Chapter 4
"Uy, halika na, Yna. Ihahatid ko kayo ni Sari." Sabi ni Kyle habang sinusuot ang bagpack niyang dala.
Gabi na natapos ang Psych Night. Masaya rin pala um-attend sa ganito. Madami kaming nakausap pagtapos ng event pati mga nagset-up ay nakasalamuha na namin dahil halos yata ng umakyat sa entablado ay kakilala ni Yna.
Kaming dalawa lang ni Kyle ang uwing uwi na.
"Teka lang, Kyle. Taeng tae?" Umirap si Yna sakanya habang napakamot naman ng ulo si Kyle.
Mukhang naiinip na si Kyle dahil sa bagal kumilos ni Yna.
Habang inaantay ko ang dalawa, hindi ko mapigilang tumingin sa paligid. Wala nang natira kundi ang blangkong stage at mga booth na wala ng laman. Nagkalat din ang mga pumutok na lobo sa lapag.
Wala naman akong ginagawa kaya pinulot ko na lang ang iba at tinapon sa basurahan nang sumagi nanaman sa isipan ko ang pagtitinginan namin kanina nung lalaking sumundo kay Matias.
"Huy, teh. Tara na at taeng tae na tong si Kyle makauwi, papagalitan yata ni Tita." Tumawa si Yna habang hinahatak si Kyle.
"Anong papagalitan? Lalaki ako. Kayong dalawa ang dapat umuuwi ng maaga hindi ako." Sabay irap ni Kyle kay Yna.
Lumakad na kami sa gate palabas ng school, mabuti nalang at Sabado bukas. Walang pasok.
"Ganito, ihatid muna natin si Yna, Sari. Tapos ikaw naman ang ihahatid ko." Suhestyon ni Kyle.
"Uy, huwag na ako. Si Yna nalang ang ihatid mo, pareho naman ang daan niyo 'di ba? Saka hinahanap na rin ako sa bahay."
Anong oras na kasi at hindi naman ako nakapagsabi kay Nanay na gagabihin ako ng ganito. Sana nabanggit ni Sadie ang tungkol dito para kahit papano di mag-alala si Nanay.
"Sure ka ba, Sari? Ang ganda ganda mo tapos uuwi kang mag-isa? Nakauniporme ka pa ngang maiksi. Gabi na. Hindi ako papayag." Sabi ni Yna.
"Malapit lang naman, Yna. Saka madami pang tao niyan sa dadaanan ko. Sasakay na lang ako." Ngumiti ako sa dalawa.
Ang totoo niyan gusto kong ihatid ni Kyle si Yna ng silang dalawa lang. Halata naman na gusto nila ang isa't isa. Wala lang umaamin.
Napansin ko ang paglunok ni Kyle at ang pamimilit ni Yna.
"Ingat kayong dalawa ha." Ngumisi ako at tinalikuran na sila. Mukhang nagtatalo pa ang dalawa no'ng iwan ko sila.
Naglakad na ako pauwi, malapit lang naman at sayang din kung sasakay pa ako. Gusto ko din naman mag muni-muni pero ang lamig pala talaga sa labas ng ganitong oras. Tahimik at rinig ang tunog ng mga kuliglig.
Hinawi ko ang aking buhok sa isang gilid at hinimas ang braso kong nanlalamig. Hanggang ngayon hindi pa rin ako nakapagpapalit ng damit, gusto ko nang tumakbo sa banyo para maligo.
Habang inaanod ng hangin ang mga damo sa paligid ay muling sumagi sa isipan ko ang nangyaring titigan kanina.
"Sari. Andami mo pang dapat problemahin." Bulong ko sa sarili habang naglalakad pero pilit nananatili sa isip ko ang itsura ng lalaking iyon.
Sinantabi ko nalang ang tumatakbo sa isip ko at nagmadali sa paglakad dahil gusto ko ng gumapang ng katawan ko sa kama.
