Chapter 6

Linggo ngayon at araw ng fiesta sa baryo namin. Halos lahat ay nasasabik lalo na ang mga bata dahil maraming palaro pag ganitong okasyon.

Ang pangyayari kagabi ay nagmistulang panaginip lamang dahil matapos naming magsi-iyakan ay wala ng pag-uusap na naganap.

Bumalik kami sa kanya-kanya naming kwarto marahil ay napagod sa bigat ng nararamdaman.

"Ate. Sasali ako sa mga palaro mamaya. Mayroon ka bang itim na t-shirt. Kahit malaki, ayos lang." Sambit ni Sadie habang nag tu-toothbrush sa lababo.

"Hindi ko sigurado, teka maghahanap ak—" Nahinto ako ng biglang sumingit si Nanay.

"Ah, Anak. Sadie. Meron akong maluwang na t-shirt. Kulay itim. Pwede mong magamit mamaya." Sabi niya habang nakatayo sa pinto ng banyo. Kalalabas niya lang kasi doon.

Ngumiti siya at pumunta sa lamesa, pinunasan ito at inayos ang mga kutsara't tinidor sa lagayan. Pati ang mga lagayan ng condiments ay hindi niya pinalagpas.

"Sige, Nay." Tipid na sagot ni Sadie habang pinanunuod si Nanay sa kanyang ginagawa.

"Naku, ngayon ko lang napagtuunan ng pansin at madumi pala ang bahay ano." Hindi mapakali si Nanay at pumunta naman siya ngayon sa may lababo at sinimulang hugasan ang mga plato na kaninang ginamit namin no'ng tanghalian.

"Nay, ako na d'yan. Manuod na lang kayo ng T.V." Sabi ko. Nakakapanibago ang kinikilos niya.

"Nako, hindi at lagi ka nalang naghuhugas. Ako naman ang kapalit mo ngayon." Tumawa ng bahagya si Nanay. Ano bang ginagawa niya?

Sumulyap saakin si Sadie. Malamang at nagtataka rin siya kung bakit ganito kumilos si Nanay.

Hindi siya malamya ngayon at hindi rin bagsak ang itsura ng mukha niya.

"Pagtapos nito ay maglilinis naman ako ng sala at kwarto. Kayong dalawa, makisaya sa fiesta." Dagdag pa nito habang sinasalansan ang mga plato sa lagayan.

Pag tapos ay linigpit naman niya ang basurahan at pinalitan ng panibagong plastik.

Aligaga si Nanay at parang mauubusan siya ng gagawin.

Tinignan lamang ako ni Sadie at nagkibit balikat na lang ako. At least ay nalilibang siya sa ginagawa niya.

"Sigurado ka, Nay?" Hindi ko inaalis ang tingin sa mata niya ng ngumiti ito saakin.

"Oo naman. Sige na't gawin niyo na ang mga dapat ninyong gawin." Sabi nito habang pinupunas ang kamay niya sa damit niya.

Umikot ang tingin ni Nanay malapit sa banyo at huminto ito sa walis saka kinuha't pinagpag.

"Sige na't lumabas na kayo baka nagsisimula na sila. Nandoon sa kabinet ang itim na t-shirt, Sadie. Kuhain mo na lang." Pamimilit ni Nanay at wala na rin kaming nagawa kundi sundin siya.

Pumanik si Sadie saglit at pagbaba niya'y bumulong siya saakin.

"Niligpit ni Nanay mga litrato nila ni Tatay sa tukador, Ate. Wala na do'n." Agad naman akong sumulyap kay Nanay.

Patuloy siyang nagwawalis sa sahig ng kusina at nagpapahid ng pawis na tumutulo mula sa gilid ng noo niya.

Marahil ay nag isip-isip ito kagabi. Lahat naman kami.

Suot na ni Sadie ang itim na t-shirt na tineternuhan niya ng maong na shorts. Muli niyang tinali ng kalahati ang maiksi niyang buhok.

"Hah. Makikipag agawan ako ng buko kay Macoy mamaya, basag mukha no'n saakin." Sabay tawa niya habang palabas ng pinto at nagsusuot ng tsinelas.

"Una na ko, Te. Sunod ka na lang." Tumango lang ako at tumingin muli kay Nanay. Mukhang kaya naman niya? Maliligo na muna ako dahil napaka-init.

Mabilis akong natapos at nagtapis ng tuwalya. Agad naman akong umakyat sa kwarto ko.

