Kabanata 19: Pagbawi

Pagbawi

"Malapit nang lumubog ang araw ngunit hindi pa rin dumadating ang mga Zephyrian."

Nag-aalala na ang lahat. Natatanaw na nila ang papalapit na hukbo ng Valthyria at Prolus. Nasa parang sila na nasa pagitan ng Bellamy at Valthyria. Ang araw ay unti-unti nang nawawala sa abot ng kanilang pananaw.

"Nagpadala na ako ng mensahe gamit ang hangin ngunit hindi nila ito sinasagot." Bagaman walang emosyong mababasa mukha ni Galea, mahahalata ang pag-aalala sa tinig nito. "Hindi rin ako nakatatanggap ng kahit anong mensahe mula sa Nimbusia."

Bumuntong-hininga si Dylan. "Kung gayon ay ang tatlong bansa na lamang muna ang haharap sa Valthyria at Prolus. Tiyak na maaabutan din naman ng mga Zephyrian ang labanan."

Tama nga si Lumen nang sinabi niyang susugod ang mga mag-aaral sa Valthyria. Tanaw na tanaw ni Adam, kasama ang hukbong iniwan sa kaniya, ang hukbo ng mga mag-aaral na naghihintay ng tamang oras para lumusob.

"Huwag niyong hahayaang bumagsak ang Valthyria sa kamay nila." Pinaikot ni Adam ang kaniyang baston sa kaniyang kamay. Gumuhit ang lupa sa hangin nang dahil sa kaniyang ginawa. "Paiiyakin natin ang akademiya sapagkat uubusin natin ang mga mag-aaral nila."

"Kaunting hukbo lamang ang meron sila." Kumunot ang noo ni Elio nang mapansing hindi ganoon kadami ang hukbong sumalubong sa kanila. "At hindi nila kasama ang kanilang mga pinuno."

"Huwag kayong palilinlang sa bilang ng kanilang hukbo. Tiyak na may hinandang patibong ang mga pinuno nila laban sa atin." Tinanaw ni Aziel si Adam na noon ay mataman lamang nakatingin sa kanila. "Tuso ang kanilang mga pinuno. Imposibleng hahayaan nila tayong magwagi."

Pinangunahan nina Galea, Elio, Dylan, at Aziel ang hukbo ng mga mag-aaral. Sa kabilang banda naman, nangunguna si Adam sa hukbo. Ang parehong panig ay unti-unti nang binabalot ng kadiliman ng langit. Ang tanging liwanag na lamang sa kanilang paligid ay ang mga paapuyan na malapit sa kaniya-kaniyang hukbo.

"Humanda kayo."

Pinaikot ni Galea ang kaniyang espada sa hangin. Ganoon din ang ginawa ng iba pang mga kapanalig nila. Sabay-sabay na umayos ng pagkakatayo ang mga ito, naghahanda na sa paglusob.

"Paslangin silang lahat."

Kaagad na lumutang ang mga tipak ng lupa sa paligid ni Adam upang ipagtanggol siya. Ngumisi ang lalaki bago muling pinaikot ang kaniyang mga baston sa hangin. Bahagyang umihip ang hangin, tila batid nito ang madugong kalalabasan ng labanan.

"Sugod!"

"Atake!"

Sa ilalim ng dalawang bilog na puting buwan, muling umalingawngaw ang malakas na sigawan ng dalawang panig, kasunod ng sunod-sunod na pagsabog at pagtama ng mga bakal sa isa't isa.

Kaagad na sinundot ng mga baston ni Adam ang dalawang Terran na nakalapit sa kaniya. Mabilis siyang umikot at hinampas sa ulo ang mga ito na kaagad namang natumba. Tumalim ang tingin niya sa iba pang mag-aaral na nakikipalaban.

Nang muling may makalapit sa kaniya, kaagad niya itong sinipa sa tiyan. Gamit ang isang baston, sinalag niya ang espada ng isang Pyralian bago ginamit ang isa pa upang sundutin ang tiyan nito. Pinagdikit niya ang dalawa niyang baston at sabay itong hinampas sa ulo ng kalaban.

Patuloy na nakipaglaban si Galea sa mga kawal ng Prolus. Yumuko siya nang padaanin ng isang kawal ang espada nito sa kaniyang ulo bago sinipa patalikod ang tiyan ng gumawa. Binato niya ng matatalim na hangin ang sinipa niya saka niya sinalag ang espada ng isa pang kawal. Tinulak niya ang sandata nito saka hiniwa ang tiyan.

