Kabanata 22: Pagkagapi
Pagkagapi
"Sigurado ka ba sa plano mo?"
Sa Valthyria.
Nanatiling nakaupo si Lumen sa kaniyang trono, tamad na nakapatong ang kaniyang pisngi sa kamao niyang nakapatong din sa patungan ng kamay ng trono. Nagsalubong ang kilay niya nang matunugan ang pagdududa sa tinig ni Kiarra.
"Pinagdududahan mo ba ako, Kiarra?" Napalunok ang babae nang matunugan ang pagkayamot sa tinig ni Lumen. Huminga lang ang babae at umiling. "Alam ko ang ginagawa ko. Batid mong hindi ako kumikilos nang hindi pinag-iisipan." Tiningnan ng lalaki si Kiarra mula paa hanggang ulo. "Hindi katulad mo."
"Paano ang batang dinakip mo?" Humalukipkip si Kiarra at hindi na lamang pinansin ang pasaring ni Lumen. Sanay na siya sa ganitong ugali nito. "Puwede natin siyang gamitin sa paglusob sa Nimbusia." Ngumisi si Kiarra ngunit mawala iyon nang makita ang pagkunot ng noo ni Lumen. "Ibig kong sabihin ay, hindi ba't mas maganda kung siya ang papaslang sa kalahi ng kaniyang ina?"
"Hindi maaari." Nagsalubong ang kilay ng babae.
"Bakit hindi, Lumen? Panahon na upang gamitin siya. Pakinabangan mo naman." Hindi niya maintindihan ang mga desisyon ni Lumen.
Tiyak na mas magkakagulo ang lahat kapag kabilang sa kanilang panig ang pumaslang sa mga mamamayan ng bansang kapanalig nila. Iyon naman ang dahilan ng kanilang pagbabalik. Magdulot ng gulo at pabagsakin ang balanse.
"Huwag mong sabihin na naaapektuhan ka kasi anak ni Helena ang gagamitin mo?" Sinalubong ng ngisi ni Kiarra ang talim ng titig ni Lumen. Natawa ang babae. "Mahal mo pa rin ba siya, Lumen?"
Hindi sumagot si Lumen kaya natatawang napasinghal si Kiarra. Pinaikot niya ang kaniyang espada sa kaniyang braso bago lumapit kay Lumen na noon ay tila nabato sa katanungang ibinigay sa kaniya.
"Mahal mo pa ba si Helena, Lumen?"
Umiwas ng tingin ang lalaki at napakuyom ng kamao. Ipinikit niya ang kaniyang mata, bakas ang pamumuo ng galit sa kaniya dahil sa marahas na pag-igting ng kaniyang panga. Huminga nang malalim si Lumen at sinalubong ang nang-uuyam na tingin ni Kiarra.
"Tinraydor niya tayo." Malamig ang tinig ni Lumen. Puno ito ng poot at pagkamuhi. "Hindi ka ba kinikilabutan sa tanong mo?"
Saksi si Kiarra kung paano bumagsak ang Valthyria matapos paslangin ni Helena ang hari at reyna nito. Saksi ang babae kung paano mabalot ng kadiliman si Lumen; kung paanong ang masiyahing binata ay napuno ng galit at walang ibang ninais kung hindi ang pabagsakin ang Nimbusia at si Helena.
Walang kapatawaran ang pagtataksil.
"Kaya nga magiging malaking tulong ang batang iyon sa pagwasak sa Nimbusia." Napakamot na lamang sa dilaw niyang buhok si Kiarra. "Tiyak na hindi siya masasaktan ng mga Zephyrian ngunit siya, kaya niya silang saktan. Mapadadali ang lahat."
"Walang gagalaw sa nilalang na iyon."
"Hindi mo siya anak, Lumen!"
