Chapter 30
Ang mga bituin sa langit ay napalitan na muli ng liwanag.
Pangalawang araw na namin ito sa ospital at hindi pa rin nagigising si Nanay.
Lunes ngayon at balak ko muna sanang umuwi ng bahay pagdating ni Sadie dito galing eskwelahan. Siya na muna ang bantay.
Inutusan ko rin siya na mag-iwan ng mensahe kanila Yna na ipaalam ako sa aming professor dahil baka hindi nga ako makapasok ng ilang araw.
Pag-uwi ay kukuha lamang ako ng mga iilang damit para sa aming tatlo.
"Doc, tingin mo kailan ang gising niya?" Mahina kong sambit noong tinitignan nito ang kalagayan ni Nanay.
Ibinalik niya ang kamay nito sa higaan.
"As of now, we have no idea. Ayos naman ang vital signs niya at walang dapat ikabahala. Hintayin na lang natin ang pag gising niya." Ngumiti ito sa akin bago tuluyang umalis.
Nilapit ko ang upuan ko sa kama ni Nanay.
"Nay, gising na.." Hinalikan ko ang kamay niya at mayamaya lamang ay dumating na si Sadie.
Nakauniporme pa ito at dala ang pamasok na bag.
"Ako na diyan, Ate." Tumayo ako at siya naman ang pumalit sa upuan ko.
"Gising ka na, Nay.. Pangako pag gumising ka magsisipag na talaga akong mag-aral. Mas gagaling pa ako kay Ate Sari." Sandali akong napangiti sa sinabi niya.
"Kaya bilisan mo na, Nay. Bago ang quiz namin.." Seryoso si Sadie ngunit napatawa niya ako do'n at 'yun ang kailangan ko ngayon.
Ginulo ko ang buhok ni Sadie.
"Ikaw na muna ang bahala kay Nanay. Babalik lang ako sa bahay natin." Mabilis siyang tumango at lumabas na ako sa public ward.
Habang patungo sa parking lot ay pinagmasdan ko ang iba't ibang pasyente.
Sa bawat nadadaanan ko ay may mga nagpapahinga, may tumatawa, may nagsusungit, nagpapagaling, umiiyak, humihiyaw sa sakit at ang pinakamasakit ay ang mga pamilyang naiwang lumuluha sa pagkawala ng mga mahal nila sa buhay.
Hindi ko maiwasan ikumpara ang sitwasyon ng sa amin nila Nanay. Masuwerte pa rin kami at kahit hindi pa siya gising, alam kong may kasunod pa ang kanyang buhay.
Kagabi ay hindi na ako nakapalag sa gustong mangyari ni Ithuriel. Kahit hindi ako sang-ayon ay mapilit siya.
Ngayon ay pumasok siya kanila Mr. Delfino at kailangan niya daw magpakitang gilas upang mas malaki ang sweldong makuha niya.
Nagdalawang isip pa nga ito dahil ayaw niya talaga akong iwan sa ospital ngunit naisip ko, hindi patas na huminto ang buhay niya dahil lang sa nangyayari sa amin nila Nanay.
Sa huli'y pinilit ko na siyang pumasok at tatawag na lamang agad ako pag kinailangan ko siya dito.
Sumakay na ako sa trike, noong una ay medyo nagulat pa ako sa boses noong drayber dahil pakiramdam ko'y kaboses niya si Matias.
Agad namang napawi ang pagkabalisa ko ng makitang may sakay ito sa likod, asawa niya.
Hanggang ngayon ay may takot pa rin akong nararamdaman. Hindi naman agad iyon mawawala pero kailangan kong maputuloy kung hindi ay lalamunin lamang ako ng dilim.
Mabilis akong nakarating sa aming baryo at tingin ko'y nagbago na ito simula noong nalaman kong dito sa mismong kalsada na ito pinatay si Tatay.
Muling bumigat ang pakiramdam ko ngunit isinantabi ko muna iyon. Nagbayad na ako sa drayber at nagsimulang maglakad pababa sa buhangin.
Sumalubong sa akin ang pamilyar na kabahayan samin. Ang matatayog na puno ng niyog sa bawat gilid at ang huni ng mga ibon sa himpapawid.
Kung sana wala lamang problema'y panunuorin ko ito hanggang sa magsawa ang mga mata ko ngunit hindi, kailangan kong kumilos.
