Prologue

"Sari, abutin mo. Sige at makukuha mo din iyan." Sambit ni Emil habang tinatanaw ang kanyang anak na tumatalon sa ilalim ng puno.

"Tay, hindi ko maabot. Masyadong mataas." Bakas sa mukha ng batang babae ang hirap habang pilit na inaabot ang kanyang eroplanong papel na naipit sa mga sangay.

"Gawan mo ng paraan, Sari. Paano na lang kung wala na ako? Paano ka na niyan?" Ngumisi si Emil ngunit agaran ding lumapit sa kanyang anak at binuhat ito sakanyang balikat.

"Eh nandito ka naman, Tay. Alam kong lagi mo akong tutulungan." Ngumiti pabalik ang batang babae.

Kitang kita ang pagkakahawig ng dalawa. Kayumangging balat, mapupulang pisngi at mga labi. Hindi maitatanggi na tunay nga silang mag-ama.

"Hindi sa lahat ng oras ay nandito ako, Sari. Dadating ang panahon at maiiwan kang mag-isa. Pag dumating ang araw na 'yon, maging matatag ka. Mahal na mahal ko kayo ng nanay mo." Aniya.

Dahan dahang ibinaba ni Emil ang kanyang anak mula sa kanyang balikat at tila makikita sa mata ng bata ang tuwa dahil hawak na niya ulit ang eroplanong papel.

"Tay, hindi ko na ito bibitawan." Ngumiti ito at lumingon sa kanyang likuran ngunit hindi na niya nakita ang kanyang ama. Tila naglaho na parang isang bula.

"Tay? Tatay, asan ka?" Unti unting nagbago ang ekspresyon ng batang babae at ang ngiting suot niya kanina lamang ay napalitan ng luha.

Nabitawan niya na rin ang eroplanong papel ngunit wala na siyang pakialam do'n. Ang mahalaga ay makita niya ang kanyang ama.

"Tay. Tatay! Tay Emil—" Nagising si Sari ng may mahulog na niyog sa kanyang kinauupan.

Mabuti nalang at hindi ito tumama sakanya.

Rinig ang pag-agos ng alon mula sa dagat. Ang simoy ng hangin ay malamig na tumatama sa balat ni Sari habang nakasandal sa ilalim ng puno. Inaalala ang imahe ng yumaong ama sa kanyang alaala.

"Napanaginipan nanaman kita, Tay." Ngumiti ito ng tipid at hinawi ang kulot niyang buhok sa kanyang tainga.

Hapon na kaya makikita ang paglubog ng araw sa likod ng karagatan. Dahil dito, nagtagal pa ang dalaga sa puwesto niya habang pinapanuod ang kagandahan ng lugar nila.

Payapa at tahimik. Isa sa mga pinaka gusto niya.

Pumikit si Sari at pinakiramdaman ang kapaligiran ngunit mayamaya lang ay may biglang pagpatak ng ambon.

Mukhang uulan pa yata ng malakas kaya't tumayo na ang dalaga at ipinagpag ang banig na kanyang inupuan.

"Makapasok na nga sa bahay."

Niligpit niya na rin ang librong binabasa niya bago siya makatulog. Ang libro ng sikolohiya. Ito ang kinuha niyang kurso sa kolehiyo at ngayon pa lamang, alam na niyang mahirap ang pinasok niyang larangan.

Tumakbo si Sari pauwi sakanilang bahay, hindi alintana ang paglubog ng kanyang paa sa nababasang buhangin.

Sa pagtakbo ng dalaga mababakas ang pagiging mahinhin kabaliktaran ng kanyang nakababatang kapatid na si Sadie.

"Ate! Bilisan mo at may tumutulo nanaman sa kisame. Sabi mo inayos mona 'yon kahapon, baka mabasa mga sketch ko." Sigaw ni Sadie habang sumesenyas sa kamay.

Trese lamang ito ngunit sa pisikal na itsura nito ay hindi mo aakalaing bata pa ito.

Tulad ni Sari, may hugis na agad ang katawan nito marahil ay nakuha nila kay Veron, ang kanilang ina.

