Kabanata 26: Pangamba

Pangamba

"Hanga ako sa dedikasyon mo sa pagtulong kay Elio."

Nakatayo si Dylan sa dulo ng bangka, tinatanaw ang malawak na karagatan. Marahan ang pagdampi ng maligamgam na hangin sa kaniyang pisngi; tinatangay rin ang mga hibla ng kaniyang buhok kaya hindi niya maiwasang mapangiti. Mula sa kaniyang puwesto ay kitang-kita ang mga tagak na malayang lumilipad sa langit.

Umalingawngaw sa kaniyang isip ang sinabi ni Lumineya kaya hindi niya maiwasang mapangiti nang malungkot. Bahagya na rin siyang bumaba mula sa pagkakapatong sa dulo ng bangka at hinarap ang babae na noon ay nakatayo rin sa karagatan. Huminga nang malalim si Dylan.

"Marami akong naging pagkakamali kay Elio." Umupo si Dylan at sumandal sa haligi ng bangka. Patuloy na binabasag ng pag-iyak ng mga tagak at paghampas ng alon sa hangin ang katahimikan ng paligid. "Tinraydor ko siya – sila, noon. Marami akong bagay na inilihim sa kanila."

Hindi batid ni Dylan kung nakikinig ba sa kaniya si Lumineya ngunit ipinagpatuloy niya ang kaniyang sinasabi. Matagal na niyang kinikimkim ang mga bagay na ito. Parati siyang binabangungot ng mukha ni Elio noong panahong magharap sila sa akademiya matapos masakop ng Verdantia at Misthaven ang lugar.

"May parte pa rin siguro sa kanila na hindi ako napapatawad." Marahang yumuko si Dylan. "Hindi ko nga mawari kung karapat-dapat pa baa ko kay Elio sapagkat wala na akong ginawa kung hindi ang maglihim sa kaniya."

Hindi ganoon ang pagmamahal.

Hindi dapat ito bunubuo ng mga lihim. Hindi sapat na dahilan na inililigtas mo lamang siya sa kapahamakan. Ang tunay na pagmamahal ay pagtitiwala. Pagtitiwala sa kakayahan ng mahal mo.

Marahil ito ang pagkakamali ni Dylan. Hindi siya nagtiwala sa kakayahan ni Elio hindi dahil sa takot siyang malagay sa panganib ang lalaki, kung hindi dahil takot siyang malagay ito sa panganib at wala siyang magawa.

"Si Elio lamang ang magtatakda ng karapat-dapat sa kaniya. Ayawan ka man ng lahat, kung ikaw ang nais niya ay walang dapat humadlang." Napahinga nang malalim si Lumineya. "Sa totoo lang ay hindi rin kita gusto para kay Elio."

Napatigil si Dylan at bahagyang nasaktan sa sinambit ni Lumineya. Hindi niya iyon inaasahan.

"Hindi dahil sa isa kang Aquarian. Kung hindi dahil mas magiging maayos ang buhay ni Elio kung ang makakasama niya ang isang nilalang na iniisip din ang kalagayan niya."

"Ngunit iniisip ko ang kalagayan niya."

"Inisip mo ba ang kalagayan niya noong pinili mong isakripisyo ang sarili mo para lang iligtas ang kaibigan niya."

Napatigil si Dylan. "A-Akala ko'y magiging masaya siyang muli..." Napalunok siya. Marahan namang tumawa si Lumineya.

"Pinangungunahan mo siya; iyon ang mahirap sa iyo, Dylan. Hindi ikaw ang magdedesisyon sa dapat niyang maramdaman."

"Kailangan niya si Adam."

"At kailangan ka rin niya."

Umalon ang dibdib ni Dylan sa pamilyar na ginhawa ngunit may kaakibat na sakit matapos mapagtanto ang mga naging desisyon niya. Nanatili siyang nakayuko at inalala ang masasayang mukha ni Elio kapag magkasama sila.

"Kapag nawala ka, sa tingin mo ba'y magagawang magsaya pang muli ni Elio? O ni Adam, kapag nalaman nilang ikaw ang dahilan kung bakit siya nakabalik?" Marahang ngumiti si Lumineya.

"Wala namang ibang paraan." Kumunot ang noo ni Dylan. "Kapag hindi ako nagsakripisyo, tuluyang lalamunin ng dilim si Adam. Baka pati si Elio ay mawala sa akin. Hindi ko iyon nanaisin."

Namutawing muli ang katahimikan sa pagitan nila. Ang pamilyar na ingay ng kalikasan lamang ang tanging maririnig, ngunit ilang sandali lamang ay pinunit ng matunog na pagngiti ni Lumineya ang panandaliang kapayapaan.