Papuntang bahay ay nakita ko sila Aling Celine, Tata Melencio at Mang Jeri.
Si Aling Celine ay dali-daling lumapit at iniwang ang dinidiligan niyang halaman. Sina Tata naman ay may mga hawak na manok, kaagad na lumapit sa'kin.
"Sari! Ang Nanay mo kumusta na??" Hingal na tanong ni Aling Celine. Pumahid pa ito sa pawis niya sa noo.
"Hindi pa rin po nagigising ngunit ayos naman po siya." Kumamot sa ulo si Tata Melencio.
"Nako, sana'y magising na si Veron. Ipagdadasal namin siya, Sari." Tumango lamang ako.
"Kung may kailangan kayong magkapatid ay 'wag kayong magdalawang isip tawagan kami ha. Pwede rin na ako ang magbantay kay Veron para makapasok ka ng eskwela." Gumaan ang dibdib ko sa suhestyon ni Aling Celine ngunit nakakahiyang makaabala pa ng iba.
"Maraming salamat po sa inyo. Kukuha lang po ako ng damit kaya bumalik po ako dito.." Tumango sila at humayo na. Naiwan si Mang Jeri sa harapan ko.
"Umabsent ka sa iyong klase, Sari?" Malungkot akong tumango.
"Opo Mang Jeri, eh. Wala po kasing magbabantay kay Nanay pero do'n naman dumidiretso si Sadie pagtapos ng klase niya." Huminga ito ng malalim.
"Kung may maitutulong kaming pang pinansyal ay mag-aabot din kami sa inyo, Sari. Alam mo naman, parang magpamilya na rin tayo.."
Parang may humaplos sa aking puso sa sinabi ni Mang Jeri.
"Maraming salamat po lalo na sa pagbuhat niyo kay Nanay noong natagpuan siyang walang malay." Nagkibit lamang ito ng balikat.
"Wala iyon, Sari. Halos si Ithuriel din naman ang kumilos noon. Sobrang bilis umaksyon nung batang iyon, kinabahan din marahil dahil Nanay na rin ang turing niya sa Nanay mo." Ngumiti ito ng tipid.
"Oh siya, magpakatatag kayo ha. Lalo na't nasa kulungan na rin pati ang magulang ni Ithuriel.."
Napako ang paa ko sa buhangin. Tama ba ako ng rinig?
"Ikumusta mo na lamang ako sa iyong Nanay kapag nagising na siya.." Tinapik ni Mang Jeri ang balikat ko at linagpasan na ako.
Nasa kulungan na rin si Aling Matiana at Mang Agripino? Paano?
Paanong nangyari 'yun? Bakit hindi ito sinabi ni Ithuriel sa'kin?
Nanlambot ang aking mga tuhod sa narinig ngunit kinailangan ko pa rin bumalik sa bahay para kunin ang mga dapat kuhanin.
Pabalik ng ospital ay pinuno muli ng mga katanungan ang ulo ko.
Bakit nakulong sila Aling Matiana at Mang Agripino kung tuloy na silang nagpapagaling sa bahay nila Aling Sita?
Baka naman pekeng balita lamang ang nasagap ni Mang Jeri.
Sigurado naman akong sasabihin ni Ithuriel sa'kin 'yun kung sakali mang totoo.
Mabilis akong nakarating sa ospital. Sumalubong saakin ang pila ng mga tricycle sa gilid at ang mga tingin ng drayber.
Pakiramdam ko'y nakatingin sila sa akin o baka dahil natutuliro lamang ako.
Minadali ko ang pagpasok sa loob lalo na ng makita ko ang itim na kotse mula sa parking.
Naabutan ko sa ward si lola Virginia at lolo Barry.
Nakasuot ng abong bestida si lola at nakaipon ang buhok nito sa likod. Hindi rin nawala ang perlas niyang kwintas sa leeg at mamahaling bag sa kanyang gilid.
Si lolo Barry naman ay naka polo shirt na puti na halos kasing kulay na ng kanyang buhok. Inayos nito ang suot ng salamin sa mata ng makita akong padating.
Sa kama ay payapa pa ring tulog si Nanay. Si Sadie naman ay pinupunasan ang braso ni Nanay ng basang bimpo.
