Kabanata 16: Hashne

Hashne

"Saan ka patutungo, Elio?"

Napatigil sa paglalakad si Elio nang may magsalita mula sa kaniyang likod. Napabuntong-hininga siya nang makilala ang may-ari ng tinig na iyon. Dahan-dahan siyang humarap at inalis ang nakatabon sa kaniyang ulo.

"Bakit gising ka pa, Diego?" Humakbang palapit sa kaniya si Diego kaya bahagya siyang napatingala.

"Saan ka patutungo, Elio?" Nanatiling nakatitig ang dalawa sa isa't isa. Kinagat ni Elio ang pang-ibaba niyang labi, pinipigilan ang sarili na magsalita.

"Sa gubat lamang na katabi ng dormitoryo. Tutungo ako sa ilog." Umiwas ng tingin si Elio at muling isinaklob ang balabal sa kaniyang ulo. "Babalik kaagad ako."

"Sasama ako—"

"Huwag na!" Nagsalubong ang kilay ni Diego nang tumaas ang boses ni Elio. Natigilan naman si Elio sa kaniyang ginawa. Halata na ang taranta sa kaniyang mukha. "K-Kaya ko na ang sarili ko..."

"Hindi ka nagsasabi ng katotohanan, Elio." Naningkit ang mata ni Diego sa kaniyang kaibigan. Bumuga naman ng hangin si Elio sapagkat alam niyang hindi na niya magagawang maglihim sa kaibigan.

"Pabayaan mo na lamang ako, Diego. Kailangan kong mailigtas si Adam." Tumaas ang kilay ni Diego nang dahil sa narinig.

"Anong gagawin mo? Isusugal mo ang sarili mo sa Valthyria?" Umikot ang mata ni Elio sa narinig.

"Marunong akong mag-isip, Diego. Bakit ko gagawin ang bagay na iyan?"

"Kung gayon ay isama mo ako sa plano mo. Kung hindi ako kasama sa mga plano mo ay hindi ka maaaring umalis." Napamaang si Elio sa kaniyang narinig.

"Hindi ko kailangan ng tulong. Kaya ko na itong mag-isa." Pumasok si Diego sa loob ng kaniyang silid kaya naman nagsalubong ang kilay ni Elio. Bumuka ang kaniyang bibig nang paglabas nito ay nagsusuot na siya ng balabal. "Bakit ba ang kulit mo?"

"Aalis na ba tayo? Tara na." Napasinghal na lamang si Elio nang hawakan ni Diego ang kaniyang siko at nagpaunang maglakad. "Saan tayo pupunta?"

"Sa Avanza." Tumingin sa kaniya si Diego, hindi makapaniwala. Tumingin din sa kaniya si Elio. "Pupuntahan natin ang ika-limang Sylpari."

Napangiti naman si Diego. Ito ang unang beses na magkasama silang maglalakbay ni Elio sa labas ng akademiya at Ignisreach na sila lamang dalawa. Binitawan niya na ang siko ni Elio.

Katulad noong ginawa nila Elio sa misyon, nauna silang nagtungo sa timog ng akademiya upang manghiram ng kabayo. Muling bumungad sa kanila ang magsasaka na Terran na malugod naman silang pinahiram. Pinaalalahanan lamang sila na ibalik ang mga ito.

Hindi nga pala nito naibalik ang huling kabayong hiniram nila sapagkat tumakbo ang mga iyon.

"Babalik kami bukas ng hapon." Tumango lamang ang magsasaka at sinabihan silang mag-ingat sa paglalakbay. "Maraming salamat."

Dahil nasa hilaga ang Avanza, kinailangan nilang dumaan sa tarangkahan ng akademiya. Dahil hindi naman iniutos ng Sylpari ang kanilang hakbang, nahirapan silang pakiusapan ang mga bantay. Mabuti na lamang at pinayagan na rin sila makalipas ang ilang minuto.

