Chapter 26
Masarap sa mata ang kulay ng panghapong langit. Hindi gano'n kainit at katamtaman lang ang ihip ng hangin.
Rinig muli ang kalmadong agos ng alon mula sa dagat na siyang nakakatulong sa pag-aaral namin ni Ithuriel ngayon sa dalampasigan.
"Kababalik niyo lang, midterms niyo agad?" Tanong niya habang nakadapa sa banig at tuwalyang linatag namin sa buhangin.
"Hindi kasi kami nakapag-exam bago mag sembreak. Ayoko na, ang sakit sa ulo." Kanina pa ako nagbabasa ng mga teorya at medyo nahihirapan na ako sa pag-intindi.
Pinatong ko na lamang libro sa mukha ko habang nakahiga.
Narinig ko ang mahinang tawa ni Ithuriel kaya umupo ako at sinulyapan siya.
"Ikaw? Mahirap ba 'yan?" Nginuso ko ang LSAT reviewer niya at agad naman niyang isinara 'yun.
"Oo, sumakit nga din ulo ko." Galing sa pagkakadapa ay hiniga niya ang ulo niya sa hita ko at humawak sa kanyang sentido.
"Kiss mo nga." Agad kong pinitik ang noo niya at sinamaan ng tingin.
"Mag-aral ka na." Tumawa naman ito at pinagpatuloy ang pagbabasa sa kanyang reviewer.
Nakapag desisyon na si Ithuriel at itutuloy niya ang pagpasok sa law school. Pero bago 'yun ay kailangan niya munang maipasa ang Law School Admission Test sa Disyembre at entrance exam sa unibersidad na mapipili niya.
Marami pa ang araw niya para makapag handa ngunit mabuti nang sigurado.
Inalis nito bigla ang libro sa tapat ng kanyang mukha.
"Sari.. Paano 'pag hindi na tayo masyado magkasama?" Kumunot ang noo ko.
"'Di ba tinanggap ko ang part time bilang assistant ni Mr. Delfino?" Tumango ako.
Alam ko ang tungkol doon, nabanggit niya na 'yun bago pa siya pumayag.
Si Mr. Delfino ang kasosyo ng aming principal sa pamimigay ng scholarship sa aming eskwelahan.
"Para habang pinaghahandaan ko ang LSAT ko, kumikita din ako." Aniya.
Nag-iipon na rin kasi si Ithuriel para sa kinabukasan at para din maibalik ang tulong kanila Aling Sita sa pagkupkop nito sa mga magulang niya.
"Oo nga, alam ko." Sagot ko at ngumiti sakanya.
"Ibig sabihin no'n, madalang na tayong magkikita. Ayos lang ba 'yun sa'yo?" Umayos ito ng upo at humarap na rin sa dagat.
"Bakit naman hindi? Para naman sa'yo 'yun at sa pangarap natin." Lumitaw ang ngiti sa labi ni Ithuriel.
"Pangarap natin." Hinatak niya ako palapit sakanya at pinasandal sa kanyang balikat.
"Sari.."
"Hmm?" Inangat ko ang tingin ko sakanya.
"Parang natatakot akong ipasa ang LSAT ko." Nanlaki ang mata ko.
"Bakit naman?" Napapikit ito at lumunok.
"Eh ang ibig sabihin no'n, luluwas ako ng Maynila para mag-aral." Hinawakan ko ang kamay niya.
Alam ko na iyon dahil wala namang unibersidad sa aming lugar na may programa para doon.
"Kaya ba natin kahit malayo tayo sa isa't isa?" Humina ang boses niya at hindi makatingin sa akin.
Agad akong napangiti.
"Ithuriel." Pilit kong pinalilingon ang mukha niya sa akin.
"May tiwala ka ba sa'kin?" Agad itong tumango.
"Ako din." Ngumiti ako. "Kaya kahit magkalayo alam kong kaya natin." Lalong humigpit ang yakap niya sa baywang ko.
"Sige. Pero lagi akong dadalaw dito. Babalik pa rin sa'yo, Sari." Hinawi nito ang hinangin niyang buhok at sabay naming pinanuod ang karagatan.
Mayamaya lang ay bumalik na kami sa aming pag-aaral. Isang oras din yata kaming hindi nag-uusap para makapag pokus sa kanya-kanya naming binabasa.
Habang nakaupo ay hinangin ang laylayan ng bestida kong puti kaya inipit ko 'yun sa aking binti.
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Ithuriel.