"Ate, may dalang mga pagkain sila lola." Itinuro ni Sadie ang mga takeouts na nasa gilid ng kama ni Nanay.
"Kumain ka na muna, Sari. Para makapag-usap na tayo ulit." Mahinahong sabi ni lola.
Hindi ako kumibo.
"You look so exhausted. Sit here, Sari. Magpalakas ka o gusto mo na lang rin maospital gaya ng Nanay mo?" Tumaas ang kilay ni lola at pinaupo niya ako sa tabi niya.
Inabot niya sa akin ang pagkain ngunit hindi ako kumilos. Hindi ako ginugutom ngunit pinipilit niyang ilapit sa akin ito.
"Ayaw mo?" Umiling ako at binaba niya na iyon. "Okay, pag-usapan na natin ang desisyon mo kung ayaw mo palang kumain. Tell me, nagbago na ba ang isip mo?"
Parang may kung anong pumitik sa aking sistema noong tanungin niya ako.
"Hindi pa po ako nakakapag desisyon. Hindi po ito madali, lola." Diretso lamang ang tingin ko sakanya at nakita ko naman itong umismid.
"Anong hindi madali? Umoo ka lang at tapos na ang lahat. Gagaling ang anak ko, gaganda ang kinabukasan niyo. Ayaw mo ba no'n?" Medyo tumataas na ang boses nito kaya napapatingin na ang ibang pasyente sa aming banda.
"Calm down, Virginia." Bulong ni lolo Barry sa kanyang likod.
"No, Barry. Sinusubok ang pasensya ko ng mga anak ni Veronica. Hindi ba't 'yun naman ang gusto ng Nanay mo? Bakit ayaw mo pang pumayag?" Pinanlakihan niya ako ng mata ngunit hindi ako natinag doon.
"Patatagalin mo pa talaga sa ganyang sitwasyon si Veronica? Ang Nanay mo? Hindi mo kayang mag desisyon agad? Ayaw mo bang gumaling agad ang anak ko?" Kumuyom ang aking palad sa aking narinig.
"Siguro'y makasarili ka? Ano pa bang ikinababahala mo? Ang maiiwan mong buhay dito sa probinsya? Wake up, Sari! Ang sabi ng Nanay mo ay matalino kayong magkapatid. Now, use your brains! Gugustuhin mo bang maghintay ng sobrang tagal sa paggising ni Veronica gayong mas maaalagaan siya sa Maynila? O baka naman hindi ka makaalis dito dahil sa pag-ibig mo?" Tumawa ito ng sarkastiko.
"Tandaan mo, kapag hindi ka pumayag sa gusto ko na dalin kayo sa Maynila ay papayag ako sa gustong mangyari ng lolo Barry mo. Ipapakasal ka pa rin sa iba at hindi mo rin makakasama hanggang pagtanda ang binatang iyon! Ngayon, consider making a wise decision o baka ulitin mo lamang ang desisyon ng Nanay mo noon. Tignan mo naman ang kinahinatnan. Napaka gulo ng buhay niyo—"
"Huwag niyo pong idamay si Nanay dito! Wala siyang kasalanan sa nangyayari ngayon. Ang rason kung bakit hindi agad ako makapagdesisyon sa gusto niyong mangyari ay kayo. Galit sa inyo si Nanay no'ng huli niya kayong nakita at ayokong pangunahan siya sa magiging desisyon niya. Nagsinungaling kayo sa pagkamatay ng asawa niya, ng Tatay namin. Hindi niya kinaya ang sakit hanggang sa—"
Hindi ko na naituloy ang sunod kong sasabihin nang maramdaman ko ang hapdi sa aking pisngi.
"Ate!" Sigaw ni Sadie.
"Hanggang sa ano?! Hanggang sa ano? Don't you dare say that! Kayo ang may kasalanan niyan dahil hindi niyo binantayan ang Nanay niyo! Irresponsible children! Kung nasa puder ko lamang sana ang anak ko ay maayos siya ngayon!" Hindi ko na napigilan ang paghikbi.
"H-hindi po totoo 'yan.. Saksi kami sa sakit na dinanas ni Nanay kasi kasama niya kami. Nandoon kami, lola. Siguro nga kung nasa puder niyo siya ay maayos si Nanay ngunit hindi naman magiging masaya." Humarap ako kay lola dahil iniiwas niya na ang tingin niya sa akin.