Nakakapagod makipagusap sa madaming tao, paano nagagawa ni Yna iyon?
Nakatapak na muli ako sa buhangin hudyat na nandito na 'ko saamin. Buhay pa rin ang string lights na nakasabit sa mga puno at rumereplekta naman ang liwanag ng buwan sa dagat.
Nagulat ako ng may kumaluskos sa bandang likuran ko pero mas nagulat ako ng makita kung sino 'yun.
Walang iba kundi ang lalaking nasa isip ko lang kanina.
"May dumi ka sa uniform mo." Tinuro niya ang manggas ng damit ko habang malamig na nakatitig sa mga mata ko.
Pakiramdam ko ay nag-init ang pisngi ko kaya agad akong napapagpag sa uniform ko.
Tumango siya at nauna nang bumaba habang ako naiwan, sinusundan siya ng tingin.
Di nag tagal ay bumaba na rin ako at pumasok na sa bahay. Tahimik na at mukhang nagpapahinga na sila Nanay at Sadie sa kwarto nila.
Mabilisan akong naligo at nagpalit ng pantulog. Parang ang daming nangyari sa araw na 'to. Hindi ko namalayan at nakatulog na pala ako, bagsak na bagsak ang katawan sa higaan.
Kinabukasan ng umaga ay maaga pa rin akong nagising. Naghanda ng almusal para saaming tatlo nina Nanay.
Gising na si Nanay at nanunuod siya sa telebisyon sa sala.
"Sari, mukhang late ka na yata kagabi." Aniya habang umiinom ng kape.
"Oo nga, Nay. Gabi na kasi natapos yung event." Sagot ko habang nag binabaliktad ang sinangag sa kawali.
"Oo nga't sinabi saakin ni Sadie. Mabuti at um-attend ka. Kapag gano'n ay wag mong papalampasin. Minsan ka lang sa kolehiyo dapat matuto ka ring magsaya." Ngumiti ng tipid si Nanay.
Okay sana ang pangaral niya tungkol sa pagiging masaya pero kahit siya mismo sa sarili ay hindi niya magawa.
Pinatay ko na ang kalan matapos isalin ang sinangag sa plato.
"Kain na tayo, Nay. Sadie! Baba na. Kakain na." Agad ko namang narinig ang karipas ng takbo ni Sadie pababa ng hagdan. Ang bigat talaga ng paa nito.
"Ate. Ang lupit ng tugtugan kagabi ah." Nakangiti ito habang tumataas ang kilay.
"Paano mo nalaman? Nando'n ka pa no'n?" Tumaas din ang kilay ko.
"Gabi na rin umuwi yan, Sari. Nauna lamang sa'yo." Singit ni Nanay.
"Hala hindi, Nay ah. Alas syete lang nandito na 'ko sa bahay. Alas dyes na kaya nakauwi si Ate." Singhal ni Sadie habang nakaupo sa mesa at sumubo ng pagkain.
"Sadie ah." Sabi ko ng may pagbabanta ngunit tinawanan lang ako nito.
Matapos namin kumain ay hinugasan ko ulit ang mga pinagkainan at naligo. Wala akong maisip gawin kaya sasaglit ako sa dagat mamaya.
Nagsuot ako ng racerback na kulay brown na may katernong puting plain shorts. Sinuot ko nadin ang tsinelas kong panlabas.
Lumabas na ako at muling namangha sa lugar na kinalakihan ko. Napansin ko ang mga taong gising na nasa labas na ng kanilang mga bahay. May mga batang nagtatakbuhan. Mga nanay at tatay na nag-iihaw sa labas pagkain nila. Lahat ay nagsisingitian sa isa't isa.
"Sari! Halika dito. Dali!" Narinig kong sigaw ni Aling Celine sa may pangpang kaya dali-dali akong tumakbo papunta doon.
"Tignan mo, Sari. Andaming huli na isda. Ang tataba!" Dagdag pa nito habang hinahawakan ang mga isda sa timbang nasa loob ng bangka.
