Chapter 8
Kagabi ay nakatulog ako ng mahimbing at magaan ang pakiramdam. Nang magising naman ako ay parang ka'y ganda agad ng bungad sa araw ko.
Nakapantulog pa ako at mayamaya lang mag-aayos na ako para sa pagpasok ko sa eskwela.
Bumaba ako at tumunog ang aking tiyan ng may maamoy akong lutong pagkain.
"Gising ka na, Sari. Tawagin mo ang kapatid mo, kain na tayo." Ngiti ni Nanay habang hawak ang siyansi.
Mukhang hindi natulog si Nanay sa lalim ng mata niya o di kaya'y puyat lang siya?
"Ang aga mo, Nay. Hindi mo naman kailangan gawin 'to." Sabi ko at tinulungan siya sa paghain ng mga pagkain sa mesa.
Inagaw saakin ni Nanay ang hawak kong mga plato at pinaupo ako.
"Huwag ka nang kumilos at ako ang magsisibli sainyong mag kapatid." Saka niya inilagay sa pwesto ang mga mga plato at kubyertos.
"Ate, ano yang niluto m—" Ang bumababang si Sadie ay napahinto ng makitang si Nanay ang nag-aasikaso sa kusina.
"Hindi ako ang nagluto, si Nanay." Sagot ko.
Dahan-dahan namang umupo sa mesa si Sadie ng tahimik lang.
"Ayan, makakapag-umagahan din tayo ng ako ang naghanda." Sambit ni Nanay saka naman kumuha ng tubig sa ref na siyang sinalin niya sa mga baso namin.
Diretso lang ang mukha ni Sadie. Hindi tulad ng itsura niya kapag maganda ang gising niya.
Kumuha na kami ng pagkain at tahimik na sumubo. Ang tanging tunog lang ng kutsara't tinidor ang naririnig kaya naman binasag ko na ang katahimikan.
"Ang sarap ng luto mo, Nay." Sabi ko kahit halatang pinapagaan ko lang ang loob niya dahil pritong hotdog lang naman at omelette ang almusal namin.
Hindi kumibo si Sadie. Naninibago ako. Hindi ako sanay na tahimik siya.
"Ikaw talaga, Anak." Ngiti ni Nanay.
Bigla namang tumayo sa kinauupuan si Sadie at niligpit ang sariling plato.
"Sadie. Tapos kana agad?" Nag-aalalang tanong ni Nanay habang sinusundan ito ng tingin sa lababo.
"Hindi ako masyadong gutom." Tumayo si Nanay at kinuha ang pinagkainan ng kapatid ko.
"Ako na diyan, Anak." Sambit nito ngunit ayaw ibigay sakanya ni Sadie
"Ako na, Nay." Para silang batang nag-aagawan sa plato ngunit mapilit si Nanay at hinila niya pa kay Sadie ito.
Dumulas ang plato at nabasag sa sahig. Mabuti at hindi nabagsakan ang paa nilang dalawa.
"Sabi kasing ako na, Nay!" Sigaw ni Sadie kaya bigla namang nataranta si Nanay.
"T-teka. Wag kang kumilos, Sadie. Baka matapakan mo, sandali." Nagpalipat-lipat ang tingin ni Nanay sa basag na piraso ng plato at sa walis malapit sa banyo pero sa huli'y pinulot niya na lang ang mga ito sanhi ng pagdurugo ng daliri niya.
"Aray!" Agad akong lumapit at lumuhod sa tabi niya.
"Ang kulit mo kasi." Sabi ni Sadie.
"Sadie! Kumuha ka ng panggamot." Tumingin ako sakanya ng dismayado. Pa'no niya nagagawang sagutin si Nanay?
Pagkatapos magamot ang sugat ni Nanay ay nilinis ko na ang bubog na nagkalat sa sahig.
"Ako na diyan, Sari. Kaya ko naman baka mahuli ka na sa klase mo." Hindi mapakali si Nanay habang nakatayo sa likuran ko, gusto pang agawin ang walis na hawak ko.
"Nay. Kalma ka lang. Ako na dito at umupo ka na lang." Malumanay kong sagot sakanya.
Sumunod naman siya at ang sapatos na lang na pamasok namin ni Sadie ang pinagdiskitahan niya.
Pagtapos namin ni Sadie maligo ay nakaplantsa na rin ang uniporme naming dalawa.
"Unat na unat na ang uniporme ninyo. Mag-ingat kayo sa pagpasok." Sabi ni Nanay habang nakatayo sa pinto ng kwarto ko.
