Kabanata 12: Bihag

Bihag

Tatlong araw na ang nagdaan ngunit nananatiling mailap sa hangin ang hininga ni Adam.

Matalim na napabuga ng hangin si Galea at iminulat ang kaniyang mga mata. Kasalukuyan siyang nakaupo sa lupa habang magkakrus ang kaniyang binti. Katulad ng mga nagdaang araw ay ginagamit niya ang nalalaman ng hangin upang hanapin ang nawawala niyang kapatid ngunit sa bawat araw na lumilipas ay kabiguan lamang ang natatanggap niya.

Hindi siya nawalan ng pag-asa. Baka isang araw ay may ulat na ang hangin.

"Nabanggit sa akin ng mga mag-aaral mo na ilang araw ka nang hindi pumapasok sa klase." Napabuntong-hininga si Galea nang nangibabaw ang tinig ng isang pamilyar na nilalang.

Paano niya ba ako nahanap?

Muling ipinikit ni Galea ang kaniyang mga mata nang maramdamang umupo sa kaniyang tabi ang nilalang na kadarating lamang at ginaya ang kaniyang puwesto. Batid niya na ang mga salitang bibitawan nito.

"Hindi tumitigil ang mundo para sa isang nilalang lamang, Galea."

Nang magmulat muli ng mata si Galea, naramdaman niya ang pag-apoy ng kaniyang puso dahil sa galit mula sa narinig. Hindi niya nilingon ang babaeng katabi ngunit naging sapat ang malakas na pag-ihip ng hangin upang ipabatid sa nilalang na katabi niya na hindi niya kailangan ang mga salitang lumabas at lalabas pa lamang sa bibig nito.

"Huwag mo akong simulan, Avis." Ngumisi ang patnubay ng kasaysayan.

"Hindi mo maaaring abandonahin ang mga mag-aaral na umaasa sa kaalamang makukuha nila mula sa iyo para lamang sayangin mo ang iyong oras sa paghahanap sa nilalang na hindi tayo sigurado kung—"

"Ituloy mo ang sasabihin mo at sisiguraduhin kong ipagkakait ko sa iyo ang hangin." Lumabas mula sa palad ni Galea ang bola ng hangin. Napatingin doon si Avis at napabuntong-hininga.

"Galea..." Tumingin sa malayo si Avis. "Naging mag-aaral ko si Adam. Nakilala ko ang batang iyon." Inipit niya ang buhok niyang nililipad ng malakas na hangin sa kaniyang tainga. "Kung may kakayahan siyang bumalik, babalik siya."

Hindi nakatulong ang mga salita ni Avis. Pinalalala lamang nito ang mga masamang ideya ni Galea. Parang ipinararating nito na dahil hindi bumalik si Adam, ibig sabihin nito ay wala na itong kakayahang bumalik.

"Hindi pa patay si Adam, Avis..."

May kung anong tumusok sa dibdib ni Galea nang banggitin ang mga katagang iyon. Parang siya na lamang ang naniniwala at sumusubok na hanapin ang binatang nawawala. Nanubig ang kaniyang mga mata ngunit kaagad siyang lumunok at pinigilan ang mga iyon na dumaloy.

"Hindi siya maaaring mamatay..."

* * *

"Tuluyan na akong gumaling!"

Tumalon-talon pa sa kama si Elio upang ipakita kay Dylan na maayos na ang kaniyang kalagayan. Nanatili naman ang malamig na ekspresyon ng lalaki, kumamot pa ito sa likod ng kaniyang ulo nang paupong binagsak ni Elio ang kaniyang sarili.

"Kailangan ako sa akademiya, Dylan." Malalim ang hiningang pinakawalan ni Elio. Ipinatong niya sa kaniyang hita ang mga palad niya. "Hindi ko alam ang nangyayari sa akademiya ngunit kataka-takang hindi man lang ako binisita ni Adam dito."

Naramdaman ni Elio ang pagkurot sa kaniyang puso nang banggitin ang pangalan ng kaibigan. Simula nang magkamalay siya'y ni-isang beses ay hindi siya binisita ni Adam, o ni Galea. Tanging si Diego lamang at Dylan ang pumapasok sa kaniyang silid. Liban na lamang kay Ginang Kora.

"Pumupunta ako sa akademiya at maayos ang lahat."

Nakaramdam ng habag si Dylan kay Elio habang pinagmamasdan itong paglaruan ang daliri niya. Tiyak niyang labis itong nasasaktan sapagkat ang iniisip nito ay kinalimutan siya ni Adam. Ngunit walang katotohanan ang mga nasa isip niya.