Nanginginig man ang kamay ko pero inabot ko pa din ang kanya.
"Patawarin niyo po ako pero at least sa piling ni Tatay ay naging masaya siya kahit saglit lang.." Nakita ko ang bahagyang paglamlam ng mata ni lola.
Alam ko pareho lamang kaming nasasaktan ngayon sa kalagayan ni Nanay pero hindi tama na magsisihan kami sa panahon na ito.
"I know. Matagal ko ng alam iyan, Sari. I'm just hurt, forgive me. Pero pakinggan mo din sana ang sinasabi ko, Apo. Alang-alang na lamang kay Veronica. Alam mong mas mapagtutuunan siya ng pansin sa Maynila. I cannot afford to lose her again. Not this time. Pagbigyan mo ulit akong maging magulang para sa Nanay mo, Sari."
Lumitaw ang sinseridad sa mata ni lola.
"Me too, Sari. I won't deny that I was mad to Veronica— our own daughter, but after I've heard everything that just happened, I felt guilty. My daughter deserves better and seeing her like that in a hospital bed looking pale and lifeless, hindi ko kaya." Ang baritonong boses ni lolo ay mahihinuha kong lumungkot.
"Just think about it, Sari. Alisin mo muna sa isip mo ang galit ni Veronica. Sa kamay mo nakasalalay ang buhay ng Nanay mo." Pinunasan niya ang luhang tumulo sa kanyang mata.
Iyon ang huling sinabi ni lola bago ko lumabas ng ward. Kailangan ko muling mapag-isa para makapag isip.
Umandar ang oras at nanatili ako sa parking lot hanggang sa mag Alas Siyete na ng gabi.
Natakpan ang ingay ng mga kuliglig sa labas dahil sa huling buga ng tambutso. Mula doon ay nakita kong bumaba si Ithuriel sa trike.
Nakasuot ng puting polo na longsleeves na nakaangat hanggang siko. Naka slacks din itong itim gaya ng kanyang sapatos, malamang ay dumiretso dito galing sa opisina ni Mr. Delfino.
Kapansin pansin ang lalim at lungkot sa mata nito ngunit nagawa parin niya akong salubungin ng ngiti.
"Sari.." Tumayo ako at pinagpag ang likod ng aking pang-ibaba.
Pagkalapit niya sa'kin ay marahan niya akong niyakap.
"Kumain na ba kayo? May dala ako dito." Inangat niya ang dala niyang paper bag.
Sa halip na sumagot ako ay hindi ako kumibo. Nakita ko ang pag-aalala sa mata niya.
"May problema ba, Sari? Sabihin mo sa'kin." Binasa niya ang pang-ibaba na labi niya at hinawakan ang pisngi ko.
"Bakit hindi mo sa akin sinabi?"
"Ang ano?" Lumambot ang boses niya.
"Ang tungkol sa magulang mo, Ithuriel. Bakit hindi mo sinabi?" Bumagsak ang kanyang balikat at bumaling sa kanyang gilid pagtapos ay huminga ng malalim.
"Sari. Ayoko lang dumagdag pa sa problema mo.." Binaba niya sa gutter ang hawak niyang paper bag at pilit akong pinaharap sa kanya.
"Ang duga mo. Bakit hindi mo pinaalam? Kung hindi ko pa nakasalubong si Mang Jeri ay mananatili akong walang ideya." Iniiwas ko ang kamay ko sa kanya.
"Makinig ka, Sari.. Ayoko lang madagdagan ang bigat ng kalooban mo. Tama na 'yung dinadanas mo ngayon kaya hindi ko na lang sinabi.."
Naiiyak ako. Ibig sabihin noon ay nasa kulungan na ang buong pamilya niya. Ang Nanay, Tatay at Kapatid niya.
Ano na lamang ang nararamdaman niya ngayon? Alam kong masakit 'yun para sakanya.
"Kung ganon ay bakit ka nandito? Dapat naroon ka sa kanila diba? Bakit mas inuuna mo kami? 'Di ba ayaw mong makulong si Aling Matiana at Mang Agripino? Anong ginagawa mo dito, Ithuriel??" Pumapalag ako sa paghawak niya sa aking braso.
Ayoko ng ganito. Na parang mas pinoproblema niya kami kaysa sa sarili niyang problema. Ang pabigat ko.