"Hindi iyon ang dahilan kung bakit hindi ko ninanais na manatili siya sa Valthyria." Tumayo si Lumen, napapagod na sa kahangalan ni Kiarra. "Ang batang iyon ang hinahabol ng mga mag-aaral sa atin. Kung susugod tayo sa Nimbusia nang kasama siya, tiyak na susunod ang mag-aaral na magiging dahilan upang madali tayong magapi."
Maingat na pinagplanuhan ni Lumen ang kaniyang paghihiganti at pagpapabagsak sa Nimbusia. Hindi sila maaaring magapi sa kanilang pagsubok sapagkat lalo lamang lalakas ang mga nilalang na iyon kapag natalo sila. Hindi ito ang kapalaran na isinulat niya.
"Iiwan natin siya sa Valthyria upang mapunta rito ang atensiyon ng lahat. Sa pamamagitan noon ay mapababagsak natin ang Nimbusia nang walang kahirap-hirap."
Ngumisi si Lumen, nasasabik nang masilayan ang pagdanak ng dugo sa bansang kinamumuhian niya nang lubusan. Nagsalubong naman ang kilay ni Kiarra, bahagya pa ring hindi sigurado sa plano ni Lumen. Nakaharap na nila ang tatlong nilalang na nagmula sa tatlong iba pang bansa at siguradong hindi sila kasing hangal ng iniisip ni Lumen.
"Mapapansin nilang wala ka sa Valthyria." Umangat ang kilay ni Lumen, hindi maunawaan ang nais na iparating ng babae. "Magtataka sila, panigurado. Idagdag pa ang katotohanan na malamang, kasama nila ang mga Zephyrian sa labanan kaya sa sandaling hindi sumipot ang mga ito ay magbabalak silang magtungo sa Nimbusia."
"Na tiyak akong hindi hahayaan ni Adam." Malawak na ngumisi si Lumen sapagkat tiyak siyang walang butas ang kaniyang plano. "Kung magwawagi man sila sa labanan dito ay tiyak na huli na upang saklolohan ang mga Zephyrian."
"Hahayaan mong mabawi nila ang Terran?" Bumaba sa trono si Lumen, nanatiling nakatingin si Kiarra sa likuran ng lalaki.
"Iyon na ang huli niyang tungkulin para sa Valthyria." Humarap si Lumen kay Kiarra. "Kung tinutulungan sila ng mga babaylan ay tiyak na alam na nila ang kapangyarihan ng tubig laban sa dilim."
Bagay iyon na hindi na dapat nila alalahanin sapagkat hindi naman sinira ni Lumen ang diwa ni Adam upang gawin niyang alipin habang buhay. Pinakawalan lamang niya ang kadiliman na nakabalot sa bata sapagkat nakikita niya ang kaniyang sarili kay Adam. Kung magtagumpay man sila na malinis ang diwa ni Adam ay hindi na iyon pakiki-alaman ni Lumen.
Ang importante ay ang pagbagsak ng Nimbusia.
Nang lisanin ni Kiarra ang Valthyria, nagtungo si Lumen sa kaniyang silid. Katulad ng mga iba pang nagdaang araw, naabutan niya na naman si Adam na nakatanaw mula sa bintana. Hindi siya nagsalita at sumandal na lamang sa hamba ng pintuan, pinapanood kung paano maglaro ang kalungkutan sa mukha ng lalaking tinatanaw niya.
Napangiti si Lumen.
Kahit na ikinubli na niya ang nakaraan ni Adam, nagagawa pa rin nitong ipaalala sa kaniya na hindi siya kabilang sa lugar na ito. Ang tanging nagpapanatili na lamang kay Adam sa Valthyria ay ang kadahilanang hawak ni Lumen ang kaniyang kadiliman.
"Sa susunod na araw ay aalis ako ng akademiya."
Nang magtagpo ang kanilang tingin, kaagad na isinalaysay ni Lumen ang mga balak niya at ng mga mag-aaral sa mga susunod na araw. Kababakasan pa ng pangamba ang Terran nang malamang mag-isa niyang haharapin ang mga mag-aaral ng akademiya.
