Kabanata 30: Hangin at Apoy
Hangin at Apoy
"Elio!"
Sinipa ni Elio ang tiyan ng kaharap niya at napatingin sa likod. Yumuko siya saka hiniwa ang umatake mula roon. Napagilid siya at hinawakan ang braso ng Prusian na sinubukang hiwain siya saka ito pinatalsik gamit ang pagpapatama ng apoy sa tiyan nito.
Humihingal na inilibot ni Elio ang kaniyang tingin sa paligid at kumunot ang noo nang makita ang kaguluhang nagaganap sa akademiya. Nakita niya kung paano pinatumba rin ni Fria ang kalaban niya saka tumakbo palapit sa kaniya.
"Paanong nakapasok ang mga kalaban sa akademiya?"
Pareho ang tanong nina Elio at Fria. Kapansin-pansin ang kasuotan nilang ang ibang parte ay nasunog na ng apoy. Kita na ang kaliwang dibdib ni Elio dahil natupok na ng apoy ang kulay lumang pula niyang pantulog. Magulo pa ang kulay kahel nitong buhok, halatang naalimpungatan lamang.
"Maging ang mga kasamahan nating tulisan ay hindi rin nakaligtas mula sa mga kalaban." Napatingon si Elio sa mga bagong dating na sina Kalen at Diego. Nakatingin ang Terran sa mga bangkay ng mga vivar na nakahilata sa lupa. "Biglaan ang pagsalakay ng Valthyria at Prolus kaya hindi nakapaghanda ang lahat."
Matalas na tiningnan ni Elio ang paligid. Ang mausok na parang, mga nagkalat na apoy mula sa mga pagsabog, at ang mga walang buhay na katawan ng mga nilalang ang tanging makikita sa akademiya. Kahit kadiliman ng gabi ay hindi ito nagawang itago.
Sumikip ang dibdib ni Elio.
Sa muling pagkakataon ay bumagsak ang Veridalia Academy.
"Fria, itakas mo ang mga nakaligtas na Pyralian." Tumingin si Elio sa mga kasamahan niya. "Diego, ikaw sa mga Aquarian. Kalen, magtungo ka sa mga Terran."
"At ikaw?" Hinawakan ni Diego ang pulso ni Elio kaya bumaba ang tingin ng lalaki roon.
"Tutungo ako kay Galea." Inalis ni Elio ang kamay ni Diego. "Ipagtanggol niyo ang mga natitirang mag-aaral."
"Mag-iingat ka, Leo."
Nang magkatanguan, kaagad na naghiwa-hiwalay ang apat.
Inasinta ni Elio ang kaniyang pana sa tatlong vivar na pasugod sa kaniya. Gamit-gamit ang panang inihandog sa kaniya ni Dylan na ngayon ay nababalot na ng apoy mula sa kapangyarihan niya, pinakawalan niya sa hangin ang tatlong naglalagablab na palaso. Matalim ang tunog na ginawa nito nang dumaan sa ere bago bumulusok sa mga kalaban.
Kakaibang pakiramdam ang bumalot kay Elio habang kumakaripas siya ng takbo sa malawak na parang ng akademiya. Pakiwari niya ay naulit lang ang nangyari noon subalit ngayon, ibang kalaban na ang kaharap nila. Mas malalakas at mautak.
"Mga arehe!"
Mabilis na nakuha ni Elio ang atensiyon ng mga kawal ng Valthyria at Prolus na noon ay dinadakip ang mga mag-aaral na pumipiglas pa. Umangat ang sulok ng labi niya bago inasinta ang mga ito at isa-isang pinabagsak. Nagbigay ito ng daan upang makawala ang mga nabihag na mag-aaral.
Pinanood niya kung paano gamitin ng mga ito ang kaniya-kaniyang elemento upang magapi ang mga manloloob. Napahinga siya nang malalim matapos mapagtanto kung gaano kalaking kawalan para sa akademiya ang mga Zephyrian. Sila kasi ang inaasahang magbibigay ng babala sa sandaling may magtangkang sumalakay dahil sa kapangyarihan nila sa tunog.
