Kabanata 14: Hudyat

Hudyat

"Gumising ka. Hindi ka bisita rito!"

Kaagad na bumalik ang malay ni Aziel nang may kumalampag sa kaniyang rehas. Nagkalat ang ingay ng bakal na nagkakalansingan dahil sa lakas ng pagkalampag. Napaungol pa siya nang maramdaman ang sakit ng kaniyang ulo.

Ipinilig niya ang kaniyang ulo, sinusubukang iwaksi ang sakit. Napahawak pa siya rito bago niya inilibot ang kaniyang mata. Wala siyang ibang makita kung hindi dilim kaya ipinikit niya ang kaniyang mata at nang magmulat, may kaunting liwanag na siyang nakikita.

Bumalik sa kaniyang alaala ang nangyari bago siya mapunta sa sitwasyon niya ngayon. Mabilis naman siyang napatayo nang mapagtantong nasa Valthyria siya. Hinawakan niya ang rehas na gawa sa bakal.

"Mga hangal..."

Tatlong beses humakbang patalikod si Aziel. Nang sapat na ang distansiya sa mga bakal na rehas, iniunat niya ang kaniyang mga braso. Kasabay ng paggalaw ng kaniyang braso ay ang paggalaw ng bakal kaya tagumpay na napangiti si Aziel.

Unti-unting naghiwalay ang mga bakal kaya nagkaroon ng sapat na siwang upang magkasya siya. Nang makalabas siya ng kulungan, napatingin si Aziel sa mga iba pang nakakulong. Kikilos na sana siya upang tulungan ang mga ito nang maalala si Adam.

"Babalikan ko kayo..."

Si Adam muna, bago ang lahat.

Mabilis na tumakbo si Aziel sa pasilyo hanggang sa makalabas siya ng piitan. Wala siyang bitbit na kahit anong sandata kaya kung sakaling may makasalubong siyang kalaban ay tiyak na dehado siya.

"Saan ka pupunta?"

Napahinto sa pag-iikot ng mata si Aziel nang marinig ang pamilyar na boses. Umalingawngaw ang tinig nito sa malawak na silid. Tumalikod si Aziel at bumungad sa kaniya ang nilalang na matagal niya nang hinahanap.

Nakasuot ito ng itim na baluti at ang ibang parte nito ay kulay lila. Ang baston nito ay nakasukbit sa kaniyang likod. Nagtubig ang mata ni Aziel dahil sa galak.

"Adam..."

Mabilis na isinara ni Aziel ang pagitan nila ni Adam. Nanatiling blangko ang mukha ng lalaki. Ilang sandali lamang ay kaagad na bumalot kay Adam ang mga braso ni Aziel kaya nagsalubong ang kilay niya. Kapansin-pansin ang pagtaas-baba ng balikat ni Aziel.

"A-Akala ko... Nawala ka na naman sa akin..."

Humiwalay si Aziel sa pagkakayakap. Basang-basa ang mukha nitong nakangiti habang nakaharap sa noon ay wala pa ring emosyon na binata. Hinawakan ni Aziel ang pisngi ni Adam at muling dumaloy ang luha sa kaniyang mata.

"Sino ka?"

May kung anong nabasag sa loob ni Aziel nang dahil sa narinig. Pinanood niya kung paano hawakan ni Adam ang kaniyang pulsuhan at marahas na inalis sa kaniyang pisngi. Bakas sa mukha ni Adam ang pagka-disgusto sa nilalang na nasa harapan niya.

"Adam... Patawad..." Nanghina ang tuhod ni Aziel habang binibigkas ang mga katagang iyon. "Patawad, sapagkat nagalit ako sa iyo. Magalit ka na lang din sa akin, pakiusap..." Halos mapaluhod na si Aziel sa panghihina dahil halata sa mukha ni Adam na hindi siya nito kilala. "Huwag mo namang iparamdam na hindi mo ako kilala..."

Umatras si Adam nang subukang lumapit ni Aziel sa kaniya. Mas lalong kumirot ang dibdib ni Aziel nang dahil doon. Napansin niyang hinugot na ni Adam ang kaniyang mga baston.

"Isa kang kalaban. Sinusubukan mo akong linlangin." Ngumisi si Adam at mabilis na nakalapit kay Aziel. Lumapat ang kaniyang baston sa braso ni Aziel kaya napapikit ang lalaki sa sakit.