"Sadie. Itabi mo muna kasi 'yan. At saka hindi ba't assignments mo dapat ang inaatupag mo? Nakausap ko ang teacher mo at sinabing lagi ka raw maingay sa klase." Pinanliitan ng mata ni Sari ang kanyang kapatid at inasar habang naglalagay ng timba sa tapat ng kisameng pasira na.

Ang bahay nila ay hindi sementado. Tulad ng karamihan sa kanilang lugar, gawa lang din sa kahoy at kubo ang bahay nila ngunit para kay Sari, hindi niya ito ipagpapalit sa kahit anong bagay dahil dito nila huling nakasama ang kanilang tatay.

"Uy, Ate! Bibig mo naman. Marinig ka ni nanay, pagagalitan ako no'n!" Kita sa mukha ni Sadie ang kaba habang nanlalaki ang mata.

Tanaw ang pagkakahawig ng magkapatid, ang pinagkaiba lamang ay ang buhok at kulay nila. Si Sadie ay unat at hanggang balikat ang haba ng buhok at mas maputi ng kaunti kay Sari.

"Ito naman. Biro lang eh!" Ginulo ni Sari ang buhok ng kapatid at inakbayan habang nakangiti.

"Ang ganda nito ah. Si Tatay ba 'yan?" Pinagmasdan ni Sari ang drawing.

Mangha sa kanyang kapatid dahil kuhang kuha ang bawat detalye ng kanilang ama pati ang ngiti nito na tulad ng sakanila.

"Hindi ba dapat mas alam mo dahil nakita at nakasama mo siya." Tipid na salita ni Sadie dahil hindi niya naabutan ang kanyang Tatay Emil.

Namatay kasi ito bago pa siya maipanganak ni Veron.

"Ano ka ba, Sadie. Kahit hindi mo nakita si Tatay, alam ko mahal na mahal ka rin no'n. Parati ka nga niyang kinakausap sa tiyan ni Nanay." Sinuklay ni Sari ang buhok ng kapatid habang nakasandal ang ulo nito sakanyang balikat.

Nagulat na lamang ang dalawa ng may ingay silang narinig sa kusina kaya't mabilis silang tumakbo papunta doon at nadatnan si Veron na umiiyak habang nakaupong pinupulot ang mga basag na piraso ng mug ng kanyang asawa.

"Nahulog.. Dumulas sa kamay ko.. Gusto ko lang naman gamitin ang basong pinag-iinuman ni Emil. Namimiss ko na ang tatay niyo. Hanggang ngayon sariwa padin ang sakit, parang kahapon lang kasama ko siyang bumuo ng pamilya, ngayon mag-isa na lang ako kasama ang anak naming dalawa. May pangako pa kami sa isa't isa. Pero wala na, hindi na matutuloy. Wala na si Emil. Wala na ang tatay niyo!" Tuloy-tuloy ang pagsasalita ni Veron habang humahagulgol sa sahig, bakas ang paghihinagpis sa pagkawala ng asawa.

Ganito ang kadalasang eksena sa bahay nila Sari. Hindi nila maawat sa pag-iyak ang kanilang nanay kaya't yinakap na lamang nila ito at pinakalma.

Gawa ng bigat na nararamdaman ng kanilang ina hindi na rin napigilang ng magkapatid na lumuha.

"Nay, tahan na. Ako din, miss na miss ko na rin si Tatay." Pinipilit magpakatatag ni Sari sa harap ng ina at kapatid niya ngunit kahit siya ay hindi makakatakas sa lungkot na nadarama.

Nang mawala ang tatay nila ay tila bumaliktad ang buong mundo ngunit wala silang ibang pagpipilian kundi tumuloy sa takbo ng buhay.

Unti-unti ay bumigat ang paghinga ni Veron.

"Anak.. Hindi ako makahinga. Hindi ako makahinga!"

Halos habulin niya ang kanyang hininga habang pinapalo ang kanyang dibdib. Namuti ang kanyang labi at unti unting bumagsak kay Sari.

"Nay.. Nay! Dumilat ka, Nay!!" Sigaw ni Sari habang inaalog ang ina sa kanyang bisig.

Ang ina at kapatid na lamang niya ang natitira sakanya at hindi niya kakayanin kung pati ang ina nila ay mawala pa sakanya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top