Isang puting crochet na pang-itaas ang napili kong isuot. Sleeveless at nasa leeg ang tali nito, medyo labas ang likod ko dito pero mahaba naman ang buhok ko at siguradong matatakpan ito. Regalo ni Yna to saakin nung huli kong birthday dahil bagay daw ito saakin.

Tinernuhan ko naman to ng maluwang na pang-ibaba, kulay brown. Maxi pants ata ang tawag dito at napaka kumportable nitong suotin.

Tumingin ako sa salamin, hindi na ako naglagay ng koloreto sa mukha dahil sabi ni Nanay noon, likas nang mapula ang pisngi at labi ko. Pag pumapasok lang ako naglalagay ng kakaunti dahil kailangan daw.

Pinasadahan ko ng tingin ang itsura ko at inisip na tuwing nakikita ako ni Nanay ay naaalala niya si Tatay at marahil nalulungkot siya tuwing gano'n.

Marami ang nagsasabing sobrang nakuha ko si Tatay. Pati ang perpektong ngipin niya lalo na kapag ngumingiti ay nakuha ko din daw.

Ilang sandali pa ay bumaba na ako at naabutan si Nanay na nanunuod ng telebisyon habang hawak-hawak ang mop. Tumatawa siya sa kanyang pinanunuod at ngayon ko lamang ulit nakita ang ngiting 'yun.

"Oh, Sari." Napalingon siya saakin at matagal na inilagi ang tingin sa itsura ko.

"Ang ganda mo, Anak." Ngumiti siya ng tipid at muling ibinalik sa telebisyon ang tingin.

"Sigurado bang ayos ka lang mag-isa dito, Nay?" Tanong ko.

"Oo at lumabas kana do'n." Tumango ako at lumabas na ng pinto matapos isuot ang puti kong tsinelas.

Habang lumalakad ako ay hindi ko mapigilang mamangha sa ganda ng ayos ng lugar namin. Fiesta nga.

Nagkalat ang mga tao. Ang iba ay nakayapak na lang dahil buhangin naman ang nilalakaran namin dito. Malinis at walang kadumi-dumi.

May mga nakasabit na bandiritas sa mga puno, iba't ibang kulay at masarap sa mata.

"Sari! Maganda ba?" Sigaw ni Tata Melencio habang nasa itaas ng puno ng niyog.

"Maganda, Tata!" Sigaw ko habang nakangiti.

Inaabangan naman siya ng mga kumpare niya sa ibaba ng puno kung sakaling mahulog man siya.

"Pare, diyan ka na lamang at magsisimula na kaming mag-inuman ng lambanog." Pangaasar ni Mang Jeri kasama ang dalawa pang ka-edad nila.

Tumingin sa baba si Tata Melencio saka sumigaw pabalik.

"Subukan ninyong mauna at hindi kayo makakatikim ng masarap kong pulutan!" Tumawa ito at nagmadaling ikabit ang huling dulo ng tali.

Napatingin naman ako sa mga batang sumasayaw tabi ng nagkukumpulang buko sa tabi. Tila nagtatagisan ng galing sa pagkendeng. Palakpakan naman ang mga tao na nakapaligid sa kanila. Ang cute.

Hinawi ko ang aking buhok dahil tumatama ito sa mukha ko. Ang lamig sa labas at ultimo ang maluwang kong pang-ibaba ay sumasayaw din sa ihip ng hangin.

Palubog na ang araw, ang ganda ng kulay sa labas. Mula sa gitna ay makikita ang mga kahoy na upuan at malawak na mesa marahil paglalagyan ng mga pagkain mamaya para sa salu-salo ng lahat.

"Sige, Kuya! Akong bahala! Bangasan mo na!" Rinig ko si Sadie na sumisigaw kaya't lumapit ako at sumingit sa kumpol ng taong nakapaikot.

Nakita ko si Ithuriel, wala ulit suot na pang-itaas at nakikipag-agawan ng buko kay Matias. Halos gumulong-gulong na si Matias mailayo lang ang buko kay Ithuriel.

"Gago, Ithuriel! Bigay mo na sakin 'to." Sambit ng hirap na hirap na si Matias habang tumatawa naman si Ithuriel dahil halatang matatalo na niya ito.

Sa isang hatak lang ni Ithuriel ay nabitawan ni Matias ang buko at tumalsik pa nga ito sa kabilang banda.

"Gago ka!" Sabay pagpag ni Matias sa sando niyang suot.

