Kabanata 1: Ignisreach
Ignisreach
"Hindi ka ba talaga babalik sa Verdantia?"
Kasalukuyang nag-aayos si Elio ng kaniyang mga gamit. Nagbigay ang akademiya ng isang linggo upang umuwi sa kaniya-kaniyang bansa ang mga mag-aaral. Ngayon ang araw ng alis ng mga mag-aaral, ngunit si Adam ay hindi kumikilos.
Sinilip ni Elio si Adam at nakitang nakahiga itong muli sa kaniyang higaan, nakaharang pa ang isang braso sa nakapikit nitong mga mata. Bumuga ng hangin si Elio at naupo sa kaniyang kama.
"Wala pa akong dahilan upang bumalik." Naramdaman ni Elio na bumangon ang lalaki mula sa pagkakahiga. Tiningnan ni Adam si Elio na noon ay nakaupo lang sa dulo ng kama. "Hindi ko alam kung... kaya kong makita ang kalagayan ng bansang pinanggalingan ko."
Bumigat ang kaniyang dibdib. Totoo ang kaniyang sinabi. Mula noong bumagsak ang Verdantia, hindi na niya muling ninais na bumalik sa bansang iyon. Noong una ay dahil sa poot at pagka-disgusto sa sarili niyang bansa, ngunit nang sumabog ang balitang watak-watak na ang komunidad ng Verdantia, naisip niya lamang na wala na siyang dahilan upang bumalik pa.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Elio kaya muli siyang humilata sa higaan at ipinikit ang mga mata. Tumayo na si Elio at pinagpatuloy ang pag-aayos ng gamit. Si Galea ay nagsabing uuwi siya sa Nimbusia sapagkat may ipagdiriwang silang pista.
Sa loob ng tatlong taon, parating naiiwan si Adam sa akademiya. Dumadaan ang kaniyang araw sa paghihintay lamang na dumating ang kaniyang mga kaibigan. Hindi naman siya nag-iisa sapagkat may mga nilalang na tulad niyang walang dahilan upang bumalik sa sari-sarili nilang mga bansa.
Isang linggo lang naman siyang mag-isa, hindi naman masama.
"Adam, gusto mo bang sumama sa akin pauwi sa Ignisreach?"
Hindi alam ni Elio kung bakit niya tinanong ang bagay na iyon sa lalaki. Ayaw niya na rin kasing makita ang malungkot na mata nito sa tuwing pinapanood niya sila na lumabas ng akademiya. Wala namang batas na nagbabawal sa pagpasok ng mga taga-ibang bansa sa Ignisreach kaya kung papayag si Adam, maidadala niya ito sa kaniyang bansa.
Mabilis namang napabangon si Adam sa narinig. Tiningnan niya si Elio na noon ay seryoso ring nakatingin sa kaniya, naghihintay ng kasagutan. Napalunok siya saka dahan-dahang napangiti.
Matagal na niyang gustong pumunta sa pinaka-maliwanag na bayan sa Veridalia. Nang makita ni Elio ang reaksyon ni Adam, hindi niya maiwasang matawa. Sa reaksyon pa lamang ng lalaki ay alam kaagad nito ang sagot.
Nagpasama si Adam sa kaniyang dormitoryo. Ilang beses mang tumanggi si Elio ay wala na rin siyang nagawa. Sa loob ng tatlong taon ay ilang beses pa lamang nakapasok sa loob ng silid ni Adam si Elio. Sa sandaling lumabas na siya ng silid ay may hawak-hawak na siyang abo ng halaman.
Ito ang kahinaan ni Elio. Hindi niya pa nak-kontrol nang maayos ang enerhiya ng kaniyang apoy. Lalong-lalo na sa mga halaman. Ito ang binigyang pansin niyang aralin sapagkat kapag patuloy siyang makakasunog ng halaman ni Adam, mag-aaway na talaga sila.
"Elio, nakalimutan ko 'yong tuwalya. Paabot."
Agad itinago ni Elio sa kaniyang likuran ang abo ng isang bulaklak at kinakabahang ngumiti sa lalaking sumilip mula sa banyo. Kumunot naman ang noo ni Adam ngunit hindi niya na lamang ito pinansin.
Kumilos si Elio at iniabot ang tuwalya sa lalaki saka bumalik sa kama. Ilang beses niya nang sinabi sa kaniyang sarili na hindi na siya lalapit sa mga halaman ni Adam ngunit kay ganda talaga nila.