Hindi kalayuan kay Galea ay si Elio na sunod-sunod na nagpapakawala ng apoy sa kaniyang palad; sa kabilang kamay nito ay ang panang ibinigay sa kaniya ni Dylan. Umikot si Elio at sinipa ang likod ng isang Valthyrian bago nagpakawala ng apoy na kaagad namang tumama sa likod ng kalaban. Bumunot siya ng palaso at pinana ang isang Prusian na papalapit sa kaniyang puwesto.

"Elio, ikaw na muna ang bahala kay Adam. Haharapin ko ang iba." Matapos mapabagsak ni Elio ang kalaban niya, hinarap niya si Galea na noon ay ginagamit ang hangin upang itulak palayo ang mga kalaban.

Nagpakawala si Elio ng apoy at pinadaan sa hangin ni Galea dahilan upang kumalat ang apoy at matupok ang mga kalaban. "Mag-iingat ka, Galea." Tumango lamang si Elio sa babae bago ito tumakbo palayo.

Sa kabilang banda, sinaksak ni Dylan ang isang Prusian na kalaban niya bago inangat ang paningin kaya kaagad na natagpuan ng kaniyang mata ang tumatakbong si Elio. Tumingin siya sa patutunguhan nito at napahinga nang malalim nang makitang tutungo ito kay Adam.

Napalingon siya sa kaniyang gilid nang mapansin ang papalapit sa kaniya. Kaagad na itinagilid niya ang kaniyang katawan upang iwasan ang espada ng kalaban bago niya hinawakan ang siko nito. Habang hawak pa rin ang siko ng kaaway, pinaglandas ni Dylan ang talim ng kaniyang espada sa leeg nito.

"Lulusubin ba natin ang loob?" Napatingin si Dylan kay Atticus nang magsalita ito. "Maghihintay lamang kami ng utos mula sa iyo."

"Gawin niyo ang lahat upang ipagtanggol ang mga mag-aaral. Kung lulusob sila ay lulusob tayo." Nagpakawala si Dylan ng matatalim na yelo at ipinadaan iyon sa gilid ni Aziel na noon ay nabigla. Tumumba sa kaniyang likuran ang kalaban na nasaksak ng yelo. "Pero ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagbawi kay Adam."

"Kung gayon ay hahanapin ko si Adam."

"Hindi na. Ako na lamang. Tulungan mo ang mga kasamahan natin at mga mag-aaral na lipulin ang hukbo ng mga natirang kalaban." Nang tumango si Aziel ay agad silang naghiwalay ng landas.

Gamit ang kakayahan sa pagmanipula ng bakal, pinalutang ni Aziel ang dalawang espada na natagpuan niya at hinagis ito sa dalawang Prusian na abala sa pakikipaglaban sa isang Aquarian. Kaagad iyong tumagos sa likod ng mga kalaban kaya nagawang makatakas ng mag-aaral.

Napa-paswit si Aziel nang bigla siyang palibutan ng limang kalaban; pinaghalong Valthyrian at Prusian ang mga ito. Nagsalubong ang kaniyang kilay saka pinaikot ang espada sa kaniyang braso, inihahanda ang sarili sa mga pag-atakeng gagawin ng kalaban.

"Sinong gustong mauna?" Ngumisi si Aziel.

Mabilis siyang gumalaw at sinipa sa tiyan ang unang sumigaw bago hinarang ang espadang tatama mula sa kaniyang kaliwa. Pinatamaan niya ng tipak ng bato ang tiyan ng may-ari ng espadang sinalag niya kaya tumalsik ito. Umikot naman siya at hiniwa ang nasa kanan niya.

Hinarap niya ang mga nasa likod niya saka muling ngumisi. Sabay na umatake ang dalawa kaya naman sinalag ni Aziel ang parehong espada nito. Nang itulak niya ang kanilang espada, inisahang hiwa niya ang mga tiyan nito.

"Adam..."

Muling nagharap si Elio at Adam.

Hindi katulad ng una nilang paghaharap, hindi na kababakasan ng pangamba si Elio. Sa halip, ang makikita na lamang sa mukha nito ay determinasyon na maibalik ang kaniyang kaibigan.

"Patawad sa mga magagawa ko." Binitawan ni Elio ang kaniyang pana at ininat ang kaniyang mga braso at kamao, dinig pa ang pagtunog ng mga buto niya.

Sumiklab naman ang galit sa loob ni Adam kaya mabilis niyang sinugod si Elio. Mabilis na yumuko si Elio nang dumaan sa kaniyang ulo ang isang baston ni Adam ngunit nang muli siyang tumayo ay tumama ang isa pang baston nito sa kaniyang tagiliran dahilan upang mapaatras siya nang ilang beses.