"Salamat, Nay." Ngiti ko ngunit napapaisip talaga ako sa inaasta ni Nanay. Hindi ito ang normal na siya.
Nagpaalam na kami sakanya ng masuot na namin ang sapatos namin ni Sadie.
"Linis at kumikintab na rin ang sapatos ninyo." Dagdag nito noong makababa na kami sa sala.
"Nilinis eh madudumihan din naman 'to sa buhangin." Bulong ni Sadie na narinig naman ni Nanay kaya nawala ang ngiti nito.
"At least, nalinisan natin kahit papaano, Anak." Nakatayo si Nanay habang pinagkukuskos ang dalawa niyang palad.
Tumango si Sadie na parang nang-aasar. Hindi ko nagugustuhan ang inaasal niya sa harap ni Nanay kaya ng lumabas kami sa bahay ay tinawag ko siya.
"Sadie." Humarap ito, nag-aabang ng sasabihin ko.
"Wag ka sumagot ng gano'n kay Nanay." Hindi ko naman siya pinapagalitan dahil malaki na siya. Alam niya na kung anong tama sa mali.
"Ate, sabihin mo kay Nanay 'wag siyang umaktong gano'n." Sagot niya saka naunang lumakad saakin.
Siguro ay hindi talaga gusto ni Sadie ang pamamaraan ni Nanay ngayon. Ang kumplikado.
Nakarating kami ni Sadie sa eskwelahan ng sakto sa oras. Sa classroom naman ay naabutan kong nagkukulitan si Yna at Kyle.
"Sus! Crush mo 'yan 'no?" Sabi ni Yna habang hinihila ang tainga ni Kyle.
Mayroon siyang pilit tinitignan sa cellphone nito ngunit linalayo ni Kyle ang kamay niya.
"Aray ko! Ano bang sinasabi mo? Wala akong crush." Sagot ni Kyle habang inaalis ang kamay ni Yna sa tainga niya.
Napaayos naman sila sa kinauupuan nila nung makita nila akong dumadating.
"Uy, Sari! Nandyan ka na pala. Dito ka, dali!" Bati ni Yna habang tinatapik ang katabi niyang upuan.
"Buti dumating ka, Sari." Sabi ni Kyle na nakapagpatawa saakin dahil sa tono niya ay parang nailigtas ko siya sa kung ano.
"Pasalamat ka talaga kundi malalaman ko kung sino 'yang tinatago mo sa cellphone mo. Sumbong kita kay Tita eh." Sabay ikot ng mata ni Yna.
"Excuse me. Psych 1-4 to, tama?" Nahinto sa kanya-kanyang ginagawa ang lahat sa room ng may pumasok saaming faculty.
"Yes, Ma'am." Sagot namin ng sabay-sabay.
"Your professors won't make it today. Sorry. Nagpatawag ng meeting ang school administrations kaya walang magiging klase for today. However, tuloy pa rin ang intrams kaya pwede kayong manuod kung gusto niyo. And one more thing, one week na lang bago ang sembreak. Gawin niyong makabuluhan ang natitirang araw niyo sa school. 'Yun lang. Thank you, 1-4."
Agad namang lumabas ang nag-anunsyo saamin. Ang ibang kaklase ko ay nanghinayang sa pinasok nila at kabaliktaran naman si Yna.
"Oh rinig niyo 'yun? Tuloy ang intrams. Tara na at manuod ng mga gwapong lalaki!" Sigaw nito sa room na nakapagpatawa sa lahat.
"Para kang sira, Yna." Tumawa ako at napatingin kay Kyle na mukhang hindi natutuwa sa sinasabi ni Yna.
"Nag-aaya ka pa, ikaw lang naman uhaw na uhaw makakita ng lalaki diyan." Bulong ni Kyle sa tabi.
"Hoy! Ikaw, bumubulong bulong ka pa naririnig ko naman mga sinasabi mo!" Sigaw ni Yna at dumila pa nga.
Tumayo na si Kyle sa kinauupan niya dahil halos lahat ay nagsialisan na rin. Sinukbit niya ang bag niya sa kanang balikat niya at lumakad na.
"Oh ba't ka aalis?" Habol ni Yna.
"Tss. Tara na kasi." Tumango naman si Yna saakin hudyat na sumunod na kami kay Kyle.
Paglabas namin ay kumain na muna kami sa canteen ng school. Wala naman masyadong tao kaya sumobra ang linaw ng mata ni Yna nang dumaan ang mga miyembro ng track and field.
Grabe kung sundan niya ng tingin ang mga 'yun. Hindi pa nakuntento at kinumbinsi pa akong magmasid din tulad ng ginagawa niya.
