Chapter 9
Nahinto ako ng saglit. Nakatanaw kay Ithuriel mula sa malayo habang pinapanuod siya kasama ang isang baka. Ito ba ang sinasabi ni Aling Celine na alaga niya?
Lumunok muna ako bago ginalaw ang mga paa ko saka tuluyang lumapit sakanya.
"Ithuriel." Tawag ko.
Lumingon ito agad at bakas sa mukha nito ang pagkagulat ng makita ako sa harapan niya.
Sandali siyang napatitig sa mukha ko saka nagbaba ng tingin sa t-shirt kong suot. Bigla naman itong umiwas ng tingin at pinakain ang baka na katabi niya.
Kahit anong anggulo talaga ay masasabi kong napaka perpekto ng mukha niya.
"Ayos na pakiramdam mo." Bulong nito kaya hindi ko alam kung patanong ba 'yun o hindi.
Tuloy pa rin siya sa pagpapakain ng baka at para bang wala lang ako sa harapan niya.
"S-salamat pala. Sinabi kasi saakin ni Aling Celine na ikaw daw ang nagdala sa'kin pauwi." Hindi ko alam kung ano na ang sunod kong sasabihin. Dapat ay umalis na 'ko 'di ba? Nakapagpasalamat na ako.
Tumingin ulit siya saakin at nagbasa pa ng labi bago sumagot.
"Wala 'yun." Pagtapos ay tuluyan na siyang yumukod, pinapanatiling abala ang sarili.
Ang tahimik ng paligid. Tanging pagnguya lamang ng baka ang ingay sa pagitan naming dalawa.
Ano ba 'tong eksenang 'to? Ang hirap dalhin.
"A-ah sige. Mauna na ako. Salamat ulit." Halos mamula ang pisngi ko sa hiya dahil sobrang hindi ko na alam ang gagawin sa harap niya.
At kung umasta naman kasi siya ay parang hindi niya ako hinatid sa bahay kagabi. O baka di niya siguro maalala dahil sa lambanog na nasa sistema niya ng gabing iyon.
Bago pa ako tuluyang makahakbang paalis ay may tumawag sa pangalan ko.
"Sari!" Nakita ko si Matias na papalapit saamin.
Hindi tulad ni Ithuriel, ang isang to ay malawak ang ngiti. Mula naman sa gilid ko ay napansin kong napatayo si Ithuriel.
"Anong ginagawa mo dito?" Tanong nito saka lumipat ang tingin kay Ithuriel na nakatingin lamang din sakanya.
"A-ah wala. Paalis na rin ako." Sagot ko at sumenyas na bababa na ako saamin.
Naalala ko bigla ang sinabi saakin ni Ithuriel na huwag daw akong lumapit sa kapatid niya. Hindi ko alam kung bakit pero parang may nagsasabi saakin na sundin siya.
"Huwag muna. Samahan mo muna kami dito." Ngisi niya sabay lipat ng tingin kay Ithuriel na ngayon ay nag-iigting ang panga.
"Eh baka kasi hanap na—" Hindi ko pa natatapos ang sinasabi ko at hinila ni Matias ang kamay ko, hinatak papalapit sakanya.
Lumipad ang tingin ni Ithuriel sa kamay ko na hawak ni Matias. Hindi natitinag.
"Dito ka muna, Sari. Tulungan natin si Ithuriel magpakain ng baka niya." Tumawa ito at mukhang nang-aasar pa.
Inalis ko ang kamay ko sa kamay ni Matias, agad-agad na para bang ayokong makita ni Ithuriel iyon.
"Ahm, mauna na ako." Tumalikod na ako sakanila ngunit makulit itong si Matias at ayaw pa rin akong pakawalan.
Nabigla naman ako ng iharap niya ako sakanya, hawak ang magkabilang balikat ko. Ang lapit niya masyado.
"Ang cute mo talaga, Sari." Sabay hawi niya sa buhok ko. Ilang sandali pa ay binitawan niya rin ako.
Namumula ang pisngi ko, ramdam ko. Pero kahit nakangiti si Matias ay hindi ako kumportable sakanya.
Napaatras tuloy ako at napatingin kay Ithuriel. Kita ko ang inis sa mata niya ngunit kalmado pa rin siya.
"Matias." Nakatayo lamang si Ithuriel ngunit litaw na litaw ang pagiging matipuno niya sa tabi ng kapatid niya.
Hindi siya pinansin ni Matias bagkus lalo pa itong lumapit saakin at umakmang bubulong sa tenga ko ng biglang hablutin siya ni Ithuriel sa damit saka sinuntok sa mukha.
Nanlaki ang mata ko sa nasaksihan ko. Hindi ko inaasahan 'yun dahil napaupo talaga si Matias sa lakas ng suntok ni Ithuriel.
"Tangina!" Sigaw nito at bumawi rin kay Ithuriel.
Tumama ang kamao nito sa labi ni Ithuriel at napasigaw ako ng may makita akong dugo.