"Mahal na mahala mo talaga siya." Hindi nagawang makasagot ni Dylan at tumitig lamang siya sa Sylpari. "Sana lamang ay handa kang kilalanin si Elio."

"Anong ibig mong sabihin?" Nangingiting umiling si Lumineya sa naging tanong ni Dylan. "Handa akong tanggapin siya nang buong-buo."

"Marami pang mangyayari. Mahaba pa ang kuwento. Marami pa ring gusot; marami pa ring lihim." Huminga nang malalim si Lumineya at napatingin kay Adam na noon ay nahihimbing. Saka naman siya tumingin kay Dylan. "Pagkatapos niyo, kayo nina Adam at Galea, isulat ang sarili niyong kapalaran, sana masaksihan niyo rin kung paano isulat ni Elio ang kaniya."

Bumuka ang bibig ni Dylan nang makaramdam ng kung ano. Hindi niya gusto ang mga salitang lumalabas sa bibig ni Lumineya. Parang may alam itong hindi nalalaman ng iba. Kilala ng Sylpari ng Diwa si Elio.

"Ang kapalaran niya ang magiging simula at wakas ng lahat. Sa sandaling isulat niya ang kaniyang kapalaran, hindi ako sigurado kung may mananatili pa sa kaniyang tabi."

Namuo ang luha sa mga mat ani Dylan ng dahil sa narinig. Nagsimula siyang makaramdam ng takot para kay Elio. Ang mga sinabi ni Lumineya ay tila isang babala. Iniling lamang ni Dylan ang kaniyang ulo.

"Hindi ko siya tatalikuran."

Mapait na ngumiti si Lumineya.

"Sana nga..."

"Bakit parang kilalang-kilala mo si Elio, Lumineya?" Hindi maiwasang magtaka ni Dylan. "Kailan lamang nang uuna kayong magkita."

Hind nagsalita si Lumineya ngunit naka-ukit sa kaniyang mga mata ang pangungulila at lumbay. Pamilyar sa kaniya ang mga matang iyon sapagkat minsan na niya itong Nakita sa mga mata ng reyna ng Misthaven kapag sinisilip niya ito sa kaniyang silid.

Ang mga mata ng isang inang nawalan ng anak.

Bumuka ang bibig ni Dylan nang may mapagtanto. Nanlaki ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa babae. Napatingin sa kaniya si Lumineya saka malungkot na ngumiti at yumuko.

"H-Hindi maaari..."

Iniwan siya ni Lumineya. Pumunta ito sa likurang bahagi ng bangka. Bagaman nakikita pa rin ito ay hindi niya na ito sinubukan pang kausapin. Napalunok siya at ipinilig ang kaniyang ulo. Hindi maalala ni Dylan kung may nabanggit ba si Elio sa kaniyang tungkol sa mga magulang nito.

Ngunit nang dahil sa mga ipinahiwatig at sinambit ni Lumineya, hindi maiwasang maisip ni Dylan na hindi niya pa ngang lubusang nakikilala si Elio. Marami pang bagay ang hindi niya nababatid; marami pa ring pahina ni Elio ang hindi niya nabubuklat.

Ano nga ba ang tunay na katauhan ng nilalang na minahal niya?

* * *

"Nakababahala na ang katahimikan ng Prolus at Valthyria."

Isang mabigat na buntong-hininga lamang ang naging sagot ni Diego sa tinuran ng kaniyang kaibigang si Elio. Kasalukuyan nilang tinatahak ang daan patungo sa kani-kanilang silid-aralan.

Ilang araw matapos ang pagbawi kay Adam, nagawa ring mabawi ng akademiya ang dati nitong kapayapaan. Muling nagbalik sa dating gawi ang lahat; gigising nang maaga at maghahanda upang dumalo sa kaniya-kaniyang klase.

Ang mga babaylan naman ay nanatili sa akademiya, sa pakiusap na rin ni Lumineya sa iba pang Sylpari bago sila lumisan. Ito'y upang matiyak na ligtas ang mga ito sakaling tangkaing lusubin muli ng dalawang kaharian ang Arkeo.

"Tiyak akong may pinaghahandaan na naman ang mga Vivar."

Tumingala si Elio at malungkot na napahinga nang matanaw na katulad ng mga nagdaang araw, nanatiling makulimlim ang kalangitan. Tanda ito ng pagluluksa pa rin ng Veridalia sa pagkawala ng Nimbusia.

