtawag sa kaniyang pangalan. "Kumusta ang iyong pakiramdam? Kumain ka muna, kagabi ka pa walang kain."
"Salamat sa pag-aalala, Deigo." Kababakasan na ang pagiging panatag sa mukha ni Galea noong mga panahong iyon.
"Siya nga pala, Guro, nais ko lang ipahanap si Kalen. Maituturo ba ng hangin kung nasaan siya?"
"Pabalik na sila ni Aziel dito."
Sa loob ng ilang araw ay nanatili ang lahat sa lupain ng Verdantia. Ang iba ay naatasang magmanman sa akademiya upang malaman ang mga susunod na hakbang ng mga kalaban.
Sa mga nagdaang araw ay hindi nagkamalay si Elio. Bagamat bumalik na ang kulay ng mukha nito, hindi pa rin nito nagawang magpakita ng senyales ng pagkakaroon ng kamalayan. Nanatili namang naghihintay si Diego at Galea sa paggising niya.
Tahimik ang Valthyria at Prolus. Sa tuwing nag-uulat ang mga nagmamanman ay wala silang makitang kakaiba sa kinikilos ng mga kawal. Hindi nila batid kung alam na ba nina Kiarra at Lumen ang kanilang pinaglulunggaan.
Tiyak na kamatayan na naman ang magaganap sa sandaling matunton sila ng dalawang kaharian. Hindi pa sila handa sa panibagong labanan sapagkat mahina pa rin ang kanilang puwersa.
Dagdag pa ang pagbagsak ng tatlong bansa sa Veridalia kaya hindi rin sila makahihingi ng tulong maliban sa Ignisreach. Bagsak pa rin ang mga Sylpari. Wala silang ipanlalaban sa kaharian ng liwanag at dilim.
"Saan ka tutungo?"
Isang araw, naabutan ni Galea si Diego na nag-aayos ng gamit sa isang sako. Napatalon pa sa gulat ang lalaki sa biglaang pagsulpot ng patnubay subalit nagawa niya pa ring yumuko upang magbigay-galang.
"Kailangan kong pumunta sa aking ama, Guro." Tipid na ngumiti lamang si Diego saka lumabas sa tolda. Naramdaman niyang sinundan siya ng babae. "Kakailangan natin ng tulong mula sa aming bansa. Kakausapin ko ang aking ama."
"Ikaw lamang mag-isa ang maglalakbay?" Bahagyang hinangin ang buhok ni Galea.
"Mas makabubuti kung maraming maiiwan dito sakaling may masamang mangyari," sagot ni Diego. "Kaya ko namang maglakbay mag-isa."
"Kung gayon ay mag-iingat ka." Tumango lamang ang Pyralian. "Magtagumpay ka nawa sa binabalak mo."
Hindi pa man nakahahakbang si Diego ay natanaw niya sina Kalen at Aziel na humahangos patungo sa kanila. Kumunot ang noo ni Diego dahil sa nakita. Sa likod nilang dalawa ay nakasunod lang ang tatlong iba pa nilang kasamahan.
Nang tuluyang makalapit, mabilis na nagtama ang mata nina Diego at Kalen subalit agad ding umiwas at bumaling kay Galea ang tingin ng Terran. Si Aziel ay napahawak pa sa tuhod dahil sa pagod mula sa pagtakbo.
"Mabuti at magkasama kayong dalawa," panimula ni Aziel.
"Anong nangyari? Bakit kasama niyo ang mga espiya sa akademiya?"
Nakaramdam ng kung anong hindi tama si Diego dahil sa hitsura ng mga dumating. Nakita niya pang napalunok si Aziel bago ito muling nagsalita, dahilan upang parehong matigilan sina Diego at Galea.
"Nakabalik na sila, Galea."
Tuwid na tumingin si Aziel sa mata ng babae.
"Nasa akademiya na ang kapatid mo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top