Kabanata 18: Paglusob sa Valthyria

Paglusob sa Valthyria

"Magiging sapat ba ang isang linggong pagsasanay?"

Dumating na ang mga babaylan sa akademiya.

Kasalukuyang naglalakad si Elio, kasama si Dylan at Ginang Kora sa pasilyo ng isa sa mga gusali ng akademiya. Matapos ang pagtanggap sa mga babaylan kahapon, nagsimula na ang lahat sa pagsasanay.

Tinuturuan ng mga babaylan ang mga mag-aaral ng mga bagay na hindi pa naituro sa kanila sa akademiya. Mga bagay na makatutulong sa pagkontra sa kapangyarihan ng parehong liwanag at dilim.

"Hindi." Napangiwi si Elio sa direktang sagot ng babaylan. Hindi man lang ito pumili ng magagandang salita. "Ngunit, hanggang kailan ba tayo dapat magsanay? Hanggang kailan ba dapat ihanda ang lahat?"

Hindi nila hawak ang oras.

Malamang, katulad nila ay may niluluto na ring plano ang mga kalaban kung paano sila maiisahan. Kailangan nilang maunahan ang mga ito. At magagawa lamang nila iyon kung gagamitin nila nang maayos ang panahong ibinigay sa kanila.

Nagpaalam na si Elio na makikiisa sa pagsasanay kasama si Galea kaya hindi na rin tumutol si Dylan. Dahil hindi naman ganap na pinatalsik ang lalaki sa akademiya, may kakayahan siyang pumasok dito na parang parte pa rin siya ng paaralan. Ang mga kasamahan niya ay naiwan sa labas at piniling magbantay na lamang kahit na pinahintulutan silang pumasok din.

"Ginang Kora, nais kong matutunan ang koneksyon ng diwa at tubig. Nais kong malaman ang lahat ng bagay na dapat kong malaman na may kaugnayan sa paglilinis ng diwa gamit ang tubig."

Napabuntong-hininga si Kora nang marinig ang mga katagang binitawan ni Dylan. Bagamat ikagagalak niyang turuan ang bata ng panibagong kaalaman sa elementong pinangangalagaan nito, hindi niya maiwasang mabahala. Ang paglilinis ng diwa ang pinaka-delikado at sagradong kapangyarihan na hindi kayang gawin ng kahit anong elemento.

"Hindi basta-bastang tubig ang ginagamit sa prosesong iyon, Dylan. Kailangan mong madala ang nilalang na iyong lilinisin sa Cavanoh."

Tinutukoy ni Ginang Kora ang isang kuweba na nasa bundok, sa ilalim ng Templo ng Sambuhay. Nakahiwalay ang kontinenteng kinabibilangan ng lugar na iyon sa iba pang kontinente ng Veridalia. Malawak na karagatan ang kailangang lakbayin upang marating ang kontinente kung saan matatagpuan ang Cavanoh.

Walang ritwal na iwiwika sa proseso ng paglilinis ngunit kailangang pakawalan ng Aquarian ang kaniyang diwa at enerhiya sa kaniyang katawang lupa upang magamit na kasangkapan ang tubig ng Cavanoh.

Sa sandaling palayain ni Dylan ang kaniyang diwa, malalagay ito sa panganib ng pagkawasak. Kapag nawasak ang diwa ng isang nilalang habang nakahiwalay ito sa kaniyang katawan, mamamatay ang nagmamay-ari.

Napalunok si Dylan matapos marinig ang mga sinabi ni Ginang Kora. Napansin naman ni Ginang Kora ang ekspresyon ni Dylan kaya napahinga ito nang malalim.

"Desidido ka na ba talaga sa gagawin mo?"

Nang itanong iyon ng babaylan ay kaagad na nagdalawang-isip si Dylan. Hindi niya alam kung kaya niya bang iwan si Elio nang ganoon na lang. Iniisip niya pa lamang na hahanapin siya nito sa sandaling magbalik si Adam at hindi siya kasama ay parang pinipiga na ang kaniyang puso.