Lumipat naman ang kaniyang atensiyon kay Diego na kanina pa walang imik. Naninibago siya sa katangiang ipinakikita ng kaniyang kaibigan ngayon sapagkat tahimik ito at mukhang sobrang malalim ang iniisip.

"May problema ba, Diego?"

Nang banggitin ang kaniyang pangalan, saka lamang nagawang ibalik ni Diego ang kaniyang sarili sa katinuan. Mabilis siyang lumingon sa katabi niyang inaalon ng pagtataka ang mga mata. Sandaling nanatili ang mga mata niya rito bago sa hindi mabilang na pagkakataon ay mabigat na bumuntong-hininga.

"Nangangamba lamang ako para kay Galea, Elio." Tila isang sumpa ang banggitin ang pangalan ng babae sapagkat kaakibat noon ay sakit. "Ngunit, hayaan mo na ako. Paumanhin kung hindi mo ako makausap nang maayos."

Tipid na ngiti lamang ang binigay ni Diego bago marahang ginulo ang buhok ni Elio. Sa mga nagdaang araw, nanatiling tahimik si Galea. Hindi ito normal para sa isang nilalang na nawalan ng angkan, kapamilya, at kapatid. Nakakatakot ang kaniyang katahimikan.

"Tuwid na Zephyrian si Galea, Diego." Napako ang tingin ni Elio sa kaniyang harap. "Batid kong hindi siya gagawa ng mga bagay na tiyak niyang maglalagay sa buong Veridalia sa panganib."

"At paano kung oo? Paano kung gumawa siya ng bagay na maaaring maglagay sa Veridalia sa panganib?"

Namayapa ang katahimikan sa pagitan nila. Ang mga hakbang nila ay unti-unting bumagal hanggang sa tuluyan na itong mahinto. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Elio saka marahang ngumiti nang mapait.

"Kung magkagayunman ay susuportahan ko siya. Kasama niya ako sa laban niya."

Hindi maiwasang humanga ni Diego sa sinagot ni Elio. Mukhang nakahanap ng pamilya ang lalaki sa akademiya, na tiyak namang ikinagagalak niya. Subalit kasabay ng paghangang iyon ay pagdaan ng lungkot sa kaniyang mga mata.

Iniwas niya ang tingin kay Elio at niyaya itong muling magpatuloy sa paglalakad. Hindi naman nag-atubili ang lalaki na sumunod sa kaniyang kaibigan, ikinubli sa loob ng kaniyang isip ang mga madidilim na kaisipan. Habang naglalakad sila, palihim na nilingon ni Diego si Elio at malungkot na ngumiti.

Patawad, Elio.

* * *

"Hindi ko batid kung anong mga plano mo, at kung bakit mo iyon ginagawa sa kaniya, subalit ikinatutuwa ko ang mga nangyayari."

Mabilis na napatayo si Kiarra sa kaniyang trono nang bigla na lamang lumitaw sa harapan niya ang nilalang na kinasusuklaman niya nang lubusan. Sabay-sabay na inilabas ng mga kawal ang kanilang mga sandata at itinutok ito sa nilalang na noon ay hindi man lang nasindak.

"Hindi kita pinahihintulutang pumarito." Bagamat tapang ang nakabalandra sa mukha ng babae, hindi nito magawang ilihim ang nararamdamang takot sa mga sandaling iyon. "Kung nanaisin ko ay maaari kitang paslangin ngayon din."

"Nakatutuwa ka, Kiarra."

Mariing napalunok ang babae nang mahimigan ang paglalaro sa tinig ng babae. Humakbang ito nang ilang beses palapit sa trono bago tuluyang huminto at natawa.

"Malugod kong papanoorin kung paanong muli kayong bumagsak nang dahil sa mga pagtataksil."

"A-Ano ang nalalaman mo?"

Matunog ang naging pagngisi ng babae. "Lahat, Kiarra."

Pinanood niya kung paano magimbal ang pinuno ng Prolus dahil tuwid at walang utal niyang binanggit ang mga katagang iyon. Mas lalo naman siyang nagalak nang dahil sa nakitang reaksyon ng babae.

"Subalit huwag kang mag-alala, sapagkat mananatili akong nanonood lamang." Naglaho ang babae at kaagad na lumitaw sa tabi ni Kiarra na noon ay nabigla. "Ligtas ang sikreto mo."

Nang muli na naman sanang maglalaho ang babae, pinigilan ito ni Kiarra. Gamit ang nangangambang tinig, nagawa niyang magtanong, "P-Paano mo nalaman?"

Isang maikling tawa lamang ang sinagot ng babae bago lumapit sa tainga ni Kiarra.

"Walang inililihim sa akin ang hangin."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top