Naging bukas sa masasamang balakin ang akademiya matapos nilang mawala.
Napahinga na lamang muli nang malalim si Elio saka binalik ang tingin sa mga mag-aaral na noon ay nagtitipon-tipon. Katulad niya ay halatang naalimpungatan lang din sila dahil suot pa rin nila ang kanilang mga pantulog.
"Magtungo kayo sa timog ng paaralan. Naroon ang mga lumilikas."
Bilang pinakamataas pa rin naman siya sa Cosvan, batid niyang susundin siya ng mga ito. Bagamat kakikitaan pa ng pag-aalinlangan ang mga mag-aaral ay wala na silang magawa kung hindi ang tumango at lisanin ang lugar kung nasaan sila kanina.
Napaayos si Elio nang sunod-sunod na dumating ang iba pang mga kalaban. Mahigpit niyang hinawakan ang kaniyang pana. Lumikot ang kaniyang mata nang palibutan siya ng mga ito. Bagamat kailangan niya nang makita kaagad si Galea, batid niyang hindi siya hahayaan ng mga nilalang na ito.
Mabilis siyang napaharap sa kaniyang likod nang umatake ang kalabang naroon. Yumuko siya at hiniwa ito, sunod naman niyang sinipa ang nasa gilid niya dahilan upang tumalsik ito.
Sinalag niya ang espada ng isa pang vivar bago niya binato ng apoy ang isa pang susugod sana. Tinulak niya ang sandatang nasangga niya kaya napaatras ang may-ari noon, binibigyan ng pagkakataon si Elio upang banatin ang pana at direktang ipukol sa ulo nito ang palaso.
Tiningnan niya ang natitirang Valthyrian na noon ay bahagyang napaatras. Tinutukan niya ito ng palaso kaya nasaksihan niya kung paanong manginig ang kamay nitong nakahawak sa espada.
"Nasaan ang pinuno ninyo?"
Batid ni Elio na hindi maglalakas-loob ang mga ito na lumusob sa akademiya kung hindi nila kasama ang kanilang mga pinuno kaya nakatitiyak siyang katulad ng mga kawal ay nakapasok na rin sa Veridalia Academy sina Lumen at Kiarra.
Mas binanat pa ni Elio ang pana niyang nanatiling walang imik ang Valthyrian. "Huwag mo akong pinagngingitngit sapagkat hindi ako magdadalawang-isip na isunod ka sa kanila."
"N-Nasa tahanan ng mga Sylpari..."
Natigilan si Elio nang dahil sa narinig. Kumunot ang kaniyang noo mula sa pagkabahala. Kung nagtagumpay ang dalawa na mapasok ang tahanan ng mga Sylpari, ibig sabihin ay nagawa nilang madaig ang apat na pinakamakapangyarihan sa buong Veridalia.
Bumulusok sa hangin ang palaso ni Elio bago ito bumaon sa likod ng Valthyrian na sinubukang tumakas. Mas minabuti ni Elio na hanapin muna si Galea sapagkat batid niyang hindi niya kaya tapatan ang kakayahan ng mga pinuno ng Prolus at Valthyrian upang harapin sila mag-isa.
Sunod-sunod ang pagtumba ng mga kalabang nadaraanan ni Elio. Ang iba'y dumadaan sa talim ng kaniyang pana, samantalang ang iba naman ay tinupok ng apoy. Walang patawad ang kapangyarihan ni Elio noong mga oras na iyon kaya lahat ng nadaraanan nito ay mabilis na nagagapi.
"Galea!"
Huminto sandali si Elio matapos makarating sa lugar kung saan nananatili ang mga patnubay. Bakas na rin ang kaguluhan dito; wasak na ang ibang parte ng pader sa mga silid, samantalang nagkalat na rin ang mga bangkay ng mga kalaban.