"Hindi ako tiyak kung mangyayari pa iyan."
Ito na malamang ang huling linggo mo sa Valthyria.
Matapos ng pag-uusap nila ay nilisan na ni Lumen ang silid upang magpahangin sa labas ng kaharian. Mula sa sanga ng isang puno, pinanood ni Lumen ang ginagawa ng mga mag-aaral. Ang mahusay nilang paggamit sa kani-kanilang mga elemento, at mahusay na paghawak sa kanilang mga sandata.
Pinaghahandaan talaga sila ng mga kalaban.
Sa buong linggo, walang ibang ginawa si Lumen kung hindi ang panoorin ang galaw ng akademiya at turuan si Adam sa paggamit ng mga baston nito. Dahil hindi naman naging malapit ang Valthyria at Verdantia, hindi magawang maturuan ni Lumen si Adam sa elemento nito. Ngunit, mukha namang bihasa na ang binata.
Napangisi pa siya nang makita kung paano ito maglaho. Patunay ito na anak talaga siya ni Helena sapagkat si Helena ang unang elementarang nagtagumpay maglaho at muling bumalik.
"Sana ay hindi mo makalimutan ang mga itinuro ko sa iyo..."
Nakangiti si Adam nang yumuko. Maging si Lumen ay hindi rin mapigilang ngumiti sapagkat nakita niyang totoong ngiti ang bumalatay sa mukha ni Adam. Nagkaroon ng panandaliang buhay ang mga mata nito.
"Hindi ko ito malilimutan, Panginoon." Nanatiling nakayuko si Adam. "Magagamit ko ito sa digmaan mamaya, at sa mga magaganap pang digmaan."
Matapos ng pagsasanay nila ay napagdesisyunan nilang umupo na lamang sa lupa. Nakasandal si Lumen sa isang malaking bato habang si Adam naman ay abala sa pagkutkot sa kaniyang baston. Napatingin si Lumen sa kaniya.
"Mamaya na nga pala ang alis ninyo..." Umiwas ng tingin si Lumen nang mag-angat ng tingin si Adam sa kaniya. "Mag-iingat kayo sa misyon, Panginoon."
Natawa si Lumen sa tinuran ng Terran.
"Mag-iingat ka rin sa labanan mamaya." Ipinatong ni Lumen ang kaniyang siko sa bato at harap-harapang tiningnan si Adam. "Gawin mo ang lahat ng makakaya mo..."
"Hindi ko hahayaang mapabagsak nila ang Valthyria."
Hindi sumagot si Lumen at iniiwas na lang ang tingin. Huminga siya nang malalim at isinandal ang kaniyang ulo sa malaking bato; ipinikit niya ang kaniyang mata at ipinahinga ang isip. Tiyak siyang hindi babagsak ang Valthyria kahit na wala ang tulong ni Adam.
Kung hindi lamang napaslang ang monarka ng Valthyria, tiyak na ito ang pinakamalakas na kaharian sa buong mundo. Bagamat makapangyarihan ang Misthaven at Ignisreach, ang kapangyarihan ng mga Valthyrian sa kadiliman at itim na mahika ay walang katulad. Maging ang Prolus ay hindi ito magawang mapantayan.
Ngunit, sa kabila ng pagiging makapangyarihan ay nanatiling payapa ang Veridalia sapagkat hindi kailanman hinangad ng Valthyria ang maging pinakamataas sa lahat. Hindi katulad ng Nimbusia. Hindi katulad ni Helena.
Nimbusia ang sumira sa pinakamataas na balanse. Ang buhay, ang liwanag, at ang dilim.
Nang magtanghali ay hinati ni Lumen ang kawal ng Valthyria sa dalawa; ang iba ay maiiwan sa kaharian, samantalang ang iba ay tutungo sa Nimbusia, kasama ng mga kawal ng Prolus. Habang hinahanda niya ang mga kawal ay dumating muli si Kiarra, kasama ang iilan sa kaniyang mga kawal.
