Chapter 5

"Andami nito. Salamat sa pagtulong, Sari." Sabi ni Aling Celine habang sinasalin ang mga isda sa isang banyera galing sa bangka.

"Nako, wala naman po akong ginawa. Nakipagkwentuhan lang ako kay Tata Melencio." Tumawa ako at tumalon mula sa dulo ng bangka.

Totoo naman at wala akong ginawa para pasalamatan ni Aling Celine.

Narito na ulit kami sa pangpang. Gaya kanina apura pa rin halos lahat ng tao sa kanilang mga ginagawa. Tipikal na senaryo sa isang probinsya.

Tutulungan ko lamang mag ayos ng fishnet si Tata Melencio at pagtapos nito ay uuwi na ako para maghanda ng tanghalian.

"Mag uwi ka nito, Sari. Napakadami nito at hindi naman mabebenta ang lahat ng 'to." Pinagtabi ako ni Aling Celine ng isda sa isang timba.

Ang dami nito at ang bigat. Paano ko 'to mabubuhat?

"Ay, kabalingkinitan mo nga palang bata ka. Sandali at humingi tayo ng tulong, Macoy! Ay peste kang bata ka, sige at tumakbo ka. Hindi ka kakain ng tanghalian mamaya. Teka, sino ba?" Sigaw ni Aling Celine habang humahanap ng maaring magbitbit nito sa bahay namin.

Napahinto naman ang tingin niya sa isang lalaking nakikipaglaro sa aso.

"Ah, ito si Ithuriel. Ithuriel! Pakisuyo nga ako at pakidala ito sa bahay nila Sari!" Agad namang lumingon ang lalaking tinawag ni Aline Celine.

Ito ang lalaking sumundo kay Matias at ang pumuna sa dumi ng uniporme ko kagabi.

Tanging kulay brown na shorts lamang ang suot nito sa katawan. Wala siyang pang-itaas.

"Ithuriel. Pakidala naman ito sakanila." Tumitig muna ito sa akin at nagbaba ng tingin sa timbang puno ng isda.

Saka siya lumapit dahil patuloy lamang sa pagtawag ng pangalan niya si Aling Celine.

"Oh, Sari. Samahan mo na 'yang si Ithuriel sa inyo." Agad naman akong napakilos sabay ayos ng tayo.

"Ah, tara dito." Inantay ko siya sa paglakad ngunit tumango lamang siya, hudyat na mauna na ako.

Nag-init ang pisngi ko, bakit nga ba sasabayan ko siya sa paglakad?

Dumiretso na lang ako dahil ramdam ko ang presensya niya sa likod. Biglang yatang uminit.

Nang makatapak na 'ko saamin ay binuksan ko na ang kahoy na pinto ng bakuran namin. May halamanan kasi kami at mayroon pang isang pinto na patungo na talaga sa loob ng bahay.

"Nay? Sadie?" Tawag ko habang nakatayo sa labas.

Hinubad ko na ang aking tsinelas at saka pumasok at nung makita kong akmang papasok na rin si Ithuriel sa bahay ay pinigilan ko siya. Bigla tuloy siyang napaatras.

"Ah ano. Kahit diyan na lang. Kami na ang bahala magpasok." Tumingin lang siya saakin na parang naguguluhan at sandaling pinasadahan ng tingin ang loob ng bahay.

Binaba niya ang timba labas ng pinto.

"Okay na diyan. Salamat." Nagkibit lamang ito ng balikat at muling sumulyap sa mata ko ngunit umiwas agad ako.

"Bakit, Ate? Uyyy, sino 'yan?" Ngiting aso si Sadie habang bumababa ng hagdan, dinudungaw si Ithuriel na naglalakad na pabalik kung saan siya nanggaling.

"Ha? Anong sino yan, isda 'to." Tinuro ko ang isang timbang isda.

Tumawa si Sadie at may binulong pa ngunit hindi ko narinig.

"Sus, ang gwapong isda naman no'n. 'Di man lang pinapasok." Hinila ko na ang timba at nagpatulong magbuhat kay Sadie.

Malamang ay ito na lang din ang iluto ko at ang iba naman ay ipamigay na lang sa ibang kapit-bahay.

Lininis ko na ang ibang isda para simulang lutuin at ang iba naman ay nilagay sa maliit naming freezer.

"Sandali lang, Ate. Punta ko kanila Macoy. May usapan kami eh." Tinali ni Sadie ang kalahati ng maiksi niyang buhok saka nag tsinelas.

Dalaga na tignan tong kapatid ko pero kung umasta eh para pa ring bata.

Kinuha niya ang mga gamit niyang pang drawing at iba't ibang art materials sa ilalim ng telebisyon.

"Basta umuwi ka agad. 'Di ka pa kumakain ng tanghalian." Sigaw ko habang nakatayo sa harap ng lababo.

Bago ko magsimula ay pinusod ko muna ang buhok ko, may iilang pirasong natira pero 'di ko na lang 'yun pinansin. Mabilisan akong nagluto para rin madami pa akong magawa ngayong araw.

Lumipas ang oras at Alas Kwatro na agad ng hapon. Nakatulog pala ako matapos namin kumain ni Nanay. Hindi naman agad umuwi si Sadie at sinabi niya na kanila Macoy na daw siya nakikain.