Nang muling subukan ni Adam na hampasin ang lalaki, nagawa nang mahawakan ni Aziel ang baston bago pa ito tumama sa kaniya. "Adam, ano bang nangyayari sa iyo?" Muling hinawakan ni Aziel ang isa pang baston na dapat ay tatama sa kaniya. Puno ng kalituhan ang kaniyang mukha. "Adam, hinahanap ka na nila..."

Magkabilaang dulo ng baston ang hawak nilang dalawa. Malakas na sumigaw si Adam at hinila ang baston dahilan kung bakit napalapit sa kaniya si Aziel. Nang tuluyang makalapit ang lalaki ay sinipa niya ito sa tiyan dahilan upang paupo itong matumba. Agad na itinutok ni Adam ang baston sa dati niyang kaibigan.

"Ikaw ang bihag na nahuli ko kagabi." Hindi magawang intindihin ni Aziel ang sinabi ni Adam dahil nalilito at nasasaktan pa rin ito sa nangyayari. "Paano ka nakatakas sa piitan?"

"Anong nangyayari rito?"

Napatingin si Adam sa dumating. Nanatili namang nakatitig ang nagtutubig na mata ni Aziel sa kaniyang kaibigan. Bumigat ang kaniyang paghinga nang makita kung paano ngumiti ang lalaki nang makita ang dumating.

"Panginoon..." Nang magtapat sila ni Adam, kaagad itong yumuko. Nanatiling nakatitig si Aziel sa kaniya, hindi pinansin ang dumating. "May bihag na sinusubukang tumakas."

Tumingin ang bagong dating na nilalang sa lalaking nakatumba sa lupa at kumurba ang ngisi sa kaniyang labi nang makilala ito. Nakita niya ito sa panaginip niya. Sa bangungot niya.

Sa kaniyang kadiliman.

"Ganoon ba?" Marahang tumawa si Lumen at sinilip ang noon ay nakatingin lamang sa kaniya na si Adam. Gamit ang kanang kamay, hinawakan niya ang pisngi nito. Hinaplos niya ito gamit ang kaniyang hinlalaki. "Magtungo ka muna sa silid kainan. Susunod ako."

Tumango lamang si Adam. Hinintay ni Aziel na lingunin siya ng lalaki bago ito umalis ngunit hindi iyon nangyari. Pinanood niya ang likod ni Adam, sinukbit nito ang kaniyang baston sa kaniyang likod. Nanatili ang kaniyang mata kay Adam hanggang sa kainin ito ng dilim at maglaho.

"Hayop ka, anong ginawa mo sa kaniya?"

Humalakhak lamang si Lumen at lumuhod sa tabi ng nakatumba pa ring si Aziel. Wala itong lakas upang bumangon. Umiling-iling si Lumen, natatawa pa rin.

"Ako ang dapat na magtanong niyan." Nagpantay ang kanilang mga tingin. "Anong ginawa niyo sa kaniya?"

"Papatayin kita!" Ngumiwi lamang si Lumen. Mahigpit niyang hinawakan ang panga ni Aziel kaya mas lalong nagwala ang lalaki.

"Darating ang mga kasama mo. Ililigtas ka nila." Pabatong binitawan ni Lumen ang lalaki bago ngumisi. "Ngunit ang binatang iyon? Hindi nila makukuha sa akin."

Tumalim ang tingin ni Aziel sa lalaking nasa harap niya. Mahapdi ang kaniyang braso at panga ngunit hindi niya magawang intindihin iyon sapagkat nagngingitngit sa galit ang kaniyang kalooban.

"Akin siya, naiintindihan mo?" Tumayo na si Lumen at tinalikuran siya. Sinenyasan niya ang kaniyang mga kawal na ibalik sa kulungan ang tumakas na bihag.

Kahit nang maitayo si Aziel ay hindi nito inalis ang matalim na tingin sa lalaki. Gusto niya itong sugudin at saktan ngunit wala siyang magawa. Hindi rito sa sarili nitong kaharian.

"Mananatili siyang akin."

* * *

"Kailangan kong iligtas si Adam..."

"Wala kang magagawa, Galea."

Parehong napalingon si Elio at Galea sa mga nilalang na dumating. Ang mga tulisan, kasama sina Kalen, Aziel at Dylan. Sandaling napatingin si Elio kay Dylan ngunit mabilis ring iniwas. Tumikom ang bibig ni Dylan nang makaramdam ng kung ano.