"Kailangang madami ang maiwan dito sa Valthyria upang hindi mabilis na magapi. Marami na ang nagbago sa mga elementara."
May punto naman si Kiarra. Mas naging maabilidad na ang bagong henerasyon ng Veridalia. Ngunit nananatiling maalamat ang sakripisyo at kadakilaan ng mga nagdaang Veridalian.
"Kung handa ka na ay maaari na tayong lumisan." Nakatingin lamang si Kiarra kay Lumen na noon ay pinapanood si Adam na kausapin ang mga kawal ng Valthyria. Seryoso ang ekspresyon nito. Napahinga lamang nang malalim si Kiarra dahil doon. "Sigurado ka bang kaya mo talagang pakawalan ang batang iyan?"
Hindi sumagot si Lumen ngunit nag-iwas ito ng tingin kay Adam. Nagsalubong ang kaniyang kilay at nakayukong naglakad.
"Tayo na."
Matagal nang mapayapa ang Veridalia.
Iyon ang pinanghahawakan ng mga Zephyrian kaya hindi na sila nag-abalang gumawa ng mga pananggalang. Maging nang sumabog ang pagbabalik ng Prolus at Valthyria, hindi nakaramdam ng takot ang pamayanan ng mga nangangasiwa ng hangin.
Dahil bukas ang depensa, hindi nila inaasahan ang pagdating nina Lumen at Kiarra, kasama ang hukbong ilang oras ay magwawakas sa kanilang kapayapaan.
"May mga sumusugod!"
Ang mga mag-aaral na patungo pa lang sana sa Valthyria ay muling bumalik nang matanaw ang hukbo ng mga Prusian at Valthyrian na papalapit sa Nimbusia. Agad na naalarma si Glen nang marinig iyon kaya kumuha siya ng armas at lumabas sa kaniyang bahay.
Malakas ang ihip ng hangin sapagkat nararamdaman nito ang panganib kaya hindi maiwasang makaramdam ni Glen ng kakaiba. Ang huling beses na umihip nang ganito ang hangin ay noong mapaslang si Helena, at ngayong muli itong nagpaparamdam ay tiyak na bagong kamatayan na naman ang mararanasan nila.
"Ginang Glen, magtago kayo!"
Nabalot ng kaguluhan ang buong Nimbusia nang umapak sa loob ng bansa ang hukbo mula sa dalawang kaharian. Nagsalubong ang kilay ni Glen nang matanaw ang dalawang pamilyar na nilalang na nangunguna sa pagsugod sa Nimbusia.
"Lumen..." Napatingin si Glen sa babaeng nasa tabi nito. "Kiarra..."
Ang mga matalik na kaibigan ni Helena. Ang mga nilalang na minsan na niyang itinuring na anak.
"Paslangin silang lahat..."
Napangisi si Lumen habang pinapanood kung paano palibutan ng kanilang hukbo ang mga mamamayan ng Nimbusia. Gamit ang liwanag, gumawa ng halang si Kiarra upang harangin ang pagpasok at paglabas ng hangin. Sa pamamagitan noon ay hindi magagawang tumawag ng tulong ng mga Zephyrian.
Ang isang pagsabog ang naging hudyat ng pagsisimula ng labanan sa loob ng Nimbusia.
Hinawakan ni Lumen ang braso ng isang Zephyrian na lumapit sa kaniya bago sinipa ang tiyan nito. Hawak-hawak pa rin ang braso nito, yumuko siya kaya ang sandatang dumaan sa kaniyang ulo ang humiwa sa nilalang na hawak niya. Binitawan niya ang nilalang na hawak at humarap saka sinaksak ang Zephyrian na noon ay tulala dahil sa pagkabigla.
Gumulong si Kiarra sa likod ng Zephyrian na nakatuwad at sinipa ang nilalang na sumalubong sa kaniya, saka niya hiniwa ang leeg ng ginulungan niya. Pinaikot niya ang kaniyang sandata sa kaniyang braso saka naghanap ng iba pang papaslangin na Zephyrian.