Sigawan naman ang mga tao habang si Sadie ay pumapalak pa ng ka'y lakas sa tabi ni Macoy.

Nagpagpag din si Ithuriel ng suot niyang pantalong nakatupi hanggang tuhod saka hinawi ang kanyang buhok habang hawak ang buko sa kabilang kamay.

Bigla siyang napatingin sa gawi ko, yumuko at tipid na ngumiti saka umiling.

Iniwan si Matias na nakasalampak sa buhangin.

Dumating ang oras ng kainan at samu't sari ang mga putaheng nakahain sa mesa. Kanya-kanyang dala ang mag papamilya ng mga plato ay halos lahat ay nakakamay. Kasama namin ni Sadie ang pamilya nila Macoy. At kahit hindi namin kilala ang iba dito ay parang iisang pamilya kaming magkakasabay kumain.

Bukas na ang string lights sa itaas ng mga puno kasabay ng liwanag ng buwan. Ang tunog ng dagat ang mas nagpaganda sa oras na ito.

"Sari. Ang nanay mo?" Tanong ni Aling Celine habang pumapapak ng ng lechon sa plato niya.

"Ayaw po lumabas, Aling Celine. Plano niya daw pong maglinis ng bahay buong araw." Sagot ko habang naghihimay ng isda sa plato ko.

"Ay gano'n ba? Sige at dadalan ko na lang siya ng nga pagkain. Teka at pagtatabihan ko ang nanay mo." Agad namang kumuha ng tupperware si Aling Celine at umikot sa lamesa.

Kinuha niya lahat ng makukuha niya. Ang mga nanay talaga.

Mayamaya lang ay natapos na ako sa pagkain, iniwan ko sa upuan si Sadie kasama ni Macoy at ibang ka-edad nila.

Gising na gising pa rin ang mga tao dito. Ang iba ay nakapalibot sa isang bonfire, nagtatawanan at nagtutugtugan.

Ang mga kumpare naman nila Tata Melencio ay tila nagsasaya na sa isang tabi. Nag iinuman ng lambanog at nagsasayawan. Ang mga bata ay naglalaro sa dalampasigan at nagpapaunahan ng bangkang papel. Habang ang mga kababaihan naman ay nagkakantahan sa videoke.

Siguro lalong magiging masaya kung kabilang din kami sa kanila. Kung si Nanay ay kasama sa mga nagkakantahan at si Tatay naman na kainuman din nila Tata Melencio.

Umupo ako sa isang kubo malapit sa dalampasigan. Walang tao dito. Pinanuod ko lamang ang mga alon sa dagat nang may tumabi saakin bigla.

"Hello, Sari." Bati ni Matias.

Umusog pa siya ng kaunti para makadikit saakin at nailang naman ako dahil hindi naman kami close.

"Ah, hello." Umusog ako sa kanan dahil pilit siyang tumatabi saakin.

At hindi ko gusto na inookupa niya ang espasyo na iniiwan ko sa pagitan naming dalawa.

"Hindi mo ako tinawagan?" Sabay nguso nito. Bakit ko siya tatawagan?

"Wala namang dapat ayusin sa bahay." Sagot ko.

Tumahimik naman siya at siguro'y nahiya sa sinabi niya. Akala ko ay aalis na siya noong tumayo siya ngunit sumilip lamang siya sa labas ng kubo at muli muling tumabi saakin.

"Sari." Tawag nito at tumingin saakin. Iba ang tingin na iyon dahilan para kilabutan ako.

Bago pa siya makalapit saakin ay may tumawag sakanya.

"Matias." Malaki at buo ang tono nito at pamilyar na ang boses na ito saakin. Si Ithuriel.

Parang nabunutan ako ng tinik ng dumating siya sa hindi malamang dahilan.

Lumingon pabalik si Matias sakanya at nagmura ng malutong.

"Gago ka talaga." Hindi kumibo si Ithuriel ngunit malamig ang tingin nito kay Matias.

Hindi siya kumikilos sa kinatatayuan niya pero nakakatakot ang tinging binibigay niya kay Matias.

Umiling si Matias at binangga ang balikat ni Ithuriel at saka lumabas sa kubo. Nanatiling nakatayo si Ithuriel ngunit umigting ang panga nito. Biglang tumingin saakin.

Hindi ko mapaliwanag ang mararamdaman ko. Para akong nakuryente.

Ano ang nangyayari?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top