Wala siyang maramdamang enerhiya sa paligid kaya tiyak niyang katulad ng mga mag-aaral ay lumisan na rin ang mga patnubay upang tumakas. Nilibot niya ang kaniyang mata sa paligid, umaasang makakita man lamang ng kahit isang senyales na nasa paligid lamang ang kaniyang hinahanap.
"Bihag nila ang apat na Sylpari, Elio."
Mabilis na napatingin si Elio sa kaniyang likuran matapos marinig ang tinig ni Galea mula roon. Nakasuot na ito ng kulay puting baluti at naka-isahang tirintas na rin ang kulay puti nitong buhok. Sa wangis nito'y halatang galing ito sa isang labanan.
"Nagtungo ka sa tahanan ng mga Sylpari?"
Humakbang palapit si Elio kay Galea. Sandaling binalot ng liwanag ng apoy si Elio bago magpalit ang kaniyang kasuotan. Ngayon ay nakasuot na siya ng kulay pulang baluting pandigma.
"Ipinabatid sa akin ng hangin ang mga naganap. Inihatid ko ang mga patnubay sa timog ng akademiya." Pinaikot ni Galea ang kaniyang espada. "Naroon na rin ang lahat ng nakaligtas na mag-aaral."
Naramdaman ni Elio ang paggaan ng kaniyang dibdib dahil sa narinig. Subalit mabilis lamang iyong nawala matapos mapagtanto ang isang bagay. "Hindi sila maaaring magtagal doon. Anumang sandali ay lulusob ang mga kalaban sa lugar na iyon."
"Ibinilin ko kay Diego na ilikas ang mga mag-aaral sa Verdantia. Doon muna mananatili ang lahat habang nasa kamay pa ng mga kalaban ang akademiya." Kumunot sandali ang noo ni Elio sapagkat hindi niya batid na bukas ang Verdantia para sa mga mag-aaral na mula sa ibang bansa. "Hinihintay ka nila, Elio."
"Hindi kita hahayaang lumaban mag-isa, Galea."
Hindi lumingon si Elio kay Galea nang magsalita ito. Batid niyang hindi papayag ang babae sa plano nitong pananatili subalit mas lalo lamang siyang mag-aalala kung iiwan niya ang Zephyrian ditto mag-isa.
"Huwag mo na akong itaboy sapagkat batid mong hindi mo rin ako mapapasunod."
Malalim na napabuntong-hininga na lamang si Galea. "Kung gayon ay samahan mo ako."
Humakbang palapit si Elio sa babae nang umayos ito ng tayo. "Saan tayo patutungo?"
Umangat ang sulok ng labi ni Galea. "Naghihintay na sa atin ang mga kalaban."
Pinaglaho ni Galea ang kaniyang sarili kasama si Elio at ang sumunod na bumungad sa kanila ay malawak na lugar kung saan nagaganap ang mga pampaaralang duwelo. Mabilis na tinutok ng mga nakaabang na kawal ang kanilang mga patalim sa dalawang bagong dating.
Magkahiwalay na sumabog ang kapangyarihan ng apoy at hangin sa paligid dahilan upang tumumba ang ilan sa mga kalaban. Itinutok ni Elio ang nagliliyab niyang kaliwang kamay sa dalawang nilalang na nakaharap sa kanila, hindi man lang kababakasan ng pagkagulat.
Kumurba ang labi ni Elio sa pagka-engganyo, samantala'y nanatili ang seryosong ekspresyon nina Lumen at Kiarra. Si Galea naman ay pinakikiramdaman ang paligid.
"Saan niyo dinala ang mga Sylpari?"
Si Lumen naman ang napangisi matapos marinig ang tanong ni Galea. Napatingin ito sandali sa kaniyang ibaba saka natawa at muling pagmasdan ang dalawang hangal na humarap sa kanila. Kumunot ang noo ni Elio dahil sa pinakitang reaksyon ng Valthyrian.