Ipinipinta ng kaniyang isip ang lungkot na babalatay sa mukha ng nilalang na minahal niya nang higit pa sa kapayapaan ng mundo. Kinagat niya ang pang-ibabang labi niya nang makaramdam ng bigat sa dibdib. Maliit lamang siyang ngumiti at tumingin sa babaylan.

"Para sa susunod na henerasyon."

Sa kabilang banda, tahimik na pinapanood ni Elio ang ibang Pyralian na tinuturuan ng mga babaylan. Pinagsama-sama ang bawat mag-aaral na nagmula sa iisang bansa upang mabilis na maturuan ang mga ito. Si Elio, ang kailangan niya na lamang matutunan ay ang pagpapalabas ng kidlat. Sila Diego at Fria naman ay binibigyang atensiyon ang pagbuo ng sandata gamit ang apoy.

Natatawa na lamang si Elio kapag nakikita niya kung paano sumabog ang apoy na sinusubukang isiksik at ihulma ni Diego. Ganoon din ang nangyayari kay Fria na noon ay kaunti na lang at magbabato na ng apoy sa kaniyang paligid. Itinuro na ni Elio ang kaniyang nalalaman sa mga ito ngunit tila aabutin pa sila ng ilang araw.

Mula sa pagtingin sa mga Pyralian, nalipat ni Elio ang kaniyang tingin sa kaniyang kaliwa nang maramdamang may nakatitig sa kaniya. Hindi naman siya nagkamali sapagkat malayo sa kanilang puwesto, nakatayo si Dylan, nakatingin lamang sa kaniya. Saglit na ibinalik ni Elio ang kaniyang tingin kina Diego bago siya tumayo.

"Tapos na ang pagsasanay niyo?" Nang makarating si Elio sa puwesto ni Dylan, kaagad niya itong tinanong.

"Tumakas ako." Malawak pa itong ngumiti kaya napaikot na lamang ang mata ni Elio. Akala mo'y estudiyante pa rin siya kung umasta. "Hindi mo tinapos ang pagsasanay niyo."

"May pupuntahan ka? Sama." Hindi pinansin ni Elio ang pinagsasabi ni Dylan kaya pinaningkitan siya nito.

"Pupunta ako sa dati kong silid." Tumango naman si Elio at naunang maglakad. Napamaang naman si Dylan at kaagad na sumunod. "Sigurado ka? Tutungo ka sa dormitoryo ng mga Aquarian?"

Hindi magkabati ang tubig at apoy.

"Bakit hindi?" Walang ganang sagot ni Elio.

Nagkibit-balikat na lamang si Dylan at tumabi kay Elio, sabay silang naglalakad patungo sa dormitoryo ng mga Aquarian. Sa malayo pa lang ay natatanaw na kaagad ang kulay asul na bubong nito. Halos kapareho lang naman ng disenyo ng sa iba pang dormitoryo. Ang pagkakaiba lang ay may mga kabibing nakalubog sa mga pader, palatandaan na pagmamay-ari ng katubigan ang lugar.

Habang palapit sila nang palapit ay mas nararamdaman ni Elio ang pagbaba ng temperatura. Hindi naman siya nag-alala sapagkat may kakayahan siyang kontrolin ang temperatura ng kaniyang katawan kaya kahit magyelo pa sa loob ng dormitoryo, tiyak na makatatagal siya rito.

"Umuusok ka." Natatawang sambit ni Dylan habang nakatingin sa noon ay umuusok ngang si Elio. "Kunin mo ito."

Tinanggap ni Elio ang iniabot na balabal ni Dylan. Napangiwi pa siya nang mapansing kulay asul ito ngunit ipinagsawalang-bahala niya na lamang iyon. Dahil hindi naman nasa itaas ang silid ni Dylan, mabilis lamang nila iyong nahanap.