Nakalabas na sila ng akademiya. Dahil may kabilisan ang pagtakbo ng kabayo, malayang nililipad ng hangin ang balabal na nakatabon sa ulo ng dalawa. Maging ang laylayan ng kanilang balabal ay nililipad din ng hangin.

Dahil nag-iisa ang buwan sa kalangitan ay hindi gaanong maliwanag ang paligid. Ngunit dahil sa dilim, nagawang masaksihan nina Elio at Diego ang pagkutitap ng mga alitaptap sa paligid. Napakaganda nitong pagmasdan, lalo na sa loob ng gubat. Bumagal ang kanilang pag-usad dahil sa panonood ng ilaw ng mga ito.

Kung hindi lamang magulo ang lahat, nanaisin nilang manatili na lamang sa ganitong lugar.

"Madadaanan natin ang Prolus, Diego. Ihanda mo ang iyong sarili." Bagamat nasa loob pa rin ng Sahadra, pinaalalahanan na ni Elio si Diego sa makakaharap nila.

Kung dati, payapa nilang matatawid ang Prolus, ngayon, hindi na sigurado si Elio. Tiyak na nagkalat ang Prusian sa bansang iyon kaya kahit saan sila dumaan ay siguradong may makakalaban silang Prusian.

Batid ni Diego ang panganib na haharapin nila sa sandaling makalabas sila ng Sahadra kaya naman humigpit ang pagkakahawak niya sa renda ng kabayo. Tumiim ang kaniyang tingin sa harapan ngunit may mga sandaling binabalingan niya si Elio na noon ay seryoso lang na nakatingin sa harap. Napangiti siya sa kaniyang loob.

Dati pa man ay matapang na ito. Wala itong pake sa kaniyang sarili kahit na manganib pa siya. Nagagawa lamang nitong matakot kapag ang nasa panganib na ay ang nilalang na malapit sa kaniya. Napahinto si Diego sa pag-iisip nang may maalala. Bumigat ang kaniyang dibdib habang nakatingin sa kaniyang kaibigan na noon ay magkasalubong ang dalawang kilay.

Patawad, Elio.

Nang makalabas sa Sahadra, katulad ng inaasahan ay bumungad sa kanila ang isang parang. Hindi katulad ng unang ginawa nila Elio noon, nag-iba sila ng daan upang maiwasan ang kastilyo ng Prolus. Nakasunod lamang si Diego sa daang tinatahak ni Elio dahil sa kanilang dalawa, mas gamay nito ang binabaybay nilang lugar.

Imbes na dumaan sila sa parang ay muli silang pumasok sa isang gubat. Sa baba ng dinadaanan nila ay isang ilog na malakas ang pag-agos. Hindi na nila nabigyan ng atensiyon ang tanawing iyon sapagkat madilim pa rin sa paligid. Namutawi sa paligid ang ingay na ginagawa ng mga hayop ngunit nagawa nilang marinig ang mga kaluskos ng dahon, tanda na may paparating.

Nagkatinginan silang dalawa at sabay na napabuntong-hininga. Inilabas nila ang mga sandata nilang pandigma. Dahil nagmula sila sa bansang nangangasiwa ng apoy, nagagawa nilang pakiramdaman ang init sa paligid, kabilang na ang init ng katawan ng mga buhay na nilalang.

Itinutok ni Elio ang kaniyang pana sa isang direksyon. Handa na siyang pakawalan ang palaso nang bigla na lang natumba ang isang nilalang palabas sa palumpong. Nagsalubong ang kilay ni Elio.

"Sabi na ngang huwag magulo!" Nagkatinginan sila Diego at Elio nang marinig ang pamilyar na boses.

"Bakit ka ba nanunulak, pinuno?" Napabuntong-hininga silang dalawa at itinago ang mga sandata.

"Bakit nasa kagubatan din kayo, Dylan?"

Hindi makatingin si Dylan kay Elio nang magtanong ito. Siniko niya pa si Kalen nang tumindig ito sa kaniyang tabi. Bagamat mahina, nagawa pa ring marinig ang mahinang pagtawa ni Diego.