Alam ko kung gaano kamahal ni Ithuriel ang mga magulang niya.
"Ano ka ba, Sari.. Syempre, kailangan mo ako kaya ako nandito—"
"Hindi, Ithuriel. Huwag mo kaming unahin kaysa sa pamilya mo. Kaya ba mugto din ang mata mo kahapon? Bakit hindi ka nagsalita? Bakit?" Tinulak ko na siya ngunit binalot niya ako ng mahigpit niyang yakap.
"Sorry.. sorry. Ang dami mo na kasing iniisip, ayoko na pati ako ay makisali pa. Hindi totoong gumaling sila Nanay, Sari.." Tumikhim siya.
"Noong nalaman pala ni Matias ang tinitirhan nila ay tinulungan niyang matuloy ang transaksyon. Patuloy silang gumamit ni Tatay at nagbenta.." Nalukot ang puso ko sa lungkot ng boses ni Ithuriel.
Halos pabulong na iyon. Sinuklay niya ang aking buhok mula sa likod.
"Kinanta sila ni Matias sa kapulisan kaya na-raid ang bahay ni Aling Sita. Natagpuan sa kubo ang ilang pakete ng droga, Sari.. Walang kawala. Nandoon lahat ng ebidensya. Dahil do'n, inatake si Aling Sita. Gulat na gulat sa pagdating ng mga kapulisan sa kanyang bahay. Nagpapagaling naman na siya kasama si Boyong. Pinuntahan ko din kanina para dalawin, hindi ko kakayanin kung pati siya ay madamay sa gulo ng pamilya ko, Sari.."
Basag ang boses niya at alam kong masakit sakanya ang nangyayari.
Wala man lang akong ideya na ganito ang pinagdadaanan niya? Bakit lagi na lang akong walang alam?
"Kaya huwag mo kaming problemahin, Ithuriel.. Imbes na sa amin mo ibigay ang perang maiipon mo, gamitin mo na lamang iyong pang pyansa sa magulang mo at pag/aaral mo.." Humiwalay ako sa bisig niya at hinawakan ang kamay niya.
"Hindi pwedeng gano'n, Sari.. Imposible 'yang hinihiling mo. Kaya ko naman, hindi naman ako nagrereklamo. Kaya kong pag-ipunan ang pang pyansa nila Nanay at ang bayarin para kay Aling Veron. Kaya ko 'yung pagpaguran, Sari." Umiling ako at napapikit.
"Hindi mo kasi naiintindihan, Ithuriel. Pakiramdam ko pabigat lang ako sa iyo! Kung wala ako, hindi ka mamomroblema ng ganyan. Edi sana ang pagpapalaya lamang sa magulang mo ang nasa isip mo ngayon.." Hinagod niya ang sariling buhok at napahilamos sa mukha.
"Sari, mag tiwala ka sa'kin. Magagawan ko ng paraan. 'Wag mong sabihin 'yan. Hindi ka pabigat sa akin, Sari. Kailan ko pinaramdam sa'yo 'yan?" Napayuko ako ng bumakas sa boses niya ang pagkabigo.
"T-tanggapin ko na lang kaya ang tulong nila lola?" Mahina kong suhestyon.
Mabilis umawang ang labi niya at umiling.
"Hindi, Sari.. Wala pa akong pera sa ngayon pero pangakong makakapag-ipon ako.." Marahan niya akong binalik sa dibdib niya.
"Baka 'pag tinanggap mo ang tulong, paglayuin nila tayo.." Sa sobrang hina ng boses ni Ithuriel ay halos 'di ko na ito marinig.
Napakagat ako sa ibabang labi ko.
"Magtiwala ka lang sa'kin, Sari. Kaya ko naman. Kakayanin ko naman." Unti-unti akong tumango habang patuloy niyang hinihimas ang likod ko.
Sandali pa kaming nanatili sa labas at nagpasya akong pauwiin na siya para makabawi man lang ng tulog.
Nagpumilit pa siya pero hindi na ako pumayag. Sobra na ang tulong na binibigay niya sa amin at tanging pahinga na lang ang maisusukli ko para sakanya.
Pumasok na ako sa public ward hawak ang paper bag ng pagkain nang naabutan ko ang paggalaw ng kamay ni Nanay.
