Kabanata 24: Pagsisimula ng Susunod na Henerasyon

Pagsisimula ng Susunod na Henerasyon

"Galea, umaasa akong babantayan mo si Elio."

Ang oras ng pag-alis nina Dylan.

Matapos masiguro na maayos ang kalagayan ng kaniyang kapatid ay nagdesisyon si Dylan na pakiusapan si Galea sa kalagayan ni Elio. Sinilip niya ang lalaki na noon ay nakanguso lang habang nakaupo sa buhangin at napabuntong-hininga. Sa tabi nito ay si Lumineya na noon ay may sinasabi sa kaniyang hindi naman nadidinig ng dalawa.

Umiwas ng tingin si Dylan at ibinalik ang atensiyon kay Galea na noon ay seryoso lang ang ekspresyon. Bakas pa rin sa mukha ng babae ang pagdadalamhati sa pagkawala ng kaniyang angkan ngunit narito siyang muli, sumama sa paghatid kina Lumineya sa timog ng Sahadra.

Tunay ngang napakatatag ng damdamin ni Galea sapagkat nagawa nitong manatili kahit na ang dami nang nangyari. Ang pagkawala ni Adam, ang pagkasira ng diwa ni Adam, at ang pagka-ubos ng kaniyang angkan: kamangha-manghang isipin na nagawa niyang harapin ang mga iyon ngunit, nakalulungkot ding isaisip na kailangan niyang harapin ang mga iyon.

"Kapatid na ang turing ko sa kaniya." Huminga nang malalim si Galea. "Kahit hindi mo sabihin ay iyon ang gagawin ko."

"Maraming salamat..." Mahina at mababang tinig ang ginamit ni Dylan. Bumaba ang kaniyang tingin sa kaniyang mga paa. "Huwag kang mag-alala, ibabalik namin ang kapatid mo."

"Kailangan na nating lumisan."

Sabay na napatingin ang dalawa sa babaeng pumutol sa kanilang pag-uusap. Nakatayo ang babaeng nakasuot ng kulay lilang balabal, nakaladlad ang talukbong nito sa ulo. Seryoso itong tumingin kay Dylan at saka tumango. Naging senyales iyon kay Dylan upang magpaalam kay Elio.

"Aalis na kami, Elio."

Nanatiling nakayuko si Elio kahit na nakatayo na sa kaniyang harap si Dylan. Hindi niya mapigilan ang kaniyang emosyon habang iniisip na hindi sila magkikita nang ilang araw. Kung iba siguro ang sitwasyon ay hindi siya ganito ka-emosyonal ngunit, dahil walang kasiguraduhan ang mga bagay ay hindi niya maiwasang mag-isip ng mga masasamang bagay.

"Huwag kang malungkot. Batid nating iyan ang dahilan kung bakit nakuha sa atin si Adam." Umangat ang tingin ni Elio sa lalaking noon ay magiliw na nakangiti sa kaniya. Subalit bakas din sa mukha nito ang pagkalumbay.

"Paumanhin. Hindi ko lamang..." Hindi na natapos ni Elio ang kaniyang sasabihin nang bigla na lamang niyang naramdaman ang pagbalot ng mga braso sa kaniyang katawan. Marahan niyang niyakap pabalik si Dylan.

"Hindi ko kaya kapag nakalimutan mo ako."

Bagaman seryoso at sinsero ang paraan ng pagkakabigkas ni Dylan sa mga katagang iyon, hindi mapigilang matawa ni Elio. Naging dahilan ito upang humigpit ang pagyakap ng lalaki. "Pakiwari ko'y hindi mo rin naman hahayaang makalimutan kita."

"Bibigyan kita ng maraming karapatan ngunit, hindi kabilang doon ang pagkalimot sa akin." Pinatakan ni Dylan ng halik ang ulo ng lalaki saka humiwalay at hinawakan ang balikat nito. "Babalik ako. Kahit anong mangyari."

Kung dati ay tinanggap na ni Dylan ang kaniyang kapalaran, ngayon ay nais niyang gawin ang lahat upang baliin ito. Bitbit niya ang pag-asang baka may iba pang paraan, o baka may pag-asa pa. Baka magagawa nilang ibalik ang isa nang walang maisasakripisyong iba.

Kasabay ng paglubog ng araw ay ang paglayag ng bangkang lulan ay sina Lumineya, Dylan, at Adam. Nanatiling nakatanaw lamang si Elio, kasama si Galea, sa silweta ng mga papalayong nilalang. Ang tubig ay nagkulay matingkad na kahel dahil sa sinag ng papalubog na araw.