Napayuko si Glen nang dumaan sa kaniyang ulo ang sipa ng isang Valthyrian at habang tumatayo siya ay hiniwa niya ang tiyan nito pataas sa dibdib. Napatingin siya sa kaniyang balikat at nang makitang may aatake sa kaniyang likod, kaagad niya itong sinipa patalikod. Nang tumalsik ito'y nagpakawala ng matatalim na hangin si Glen na siya namang bumaon sa katawan ng Valthyrian.
"Hindi maganda ito. Kailangang makarating kay Galea ang nagaganap." Ginamit ni Glen ang kapangyarihan ng hangin upang ipahatid ang mensahe kay Galea.
Dahil mas malaki ang hukbo ng Valthyria at Prolus kaysa sa bilang ng mga nabubuhay pang Zephyrian, hindi naging mahirap para sa dalawang kaharian na paslangin ang maraming mga taga-Nimbusia. Nagkalat ang mga bangkay nito; ang mga kasuotan nilang puti ay nabaharian ng dugo. Ang mga walang buhay nilang mukha ay sumisigaw ng hustisya.
Nang kumagat na ang dilim, nawala na ang halang na gawa ni Kiarra ngunit naging pagkakataon iyon kay Lumen upang gamitin ang kaniyang kapangyarihan na itago mula sa hangin ang nagaganap. Marami na ang napaslang na Zephyrian at bilang na lamang ang natitirang lumalaban.
Sinaksak ni Lumen ang isang Zephyrian. Nang hugutin niya ito'y agad siyang umikot at sunod naman niyang hiniwa ang isa pang mula sa likod. Bumuo siya ng enerhiyang gawa sa anino bago iyon pakawalan sa dalawang Zephyrian na papalapit. Tumalsik kaagad ang mga iyon at namatay.
"Hanggang ngayon ay taksil pa rin kayo."
Napalingon si Lumen sa kaniyang likod at bumungad sa kaniya ang isang pamilyar na nilalang. Kahit na malaki ang pinagbago ng nilalang na ito ay nagagawa pa ring kilalanin ni Lumen si Glen.
Namuo ang luha sa mata ni Glen habang nakatingin kay Lumen. Ang mukha ng ginang ay nabahiran na ng dugo, pawis, uling, at dumi dahil sa pakikidigma. Gumuguhit na rin ang pagod sa kaniyang mga mata, at naglalaro ang sakit sa kaniyang tinig.
"Wala na bang halaga sa iyo ang sakripisyo ni Helena?" Kumunot ang noo ni Lumen sa pinagsasabi ni Glen.
"Kung may taksil man ay si Helena iyon. Pinaslang niya ang aking ama at ina." Itinutok ni Lumen ang talim ng sandata niya sa leeg ni Glen. "Kayong mga Zephyrian ang hindi na dapat magtagal sa Veridalia."
"Ikaw ang unang nagtaksil sa kaniya, Lumen!"
"Sa buong buhay ko ay nanatili akong tapat sa kaniya, Glen." Napalunok si Lumen nang maramdaman ang pagbigat ng kaniyang dibdib. Namuo rin ang luha sa kaniyang mga mata.
Ang pagbabalik ng nakaraan ay isang sumpa para sa kaniya.
"Saksi ka kung paano ko siya mahalin. Ngunit anong ginawa niya?" Napapikit si Glen nang masugatan ang kaniyang leeg nang dumiin ang pagkakatutok ng patalim. "Pinaslang niya ang mga nilalang na itinuring siyang pamilya... Sinubukan niya rin akong paslangin..."
Hindi umimik si Glen at pinanood lamang kung paano bumagsak ang luha sa mga mata ng lalaki. Tanda kung paano ito nasaktan sa ginawa ng babaeng mahal niya.