"Tinalikuran na kayo ng inyong mga Sylpari." Nakita ni Elio ang dahan-dahang pagbangon ng mga alagad ng dalawang kaharian na pinatumba ng kapangyarihan nila kanina. "Katulad ng iyong kapatid, nasa ilalim na rin sila ang aking kapangyarihan."
"Walanghiya ka, Lumen!"
Hinarang ni Elio ang kanang kamay niya kay Galea upang pigilan ito sa tangkang pagsugod habang nanatili namang nakatutok ang naglalagablab niyang kabilang kamay kina Kiarra. Napalunok si Elio nang dahil sa narinig. Hindi naman nakaligtas sa paningin niya ang padaan ng galak sa mukha ni Lumen.
"Maaaring nilalansi ka lamang nila, Galea." Tiningnan ni Elio si Galea sa pag-asang sa paraang iyon ay kumalma ito. "Makapangyarihan ang mga Sylpari. Hindi sila basta-basta malulupig."
"Batid kong alam mo ang ibig sabihin kapag hindi na nararamdaman ng hangin ang hininga ng mga nilalang." Humakbang nang tatlong beses paharap si Lumen dahilan upang mas pagliyabin ni Elio ang kaniyang kamay.
"Pagbabayarin kita, Lumen!" Isang mahina at mabagal na halakhak lamang ang sinagot ng Valthyrian bago ito tumalikod.
"Paslangin sila."
Lumikot ang mata ni Elio matapos silang palibutan ng sandamakmak na mga kalaban. Narinig niya ang matalas na tunog ng espada ni Galea matapos niya itong paikutin sa hangin. Binanat naman ni Elio ang kaniyang pana, palipat-lipat ang pagtutok nito.
"Mag-iingat ka, Elio."
Hinampas ni Galea ang sandata ng unang lumapit sa kaniya. Nang mapunta ito sa kaniyang likuran ay sinipa niya naman ang kasunod nito. Napalingon siya sa kaniyang gilid nang makaramdam ng pagkilos doon.
Umiwas siya sa tangka nitong paghiwa saka umikot at sinaksak ang likod nito. Muli na naman siyang umikot at hiniwa pahalang ang tiyan ng sumunod na umatake. Bahagya siyang bumaligtad patalikod saka hinawakan ang leeg ng kalaban at ginilitan ito.
Nang may lumapit na tatlong vivar kay Galea, kinuha niya ang hininga ng mga ito at ginawang matutulis na hangin saka niya ibinato niya sa tatlong iba pang palapit. Napayuko siya nang paglandasin ng isa pa ang sandata nito sa kaniyang ulo saka hiniwa ang likod nito. Nagpakawala siya ng malakas na alon ng hangin na dahilan upang tumumba ang ibang pasugod pa lamang.
"Galea, yuko!"
Mabilis na pinakawalan ni Elio ang palasong nagliliyab sa direksyon ni Galea. Habang nasa hangin ay hiniwa ito ni Galea sa dalawa, sakto lamang para parehong tumusok sa dalawang kalaban. Humarap siya sa kaniyang likuran at binato ang espada niya na bumulusok diretso sa dibdib ng natitira pa.
Gamit ang pana, hinampas ni Elio ang espadang tatama dapat sa kaniya saka mabilis na bumunot ng palaso. Umikot siya at sinaksak ang likod ng kalaban bago muli itong hinugot at ikinasa sa pana. May bahid pa ng dugo ang tulis ng palaso nang pakawalan ito ni Elio.
Sa patuloy na paglalim ng gabi, mas dumami pa ang dugong dumadanak.
Hindi pinayapa ang hangin at apoy ang kadiliman.
"Lumen, masyado silang malakas." Humigpit ang hawak ni Kiarra sa kaniyang espada habang pinapanood kung paano magkasabay na pinakawalan ni Elio at Galea ang kanilang elemento sa hanay ng Valthyrian at Prolus. "Hindi pa ba tayo kikilos?"
"May tamang pagkakataon, Kiarra." Hindi nilisan ng ngisi ang mukha ni Lumen. Kahit na nakikita nito kung paanong lipulin ng dalawang mag-aaral ang hanay nila, ni hindi man lang ito nabahala. "Sisiguraduhin kong magluluksa silang muli."
