Kabanata 27: Dalurakit

Dalurakit

"Parang masiyado nang nagtatagal ang ating paglalakbay."

Iniahon ni Dylan ang kaniyang palad sa katubigan at kaagad na naglaho ang liwanag sa kaniyang mata. Ilang araw na silang naglalayag sa karagatan subalit ayon sa tubig, hindi pa rin sila malapit sa kanilang patutunguhan. Lubusan na ang inip na nadarama ni Dylan.

Mula naman sa kabilang dulo ng bangka ay malalim na napahinga si Lumineya. Pinanood niya kung paano dahan-dahang tumayo si Dylan at sandaling sinilip si Adam na noon ay nakatulala lamang.

Kahapon lamang ito nagising at katulad ng inaasahan ay sinubukan nitong pumalag at kumawala. Subalit naging madali lamang para kay Dylan na basagin ang mga balak niya.

"Hindi biro ang distansiya ng Hariyari, Dylan," pagtukoy niya sa kontinente na kung saan matatagpuan ang Cavanoh. "Batid kong alam mo iyan." Tumayo rin si Lumineya at lumapit kay Adam.

Walang nagawa ang lalaki kung hindi ang bumuntong-hininga na lamang at tanawin ang malawak na karagatan. Ang bawat araw na lumilipas ay tila naging parusa sapagkat hindi niya maiwasang hindi mag-alala para sa mga nilalang na iniwan nila sa Sahadra. Lalong-lalo na para kay Elio.

Hindi niya batid kung ano ang mga planong inihahanda ng kaaway nila. Marahil maging ang pagliligtas kay Adam ay parte ng madidilim nilang pakay. Napalunok siya sa isipin bago tiningala ang kalangitan.

"Maagang lumabas ang dalawang buwan."

Lumingon si Dylan kay Lumineya na noon ay muli na namang bumalik sa pagkakaupo nito. Napansin niya ang tila pagkawala ng lakas ng Sylpari.

"Panahon nang muli upang lumabas ang ikatlong buwan." Bahagyang nangunot ang noo ni Dylan sa narinig. Ang huling beses na lumabas ang ikatlong buwan ay apat na taon na ang lumipas. "Ito rin ang nais kong sabihin sa iyo, sapagkat sa ganitong panahon lumalabas ang mga hashne ng tubig."

Nabigla man sandali ay agad ding nakabawi si Dylan. Hindi na bago sa kaniya ang pagharap sa mga halimaw na naninirahan sa karagatan sapagkat nakakasagupa niya na ang mga ito noon pa mang nagsasanay siya at gumagawa ng mga misyon para sa Misthaven.

"Hindi kita magagawang tulungan na harapin sila sapagkat isa sa kahinaan naming mga Sylpari ang kapangyarihan ng ikatlong buwan."

Ang sinabi ni Lumineya ang nagbigay ng kalinawan sa kung bakit tila nanghihina ang Sylpari ng Diwa. Hindi niya alam na kahinaan pala ng mga Sylpari ang ikatlong buwan; kaya pala nagawa siyang bihagin noon ng monarka ng Misthaven at pinuno ng Verdantia.

"Kung gayon ay makakaasa ka."

Binalingan niya ng tingin si Adam na noon ay nakatingin din sa kaniya. Kilala niya ang kaibigan ni Elio, subalit hindi pa nito kailanman nakausap ang isang ito. Kahit noong mga panahong madalas niyang makita ito sa dormitoryo ng mga Aquarian ay hindi niya ito sinubukang kausapin man lamang.

Walang pag-aalinlangan siyang lumapit sa Terran na noon ay wala pa ring reaksyon. Mukhang napagod na ito kaiisip ng mga paraan upang makawala. Nang makarating sa tapat ni Adam, kaagad na lumuhod si Dylan upang magpantay sila.

"Hindi ko pa nagagawang lubusang magpasalamat sa iyo." Huminga nang malalim si Dylan matapos sambitin ang mga katagang iyon. "Sapagkat nanatili ka sa tabi ni Elio noong mga panahong hindi pa ako handa." Mahinang napangiti siya. "Maraming salamat, Adam. Sana ay tuluyan ka naming maibalik, sapagkat lubos na ikagagalak ng Veridalia ang muli kang makasama."