"Wala akong ginawa kung hindi ang manatiling tapat sa kaniya kaya hindi ko maintindihan kung bakit nagawa niya akong talikuran..."
Naging kaibigan nga ba talaga ang turing sa akin ni Helena?
"Ikaw ang unang tumalikod sa kaniya, Lumen."
Napakuyom ang kamao ni Lumen nang marinig ang sinabi ni Glen. Namumula na ang mata nito dahil sa labis na pag-iyak. Bumagsak na rin ang hawak niyang sandata sa lupa, tanda na hindi na ito para lumaban pa sa kapalarang inihatid nila.
"Nilinlang mo siya." Lumakas ang paghagulgol ni Glen nang maalala kung paanong duguang umuwi si Helena. "Pinaniwala mo siyang kailangan ng iyong mga magulang ang kaniyang tulong..."
Ang sakit na naramdaman ni Lumen ay napalitan ng kaguluhan nang marinig ang mga katagang binitawan ni Glen. Bumuka ang kaniyang bibig ngunit walang salitang lumabas doon. Hindi niya maunawaan ang sinabi ng ginang.
"Nagtungo siya sa Barkona upang iligtas sila..."
Ang Barkona. Ang tahanan ng mga mababangis na hayop. Nandoon iyon sa dulo ng Veridalia.
"Naniwala siya sa iyo. Naniwala siya na kailangan mo at ng mga magulang mo ng tulong." Nanghina si Glen sapagkat bumabalik sa kaniya ang bangungot ni Helena. Ang pagtataksil ni Lumen. "Ngunit inilagay mo lamang siya sa panganib... Sinubukan mo siyang paslangin..."
"Sinungaling ka!" Nabalot ng dilim ang mga mata ni Lumen dahil sa galit ngunit mahinang ngumiti lamang si Glen.
"Ano pang saysay ng pagsisinungaling ko, Lumen? Inubos na ninyo ang mga natitirang Zephyrian..." Sumikip ang dibdib ni Glen sapagkat hindi na niya marinig ang hininga ng Veridalia. Wala na ang Nimbusia.
"Nang makabalik si Helena ay ninais ka niyang kausapin sapagkat nagagalak siyang wala roon ang mga magulang mo kahit na halos maubusan na siya ng dugo sa katawan..."
Hindi iyan totoo.
Iyan lamang ang nais paniwalaan ni Lumen.
"Ngunit digmaan ang ibinungad mo sa kaniya."
"Hindi ko kailanman sinabi sa kaniya na magtungo sa Barkona. Itigil mo na ang pagsisinungaling, Glen." Humigpit ang pagkakahawak ni Lumen sa kaniyang sandata. "Hindi ko kailanman pinagtaksilan si Helena."
Hinding-hindi ko siya magagawang pagtaksilan.
Bago pa man makapagsalitang muli si Glen ay kaagad na tumagos sa kaniyang katawan ang isang espada. Napangiwi ang ginang ngunit nanatili siyang nakatingin kay Lumen na noon ay walang emosyon na nakatingin sa kaniya. Umagos ang dugo sa gilid ng bibig nito kasabay ng pagliwanag niya.
"H-Hindi ka kailanman tinalikuran ni H-Helena..."
Matalas ang naging tunog ng paghugot ng patalim sa katawan ni Glen. Kasabay noon ay ang dahan-dahang pagluhod ng ginang sa lupa. Bumagal ang paghinga nito ngunit nanatili pa rin kay Lumen ang kaniyang tingin.
"Hindi ka k-kailanman tinalikuran ng N-Nimbusia..."
Nanatiling nakatitig ang nanlalaking mga mata ni Lumen sa noon ay bumagsak nang ginang. Si Kiarra naman na sumaksak kay Glen ay napangisi nang mapabagsak ang natitirang Zephyrian sa Nimbusia. Napatingin siya kay Lumen at mas napangisi.
"Nagapi na natin ang Nimbusia, Lumen. Naipaghaganti na natin ang kamatayan ng amang hari at inang reyna."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top