Sinipa ni Galea ang braso ng Prusian kaya tumalsik ang sandata nito. Sunod naman niyang sinipa ang ulo ng isa pa saka umikot upang hiwain ang tiyan ng kawal na nawalan ng sandata. Mabilis siyang umikot at pinatagos ang espada niya sa katawan ng pangalawa.
Napatingin si Elio sa kaliwa niyang kamay nang may humawak sa pulso niya. Bago pa man makakilos ay nabihag naman ang kaniyang kanang kamay. Dahil doon ay nabitawan niya ang hawak na pana. Kumunot ang kaniyang noo dahil sa inis.
Nang may lumapit na isang Prusian sa kaniyang harap ay kaagad niya itong sinipa saka tumalon at sumirko sa hangin. Naging dahilan iyon upang makalaya siya sa pagkakabihag. Nang lumapag sa lupa habang nakaluhod ang isang tuhod, kaagad niyang sinuntok ang sahig dahilan upang kumawala ang alon ng apoy.
Hahampasin na sana ni Galea ang isa pang kalaban subalit may sumangga nito. Hindi niya pa man lubusang nakikilala kung sino ito ay kaagad niya nang naramdaman ang pagtama ng sipa sa kaniyang sikmura dahilan upang mapaatras siya nang ilang beses.
Pinaglaho ni Lumen ang kaniyang sarili at nang lumabas ay kaagad niyang sinipa ang likod ng tuhod ni Galea kaya naman napaluhod ang babae. Pumunta siya sa likod nito at itinutok ang talim ng espada sa leeg ng Zephyrian.
"Marumi ka talaga maglaro, Lumen." Nanginginig na ang tinig ni Galea mula sa pagod. Mabigat na rin ang kaniyang paghinga.
Maikling tumawa ang Valthyrian. "Hindi pa ako nagsisimula."
"Galea!"
Umangat ang tingin ni Lumen sa noon ay nakanganga nang si Elio matapos makitang nabihag si Galea. Huli na nang maintindihan ng babae ang nais iparating ng Valthyrian.
Basta na lamang pumulot ng patalim si Elio at tumakbo palapit sa kung nasaan sina Lumen at Galea. Abala ang isip niya sa pagsagip kay Galea kaya hindi niya napansin ang muling paglaho ng Valthyrian.
Hindi na nagkaroon ng pagkakataon sina Elio at Galea ng pagkakataon upang kumilos. Kasabay ng pagtigil ng Pyralian ay ang matalim na tunog ng bakal na humiwa sa isang laman. Kasunod noon ay isa pang tunog ng pagbaon ng patalim.
"E-Elio..."
Tagumpay na ngisi ang bumalatay sa mukha ni Lumen matapos makita kung paano dumaloy ang dugo sa bibig ng noon ay lumiliwanag nang si Elio. Nagsisimula nang humiwalay ang kaniyang diwa at katawanglupa. Ang nakabuka nitong bibig ay kumibot nang mas lalo pang bumaon ang espada sa tiyan niya.
"Paumanhin, Pyralian, subalit masyado ka nang nagiging sakit sa ulo."
Kasabay ng pagtakas ng luha sa mga mata ni Elio ay muling narinig ang matalas na tunog ng bakal nang hugutin ni Lumen ang noon ay puno na ng dugong patalim niya. Nabitawan ni Elio ang espadang hawak niya habang dahan-dahang tiningnan ang sugat niyang patuloy na nagdurugo.
"Galea..."
Napaluhod si Elio sa sahig saka naluluhang tiningnan si Galea na noon ay nakatulala lamang. Nasaksihan niya ang pagliwanag ng kaniyang mga palad nang tingnan niya ang sarili niyang dugo. Naramdaman niya ang pagbigat ng kaniyang dibdib at pagkahirap sa paghinga.
"Galea, p-patawad..."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top