Hindi makadalaw si Adam kasi hindi pa rin ito nahahanap.

Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit hindi pa maaaring bumalik sa akademiya si Elio. Batid ni Dylan kung gaano kapusok ang binata kaya sa sandaling malaman niya na ilang araw nang nawawala ang kaniyang kaibigan, hindi ito magdadalawang isip na ilagay na naman sa panganib ang kaniyang sarili.

"Bakit ganoon?" Napabalik si Dylan sa kaniyang sarili at kaagad na napatingin kay Elio. Naramdaman niya ang pag-alon ng kakaibang pakiramdam sa kaniyang dibdib nang masalubong ang mga malulungkot na kulay kahel na mata ni Elio. "Pakiramdam ko may inililihim ka sa akin."

Ayaw ni Elio na masira ang tiwala niya kay Dylan ngunit, dahil sa ginagawa nitong pagharang sa plano niyang makabalik sa akademiya, hindi niya maiwasang mangamba.

"Elio..."

"Pero, maniniwala pa rin ako sa iyo, Dylan." Tipid na ngumiti ang lalaki na kaagad namang ikinatunaw ni Dylan. "Maniniwala pa rin ako sa iyo..."

Napipilitang lumabas si Dylan sa silid nang magsabi si Elio na kailangan niya nang magpahinga. Lumabas siya sa kubo at sumalubong sa kaniya si Galea na noon ay kausap ang pinunong babaylan na si Ginang Kora.

"Nakikilala siya ng kalikasan, Galea. Buhay pa ang kapatid mo."

Lumapit si Dylan kay Galea. Hindi pa rin nito makalimutan ang ginawa niyang paglusob sa kanilang kampo ngunit habang tumatagal ay nauunawaan niya na ang ginawa ni Galea.

"Maiwan ko muna kayong dalawa." Mabilis na umalis ang ginang kaya't naiwan si Dylan at Galea.

"Kumusta na siya?" Tumiim ang bagang ni Dylan at mariing napatitig sa babae.

"Galea..." Nagsalubong lamang ang kilay ng babae. "Huwag mo muna siyang idamay."

Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit hindi nagagawang bisitahin ni Galea si Elio; batid ni Dylan na sa sandaling magtagpo ang dalawa habang wala pa sa matinong pag-iisip si Galea, sasabihin niya ang lahat kay Elio. Kailangan niya munang ibalik ang kaniyang sarili bago niya malapitan si Elio.

"Hindi niya ikatutuwa kapag nalaman niyang inilihim mo ang pagkawala ng kaniyang kaibigan, Dylan." Ikinuyom ng lalaki ang kaniyang palad.

"Ginagawa ko ito upang protektahan siya." Hindi niya hahayaang mapahamak muli si Elio. "Ilang beses na siyang nalagay sa panganib dahil sa kapatid mo."

Umalingawngaw ang malutong na pagtama ng palad ni Galea sa pisngi ni Dylan. Napadila si Dylan sa labi niyang nagdugo dahil sa lakas ng pagsampal ng babae.

"Hindi isang estregar ang kapatid ko." Madiin ang bawat pagbigkas ni Galea sa mga katagang iyon. Huminga nang malalim ang babae. "Sana lamang ay hindi ka kamuhian ni Elio kapag nalaman niya ang katotohanan."

Estregar — "panganib"

* * *

"Sunod-sunod ang pag-atake ng Valthyria sa mga maliliit na pamayanan ng Veridalia."

Nanatiling nakatingin sa malayo si Aziel, hindi narinig ang mga katagang binitawan ni Kalen. Lumilipad ang isip niya sa mga lugar na maaaring puntahan ni Adam. Ilang araw na ang lumipas ngunit hindi na muling nakarinig ng balita si Aziel tungkol sa binata.

Napansin naman ni Kalen na hindi nakikinig sa kaniya ang kaniyang kausap kaya sumimangot ito. Pumitik pa siya sa harap nito kaya naman bumalik ito sa kaniyang sarili at sinamaan siya ng tingin.

"Bakit ka ba nanggugulo?"

"Bakit ako? Valthyria ang pumupuntirya sa mas maliliit na komunidad." Umikot lamang ang mata ni Aziel sa naging depensa ng nilalang na may berdeng buhok.

Hindi alam ni Aziel kung ano ang mga susunod na hakbang ng dalawang kaharian ngunit, dahil naging abala ang kaniyang isip kay Adam ay tila nawalan siya ng interes na alamin ang mga plano ng dalawang kababalik lamang na kaharian.