"Nakasunog ka na naman ng bulaklak?" Nanlaki ang mata ni Elio nang tatawa-tawang lumabas si Adam sa banyo.
Napamaang ang kaniyang bibig dahil nahirapan siyang itago ang bagay na 'yon sa loob ng ilang taon tapos malalaman niyang alam naman pala ni Adam ang pinaggagawa niya?
"Kaya ba ayaw na ayaw mo sa silid ko?" Ngumisi si Adam at tumayo sa harap ng nakaupong si Elio. Kasalukuyan siyang nagpapatuyo ng buhok.
"Hindi, ah! Masyado lang talagang malamig sa silid mo, hindi ako komportable." Nagawang sabihin ni Elio ang mga bagay na 'yon nang hindi nauutal. Parang hindi siya nagsisinungaling.
"Elio..." Hinawakan siya ni Adam sa balikat at bahagyang yumuko. "Nasa lugar ka ng mga taga-lupa. Mauuna ka pang mapaligiran ng halaman bago mo ito matupok. Huwag kang matakot."
"S-Sinong nagsabing natatakot ako sa mga halaman mo?" Binitawan siya ni Adam saka muling bumalik sa pagtawa. "Kayang-kaya ko sunugin 'yang mga 'yan!" Ngumisi lang ang lalaki bago kinuha ang mga gamit nila.
"Aalis na tayo." Padabog na tumayo si Elio sa kama at mabilis na lumabas ng silid. Nagpatuloy sa pagtawa si Adam habang sinusundan ang lalaki. "Ang gamit mo! Mabigat!"
"Ipabuhat mo sa halaman!" Mas lalong lumakas ang tawa niya sa naging sagot ng lalaki.
Naunang makarating si Elio sa mga kabayo. Agad siyang lumulan sa kabayong gagamitin niya sa paglalakbay at hinintay so Adam na makarating. Hindi niya na tinulungan ang lalaki sa pagbubuhat dahil mukhang kaya naman na nito.
Kahit naman hindi nito kaya, hindi niya pa rin ito tutulungan dahil pinagkatuwaan siya nito.
Isinakay ni Adam ang gamit ni Elio sa kabayong sinasakyan nito habang tinitingnan ang lalaki na noon ay seryoso lang ang tingin sa malayo. Napangiti siya at lumapit sa kabayong gagamitin niya. Isinakay niya rin ang kaniyang gamit bago siya lumulan. Muli niyang tinanaw si Elio at nakitang nakasimangot itong nakatingin sa kaniya.
Tumaas ang kilay ni Elio nang ngumiti sa kaniya si Adam. Inikot niya lamang ang kaniyang mata bago pinalakad ang kabayong sinasakyan niya. "Mahaba-habang paglalakbay ang ating gagawin. Hindi malapit ang Ignisreach sa akademiya."
Wala siyang narinig na sagot sa lalaki. Nang lingunin niya ito ay nakasunod lamang ito sa kaniya. Nang makitang nakatingin si Elio, mabilis niya itong pinantayan kaya sabay na ang paglakad ng kanilang mga kabayo.
"Hindi ba ako aawayin sa bansa niyo?"
Ang kuwento kasi ng mga nakatatanda sa Verdantia tungkol sa Ignisreach ay hindi raw makatao ang mga tao roon sa bansang iyon. Masusungit at katulad ng apoy, nakasusunog din ang kanilang pag-uugali. Pero no'ng makilala naman ni Adam si Elio, parang hindi naman totoo ang mga kuwento.
Ang totoo lang ay 'yong masungit ang mga Pyralian.
"Bakit ka naman nila aawayin?" Bahagyang natawa si Elio sa pangamba ni Adam. "Hindi gawain ng mga Pyralian na gumawa ng gulo nang walang dahilan."
Natahimik si Adam sa naging sagot ni Elio. Hindi na nasundan ang kanilang pag-uusap. Hindi masyadong magubat ang daan patungo sa Ignisreach. Ngunit nasa baba ito. Ang Sahadra kasi ay nasa bundok, kaya nasa bundok din ang Veridalia Academy, katulad ng Avanza, Nimbusia, at Prolus. Mas mababa ang lugar ng mga Pyralian kaya kinailangang bumaba ng dalawa sa bundok.
"Ganito pala sa ibaba ng akademiya..."
Malawak ang ngiti ni Adam habang inililibot ang mata sa paligid. Nililipad ng hangin ang buhok nito. Napangiti si Elio habang nakatingin sa masayang ekspresyon ng kaibigan.