"Tama na! Ano ba kayo?!" Pumagitna ako sa kanilang dalawa dahil baka kung ano pang mangyari kung hindi ko sila pipigilan.
"Gago ka, Ithuriel. Kung makaasta ka kala mo totoong Cruz ka. Ampon ka lang, wala kang lugar sa bahay, 'wag kang mapapel. 'Wag kang nangingialam sa mga ginagawa ko sa buhay." Dumuro-duro pa si Matias saka nag-iwan ng matalas na tingin kay Ithuriel bago tuluyang umalis.
Nakakapaso ang tinginan nilang dalawa pero no'ng lumipat na ang mata sa'kin ni Ithuriel ay tila nagbago ang mga ito.
Umiwas siya ng tingin habang pinupunasan ang dugo sa labi niya habang nakaupo sa damuhan.
"Sandali. Hintayin mo ko diyan." Nagmadali ako pabalik sa bahay at kinuha ang first aid kit.
Mabilis naman akong nakabalik at nando'n pa rin siya, nakaupo at iniinda ang sakit sa labi niya.
"Linisin natin ang sugat mo." Aalalayan ko pa sana siya ngunit tinignan niya lamang ang kamay ko at tumayo mag-isa.
Lumakad siya kaya sinundan ko lamang siya, mayamaya nakita ko na papunta pala kami sa lawa, tabi ng isang malaking puno.
Namangha ako sa linaw ng tubig at linis ng lawang 'to. Malamang ay naaalagan.
Lumusong siya dito at dumakot sa kamay ng tubig para ihilamos sa mukha niya. Pagtapos ay binasa na rin niya ang buhok niya at hinawi ito pataas.
Nakatitig lamang ako sakanya habang nakatayo. Lumingon siya saakin at parang tumaas ang gilid ng labi.
Agad naman akong lumihis ng tingin. Nakakahiya ka talaga, Sari.
"Ang narinig ko kanina, hindi ko na lang ipagsasabi—" Hindi pa ako tapos ngunit sumagot na si Ithuriel pabalik.
"Ayos lang 'yun. Alam naman ng lahat." Patuloy lamang siya sa paglaro ng tubig, pati ang braso niya ay binanlawan niya nadin.
'Yun pala ang dahilan kung bakit sobrang malayo ang itsura nila ni Matias. Ampon siya at hindi ko lubos maisip kung paano ang turingan nila sa bahay. Mabait kaya ang magulang nila?
Unti-unti ay lumapit ako at umupo sa ilalim ng malaking puno, nakasandal sa katawan nito.
Pagtapos magbanwal ni Ithuriel ay umupo siya sa tabi ko. Nakatitig lang sa ganda ng lawa nang bigla siyang nagsalita.
"Ayos ka na talaga?" Bulong nito.
"O-oo naman." 'Di ko alam kung ako ba ang dapat tanungin niya niyan o ang sarili niya.
"Ikaw?" Yumuko ito at humawak muli sa namumulang labi niya. May hiwa ito sapat para maglabas ng kaunting dugo.
Hindi siya sumagot kaya kinuha ko ang dala kong cotton buds at betadine at saka lumapit para abutin ang mukha niya.
Bigla naman itong napaatras habang nakatitig sa akin.
"Sorry." Sabi ko ngunit bago pa makalayo ay hinawakan niya ang kamay ko.
"A-ayos lang." Lumunok ako saka tumingin sa mata niya bago tuluyang dampian ng gamot ang sugat niya.
Ang lapit namin sa isa't isa. Kaya kitang kita ko ang pagtaas baba ng balikat niya dahil sa mabagal niyang paghinga.
"Paano mo pala ako naabutan bago ako mawalan ng malay?" Pagtatanong ko para mabasag ang katahimikan at mabawasan ang kaba ko.
Lumipat ulit ang tingin saakin ni Ithuriel saka sumagot.
"Kausap ko ang mga kaibigan ko tapos nakita kita. Mukhang nahihilo." Maiksing sagot niya at bumaba muli ang tingin, pinaglaruan ang mga daliri niya.
"Kaklase mo sila?" Tanong ko.
"Dapat. Pero Pilosopiya kinuha ko." Aniya. Tumango naman ako.
"Bakit 'di kita nakikita sa school?" Dagdag ko pa dahil isa 'to sa pinagtataka ko.
Sandali siyang tumahimik.
Baka masyado na akong nagiging mausisa kaya hindi na ako nag pumilit pa. Ngunit bigla itong tumikhim bago nagsalita.
"Huminto ako. Problema sa bahay." Ngumiti ito ng tipid at makikitang hindi ito masaya.
Ibig sabihin ay mas matanda saakin si Ithuriel ng apat na taon. Ang mga ka-batch niya ay graduating na sa kursong Sikolohiya, siya rin sana sa kursong Pilosopiya kung hindi lamang siya nahinto.
Tumitig lamang ako sakanya at hindi sumagot hanggang sa matapos kong gamutin ang sugat niya.