Binuksan ni Dylan ang silid at kaagad na bumungad sa kanilang dalawa ang malinis na silid ni Dylan. Pinaunang papasukin ni Dylan si Elio bago siya sumunod. Inilibot ni Elio ang kaniyang paningin sa paligid. Katulad ng inaasahan niya ay maraming libro rito.

Karamihan ay aklat tungkol sa kapangyarihan ng tubig lamang. May mga tungkol din naman sa kasaysayan ng apat na bansa. Hindi nagkaroon ng interes si Elio sa mga babasahin at umupo na lamang sa kama ni Dylan.

"Hindi ko inaasahan ang lamig ng dormitoryo niyo." Mahinang natawa si Dylan, nakatalikod siya kay Elio at may kung anong hinahanap. Ito ang unang beses na marating niya ang dormitoryo ng mga Aquarian.

"Ngayon alam mo na kung ano ang pakiramdam ko noong pumasok ako sa dormitoryo niyo." Inalala ni Dylan kung paanong umalis siya ng lugar na iyon nang pawisan.

Tumayo si Elio at lumapit kay Dylan. Abala ito sa pagbuklat ng mga libro ngunit napatigil nang maramdaman niya ang pagbalot ng braso sa kaniyang bewang. Nang makabawi sa pagkabigla ay matunog siyang ngumiti. Inalis niya ang braso ni Elio at humarap dito.

"Sana kasama kita kapag winakasan natin ang Prolus at Valthyria." Isinandal ni Elio ang kaniyang noo sa dibdib ni Dylan nang banggitin niya ang mga katagang iyon. "Dylan..."

Bumigat ang dibdib ni Dylan nang marinig ang mahinang tinig ni Elio. Pinatakan niya ng halik ang tuktok ng ulo nito at ipinikit ang mga mata.

"Puwede bang mangako ka na magkasama nating tatapusin ang laban?" Naramdaman niya ang paghigpit ng yakap ni Elio sa kaniya kaya muli siyang napangiti.

"Mey esti mor..."

Nakaramdam ng kung ano si Elio nang marinig ang sinabi ni Dylan. Mas hinigpitan niya pa ang pagkakayakap dito, umaasang mawawala ang kakaibang pakiramdam na sumusukob sa kaniya.

"Mahal kita, Elio..."

* * *

"Sino ka?"

Habang nakatingin muli sa binatana, tinatanaw ang buong kaharian ng Valthyria, umalingawngaw ang tinig ni Lumen sa isip ni Adam. Nanatiling nakalapat ang kanang palad nito sa malamig na salamin, sinusubukang sagutin ang katanungang ibinato sa kaniya ng kaniyang panginoon ngunit katulad ng mga nagdaang araw, wala pa rin siyang nakukuhang sagot.

Huminga nang malalim si Adam kaya bahagyang nanlabo ang salamin ng bintanang katapat niya. Ibinaba niya ang kaniyang kamay at bumaling sa ibang direksyon, plano nang umalis ngunit muli siyang sinalubong ng mga madidilim na mata ni Lumen.

"Kanina pa kita hinahanap." Bahagyang napayuko si Adam nang muling marinig ang kaniyang tinig. Naglalaro pa rin sa kaniyang isipan kung paano siya nito sakalin noong isang araw.

"Anong maipaglilingkod ko, Panginoon?" Ang una at huling beses na nakalabas si Adam ng Valthyria ay noong inatake nila ang akademiya. Matapos noon ay hindi na siya hinayaang umapak sa labas ng palasyo.

"Sa susunod na araw ay aalis ako ng kaharian." Umangat ang tingin ni Adam, nagtatanong ang mga mata. Agad namang nalaman ni Lumen ang tumatakbo sa isip ng kaharap niya kaya muli itong nagsalita. "Maiiwan ka rito sa Valthyria."

"Bakit?"

Umangat ang kilay ni Lumen kaya muling tumikom ang bibig ni Adam. Huminga nang malalim si Lumen saka umiwas ng tingin. "Susugod ang mga taga-akademiya rito."