"Anong sinasabi mo?" Bumakas ang inis sa tinig ni Galea nang marinig ang tinig ni Aziel.

"Nababalot ng kung anong salamangka si Adam." Sabay na napalunok si Elio at Galea sa narinig. Bumalik ang tingin ni Elio kay Adam na noon ay inihahanda na ang kaniyang mga baston. "Kaya hindi siya nakikilala ng hangin at lupa. May ginawa sa kaniya."

Napatulala si Galea, hindi maintindihan ang nangyayari. Ginagamit ng Prolus at Valthyria si Adam laban sa kanila ngunit, bakit kailangang si Adam?

Bakit sa lahat, bakit si Adam pa?

"Nakatutuwang makita silang nagtatalo." Tumawa si Kiarra at pinagkrus ang kaniyang mga braso. Mahina ring tumawa si Lumen habang pinapanood ang apat na nilalang na nasa harap ng mga mag-aaral. "Kailan ba tayo susugod?"

Tumingin si Lumen sa noon ay wala pa ring emosyon na si Adam. Nakahanda na ito, naghihintay lamang ng utos mula sa kaniya. Umikot naman ang mata ni Kiarra nang makita ang pagsilip ni Lumen sa binatang dinakip niya.

"Ihanda niyo na ang inyong sarili."

Pinutol ni Kalen ang pag-iisip nina Galea at Elio. Lahat sila ay napatingin sa kanilang harap kung saan kasalukuyang nakatayo ang hukbo ng Prolus ay Valthyria. Muling napalunok si Elio nang muling tagpuin ng kaniyang mata si Adam.

Ilang sandali na lamang ay lulubog na ang araw. Tanaw na tanaw nila ang unti-unting pag-agaw ng dilim sa kalangitan. Hinanda ni Elio ang kaniyang pana. Sabay-sabay namang pinaikot nina Galea, Aziel, Dylan, at Kalen ang kani-kanilang sandata. Sa kabilang banda, pinaikot din ni Adam ang dalawa niyang baston.

Hanggang sa tuluyan nang maggabi.

Dumating na ang hudyat ng panibagong digmaan.

"Ipagtanggol niyo ang akademiya!"

Malakas na sigawan ng mga mag-aaral ang bumuhay sa gabi. Umayos ng tayo sa kaniya-kaniyang puwesto sina Elio. Hindi niya pinansin si Dylan nang tumabi ito sa kaniya; pinanatili niya ang kaniyang mata sa mga kalaban.

"Ipakita mo na hindi ka mahina."

Ngumisi si Lumen nang makita ang seryosong mukha ni Adam habang nakatingin sa mga mag-aaral ng akademiya. Lumingon ito sa kaniya at mahinang tumango. Itinaas niya ang isa niyang baston.

"Sugod!"

Hindi na muling naging mapayapa ang Veridalia matapos ang gabing iyon.

Inasinta ni Elio ang kaniyang pana sa tatlong Valthyrian na papalapit sa kaniya. Sabay-sabay na kumawala ang mga palasong nabalot ng apoy na kaagad namang tumama sa mga kalaban. Nagpatuloy siya sa pagpana, kahit na malapit ang mga kalaban ay nagagawa niyang gamitin ang kaniyang pana.

Sinipa niya ang nasa kaliwa niya at sinipa rin ang nasa kanan. Matapos noon ay pinana niya pareho ang mga ito habang nakahandusay sa lupa. Maingay na pagsabog, pagkalansing ng espada, at mga sigawan ng mga naglalabanan ang namayani sa paligid.

Katulad ni Elio, mabilis din ang galaw ni Galea. Sa kada wasiwas niya ng espada, sumusunod ang hangin. Mabilis siyang napayuko nang padaanin ng isang Prusian ang sandata nito sa kaniyang ulo at nang makabawi, umikot siya at hiniwa ito. Napatingin naman siya sa kaniyang likod at humarap siya agad bago sinaksak ang espada sa tiyan ng kalaban.