Nang magawa nang salubungin ni Dylan ang tingin ng lalaki, umangat lamang ang kilay ni Elio. Bumuga ng hangin si Dylan at pinasok ang kaniyang kamay sa bulsa ng suot niyang pantalon. Wala silang suot na balabal.

"Nag-alala ako nang makita kang lumabas ng akademiya." Umikot lamang ang mata ni Elio sa naging sagot ng lalaki. "Nais kitang samahan, Elio. Tutulungan kita."

Ilang minutong nagsukatan ng tingin ang dalawa. Walang umiwas sa kanila ng tingin at kung hindi pa tumikhim si Diego, hindi na ito matitigil. Naunang mag-iwas si Elio at marahas na napabuntong-hininga.

"Sumakay ka na kung gayon."

"Teka, paano ako? Maglalakad lang ako?" Napatingin ang tatlo kay Kalen na noon ay natataranta na. Muling tumawa si Diego kaya naman sumama ang tingin sa kaniya ng Terran. "Hindi ako maaaring bumalik sa kampo nang mag-isa, tiyak na hahanapin ka ni Atticus sa akin."

"Kunwari ka pa, natatakot ka lang maglakbay mag-isa!" Mas lalong tumalim ang tingin ng Terran kay Diego.

"Hindi ko hinihingi ang opinyon mo." Tinutukan niya pa ng espadang hawak niya si Diego na noon ay nakangisi lang sa kaniya.

"Magsasama na lang kami ni Diego sa iisang kabayo. Kayong dalawa ni Dylan ang gumamit ng kabayo ko." Bababa na sana si Elio sa kaniyang kabayo nang pigilan siya ni Diego.

"Dito na lamang sasakay ang Terran." Napamaang naman si Kalen dahil sa pagtutol ngunit kaagad na tumaas ang kilay ni Diego. "Iiwan ka namin."

Naramdaman ni Elio na sumakay na si Dylan sa kaniyang likod. Wala na ring nagawa si Kalen at lumulan na lamang sa likod ni Diego. Nagawa niya pa itong batukan nang ganap siyang maka-angkas.

Mahigpit na hinawakan ni Elio ang renda ng kabayo at mabilis itong hinatak. Kasabay ng pagyakap ng malamig na hangin kay Elio, naramdaman niya rin ang pagpulupot ng braso sa kaniyang bewang. Ikinunot niya ang kaniyang noo at hindi na lamang pinansin ang reaksyon ng kaniyang katawan.

Dahil nag-iba sila ng daan, mas mabilis nilang nalisan ang Prolus. Natanaw pa nila ang kastilyo nito na talaga namang kamangha-mangha ang liwanag. Matingkad na puti at dilaw na ilaw ang bumabalot sa kaharian.

"Elio..." Humuni lamang si Elio nang marinig ang pagtawag sa kaniya ni Dylan. Napanguso si Dylan dahil sa pagiging malamig sa kaniya ng lalaki. "Patawad, hindi ko sinabi sa iyo ang tungkol kay Adam."

Hindi sumagot si Elio. Hindi niya rin naman hinihintay na humingi ng tawad ang lalaki sapagkat hindi naman siya nagtanim ng sama ng loob dito. O kung oo man, hindi naman ganoon kalalim. Hindi isinatinig ni Elio ang kaniyang mga iniisip.

"Natatakot ako sa kaya mong gawin."

Napatigil si Elio sa kaniyang narinig at bahagyang nagsalubong ang kaniyang kilay. Patuloy pa rin sa pagtakbo ang kabayo, tinatahak nila ang kanluran ng Nimbusia kaya hindi nila nadaanan ang pamayanan ng mga Zephyrian. Malapit lamang ang dagat sa lugar nila, at pagkatapos ng dagat ay ang Valthyria.

"Natatakot akong mawala ka." Huminga nang malalim si Dylan. "Natatakot akong baka ipahamak mo ang iyong sarili."