"Kung gayon ay mas kailangan kayo rito!" Nabahala kaagad si Adam sa ibinalita ni Lumen. "Hindi ko kakayanin na ipagtanggol ang Valthyria."

Hindi sumagot si Lumen at nanatiling nakatitig lamang kay Adam, walang emosyon na dumadaloy sa kaniyang mukha. Nagsukatan silang dalawa ng tingin ngunit naunang mag-iwas ng tingin si Lumen. "Hindi mo kailangang ipagtanggol ang Valthyria. Kaya nitong ipagtanggol ang sarili nito."

"Kung gayon ay bakit hindi niyo na lamang ako isama? Baka makatulong ako sa inyong gagawin." Tumagilid ang ulo ni Adam, umaasang sa pagkakataong ito ay papayag na ang lalaki.

"Kailangan ka rito." Iyon lamang ang kaniyang sinabi at agad na tumalikod. "Babalik kami pagkatapos ng paglusob."

"Hihintayin ko kayo kung gayon." Napahinto si Lumen sandali ngunit nanatili siyang nakatalikod.

"Hindi ako tiyak kung mangyayari pa iyan."

* * *

"Elio, kalasag!"

Kaagad na gumawa si Elio ng isang malaking kalasag upang protektahan sila ni Fria sa apoy na pinakawalan ni Diego. Kasalukuyan silang nagsasanay, kasama ng iba pang mga Pyralian. Nang maglaho ang apoy ni Diego, pinaglaho naman ni Elio ang kaniyang kalasag.

"Ako'y nalulugi sa labanan." Ngumisi si Diego nang banggitin ang mga katagang iyon. "Bakit hindi kami ang magkampi ni Elio, Fria? Labanan mo kami."

"Sinu-suwerte ka kung mangyayari iyon." Hinaklit palapit ni Fria sa kaniyang tabi si Elio. "Magpalakas ka kung gusto mo kaming tapatan." Matapos niyang sabihin ang mga katagang iyon ay sunod-sunod siyang nagpakawala ng mga bolang apoy.

Ito ang huling araw ng pagsasanay. Bukas ay babalik ang mga mag-aaral sa kani-kanilang mga bansa upang magpahinga at matapos noon ay sama-sama silang susugod sa Valthyria.

Kapansin-pansin ang pagbabago sa paraan ng pakikipaglaban ng mga mag-aaral dahil sa tulong ng mga babaylan. Bakas din ang paglago ng lahat sa kanilang kaalaman sa sarili nilang elemento sapagkat nagtagumpay ang mga babaylan na ituro ang kanilang nalalaman.

Ang mga Pyralian ay natutunan nang bumuo ng mga sandatang gawa sa apoy, katulad ng espada, sibat, at pana. Natutunan na rin nila ang paggawa ng sariling elemento kaya hindi na nila kailangan umasa sa nakapaligid sa kanila na apoy. Magiging malaking tulong ito sa labanan.

Natutunan ng mga Aquarian ang paraan ng pagpapagaling. Sapagkat tiyak na marami ang mga masusugatan sa labanan, kinakailangan ang tulong ng mga mantutubig sa mabilisang pag-ayos ng pinsala sa katawan. Ang iba'y nagawa nang magamit ang yelo bilang kanilang ikalawang elemento.

Ang mga Terran naman ay natutunan ang paglikha ng lindol. Magagamit ito upang magulat ang mga kalaban. Natutunan na rin ng ilan sa kanila na gamitin ang bakal bilang ikalawang elemento. Dahil may koneksyon sa lupa, madali lamang para sa mga Terran na kumuha ng lakas dito na magiging mabisa upang makalamang sa mga kalaban.

Zephyrian naman ang inaasahang magiging pinaka-malakas na depensa ng lahat. Itinuro sa mga ito kung paano gagamitin ang hangin upang gumawa ng malaking panggalang na maaaring humarang sa kapangyarihan ng dilim o liwanag. Katulad ng mga Pyralian, ganap na ring natutunan ng mga Zephyrian ang pagbuo ng mga sandata gamit ang elemento ng hangin.