Sinalag ni Dylan ang espada ng kalaban niya. Habang magkadikit pa rin ang kanilang sandata, umikot siya at kaagad na pinatama ang kaniyang siko sa batok ng kalaban. Binawi niya ang kaniyang espada at kaagad na hiniwa ang likod ng kalaban bago ito tuluyang matumba. Yumuko siya upang iwasan ang paghiwa ng isa pang kalaban at nang makabawi, agad niyang hinawakan ang braso ng umatake sa kaniya at hiniwa ang dibdib nito pataas.

Nagpatuloy ang labanan sa pagitan ng dalawang panig. Marami nang nakatumbang kalaban ngunit marami na rin ang napatumba nilang mag-aaral. Nanatili lamang sina Lumen at Kiarra sa likod ng digmaan, pinanonood na paslangin ng mga nilalang ng Veridalia ang isa't isa.

"Madali nating masasakop ang akademiya. Maaari nating lusubin ito. Mas magiging madali ang lahat." Suminghal si Lumen sa kahangalan ni Kiarra.

"Nasa loob ang balanse, Kiarra. Matuto kang mag-isip." Umikot lamang muli ang mata ng babae at ibinalik ang atensiyon sa digmaan.

Magkahiwalay na pinatama ni Adam ang kaniyang baston sa mukha ng dalawang mag-aaral ng akademiya. Umikot siya paharap sa dalawang mag-aaral na noon ay halatang nasaktan sa tama ng baston ng Eldrathel. Hindi na siya nagsayang ng oras at kaagad na sinundot ang sikmura ng mga ito gamit ang dulo ng baston kaya pareho silang tumalsik papalayo.

Napalingon si Adam sa kaniyang likod at natagpuan ang isang babaeng nakasuot ng puting baluting pandigma. Hinahangin pa ang kapa nito. Nakatirintas ang kaniyang buhok kaya naman hindi ito nagagalaw ng hangin. Nakababa ang sandata nito, nakatingin lamang sa kaniya.

"A-Adam..."

Hindi katulad dati na berde at kayumangging baluti ang suot ni Adam, ngayon ay itim na ito na may halong puti. Nagtubig ang mata ni Galea sapagkat nararamdaman niya ang presensiya ni Adam ngunit hindi pa rin ito makilala ng hangin.

"Bumalik ka na..."

Magka-krus na ibinaon ni Adam ang kaniyang mga baston sa lupa kaya sunod-sunod na nagsi-tubuan ang mga lupa na papunta kay Adam. Kaagad namang gumawa ng kalasag na gawa sa hangin si Galea dahilan upang hindi siya mahawakan ng lupa. Iwinasiwas niya pagilid ang kaniyang kamay kaya tumalsik ang mga tipak ng bato palayo.

Mabilis na umalis sa pagkakaluhod si Adam at tumakbo palapit sa babaeng nakasuot ng puting baluti. Tumalon siya at kaagad na pinatama ang dalawa niyang baston sa babae ngunit nagawa lamang itong salagin ng babae gamit ang kaniyang espada.

Mabilis na nahawakan ni Galea ang baston na dapat sana ay tatama sa kaniya. Sa kabilang kamay naman ay sinalag niya ang isa pang baston. Tanging pagsalag lamang sa mga atake ni Adam ang nagagawa niya dahil ayaw niyang saktan ang kapatid.

"Adam, ayaw kitang saktan. Itigil mo na ito..."

Nagliyab sa galit ang mga mata ni Adam. Kasalukuyan siyang nakaupo sa lupa matapos siyang itulak ni Galea. Sumigaw siya at sinubukang tumayo ngunit kaagad na siyang pinigilan ng hangin na nagmumula sa palad ni Galea. Hindi siya masasaktan sa kapangyarihan ng hangin, pinipigilan lamang siya nito sa paggalaw.

"Tama na, Adam." Humakbang palapit si Galea sa noon ay nahihirapang tumayo na si Adam. Hawak-hawak pa rin siya ng hangin. "Umuwi ka na — Ah!"

Kaagad na napaluhod si Galea sa lupa nang may humiwa sa kaniyang likod. Kasabay no'n ay ang pagkawala ni Adam mula sa hangin. Mabilis niyang dinampot ang kaniyang mga baston at tumabi sa humiwa kay Galea.

Nakatalikod si Galea sa kanila. Sinaksak ni Galea ang kaniyang espada sa lupa upang suportahan siya. Napangiwi siya nang humagod sa kaniyang likod ang hapdi mula sa sugat.

"Hindi niyo na siya mababawi, Helena."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top