"Wala ka bang tiwala sa akin?" Napalunok si Dylan nang marinig ang tanong ni Elio. Hindi kaagad siya nakasagot sa tanong na iyon. "Mahirap bang maniwala sa kakayahan ko, Dylan?"

Alam ni Elio na hindi ito ang tamang panahon upang magdamdam ngunit hindi niya ito maiwasan. Pakiramdam niya, iniisip ni Dylan na wala siyang ibang kayang gawin kung hindi ang ilagay sa panganib ang kaniyang sarili. Hindi niya alam kung nagiging madamdamin lang ba siya ngunit, hindi niya matanggap ang pag-aalala ni Dylan. Kung iyon nga ang tawag doon.

"Malakas ka, Elio." Ipinatong ni Dylan ang kaniyang noo sa likod ni Elio. "Hindi kaduda-dudang malakas ka." Ngumiti siya nang maalala kung paano nito lusubin nang mag-isa ang akademiya noon. "Naniniwala ako sa kakayahan mo."

Hindi na ipinagtanggol ni Dylan ang kaniyang sarili. Marahil ay hindi siya natatakot sa kakayahan ni Elio. Hindi siya natatakot sa kayang gawin ng lalaki. Baka natatakot siya sa mga hindi niya kayang gawin. Sa mga nakakalimutan niyang isaalang-alang dahil pinangungunahan siya ng emosyon.

Nang nasa kalagitnaan na sila ng Nimbusia, nakiusap si Dylan na magpalit sila ng puwesto. Bagaman nais ni Elio na makipaglaban pa, naramdaman niya na rin ang antok sa kaniyang katawan. Hindi niya na kayang patakbuhin ang kabayo.

"Pinuno, dadaan tayo sa gubat ng mga hashne."

Hashne — "halimaw"

Napamulat si Elio nang dahil sa narinig. Napatingin siya kay Kalen na noon ay nagpapatakbo na rin ng kabayo habang nasa kaniyang likod si Diego na nakayakap sa kaniya. Agad na binalot ng pangamba si Elio sapagkat hindi pa siya nakakasalamuha ng mga hashne noon. Nanatiling laman ng kuwentuhan ang mga nilalang na iyon.

"Tutuloy pa ba tayo?" Seryosong nakatingin si Dylan sa kaniyang unahan, pinag-iisipan ang magiging sagot sa tanong ni Kalen.

Ito na lamang ang natitirang daan sa kanila. Kapag hindi sila tumuloy, kakailangan nilang bumalik muli sa Prolus at Nimbusia para tahakin ang madaling daan patungong Avanza. Naramdaman niya ang paghigpit ng kapit sa kaniya ni Elio kaya sandaling bumaba ang kaniyang tingin sa mga braso ng binata.

Kailangan ni Elio si Adam.

Inangat ni Dylan ang kaniyang tingin. "Tutuloy tayo."

Nababalot ng puti na hamog ang gubat ng mga halimaw. Ang mga punong nakatayo sa gubat na iyon ay patay na, walang mga dahon at tanging sanga na lamang. Wala ring masyadong buhay, maliban na lamang sa kuwago at buwitre.

Habang pinagmamasdan ni Elio ang gubat na malapit na nilang pasukin, hindi niya maiwasang mangilabot. Kahit sa malayo pa, naririnig niya na ang tunog ng mga kuwagong nanatiling gising. Inihanda niya ang kaniyang palaso't pana.

Nahigit ni Elio ang kaniyang hininga nang dumampi na sa kaniya ang puting hamog. Ibig sabihin, ilang sandali na lamang ay nasa loob na sila ng gubat. Naramdaman ni Elio ang pagbagal ng kabayo.

Inilibot ng apat ang kanilang paningin ngunit wala silang maaninag maliban sa hamog na hinaharangan ang kanilang paningin. Gamit ang kakayahan ni Dylan, sinubukan niyang iwaksi ang mga hamog sa kanilang dinadaanan.