Handa na ang lahat sa paglusob.

"Galea, sigurado kang hindi ka uuwi?"

Sa hindi mabilang na pagkakataon, isang iling lamang ang isinagot ni Galea kay Kiro — isa sa mga patnubay ng akademiya na mula sa Nimbusia. Kanina pa umalis ang mga mag-aaral at halos lahat ay umuwi talaga.

"Pakisabi na lamang kay Ginang Glen na pupuntahan ko siya matapos ang paglusob." Hindi kayang umuwi ni Galea at sandaling kalimutan ang problema sapagkat ibig sabihin noon ay kakalimutan niya na rin ang kalagayan ng kaniyang kapatid. "Mag-iingat kayo sa biyahe."

"Magkita na lamang tayo sa Valthyria, kung gayon." Sa sandaling tumango si Galea, kaagad na nawala ang presensiya ng patnubay.

Bukas na magaganap ang paglusob.

Hindi batid ni Galea kung anong nararamdaman niya. Kagalakan ba o kaba, sapagkat malaki ang tiyansa na muli niyang makaharap at makalaban ang kaniyang kapatid. Mas mabuti kung siya o si Elio ang makaharap nito sapagkat tiyak siyang hindi masasaktan si Adam.

Pinalipas ni Elio ang gabi sa panonood ng kalawakan. Nawala ang sari-saring enerhiya na bumabalot sa akademiya sapagkat wala na ang mga estudiyante rito. Si Dylan ay lumabas muli ng akademiya upang ihanda ang mga kapanalig niyang tulisan.

Hindi ginusto ni Elio na umuwi sapagkat alam niyang kailangan siya sa akademiya sa sandaling may lumusob dito. Hindi rin naman kasi lihim ang paglisan ng mga mag-aaral kaya nararapat lamang na may manatili pa rin upang maipagtanggol ang akademiya laban sa manlulukob.

"Ipinagawa kita ng pana."

Kinabukasan, umaga pa lamang ay nasa silid na ni Elio si Dylan. Inabot ng lalaki ang panang gawa sa bakal. May mga disenyo pang patusok ang pana kaya naman natawa si Elio nang bahagya.

"Hindi gawa sa ordinaryong bakal ang panang iyan. Halos katulad iyan ng Eldrathel ngunit mas matibay nga lamang ang kahoy na iyon. Paumanhin, ngunit wala akong makitang puno ng Eldrathel."

Maliit lang na ngumiti si Elio habang nakatitig pa rin sa panang iniregalo sa kaniya ng lalaki. Nakita niya pang nakaukit ang kaniyang pangalan dito kaya lumawak ang kaniyang ngiti.

"Mag-iingat ka, Elio." Hinawakan ni Dylan ang ulo ni Elio at hinaplos ang buhok nito. "Hindi ko maipapangakong maipagtatanggol kita palagi kaya, sana mag-iingat ka."

Hinawakan ni Elio ang kamay ni Dylan na nasa kaniyang ulo at dahan-dahan niya itong inilagay sa kaniyang dibdib habang nakatitig sa lalaki. "Mag-iingat ka rin, Dylan. Mahalaga ka sa akin."

Nang maghapon na, lahat ng mga naiwan sa akademiya ay nagtungo sa Bellamy upang kitain ang mga mag-aaral na umuwi kahapon. Nandoon na ang lahat ng mag-aaral mula sa iba't ibang bansa maliban sa isa.

Inilibot ni Elio ang kaniyang paningin sa paligid at kaagad na bumaha ang pagtataka sa kaniyang mukha nang mapansing kulang nga ang mga naririto. May kung anong sumukob sa loob ni Galea nang hindi niya maramdaman ang kapangyarihan ng kaniyang mga kasamahan. Isa lamang ang ibig sabihin noon.

Hindi pa dumadating ang mga mag-aaral ng Nimbusia.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top