Nang tuluyan nang mawala sa abot-tanaw ang mga umalis, kaagad na binasag ng tunog ng pagbuntong-hininga ni Galea ang katahimikan ng paligid.

"Tayo na, Elio. Kailangan na nating magbalik sa akademiya."

"Galea..." Napalunok nang mariin si Elio nang maramdaman niya ang panunuyo sa kaniyang lalamunan. Nanatili siyang nakatitig sa mukha ng babae, hindi malaman ang sasabihin. "P-Paumanhin sa nangyari sa pamilya mo..."

Wala siyang sagot na natanggap sa babae. Wala rin namang nagbago sa ekspresyon nito, nanatili ang malamig at misteryoso nitong hitsura. Parang walang nangyari. Parang hindi siya nawalan.

Hindi man mabasa ni Elio ang nasa isip ng babae ay tiyak na may parte sa kaniyang sinisisi ang kaniyang sarili sa nangyari sa angkan niya. Marahil ay sinisisi nito ang kaniyang sarili sapagkat iniisip nitong naging pabaya siya; sapagkat inuna ang ibang bagay kaysa sa sarili niyang bansa.

"Hindi ko alam kung kailangan mo itong marinig ngunit..." Binasa ni Elio ang kaniyang labi saka ito pinaglapat. Huminga siya nang malalim. "Hindi mo kasalanan ang nangyari—"

"Tama na." Napatigil siya sa pagsasalita nang pigilan siya ng babae. Napayuko na lamang si Elio. "Kasalanan ko man o hindi ay wala na rin namang mangyayari. Hindi na maibabalik ang Nimbusia."

Napalunok muli si Elio nang maramdaman niyang may bumara sa kaniyang lalamunan dahil sa paraan ng pagsasalita ng babae. Bagaman batid niyang hindi siya makikita ng babae, marahan niya pa ring itinango ang kaniyang ulo bilang pagrespeto sa sinabi nito.

"Alam kong sinasabi mo lamang iyan upang pagaanin ang aking kalooban, Elio." Naging matunog ang paghinga ni Galea. "Ngunit hindi ko kailangan ng mga salita, o ng awa, o ng kahit ano." Kumuyom ang kamao niya.

"Patawad..." Mababang boses na sambit ni Elio.

"Magbalik na tayo sa akademiya."

Walang imik na sumunod na lamang si Elio kay Galea. Hindi pa man sila nakaka-ilang hakbang ay kaagad nilang naramdaman ang pagbigat ng kapaligiran. Sabay silang napahinto; napatingin si Elio kay Galea na noon ay magkasalubong ang mga kilay.

Hindi na natapos-tapos.

"Ashna sentu, hindi ako makapaglaho."

Mariing napalunok si Elio bago lumiwanag ang paligid nang bumuo siya ng apoy sa kaniyang mga kamay. Ganoon din ang ginawa ni Galea; may enerhiyang hangin na nabuo sa kaniyang mga palad.

"Hindi pa pala natin tuluyang nauubos ang mga Zephyrian, Lumen. May natitira pa."

Kaagad na napaharap si Elio sa kaniyang likod nang madinig ang tinig ng isang babae roon. Agad niyang nakilala ang mukha nito at ang dilaw nitong buhok. Nasa kaniyang harapan ang pinuno ng Prolus.

Nang magtama ang paningin ni Kiarra at Elio ay hindi mapigilan ng babae ang pag-akyat ng inis kaya nagsalubong ang kilay nito at nawala ang pang-aasar sa mukha nito. Napasinghal siya nang makilala ang lalaki.

"Pabor ata sa atin ang mga bathala sapagkat narito isa pang arehe na mahilig mangsunog ng kasuotan." Iniunat ni Kiarra ang kaniyang braso at ibinuka ang palad. Kasabay ng pagbalot ng liwanag doon ay ang paglabas ng isang espada. "Hindi ko malilimutan ang ginawa mo sa akin sa Arkeo."

Napaatras si Elio dahil sa pagkabigla sa ginawa ng pinuno ng Prolus. Nilingon niya si Galea na noon ay wala na namang emosyon ang mukha; sa harap niya ay ang pinuno ng Valthyria na naka-krus lang ang braso sa dibdib habang nakatingin sa kaniya.

"Sinarado nila ang daluyan ng hangin gamit ang dilim. Hindi ko magagamit ang buong lakas ko." Napansin ni Elio ang pagkuyom ng kamao ni Galea nang sambitin niya ang mga katagang iyon.