Mabilis akong lumapit doon at pati sila lola ay tumayo na sa likuran ko.
Dahan-dahan ang pagdilat ng kanyang mata at parang nasilaw pa sa ilaw ng kisame.
Nang tuluyan na itong makadilat ay iginala niya ang mata niya sa paligid. Unti unting nangilid ang luha sa at mariing pumikit.
Nabuhayan ako sa nakita ngunit agad ring nabawi iyon ng paos siyang magsalita.
"B-bakit... buhay pa ako? A-ayaw ko na.. Ayaw ko na." Tumulo ang luha ni Nanay.
Parang nahigit ang hininga ko at kahit si Sadie ay nagulantang sa narinig.
"B-bakit nagising pa ako? Suko na ako.. G-gusto ko na lang matulog habang buhay. Bakit nandito pa ako, bakit? Bakit?!" Mula sa pagkakabulong ay nagsimulang mag wala si Nanay.
Tumaas baba ang kanyang balikat, tila nahihirapan sa paghinga.
Ang ibang tao sa ward ay napatingin na sa aming banda. Lumakas na rin ang bulong bulungan.
"Oh God, Veronica. Please, don't say that." Ani lola na papalapit kay Nanay ngunit napigilan ni lolo.
"G-gusto ko nang mawala! H-hindi ba malinaw iyon?! A-alisin niyo 'to!" Halos alisin ni Nanay ang nakakabit sakanya.
"Nay.. W-wag mong sabihin 'yan." Pilit ko siyang pinahiga sa kama dahil kumakawala siya.
"N-nanay.. Huwag ka namang ganyan. Nandito kami ni Ate, nandito pa kami.." Walang humpay ang tulo ng luha ni Sadie habang nakasulyap sa Nanay naming tila pinutulan na ng pag-asa.
Umiling ng umiling si Nanay at tumama ang tingin sa kanyang magulang.
"Bakit kayo nandito?! Bakit? Umalis kayo! A-ayoko kayong makita! Kayo ang dahilan kung bakit nawala si Emil! Kayo! Hindi niyo na dapat ako pinakialamanan noon! Ngayon, naghihirap ako!" Namula ang mata ni Nanay sa biglang pag-iyak.
"Kung hindi niyo ako pinagkasundo kay Raul ay hindi sana ganito! Gusto ko lang naman sumaya! Gusto ko lang maging masaya, bawal ba 'yon?! Hindi ba pwede 'yon?!" Hindi pa rin ito kumakalma kaya tumawag na si Sadie ng tulong.
"Nurse! Nurse!!" Agad lumapit s aamin ito at may itinurok kay Nanay.
"My Veronica.. I'm so sorry.." Takip ni lola sa kanyang bibig.
Galing sa pagwawala ay dahang dahang bumagsak ang likod ni Nanay sa kama.
"Hindi ko na kaya.. Sobrang sakit.. Hinayaan niyo na lang dapat ako." Tahimik na lamang itong lumuluha.
Kasabay noon ang pagkagat ko sa labi ko upang pigilan ang sariling paghikbi.
Lumipat ang mata niya sa amin ni Sadie.
"Ayoko na, Anak.." Bumagal ang paghinga ni Nanay na para bang ayaw niya ng ituloy ang kasunod noon.
Umiling ako at impit na pinigilan ang paghagulgol.
"H-hindi pwede 'yun, Nay.." Hinawakan ko ang kamay niya habang si Sadie naman ay umiiyak sa may ulunan niya.
"N-nay.. Wag kang ganyan.."
Pumungay ang mata ni Nanay ngunit bago ito sumara ay hindi pa rin ito tumigil sa pagluha.
"Emil.. Mahal ko, isama mo na ako sa'yo.. Parang awa mo na.. Pagod na pagod na ako.." 'Yun ang huling salitang binitawan ni Nanay bago siya tuluyang mawalan ulit ng malay.
Tumahimik sa loob ng ward at tanging pag-iyak na lang namin ang naririnig. Kahit si lola at lolo ay hindi nakapagsalita sa nasaksihan.
Masyadong tumimo sa puso namin ang mga salitang tumakas sa bibig ni Nanay. Salitang nanggaling sa kaloob looban niya na ngayon niya lamang nailabas dahil hindi na kinaya.
Parang punyal na bumaon sa aming kaluluwa, puno ng sakit at pighati.