Walang sagot na natanggap si Dylan mula kay Adam. Naging sapat na ang blangko nitong mga titig upang ipabatid sa kanila ang tunay na dahilan kung bakit sila nandito sa sitwasyong ito. Muli na lamang napahinga ng malalim si Dylan saka dahan-dahang tumayo subalit napahinto nang marinig ang tinig ni Adam.

"Elio..."

Napangiti na lamang siya nang maliit. Bagamat hindi na nito maalala ang lahat, tiyak niyang hindi pa rin lubusang nalilimutan ni Adam ang mga nilalang na naging mahalaga sa kaniya.

Mabilis na sinakop ng kadiliman ang kapaligiran. Ang paglubog ng araw ay naging hudyat upang lumabas na nang tuluyan ang asul na buwan. Mas nagawa itong pagmasdan ni Dylan at napansin na kabigha-bighani ang wangis nito.

"Oras na, Dylan."

Tumango lamang ang lalaki sa winika ng noon ay tuluyan nang nanghina na si Lumineya. Iniangat niya ang dalawa niyang braso at sa mabilis na paraan ay kaagad na binalot ng halang na gawa sa tubig ang bangkang lulan sila.

Patuloy na kumikilos ang kaniyang braso, ginagabayan ang tubig upang ilandas sila palayo sa panganib. Sa tulong ng kapangyarihan niya sa tubig, nagagawa niyang malaman ang panganib na kaakibat nito. Subalit wala siyang takot.

Kaibigan niya ang karagatan.

Ilang sandali lamang ay naramdaman na ni Dylan ang pag-iiba ng tubig. Mula sa mapayapa nitong pamamahinga ay tila nabulabog ito dahil kaagad itong naghatid ng malalaking alon. Kasunod nito ay ang malakas na pag-uga ng sinasakyan nilang bangka.

"Kumapit lamang kayo nang mahigpit."

Sa tulong ng halang na binuo niya, hindi nagawang pumasok ng malalaking alon sa loob ng bangka. Mabilis na iniangat ni Dylan ang kaniyang dalawang braso, dahilan upang maramdaman nila ang dahan-dahang pag-angat ng bangka.

Kumikislap ang malaking alon na ginawa ni Dylan dahil sa liwanag ng asul na buwan. Tinatangay ng malaking alon ang bangka nila dahilan upang mas bumilis ang kanilang paglalayag. Sa gilid ng kaniyang mga mata, nakita niya kung paanong sumabay sa alon ang isang dambuhalang nilalang. Napangisi si Dylan.

"Narito na ang Dalurakit."

Sumasayaw ang katawan nito sa tubig at naghihintay ng tamang pagkakataon upang sugpuin ang hangal na manlalayag sa karagatan. Dahil sa paglabas ng Dalurakit, nagdulot ito ng isang bagyong may kasamang kulog, kidlat, at malakas na hangin.

Ito ang kakayahan ng halimaw ng karagatang ito. Nagagawa rin nitong bumuo ng malalaking daluyong at ipo-ipo kaya lubos na magiging mapanganib ang harapin ito. Subalit sanay na si Dylan. Ito ang ikalawang beses na nakaharap niya ito.

"Manatili kayo sa loob ng pananggalang. Kailangan kong harapin ang isang ito." Nilingon niya sina Lumineya at Adam. Mababasa ang takot sa mukha ng binatang Terran samantala ay wala namang reaksyon ang Sylpari na noon ay lumiliwanag nang kulay puti. "Babalik din kaagad ako."

Tumagos si Dylan sa halang na ginawa niya at malayang umapak sa tubig. Agad siyang sinalubong ng malakas na hangin, dahilan upang bahagya siyang mapaatras. Kaagad niyang kinolekta ang mga patak ng ulan at pinalibot ito sa kaniya.

Bagaman madilim ang paligid, dahil na rin natatakpan ng maitim na ulap ang kalangitan, nagawa niyang matanaw ang wangis ng hashne. Ang asul nitong balat ay lumiliwanag; kulay ginto naman ang palikpik nito sa likod. May sungay ang ulo nito, at nagbabagang pula naman ang mga mata. Kapansin-pansin din ang tila diyamante na nasa noo nito. Nang matanaw siya ng halimaw, kaagad itong gumawa ng ingay na nakabibinging pakinggan.