"Maaari akong gumamit ng apoy upang puksain ang dilim."

"At gagamitin ni Kiarra ang liwanag ng apoy upang puksain tayo, Elio. Hindi maaari."

Wala silang laban. Hindi nila madadaig ang mga ito gamit ang kanilang elemento. At wala rin silang dalang mga sandata na ipanglalaban sa mga ito. Muling napalunok si Elio nang maubusan ng paraan.

"Palalayain ka namin, kasama ang Pyralian na kasama mo kapalit ng impormasyong isisiwalat mo." Inalis ni Lumen ang braso niyang magka-krus at hinarap si Galea.

Pinakiramdaman ni Galea ang paligid at naririnig niya ang mararahas na bulong ng hangin, palatandaan na sila nga ay nasa panganib. Hindi man batid ni Galea ang impormasyong tinutukoy ni Lumen, hindi niya mapigilang kabahan sapagkat sa paraan nito ng pagsasalita ay tila isa itong malaking bagay.

Bukod sa Tempus Nexus na matagal nang nawasak, ano pa ba ang bagay na pagkaka-interesan ng mga nilalang na naninirahan sa Veridalia?

"Ituro mo kung nasaan ang iyong ina."

Napatigil si Galea nang marinig ang sinabi ng pinuno ng Valthyria. Naramdaman niya ang pangangatal ng kaniyang kalamnan nang makaramdam ng kakaibang takot. Nang muling maamoy ni Lumen ang isang pamilyar na amoy ng kadiliman, hindi niya mapigilang mapangisi.

"Ituro mo kung nasaan si Helena."

Mariing napapikit si Galea at kinuyom niya ang kaniyang mga kamao. Huminga siya nang malalim at muling nagmulat ng mga mata. Hindi niya maintindihan ang mga nilalang na hinahanap ang kaniyang ina.

"Matagal nang namayapa ang nilalang na hinahanap niyo..."

"Huwag mo akong linlangin, Zephyrian!" Umalingawngaw ang malakas na tinig ni Lumen sa paligid. Naramdaman ni Elio at Galea ang lalong pagbigat ng paligid dahil nababalot na ito ng kapangyarihan ni Lumen. "Batid kong buhay pa si Helena."

"Kung tunay ngang buhay siya'y tiyak na hindi niyo na kami kailangan pang harapin sapagkat noong mga panahong nagbalik kayo ay madali niya kayong gagapiin." Ngumisi si Galea nang maramdaman ang lalong pagkapal ng kapangyarihan ni Lumen, tanda na tumataas din ang emosyon nito. "Alam niyong walang-wala kayong dalawa sa aking ina."

"Lapastangan!"

Mabilis na bumuo ng puting apoy si Elio sa kaniyang palad at itinutok iyon kay Kiarra na noon ay napaatras at hindi itinuloy ang pagsugod kay Galea. Bumuka ang bibig nito sa gulat sapagkat pamilyar sa kaniya ang apoy na nilikha ng batang nasa harap niya. Hindi gaanong maliwanag ang apoy na nilikha ni Elio kaya hindi rin magawang magamit ng babae ang kakayahan niya.

"Iyong ina?" Humalakhak si Lumen nang marinig ang sinambit ng babae. "Hanggang kailan mo lolokohin ang sarili mo?"

Napatigil si Elio sa kaniyang kinatatayuan nang marinig ang mga katagang sinambit ng Valthyrian. Dahan-dahan niyang nilingon si Galea na noon ay nasa kaniyang gilid; magkatalikuran silang dalawa. Ang babae ay nanatiling nakakunot ang noo. Hindi niya mabasa ang nais iparating ng magkasalubong niyang mga kilay.

"Hanggang kailan mo lolokohin ang sarili mo, Helena?"

Naglaho ang puting apoy sa kamay ni Elio nang dahil sa narinig. Naramdaman niya ang pagbuka ng kaniyang bibig habang nakatingin pa rin kay Galea na noon ay tila natigilan. Hindi niya maunawaan ang mga nangyayari. Kung bakit tinawag ni Lumen na Helena si Galea.

"Ilang beses ko bang dapat sabihin na hindi ako si Helena. Ako si Galea."

Natawa si Lumen nang dahil sa naging sagot ni Galea. Pinagmasdan lamang niya ang babae. Kung paano magsalubong ang kilay nito, kung paano kumurba ang labi nito, at kung paano ito tumindig. Ngumisi ang lalaki.

"Talagang pinapaburan ng Vihar ang mga tagapangasiwa ng hangin sapagkat sa kanila ipinagkaloob ang mga kakaibang kakayahan." Hindi nawala ang ngisi sa labi ni Lumen.