Napapikit si Elio nang maramdaman ang pamilyar na sakit nang lumapat sa kaniya ang baston ng Eldrathel. Nang maramdaman muli ang paglapit ng baston sa kaniya, mabilis niyang itong iniwasan sa pamamagitan ng pag-atras. Nang maka-iwas, sinipa niya ang tagiliran ni Adam kaya bahagyang napaluhod ang lalaki na mabilis din namang nakabawi.

Kaagad na sumilab ang kamao ni Elio nang magpalutang si Adam ng mga lupa. Nang sunod-sunod na pakawalan ni Adam ang mga tipak ng lupa, mabilis na pinasabog ni Elio ang mga iyon gamit ang apoy. Lumiwanag ang paligid nila dahil sa lakas ng apoy na pinapakawalan ni Elio na hindi magawang magtago ni Adam sa likod ng alikabok.

"Ashna sentu..." Imbes na magtago sa alikabok, ginamit ni Adam ang kaniyang kakayahan sa paglaho. Lumabas siya likod ni Elio at malakas na hinampas ang likod nito.

"Elio!"

Tumalsik si Elio patumba sa lupa dahil sa lakas ng pagtama ng baston sa kaniyang likod. Dinaluhan naman siya agad ni Dylan. Maingat na hinawakan ng lalaki ang likod ng ulo ni Elio at tinulungan itong makabangon. Gumuhit ang sakit sa likod ni Elio.

"Kaya mo pa ba?" Sinalubong ni Elio ang nag-aalalang mukha ni Dylan bago tumango. Napabuntong-hininga si Dylan saka tinulungang makatayo si Elio. "Ako na ang haharap sa kaniya."

"Hindi na." Hindi siya tiningnan ni Elio nang sabihin niya ang mga katagang iyon; nanatili kay Adam ang kaniyang tingin. "Bumalik ka sa labanan, Dylan. Kailangan ka nila."

"Ngunit—"

"Nakiki-usap ako, Dylan. Kailangan ka ng mga kasamahan natin kaysa kailangan kita. Kaya ko ito." Napabuntong-hininga na lamang si Dylan sapagkat alam niyang wala siyang magagawa pa.

"Babalikan kita." Binitawan na ni Dylan ang kamay ni Elio saka ito mabilis na tumakbo palayo upang tulungan ang kanilang hukbo.

"Ramdam ko na ang panghihina mo, Pyralian." Itinutok ni Adam ang kaniyang baston kay Elio at matunog na ngumisi. "Hindi mo na ako kakayanin."

"Hindi ko pupurihin ang aking sarili hangga't nakikita ko pang nakatayo ang aking kalaban." Inihanda ni Elio ang kaniyang sarili. Dama niya na ang sakit ng kaniyang katawan ngunit hindi siya puwedeng tumigil.

Ilang segundo lamang ay kaagad silang bumalik sa paglalaban. Nang mahawakan ni Elio ang isa sa mga baston ni Adam, kaagad niyang sinuntok ang tiyan nito kaya naagaw niya ang baston. Nagngitngit sa galit si Adam nang maging tag-isa sila ng baston na hawak.

Napuno ng tunog ng malutong na tunog ng kahoy na nagsasalpukan ang paligid nila. Nang matigil sa ere ang baston nilang nagtama, nagkatitigan ang kanilang mga mata. Hindi nagtagal ay parehas silang nagpakawala ng sariling elemento sa isa't isa na naging dahilan upang pareho silang tumalsik.

Hindi lumalabas ang pinuno ng dalawang kaharian.

Kanina pa nagtataka si Galea sapagkat sa patuloy na paglalim ng gabi, hindi man lang nagparamdam ang mga pinuno ng dalawang kaharian. Hindi ito maramdaman ng hangin sa kaniyang paligid. Hindi maiwasang makaramdam ng kakaiba ni Galea.

Hinahayaan ng Prolus at Valthyria na mabawi nila sa Adam. Sigurado siya roon.

Ngunit, anong dahilan?

Mabilis na nagpakawala si Galea ng malakas na puwersa ng hangin nang maramdaman ang paglapit ng mga kalaban sa kaniya. Naging abala siyang muli sa pakikipaglaban ngunit nanatili sa kaniyang utak ang mga katanungan.

Bagong patibong na naman ba ito?

May ginawa na naman kaya sila kay Adam?

Samantala, napansin ni Dylan na kakaunti na lamang ang natitira sa hukbo ng mga kalaban kaya bahagya siyang napangiti. Kakaunti lamang ang nabawas sa kanilang hukbo. Ibig sabihin ay tagumpay ang naging pagtulong ng mga babaylan sa kanila.

Tiyak na ang isang bagay.

Mababawi na nila si Adam.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top