Hindi ko kayang makitang gano'n si Nanay at hindi rin ako papayag na habang buhay niyang danasin mag-isa iyon.
Nandito pa kami ni Sadie. Hindi kami papayag na mawala sa amin si Nanay. Kailangan niyang magpagaling. Kailangan niyang gumaling.
Sandali pa kaming natulala sa nangyari ng basagin ni lolo ang katahimikan sa pagitan namin.
"Now that you've seen her condition.. What's your decision, Sari?" Mababa ang boses nito. Bakas ang takot.
"Ayun ba ang gusto mo para sa Nanay mo?" Dagdag niya.
Napayuko ako.
Matapos ng nasaksihan ko ay tila may nagbago sa kaibuturan ko.
Mabilis akong umiling. Ayoko nito para kay Nanay. Kung hindi namin siya maaalagan ng maayos dito sa probinsya ay baka nga sa Maynila, mas matutukan siya.
Baka nga sa puder ng magulang niya ay mas gumaling siya. Ang tanging hiling ko na lamang sa oras na ito ay mahinto na ang sakit na dinaramdam niya ngunit hindi sa paraan na gusto niya.
Kailangan niya ng tulong at hindi mangyayari 'yun kung sarili ko lamang ang iisipin ko.
Tama si lola Virginia. Baka ginagawa ko lamang dahilan ang galit ni Nanay sakanila upang 'di sumama sa Maynila ngunit ang totoo ay iniisip ko ang buhay na maiiwan ko dito.. Makasarili ako at hindi ayos iyon.
Tama na 'yung hindi ko napansin ang kalagayan ni Nanay kahit kasama namin siya sa bahay. Tama na 'yung pag-aakalang sapat kami para magpatuloy si Nanay kasi hindi.
Hindi kami sapat. Kailangan niya si Tatay.
Buong buhay ko'y saksi ako sa pagmamahalan nilang dalawa. Masasabi kong isa iyon sa pinakahinahangaan ko. Sobrang totoo at makabuluhan kasi ng kung anong mayroon si Tatay at Nanay noon.
Pinangarap ko na sana pagdating ng panahon ay makahanap ako ng ganoong klaseng pagmamahal.
Tingin ko nga'y nahanap ko na.
Pero ngayong nakikita kong sugatan si Nanay ay ipauubaya ko na lang ang parteng 'yun. Hahayaan ko na lang basta gumaling siya, ayos na ako.
Ayos na siguro ako..
"Kung hindi, pumayag ka na, Sari. We'll move to Manila. Ask some professional help for your mother while fulfilling Veronica's wish for you and Sadie. Magiging ayos ang kinabukasan niyo doon panigurado."
Mariin akong napapikit at napakagat sa labi ko.
Sana ay hindi ko pagsisihan ito.
Halos mag-away ang isip at puso ko ngunit sa huli'y hindi ko alam kung panalo o talo ba ako sa magiging desisyon ko..
"S-sige po, lolo.." Napasinghap siya at napatingin sa akin si Sadie.
Marahil isa na rin ito sa magiging dahilan upang mabigyan ng panibagong pagkakataon sina lola at lolo upang maging magulang para kay Nanay.
Tumatanda na sila at hindi ko 'yun ipagkakait sa kanila. Hindi naging maayos ang relasyon nila noon sa anak nila. At ngayon, mayroong pang panahon upang maitama nila iyon.
Sino ako para ipagdamot 'yon sa kanila?
Sapat na ang maraming taon na nasayang at ayaw ko ding dalhin nila iyon hanggang sa huli na ang lahat.
Lumunok ako kahit na pakiramdam ko'y may malaking harang na bumabara sa aking lalamunan.
"P-payag na po ako pero may hiling po sana ako.." Humigpit ang hawak ko sa sarili kong kamay.
Parang nanghihina ang mga tuhod ko lalo na't gumapang sa sistema ko ang kaba o 'di kaya nama'y pag-aalinlangan.
Hindi ko alam. Hindi ko na alam.
Nabuhayan ang mata ni lolo at saka nito hinawakan ang kamay ni lola Virginia.
"Anything, Sari.. Just tell me and I will do it." Marahan akong tumango at huminga ng malalim.
Pilit pinaniwala ang sarili na para din sa ikabubuti ng lahat ito.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top