"Wag mo na ngang turuan si Sari. Ikaw na lang mag-isa." Singhal ni Kyle.
Kita sa mukha niya na naiinis na siya ngunit di siya pinapansin ni Yna.
Patuloy lang sa pagkwento si Yna hanggang sa matapos kami sa pag kain habang si Kyle naman ay tahimik lang sa tabi.
Andito na kami ngayon sa fields pero parang wala ako sa wisyo upang manuod. Tirik ang araw at parang 'di sang-ayon ang katawan ko sa init na dumadampi sa balat ko.
Sa huli ay nagpaalam na lang ako kanila Yna na uuwi na lang ako saamin saka magpapahinga sa bahay.
Pauwi ay naglakad pa rin ako. Nagpayong pero kahit gano'n ay tumutulo pa rin ang pawis sa noo ko.
Ang uniporme ko ay hindi naman nakakasipsip ng pawis kaya pati likuran ko ay basang basa na.
Hindi pa ganoon kahaba ang nalalakad ko pero nangawit bigla ang paa ko. Para akong nanlambot, nabitawan ang payong at unti-unting umikot ang paningin.
"Gisingin mo na kaya?"
"Ano ka ba, hayaan mo lamang magpahinga diyan ang bata."
"Baka hanapin na iyan ni Veron."
"Ilang taon na yang si Sari, Melencio. Saka baka mag-alala lamang si Veron kung dalin natin si Sari ng ganyan sakanila ano."
Dalawang pamilyar na boses ang naririnig ko habang unti-unting dumidilat ang mata ko. Nasa loob ako ng bahay. Umupo ako mula sa pagkakahiga, nakahawak sa ulo ko.
"Sari. Ayan at nagising ka na." Linapitan ako ni Aling Celine at inabutan ng tubig. Agad ko naman itong kinuha dahil nanunuyot ang lalamunan ko.
"Mabuti na lamang at natagpuan ka bago ka pa bumagsak sa aspalto! Naku, ikaw na bata ka. Kung hindi ka siguro naabutan ni Ithuriel ay baka iba pa ang natamo mo." Hindi pa na po-proseso ng utak ko ang sinasabi ni Aling Celine pero nanlaki agad ang mata ko ng marinig ko ang pangalang Ithuriel.
Ano bang nangyari saakin?
"Nawalan ka ng malay habang naglalakad pauwi, Sari." Sagot ni Aling Celine na para bang nabasa niya ang isip ko.
Napatingin ako sa suot ko. Hindi na ako naka puting uniporme kundi isang maluwang na gray t-shirt at maong shorts na.
"Huwag kang mag-alala at ako ang nagpalit sa'yo. Dala lamang ni Ithuriel ang pamalit mo pero ako nagbihis sa'yo." Ngiti ni Aling Celine na parang nang-aasar pa.
"San niya po ito kinuha? Hindi ko po ito damit." Nagtatakang sagot ko. Nakakahiya.
"Hindi ko alam ngunit ang shorts ay mukhang bago pa dahil may etiketa pa 'yan kanina. Ang pang-itaas ay bagay naman sa'yo kahit maluwang." Bigla naman akong napatingin sa t-shirt na may burdang 'I.C'.
Pinagsawalang bahala ko nalang iyon at tumayo na, kinuha ang uniporme at nagpasalamat kanila Aling Celine at Tata Melencio. Ngunit bago makalabas ay nagtanong muna ko.
"Ah, Aling Celine. Alam ninyo po ba kung nasaan si Ithuriel?" Ngumisi si Tata Melencio ngunit hindi nagsalita.
"Baka nasa dalampasigan o 'di kaya naman sa bukid kung saan ang mga alaga niya. Mahilig sa hayop iyon." Sagot ni Aling Celine na para bang binibigyang kaalaman niya ako patungkol kay Ithuriel.
"Sige po. Salamat ulit, Aling Celine at Tata!" Umalis na ako at bumalik muna sa bahay para sa marumi kong damit.
Gusto ko sana magpasalamat kay Ithuriel kahit hindi ko alam kung papano sisimulan.
Pumunta ako sa dalampasigan ngunit wala naman siya do'n. Sunod ko namang pinuntahan ang bukid kung saan ko siya dati nakita.
Ilang hakbang pa ang tinahak ng paa ko para tuluyang makalapit sa bukirin. Berdeng berde ang mga damo at matatanaw ang mga kabundukan mula sa malayo.
Ang ganda.
Nagpabalik-balik ako sa pwesto ko at ilang lingon pa nga ay nahanap ko na rin siya.
Tulad noon, wala ulit siyang suot na pang-itaas.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top