Umatras ako at inayos ang mga gamit na pinanggamot ko sakanya.
Sumulyap ito saakin habang kinakapa ang sugat niya.
"Salamat." Aniya.
Ngumiti lang ako at tumayo sama pinagpag ang dumi saaking shorts.
Tumayo na rin siya at napansin ko naman ang pagtitig niya sa suot ko ng t-shirt. Partikular sa burdang 'I.C.'
Hindi ko pa naitatanong kung kanino ba ito pero nailang na ako sa pagtingin niya kaya sumenyas na akong uuwi na saamin.
"B-balik na ako, Ithuriel. Mag pagaling ka." Sabi ko saka tuluyang tumalikod sakanya habang bitbit ang first aid kit.
Nakahinga na ako ng maluwag.
Nakakailang hakbang pa lamang ako ng tawagin niya ako sa pangalan ko.
"Sari." Lumingon ako at binigyan siya ng nagtatakang itsura.
"Bagay sa'yo." Sabay tango na para bang tinuturo ang suot kong pantaas at bahagyang tumaas ang gilid ng labi.
Nag-init ang pisngi ko at tumalikod na ulit. Habang naglalakad ay saka lamang pumasok sa isip ko na damit niya nga ito.
Initials ng Ithuriel Cruz.
Parang bumaliktad ang tiyan ko sa 'di malamang dahilan kaya nagmadali na lang ako makauwi.
Sa bahay ay tahimik lamang, dumiretso ako sa kwarto ko pagtapos ibalik ang first aid kit sa lagayan. Habang nakahiga ako sa kama ay bumalik sa isipan ko ang nangyari kanina.
Ang pag-aaway nila ni Matias. Ang mga mata ni Ithuriel na nakatitig saakin na parang kinikilala ang kaluluwa ko. Ang init ng paghinga niya noong ginagamot ko ang sugat niya sa labi.
Hindi mawala lahat sa isipan ko.
Tumingin ako sa salamin upang tignan ang itsura ko. Hindi ko alam pero namumula nga talaga ang pisngi ko kaya dumapa ako sa kama at nagtakip ng unan sa mukha.
Mabilis na tumakbo ang oras, pababa na ako upang mag-asikaso ng hapunan ng madatnan ko si Sadie na halos magkasalubong ang kilay.
"Nay! Bakit mo naman tinapon?!" Malakas ang boses ni Sadie habang si Nanay naman ay nakakagat sa kanyang labi.
"Pasensya na, Anak. Hindi ko alam. Naglinis kasi ako dahil tambak ang mga papel diyan sa lamesa. Akala ko ay hindi mo na kakailanganin. Naglinis lamang ako para wala na kayong abalahin pa pag-uwi niyo galing eskwelahan." Bakas sa mukha ni Nanay ang pagiging aligaga dahil naitapon niya ang mga sketches ni Sadie.
"Pinag hirapan ko 'yun, Nay! Bakit kasi hindi ka nagtanong?" Sagot ni Sadie na mukhang paiyak na.
"Sorry talaga, Sadie. Hindi na sumagi sa isipan ko, ang gusto ko lamang ay may gawin, maging abala. Akala ko ay matutuwa ka dahil hindi na ako nagkukulong sa kwarto." Humina ang boses ni Nanay.
"Pero hindi ko sinabing kumilos ka ng kakaiba, Nay. 'Wag kang magpumilit. Mas okay pa yatang gabi-gabi kang umiiyak kaysa ganito!" Dagdag pa nito sabay akyat ng hagdan.
"Sadie?!" Sita ko.
Hindi niya naman ito inintindi. Naiwan kami ni Nanay.
Umupo siya sa upuan ng sala. Bagsak ang mata't itsura saka nagsalita.
"Sinusubukan ko naman maging mabuting ina para sa inyong dalawa. Bakit parang mali pa rin? Bakit parang hindi ko magawa? Pilit kong binaling sa gawaing bahay 'tong lungkot na dala ko dahil ayokong pasanin niyo 'to ng matagal dahil kahit ako Sari, bigat na bigat na." Parang pipiyok ang boses ni Nanay. Hindi ako sumagot.
"Bakit kahit anong pilit ko parang hindi ko magawang maging normal na magulang para sa inyo? Bakit kulang pa rin? Kung nandito si Emil. Hindi ganito. Hindi sana ganito. Araw-araw, palala ng palala ang nararamdaman ko, Sari. Pakiramdam ko ay nabigo ako bilang Nanay niyo." Tumulo namang muli ang luhang napigilan niya ng ilang araw lamang.
"Siguro kung ako ang nawala ay mas magiging ayos ang buhay ninyo ni Sadie kasama ng Tatay Emil niyo." Mahinang bulong nito saka humikbi ng mahina.
Kinagat ko ang aking labi, pinipigil ang luhang nagbabadya sa mata ko.
Ayokong nakikitang ganito si Nanay. Parang sinusugatan ang puso ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top