Walang alinlangan itong sumugod kay Dylan na noon ay alerto sa mga susunod na hakbang. Gamit ang naipong tubig-ulan, sunod-sunod siyang nagpakawala ng matatalim na tubig na mabilis lamang naiwasan ng Dalurakit. Tumakbo nang matulin si Dylan paakyat sa malaking alon bago siya tumalon at hawiin ang braso, sanhi ng paglabas ng matulis na tipak ng yelo na agad namang bumulusok sa halimaw.

Nang makababa ay muli siyang tumakbo paikot sa Dalurakit habang patuloy ang pag-atake. Bukod sa ingay ng alon at kulog, maririnig din ang matalim na tunog gawa ng pag-atake ni Dylan at ang palahaw ng halimaw na bigong maiwasan ang ibang opensa.

Sumisid ang hashne kaya kaagad na nangamba si Dylan. Nararamdaman niya ang galaw nito na pumapaikot sa kaniya mula sa ilalim kaya malikot ang kaniyang ulo, naghahanap ng posibleng labasan ng halimaw. Nangunot ang kaniyang noo nang mapansing papalayo sa kaniya ang Dalurakit subalit kaagad ding natauhan nang mapagtanto ang patutunguhan nito.

Sasalakayin niya ang bangkang sinasakyan nila Lumineya.

Gumawa siya ng malaking alon patungo sa bangka; maliksi ang halimaw subalit nagagawa naman itong habulin ni Dylan. Nang tuluyang makalapit, mabilis siyang sumisid pailalim. Nang malapit na ang halimaw ay sumuntok siya sa tubig, dahilan upang magyelo ang nasa kaniyang harapan. Naging daan ito upang mapigilan sandali ang halimaw.

Kaagad din naman siyang umahon at muling pinalutang ang sarili sa katubigan. Patuloy siya sa pagharang sa paglabas ng halimaw gamit ang yelo. Subalit habang nasa kalagitnaan ng kaniyang pakikipaglaban, kaagad na sumagi sa kaniyang isipan ang masasayang mukha ni Elio.

Napahinto siya dahil doon, lalo na noong makaramdam siya ng pagpiga sa kaniyang dibdib. Nanoot ang kaba at takot sa kaniyang puso, na naging dahilan upang tuluyang makalabas ang Dalurakit at tuluyan siyang ilubog sa katubigan.

Mabilis na nakabawi si Dylan mula sa nangyari. Sumisid ito nang mas malalim at nang makakuha ng pagkakataon, kaagad nitong sinalubong ang halimaw bitbit ang malakas na puwersa ng tubig. Umahon siya kaagad at halos sabay lamang sila ng hashne na makaangat sa tubig.

Bumuo siya ng ipo-ipo na kaagad naman siyang itinaas. Narinig niya ang paghiyaw ng halimaw habang nakatingala sa kaniya bago ito sumugod. Mabilis na bumuo siya ng pana at itinutok iyon sa Dalurakit. Nang tama na ang pagkakataon ay kaagad niyang pinakawalan ang palaso.

Ang sumunod na namayani sa kapaligiran ay tunog ng pagbagsak ng isang nilalang sa tubig. Mabigat ang paghinga ni Dylan nang tuluyang makababang muli sa karagatan.

"Elio..."

Muli niyang binalikan ang kaniyang naramdaman kanina. Puno ng pagtataka ang kaniyang isipan sapagkat mahapdi sa kaniyang pakiramdam ang makita ang masasayang mukha ni Elio.

May hindi tama.

Napatingin siya sa kawalan; sa direksyon kung saan iniwan niya ang nilalang na laman ng kaniyang pangamba ngayon. Napahawak siya sa kaniyang dibdib.

Kumalma na ang langit kaya muli niyang natanaw ang asul na buwan. Habang nakatanaw rito, muli niyang naramdaman ang pamilyar na bugso ng takot at kaba. Muli na namang kumunot ang kaniyang noo.

Elio, anong nangyayari?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top