Nakabanat na ang pana ni Elio, handa nang pakawalan ang palaso sa sandaling makaramdam ng panganib. Sa sobrang tahimik ay parang naririnig na nila ang pagbulong ng hangin sa kanilang tainga. Mabilis na napatingin si Elio sa kaniyang kaliwa nang mamataan ang mabilis na paggalaw ng isang anino roon.

"Ano ba? Bitawan mo nga ako!" Nanggagalaiti sa inis si Kalen dahil sa mahigpit na pagkapit sa kaniya ni Diego. Halos magdugtong na ang mga kilay nito sa sobrang pagkakakunot ng noo niya. "Duwag ka ba?"

"Hindi, ah!" Umikot lang ang mata ni Kalen nang magtunog depensibo ang lalaki.

"Elio at Diego, ihanda niyo ang inyong mga apoy. Nandito na sila." Saktong pagkasabi ni Dylan ng mga katagang iyon, kaagad na lumiwanag ang mga pulang mata sa likod ng puting hamog.

Binalik ni Elio ang kaniyang pana at pinagliyab ang kaniyang palad. Ganoon din ang ginawa ni Diego. Ilang sandali pa ay dahan-dahang bumilis ang pagtakbo ng mga kabayo.

"Ngayon na!"

Kasabay ng pagsigaw ni Dylan, kaagad na nagpakawala si Elio at Diego ng mga bolang apoy sa kanilang likuran. Lumabas ang mga halimaw at kaagad silang sinundan. Sumasabay sa kilos ng mga kabayo ang hamog.

Nabigla si Elio sa wangis ng mga halimaw. Ang mga ito ay parang mga asong lobo ngunit may mga sungay sila. Kulay itim ang balahibo ng mga ito at nagdurugong pula naman ang mga mata nilang lumiliwanag. Ang pangil ay kasing-talim ng punyal.

Bumuo ng panang gawa sa apoy si Elio samantala, nanatili namang nagbabato ng bolang apoy si Diego. May mga halimaw nang naiwan matapos tamaan ng mga bolang apoy. Inasinta ni Elio ang ulo ng isang halimaw at nang pakawalan ito, kaagad na tumilapon ang halimaw nang tumusok at sumabog sa kaniyang ulo ang palasong nag-aapoy.

Masakit sa tainga ang ginagawang atungal ng mga ito. Ilang palaso na rin ang namintis ni Elio dahil sa malikot ang galaw ng kabayo ngunit sa kabila noon ay nagagawa niya pa ring magpatumba ng iilan. Bumuo siya ng tatlong palaso at sabay-sabay na pinakawalan iyon. Ang dalawa ay naiwasan ng halimaw ngunit hindi siya pinalad sa pangatlo. Sumabog din siya.

"Ipagpatuloy niyo lamang ang pag-depensa! Malapit na tayong makalabas!"

Nagkatinginan si Elio at Diego. Tumango sila sa isa't isa bago pinaglapat ang kanilang mga palad. Dahan-dahan nilang ipinaghiwalay ang magkalapat nilang palad, kasabay no'n ay ang pagbuo ng malaking enerhiyang gawa sa apoy. Umalingawngaw sa gubat ang sabay nilang pagsigaw, matapos no'n ay ang malakas na pagsabog nang pakawalan nila ang enerhiya.

Hindi na nakasunod ang mga halimaw sa kanila kaya naman tagumpay na napangiti si Elio. Bahagya na ring naging mabagal ang pagtakbo ng kabayo, tanda na malapit na sila sa paroroonan. Ilang sandali lamang ay nakalabas na sila sa gubat ng mga halimaw.

Sumisikat na ang araw.

Mula sa malayo ay natanaw na ni Elio ang isang pamilyar na gusali na nakatayo sa taas ng isang burol. Hindi maisan ang sumalubong sa kanila dahil sa ibang ruta sila dumaan.

Nasa Avanza na sila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top