Vihar — "kataas-taasang tagapaglikha; ang lumikha sa mundo ng Veridalia"

"Katulad na lamang ng kakayahang magbagong anyo."

Mas lalong naguluhan si Elio nang dahil sa narinig. Mariin na ang pagkakasalubong ng mga kilay niya, tanda na wala na talaga siyang maintindihan sa usapin. Hindi niya alam na may kakayahan ang mga Zephyrian na gamitin ang hangin upang magbagong anyo.

"Nawawala ka na sa iyong sarili, Lumen." Natawa nang sarkastiko si Galea. "Ganiyan ba ang nangyayari kapag nabubulag na sa kasamaan?"

"Nagawa mong gamitin ang hangin upang maglaho. Nagawa mong gamitin ang hangin upang maghatid ng mensahe. Nagawa mong gamitin ang hangin na para bang iyo ito." Dahan-dahang naglakad palapit kay Galea si Lumen habang sinasabi ang mga bagay na iyon. "Anong hindi mo kayang gawin gamit ang hangin?"

Muling bumuo si Elio ng apoy sa kaniyang palad ngunit bago niya pa ito maibato ay kaagad na siyang pinalibutan ng itim na usok. Ang kaninang puting apoy ay ginawa niyang dilaw dahilan upang maglaho ang mga itim na usok na nakapalibot sa kaniya.

Kaagad na lumiwanag ang paligid dahilan upang mawala ang kapangyarihan ni Lumen, ngunit naging pagkakataon iyon upang gamitin ni Kiarra ang kaniya. Napa-paswit si Elio nang bumuo si Kiarra ng mga enerhiya sa kaniyang palad. Bagaman bakas ang inis, nagawa pa ring tumawa ni Elio.

"Minsan na kitang natalo nang gamitan mo ako ng liwanag. Sa tingin mo ba'y hindi ko ulit iyon magagawa?"

"Hindi naman ikaw ang kailangan kong talunin." Ang palad ni Kiarra na noon ay nakatutok kay Elio ay lumipat kay Galea na noon ay abala sa paghihiwalay ng hangin kay Lumen. Hindi nito magagawang iwasan ang atake ni Kiarra kung magkataon.

"Mahina ka pala e." Natawa si Elio saka binalot ang lahat sa isang halang. Hindi katulad ng halang na gawa ni Lumen, hinahayaan ng apoy na pumasok ang hangin. "Hindi mo ako matalo sa isang harapang laban kaya ginagamit mo ang mga nilalang na nakapaligid sa akin?"

Muling naalala ni Elio ang ilusyon kung saan siya ikinulong ng babae kaya nagtangis ang kaniyang panga. Napalingon si Elio sa kaniyang likod kung saan napaluhod na si Lumen; hindi na nito kaya ang pagkawala ng hangin sa kaniya. Muli niyang ibinalik kay Kiarra ang kaniyang mga mata at nakitang natataranta na ang babae sapagkat unti-unting nag-iiba ang kulay ng apoy, dahilan ng unti-unting pagkawala ng liwanag.

"L-Lumen!" Nawala na nang tuluyan ang liwanag sa palad ni Kiarra kaya mas lalo itong nataranta. "W-Walang hiya ka, anong ginagawa mo!"

"Bakit?" Natawa si Elio nang mapaluhod si Kiarra. Pamilyar sa kaniya ang tanawin na ito.

"L-Lumen, tumakas na tayo!"

Ang susunod na henerasyon ay nagsimula na.

Ang kakaibang kakayahan ni Galea sa pag-alis ng hangin sa paligid ng isang nilalang dahilan upang mahirapan itong huminga. Isa ito sa kakayahang iilan lamang na Zephyrian ang nakagagawa.

Ang kakayahan ni Elio na gumawa ng apoy na may ibang kulay ay isa ring kakayahan na iisang Pyralian lamang ang nakagawa. Ngunit ang pinagkaiba ay dalawang kulay lamang ang nagawa ng unang Pyralian na iyon. Ang kay Elio ay lima.

Matagal silang nawala at hindi nila inaasahang sa kanilang pagbabalik ay nagawa nang madaig ng susunod na henerasyon ang mga nauna pang mga elementara. Hindi makapaniwala si Kiarra na makakaharap niya ang anak ng dalawa sa iba pang makapangyarihan na elementara sa mga naunang henerasyon.

Ang anak ni Helena na si Galea.

At ang anak ni Magnus na si Elio.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top