Habang nakahiga ako sa kama ko ay nakatulala lang ako sa kisame. Si Nanay nasa kabila, sa kwarto nila ni Tatay.

Itinaas ko ang kamay ko sa ere at pinikit ang isang mata ko gaya ng ginagawa ko nung bata pa ako. Hindi ko lubos maisip na napakabilis pala talaga ng panahon. Hindi mo mamamalayan at patanda ka na pala ng patanda. Hindi mo alam kung nagagawa mo ba ang mga dapat mong gawin, kung nahahabol mo ba ng tama ang mga naisip mong plano para sa sarili mo. Sa pamilya mo.

Binagsak ko ang kamay ko sa gilid ko at bumaliktad ng higa sa kama. Ang malilim na sinag ng araw ay tumatama sa malaki kong salamin papunta saakin.

Tahimik at payapa, rinig ang agos ng dagat kahit sa kwarto ko. Ngunit napabalikwas na lang ako ng marinig ko si Nanay na sumisigaw mag-isa mula sa kwarto.

Agad akong tumakbo at naabutan ko siyang nakaupo sa sahig, yakap ang unan ni Tatay. Hanggang ngayon ay katabi pa rin niya ito sa pagtulog at sa pagkakaalam ko ay hindi niya na ito linaban simula ng mamatay si Tatay.

"S-sari. Lumabas ka na muna sa kwarto. Hayaan mo muna akong mag-isa!" Pakiusap niya.

Pinagmasdan ko ang itsura ng Nanay ko, luhaan at walang tigil ang pag tulo ng luha sa kanyang pisngi. Hindi ko siya pwedeng iwan lang ng ganito.

"N-nay. Tama na yan, Nay." Lumuhod ako sa tabi niya at hinawakan ang kamay niyang ayaw bumitaw sa unan ni Tatay.

"Sari, bitaw. Akin na 'yan!" Sigaw niya habang hinihila saakin ang unan ngunit pilit ko itong inilalayo sakanya.

"Sari! Bitawan mo ako. Akin na ang unan ng Tatay mo!" Patuloy parin sa pag iyak si Nanay ngunit patuloy pa rin siyang lumalaban.

Pagod na siyang nakakipaghatakan saakin. Pagod na siya. Pagod na ang Nanay ko.

"Ang unan ng Tatay mo.." Tinabi ko sa gilid ang unan ni Tatay at hinila si Nanay para yakapin.

Binaon niya ang ulo niya sa dibdib ko at sinuklay ko ang buhok niya nagkalat sa mukha niya. Naaawa ako dahil sa nangyayari sakanya ngayon.

Ilang taong nagpanggap si Nanay na malakas. Hindi naaapektuhan para lang ipakita saamin na kaya niya, namin, kaming tatlo na wala si Tatay.

Wala siyang panahon para magluksa noon dahil bata pa kami ni Sadie. Ngayon na malaki na kami, parang unti-unting bumalik ang sakit na naramdaman ni Nanay no'ng mawala si Tatay.

Tumataas baba ang balikat ni Nanay sa pagpigil niya ng sariling luha ngunit hindi maitatago nito ang bigat na dala-dala niya.

"Hindi mo 'ko dapat nakikitang ganito, Anak. Hindi sa ganitong paraan." Patuloy ang pag hikbi ni Nanay.

Hindi ako sumasagot, ang mahalaga ay hawak ko siya. Ramdam niyang hindi siya nag-iisa.

"A-anong nangyayari?" Tumambad si Sadie sa harapan ng pinto ni Nanay.

Nakita niyang miserable si Nanay at ako rin na pilit pinapatahan ang babaeng nagluwal saaming dalawa.

Nagpalipat lipat ang tingin niya saamin ni Nanay. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang klase ng tingin na 'yun.

"Ganito nanaman?" Singhal niya na ikinagulat ko.

"Hindi na ba tayo matitigil sa pagiging malungkot, Nay?" Sigaw niya habang pinagmamasdan ang magulong kwarto ni Nanay at ang nagkalat na litrato nilang dalawa ni Tatay sa tukador niya.

"Tama na 'to, pwede ba?" Lumapit si Sadie kay Nanay at lumuhod sa harap nito.

Nakita kong namumuo na rin ang luha sa mata niya. Ngunit pilit na itinatago upang hindi bumagsak.

"Nay. Tama na parang awa mo na. Ang hirap ng araw-araw, lungkot ang dinadanas nating pamilya. Ate. Sabihin mo naman kay Nanay. Ayoko na ng ganito sa bahay." Tumingin siya saakin na parang humihingi ng tulong. Hindi ko alam ang sasabihin.

Sa unang pagkakataon ay hindi ko alam ang salitang dapat lumabas sa bibig ko. Kahit si Sadie ay sumabog na. Hindi niya na kaya ang eksenang ganito sa bahay araw-araw.

"Nay. Ayaw ni Tatay na maranasan mo 'to lagi." Hindi na napigilan ni Sadie at bumagsak na ang luhang kanina pa niya pinipigilan. Kahit ako ay sobrang bigat na rin ng pakiramdam.

Diretsong patak ng luha ang gumagapang pababa sa pisngi ko. Pinapanuod ko si Nanay at Sadie habang hinahawakan ng kapatid ko ang mukha ni Nanay. Pilit pinatitingin sa mata niya.

Kung nabubuhay ka lang sana, Tay. Malamang ay hindi kami ganito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top