Kabanata 21: Ang Pagbagsak ng Nimbusia

Ang Pagbagsak ng Nimbusia

Nanghihina ang hangin.

Mabilis na lumapit sina Aziel at Elio kina Dylan at Galea. Inaalalayan ni Dylan na makatayo si Galea ngunit hindi nawala ang pagkakasalubong ng kilay ng babae. Pinanood ni Elio paano mag-iba ang ekspresyon nito.

"Nandito na si Adam." Binasag ni Elio ang katahimikan.

"Nalipol na ang mga natitirang kalaban. Maari na tayong bumalik sa akademiya." Dinampot ni Dylan ang espadang pagmamay-ari ni Galea. Nang makatayo na ang babae, nilapitan niya naman si Elio.

"Ayos ka lang?" Si Elio na ang unang nagtanong matapos makita ang pag-aalala sa mukha ni Dylan.

"Ikaw ang maraming galos." Umiwas ng tingin si Elio nang matunugan ang inis sa tinig ni Dylan. Nagsalubong ang kaniyang kilay. "Magmadali na tayong bumalik sa akademiya upang malunasan ka. Kaya mo bang maglakad?"

"Isasabay ko na lamang siya sa amin, Dylan." Napatingin ang dalawang lalaki nang magsalita si Galea. Katabi nito si Aziel na noon ay nakatingin lang sa walang malay na si Adam na nasa kaniyang mga bisig. "May kakayahan akong maglaho; mabilis naming mararating ang akademiya."

Nagkatinginan sina Elio at Dylan. Bagaman gusting magprotesta ni Elio dahil gusto niyang samahan muna si Dylan dito, wala na siyang magawa nang tanguan na siya ng lalaki. Bumuntong-hininga siya saka mabibigat ang yabag na tinungo ang puwesto nila Galea. Nang daanan niya si Dylan, umangat muli ang kaniyang ulo. "Hihintayin kita sa akademiya."

Tipid na ngiti lamang ang binigay ni Dylan. "Ikaw ang una kong hahanapin," at saka iminuwestra na sumama na siya kay Galea.

Nakatingin lamang sila sa isa't isa hanggang sa tuluyan nang maglaho si Galea, kasama sina Aziel at Elio. Nang mawala sa kaniyang paningin ang lalaki, kaagad siyang napabuntong-hininga at humarap sa mga mag-aaral na noon ay naghahanap pa rin ng mga posibleng nakaligtas sa labanan. Tinulungan niya ang mga ito.

Bakas ang kaguluhan sa paligid. Malapit nang sumikat ang araw. Nagkalat ang usok at apoy, katulad kung paano magkalat ang mga bangkay ng mga nasangkot sa digmaan. Tinulungan ni Dylan ang mga nahihirapang tumayo. Inutusan niya rin ang mga tulisan na tulungan ang mga mag-aaral.

Samantala, lumitaw naman sila Galea sa bungad ng akademiya. Hindi maunawaan ng babae ang dahilan kung bakit tila nasasakal siya sa tuwing ginagamit niya ang kaniyang kakayahan. Mabuti na lamang at hindi iyon napansin ng dalawa; hindi rin sila nagtaka kung bakit sa bungad lamang sila naidala ni Galea.

"Dalhin mo si Adam sa kaniyang silid."

Mula sa pagkakatitig sa nahihimbing pa ring si Adam, mabilis na umangat ang tingin ni Aziel kay Galea ng dahil sa tinuran nito. Nakatungo lamang ang babae at walang bahid ng pagbibiro sa mukha niya kaya batid ng binata na seryoso ang dalaga sa mga sinambit nito.

Hahayaan niyang siya ang maghatid ng kaniyang kapatid?

"Huwag mong isipin na ibinibigay ko na sa iyo ang buo kong tiwala, Aziel. May kailangan lamang akong asikasuhin kaya wala akong pamimilian kung hindi ang iwan muna si Adam sa iyo." Mabilis na tumalikod si Galea matapos banggitin ang mga katagang iyon.

Nangako siya kay Ginang Glen na tutungo siya rito matapos ang paglusob. Nais niya ring alamin ang dahilan kung bakit hindi nagawang sumaklolo ng kaniyang bansa sa nakatakdang digmaan.

"Saan ka tutungo?" Napahinto ang babae nang marinig ang tinig ni Elio. "Nararamdaman ko ang panghihina mo, Galea. Mas makabubuti kung manatili ka na lamang at magpahinga."

"Tama si Elio, Galea." Hindi man magawang makita ang mukha, nagawang makilala ni Galea ang may-ari ng tinig na iyon.

Ang babaylang si Ginang Kora.

"Tiyak din akong mahalagang malaman mo ang mga naganap, lalo pa't sangkot dito ang bansang pinanggalingan mo."

Dahil sa mga iwinika ng babaylan, umihip sa tainga ni Galea ang kakaibang simyo ng pangamba. Linukob siya ng kakaibang pakiramdam ng takot at pagkabahala. Hindi magandang pangitain ang seryosong tinig ni Ginang Kora.