"Ganiyan talaga pag naalagaan at hindi agad hinuhuli pag bata pa." Sagot ni Tata Melencio, asawa ni Aling Celine.
"Pwede ba akong sumama sa paghuli, Tata?" Umoo naman ito muling itinulak ang bangka sa tubig.
Sumakay ako sa bangka ng walang pag-aalinlangan. Hindi naman ako takot sa malalim na dagat, marunong akong lumangoy dahil dito ako lumaki.
"Aba wala kang takot sa tubig, Sari ah. Parehong pareho mo ang Tatay Emil mo." Sabay ngiti ni Tata Melencio habang inaayos ang fish net na ihuhulog namin para makahuli ng isda.
"Siya naman din po ang nagturo saakin kung paano lumangoy." Sagot ko.
Sa murang edad ay tinuruan na akong lumangoy ni Tatay dahil sabi niya mas mainam turuan ang bata kaysa sa matanda. Dati ay takot ako sa dagat ngunit unti-unting binuo ni Tatay ang paniniwala ko na kapag sinabi niyang walang dapat ikatakot ay wala talagang dapat ikatakot.
Noong una ay hindi ako makabitaw sa kamay niya at kapit na kapit pa ako sa leeg niya.
"Sari. Bumitaw ka. Hayaan mo ang katawan mong magpaagos sa tubig." Bata palang ako pero kung kausapin ako ni Tatay ay mistulang matanda na kung tutuusin.
Ginawa niya at ginaya ko naman kung papano niya i-pwesto at ikumpas ang mga kamay niya. Hawak niya ko sa buong pag-aaral ko ng paglangoy at noong bitawan niya ko ay hindi ko namalayang nakakalangoy na pala ako mag-isa.
Kada sisid ko ay inaabangan niya ko sa ilalim para may kapitan ako pag hirap na ko at hindi ko na kaya.
Nabalik ako sa reyalidad ng magsalita ulit si Tata Melencio.
"Ang tatay mo, isa sa pinaka mabait na taong nakilala ko. Kaya kung may kailangan kayo nila Veron huwag kayong mahihiyang humingi saamin ng pabor. Noong panahon na kailangan namin ng tulong, tatay mo lang ang pumansin saamin. Ni hindi nga kami magkakilala pero sobrang busilak ng puso ni Emil. Biruin mo, naloko kami ni Celine ng mangbubudol dahil babalik daw ng mas malaki ang pera namin kapag pinataya namin sakanya, 'yun pala tatakbuhan lang kami." Napakamot sa ulo si Tata Melencio dahil sa naalala at tipid na ngumingiti tuwing nababanggit ang pangalan ni Tatay.
"Binigay saamin ni Emil ang sweldo niya nung araw na 'yun. Sabi niya ay mas kailangan namin 'yun kaysa sakanya dahil sasahod pa naman daw siya sa katapusan. Hindi namin siya kilala ah. Madalas lang kaming magkasalubong dito, bagong lipat lang sila ni Veron dito noon. Umiyak pa nga si Celine ng marinig niya 'yun dahil ang perang itinaya namin sa isang manloloko ay para sa pampagamot sana sa panganay naming may sakit, kapatid ni Macoy. Hindi kami makapaniwala ni Celine na may tao palang gano'n. Na mas uunahin niya ang iba kaysa sa sarili niya. Si Emil lang 'yun."
Sa kinukwento ni Tata Melencio ay hindi ko napagilang maluha at pati yata siya ay gano'n din dahil nakita kong pumahid siya sa pisngi niya.
"Kung hindi dahil kay Emil wala na ang anak ko." Hindi ako sumagot hindi dahil sa wala akong masabi kundi dahil sa mga naiwang alaala ni Tatay.
Hindi lang pala lungkot ang naiwan ni Tatay. Naging makabuluhan ang buhay niya at nagpatuloy 'yun sa mga taong natulungan niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top