Kinagabihan ay umalis ng kampo si Aziel at nilakbay ang gubat. Suot-suot ang kulay abong balabal, isinukbit niya ang kaniyang espada sa kaniyang tagiliran at nilisan ang kampo upang subukang hanapin si Adam.

Hindi niya batid kung saan siya magsisimulang maghanap. Iniluhod niya ang kanang tuhod niya at inilapat ang kaniyang palad sa lupa, sinusubukang humingi ng tulong ngunit walang ibinigay na sagot ang lupa sa kaniya.

Katulad ng hangin ay wala ring alam ang lupa.

Nagpatuloy lamang sa paglalakbay si Aziel hanggang sa matagpuan niya ang kaniyang sarili na nasa loob na ng kaharian ng Valthyria. Nakatago siya sa isang bato na may nakaukit na simbolo ng Valthyria. Tiningala niya ang malaking kastilyo ng Valthyria hindi kalayuan sa kaniyang puwesto.

Nanlaki ang kaniyang mata at bahagyang nagtago sa likod ng bato nang makita ang mga nilalang na naka-itim na baluting nagma-martsa. Sa kanilang tabi ay ang mga nakagapos na bihag mula sa iba't ibang pamayanan.

Ito marahil ang tinutukoy ni Kalen na pinagkakaabalahan ng kaharian ng kadiliman. Ang pagbuo ng alyansa sa pamamagitan ng dahas.

Hinugot ni Aziel ang kaniyang espada at lumabas sa pinagtataguan. Napatingin sa kaniya ang apat na Valthyrian kaya kaagad niyang pinaikot sa kaniyang kamay ang espada.

"Pakawalan niyo sila." Hindi nakinig ang mga ito dahilan upang mapangisi si Aziel.

Sinugod siya ng apat. Kaagad na umalingawngaw ang tunog ng mga bakal na nagsasalpukan nang salagin ni Aziel ang espada ng unang nakalapit sa kaniya. Gamit ang kaniyang sandata ay tinulak niya ang espadang kaniyang sinalag at kaagad na hiniwa nang dalawang beses ang kalaban.

Umikot siya at kaagad na sinipa sa gilid ng ulo ang pangalawa kaya natumba ito. Sabay namang humampas ang dalawang natitira pa na parehong sinalag lamang ni Aziel. Tinulak niyang muli ang mga sandata nila bago sila isahang hiniwa.

Mabilis niyang naubos ang vivar kaya naman tiningnan niya ang mga bihag na noon ay nanginginig sa takot. Linapitan niya ang mga ito at isa-isang kinalagan ang tali.

"Tumakas na kayo." Mabilis na tumakbo ang mga bihag palayo.

Bumuntong-hininga si Aziel at muling umangat ang tingin sa palasyo ng Valthyria. Madilim ito ngunit may iilang liwanag mula sa matitingkad na liwanag na kulay lila. Kamangha-manghang pagmasdan ang kahariang ito.

"Ah!"

Naglaho ang ngiti sa mukha ni Aziel at kaagad tumumba sa lupa nang maramdaman ang malakas na pagtama ng kahoy sa kaniyang ulo. Hindi niya na nagawa pang malaman kung sino ang may kagagawan dahil agad siyang nawalan ng ulirat.

* * *

"Pinuno, may masamang balita."

Mula sa mariing pagkakatitig sa lugar kung saan kanina nakatayo si Galea, bumaling ang tingin ni Dylan sa kaniyang kasamahan na noon ay humahangos. Nagsalubong ang kaniyang kilay, bahagyang kinabahan sa balitang iu-ulat ng kaniyang kasamahan.

"Magsalita ka." Inudyok ni Dylan ang kasamahan.

"Si Pinunong Atticus... Umalis siya kagabi at ngayon..." Napalunok ang nag-uulat, nanuyo ang lalamunan nito dahil sa balitang isisiwalat niya. "Bihag siya ng Valthyria."

Parang isang bombang sumabog ang balitang iyon.

Nagmamadaling bumalik sa kubo si Dylan upang magpaalam sana kay Elio ngunit bumungad sa kaniya ang walang laman na silid. Bumuka ang kaniyang bibig at kaagad na napatingin sa nakabukas na bintana ng silid.

Napamura siya.

Ang kapangyarihan ni Galea sa tunog.

Binalot ng kaba si Dylan. Hindi niya alam kung alin ang dahilan. Kung dahil ba sa nabihag ng kalaban ang kaniyang kasamahan.

O dahil alam na ni Elio ang katotohanan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top