Nasa malawak silang parang. Maraming nakapastol na tupa rito. Hindi gaanong makapal ang mga damo at may iilang puno lamang. Halos wala itong pinagkaiba sa bansang Verdantia noong mga panahong hindi pa ito disyerto ng tuyong lupa.
"Nasa Ignisreach na ba tayo?" Hindi pamilyar si Adam sa lugar kaya hindi niya malaman kung nakarating na ba sila.
Hindi nawala ang ngiti sa labi ni Elio nang umiling ito. "Tatawid pa tayo sa Keanu." Bumuka ang bibig ni Adam dahil sa pagkamangha.
Ang Keanu ang tinuturing na pangalawa sa pinakamahabang tulay sa buong Veridalia. Alam ni Adam ang tungkol dito ngunit hindi niya alam na madadaanan pala nila ito.
"Ang unang lupang maaapakan natin sa sandaling malampasan natin ang tulay ay parte na ng aming bansa."
Nagpatuloy lamang sila sa paglalakbay hanggang sa matanaw na nila parehas ang tulay na Keanu. Naging daan ang tulay na ito upang magkaroon pa rin ng koneksyon ang Ignisreach sa Veridalia Academy sa kabila ng dagat. Deretsuhan ang tulay na ito at aabutin ng isa pang oras bago matawid ang dagat.
Madaming tanong na itinanong si Adam kay Elio habang nasa gitna sila ng paglalakbay. Kalimitan ay tungkol lamang sa bayang pinanggalingan ng lalaki. Matiyaga naman siyang sinasagot ni Elio; pinagmamalaki pa ang mga lugar na magandang pasyalan sa bansa.
"No'ng nakaraang buwan ay nagdiwang ang Ignisreach ng Sario." Napatingin si Elio kay Adam habang nakangiti. Bumakas naman sa mukha ng lalaki ang pagtataka.
"Ano 'yon?" Tumawa si Elio.
"Taunang selebrasyon iyon ng mga Pyralian bilang pasasalamat sa mga diwata ng apoy." Muli na naman bumalatay ang pagkamangha sa mukha ni Adam. Mayroon ring mga ganitong selebrasyon ang Verdantia para sa gabay nilang engkanto.
"Ibig sabihin, umuwi ang Sylpari ng apoy?"
Tumango si Elio sa naging tanong ni Adam. Kailangan siya sa bansa kapag pinagdiriwang ang pistang 'yon sapagkat siya lamang ang may kakayahang kumausap sa mga diwata. Kailangan siya upang ipabatid ang pasasalamat ng mamamayan ng Ignisreach.
"Malapit na tayo sa Ignisreach, Adam." Mukhang hindi nagbibiro si Adam sapagkat naramdaman niya ang init na dumadaloy sa lugar. Totoo nga; malapit na sila sa Ignisreach.
Nakalampas na sila ng Keanu at pinagpatuloy nila ang paglalakbay. Hindi nagtagal, pareho na nilang natanaw ang mataas na bakod ng bansa. Bumilog ang mata ni Adam sa pagkamangha. Gawa sa kulay puting pinagpatong-patong na laryo ang mataas na bakod. Natatanaw niya pa ang mga maliliit na gusali sa taas ng bakod; doon nananatili ang mga nagbabantay. Kulay pula ang kanilang bubong.
"Maligayang pagdating sa Ignisreach!"
Ngumiti si Elio sa bantay na bumati sa kanila. Sandaling napatingin ang bantay kay Adam kaya bahagyang natakot ang lalaki. Nakita naman ni Elio ang reaksyon ni Adam kaya natawa siya at tinapik ang balikat nito.
"Kumalma ka. Hindi ka nila sasaktan." Kasabay ng mga salitang iyon ay ang pagbubukas ng tarangkahan ng bansa upang papasukin sila.
Tuluyan na silang nakapasok sa loob. Muling namangha si Adam sa nakikita sa loob. Halos magkakatabi ang mga bahay na naririto, at halatang moderno ang kanilang pamumuhay base sa disenyo ng mga bahay nila. Hindi nakagugulat na lahat halos ng bubong ng mga tahanan ay pula.
Napansin ni Elio ang galak sa mukha ni Adam kaya lihim siyang napangiti. Matapos ang huling digmaan, ngayon na lamang niya nakitang ganito kasaya ang lalaki.
Hindi pa rin makapaniwala si Adam. Nandito na talaga siya.
Narating na niya ang pinakamaliwanag na bayan sa Veridalia.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top