Sa kabilang banda naman, tuluyan nang nabalot ng liwanag ang paligid ng Bellamy. Pinanood ni Dylan kung paano ihanay ng dalawang mag-aaral ang huling nasawi sa digmaan sa hanay ng mga bangkay na mula sa akademiya at ang iba'y mga tulisan.

Sa tulong mga Terran na naroroon, nagawa nilang ilibing ang mga labi nila habang tahimik na ibinubulong ang mapayapang kinabukasan para sa mga naiwan nila.

"Babalik muna kami sa kuta, Pinuno."

Bumaling ang tingin ni Dylan sa noon ay lumapit sa kaniyang si Kalen. Katulad ng iba ay nakapinta na rin sa mukha nito ang pagod mula sa naganap na digmaan.

"Kailangan nang magpahinga ng ilan sa mga kasamahan natin." Nakaramdam ng awa si Dylan para sa mga kasamahan niyang nadamay pa samantalang ang dahilan ng mga ito kaya sila naging tulisan ay upang iwasan ang ganitong mga tagpo.

"Maraming salamat sa inyong tulong." Tipid na napangiti na lamang si Dylan at matamang tiningnan ang mga kasamahan. "Paumanhin sapagkat hindi ko nagawang ipagtanggol ang mga kasamahan natin."

"Magka-gayunpama'y ikinagagalak naming makatulong, pinuno." Tahimik na sumang-ayon ang iba pang tulisan sa tinuran ni Kalen.

"Kung gayon ay humayo na kayo at magpahinga." Yumuko si Kalen bago tumalikod at umakbay sa isa nilang kasamahan. Sabay-sabay nilang nilisan ang lugar hanggang si Dylan na lamang ang natitira.

Muling bumalik sa kaniyang isipan ang nasaksihan niyang panghihina ni Galea. Naglalaro rin ang ideyang hindi nagawang makadalo ng mga Zephyrian sa nakatakdang labanan. Hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkabahala, hindi lamang para sa Nimbusia, kung hindi sa buong Veridalia.

Umangat ang kaniyang tingin sa himpapawid nang maramdaman ang pag-ihip ng malamig na hangin kasabay ng pagkulimlim ng paligid. Wala siyang magawa kung hindi ang mapalunok mula sa takot na nadarama.

Nasa panganib ang balanse.

* * *

"Guro Kiro, anong nangyari?"

Puminta ang pag-aalala sa mukha ni Elio nang pumasok siya sa silid kung saan sila dinala ni Ginang Kora. Bagaman pinaalalahan siya ng babaylan na huwag nang sumama at magpahinga na lang, minabuti niyang alamin din kung ano ang tinutukoy ng ginang dahil nararamdaman niyang may hindi tama.

At hindi nga siya nagkakamali sapagkat nasa harapan nila ngayon ang isa sa mga patnubay ng akademiyang mula sa Nimbusia. Kasalukuyan itong nilalapatan ng paunang lunas habang hindi pa dumarating ang mga manggagamot ng Aquarian.

"Galea..."

Ipinarating ng hangin kay Galea ang napapaos nang tinig ng patnubay na si Kiro. Nang matanaw ang babae, hindi mapigilan ng guro na humagulgol nang malakas.

"Bakit hindi ka dumating? H-Hindi mo ba narinig ang paghingi namin ng tulong?"

Nagpantig ang tainga ng dalaga mula sa narinig. Nakaukit sa tinig ng patnubay ang pighati at pagkadismaya, subalit nangingibabaw ang emosyon ng pagdadalamhati. Tila naging bato si Galea matapos marinig ang mga katagang iyon.

"Kiro... Nasaan ang mga kasamahan natin?"

Pilit mang patatagin ni Galea ang kaniyang tinig, bigo siyang ikubli ang kaniyang mga emosyon noong mga oras na iyon sapagkat batid niyang ang mga susunod na iwiwika ng patnubay ang magiging pinakamalaki niyang trahedya.

"Nasaan si Ginang Glen?"

Pagtangis ang tanging naging sagot ni Guro Kiro sa katanungan ni Galea. Tila ninakawan ng lakas ang babae dahil dito.

Tahimik na napayuko ang mga babaylang kasama nila sa silid. Si Elio naman ay may masakit na ekspresyong nakapaskil sa mukha habang nakatanaw sa noon ay dahan-dahang bumabagsak na si Galea.

"Napaslang na lahat ng Zephyrian, Galea..."

Tila nabasag ang natitirang liwanag sa puso ng babae nang marinig ang mga salitang iyon. Maging si Elio ay walang nagawa nang sunod-sunod na umiling si Galea, hindi pa rin makapaniwala sa sinapit ng bansang kinabibilangan niya.

"Hindi kami nakadalo sa digmaan sapagkat nilusob ng Valthyria at Prolus ang Nimbusia."

Ang unti-unting pagkawala ng hangin.

Ang paghina ng elementong ito.

Bumalik sa alaala ni Galea kung paanong halos hindi na niya maramdaman ang kaniyang kapangyarihan. Kung paanong tila unti-unti siyang binabawian ng hininga.

Bumigat ang kaniyang dibdib.

"Wala na ang hininga ng Veridalia, Galea. Tuluyan nang bumagsak ang Nimbusia."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top