Binaba ko ang libro ko at naabutang nakatitig ito sa akin ng nakaupo. Nakatupi at magkahiwalay ang tuhod habang nakapatong doon ang magkabilang braso.
"Bakit?" Tanong ko.
"Wala." Ngumiti ito at ngumuso naman ako.
"Ano nga?"
Tumawa ito ulit at umiling.
"Wala. Ang ganda mo kasi tuwing puti ang suot mo. Bagay sa'yo." Sabi nito saka pinaglaruan ang labi.
"'Pag puti lang pala ha." Tumawa ito sa sinabi ko.
"Hindi ah. Araw-araw ka namang maganda." Seryoso niyang sambit.
Namula tuloy ako at hinarang na lang ng libro sa mukha.
Bumalik ako sa pagbasa ngunit nararamdaman ko ang tingin nito sa akin. Mayamaya ay may dinikit itong sticky note sa pahina na binabasa ko.
Maliit na drawing ng rosas na may nakasulat na: My Sari.
"Wala lang kulay pero puti 'yang rosas na 'yan." Tumingin lamang ako at inabangan ang paliwanag nito.
"Innocence and purity." Ngumiti ito.
"'Yun ang sumisimbolo sa'yo.. Gano'n ka, Sari." Kinuha ko ang sticky note, inipit sa libro at napangiti.
Ilang sandali pa ay naisipan na naming iligpit ang banig at pumasok na muna sa bahay.
"Oh, halika kayo. Sari, Ithuriel. Meryenda muna kayo." Iginiya kami ni Nanay sa lamesa upang kumuha ng pansit at juice.
"Kumusta ang pag review niyo?" Kumuha na kami ng plato at inuna kong lagyan ang kay Ithuriel.
"Ayos naman po, Aling Veron. Sumakit daw po ang ulo ni Sari." Tumawa si Ithuriel at sinamaan ko siya ng tingin. Alam kong nang-aasar ito.
"Ang yabang mo na ha." Pinanliitan ko ng mata si Ithuriel.
"Uy, grabe si Ate! Matalino lang talaga 'yang si Kuya. Siya nga sumasagot ng assignment ko sa math eh." Sabay apir ni Sadie kay Ithuriel pagtapos niyang kindatan ito.
"Aba, bakit kay Kuya Ithuriel mo pinasasagot ang assignment mo?" Tinaasan ng kilay ni Nanay si Sadie ngunit tumawa lang ito at patuloy na kumain habang nakaupo sa may hagdan.
Umupo na kami ni Ithuriel sa sala at do'n kumain.
Nagulat na lang ako ng salinan niya pa ng pansit ang plato ko.
"Damihan mo ang pag kain, Sari. Ayoko ng payat ka." Pasimple kong kinurot ang tagiliran niya.
"Uy uy, joke lang! Gusto kita kahit payat o tumaba ka pa." Napailing na lang ako at nagpatuloy sa pag kain.
"Aling Veron!"
Napatingin kami sa aming pinto ng makita namin ang nakatayong si Macoy, galing pa yata ito sa pagtakbo dahil hinihingal ito.
"May naghahanap po sainyo sa itaas. Dalawang matanda po eh." Nagkatinginan kami ni Nanay at agad na lumabas sa aming bakuran.
Mula sa malayo ay matatanaw ang dalawang matanda na pababang tumatapak sa buhangin, inaalalayan ng isang nakabihis pang kasambahay at driver.
Nakaparke sa aspalto ang itim nilang sasakyan na mahahalata mong pang mayaman.
"Ang lola Virginia at lolo Barry niyo.."
Papalapit na sila ngayon at tila sumisigaw ng karangyaan ang kasuotan ng dalawang matanda habang inaalalayan sila patungo sa aming bahay.
Ang matandang babae ay medyo kita pa ang itim ng buhok. May suot na perlas na hikaw at kwintas habang ang matandang lalaki naman ay puti na ang buhok at may suot na salamin. Malaki pa rin ang katawan nito ngunit mahahalata mong may edad na.
Ito ang magulang ni Nanay. Hindi ko akalaing mayaman pala talaga sila. Akala ko ay may kaya lamang sila, ngunit sa itsura nito ay mukhang mali ako.
Pagtapak nila sa aming bakuran ay bumitaw na ang matandang babae sa kanyang kasambahay at nilipat ang tingin kay Nanay.
"Veronica Lamarre." Hindi ko mabasa ang ekspresyon nito ngunit nakakamangha na sobrang kamukha niya si Nanay.
"Long time no see, Daughter." Bungad ng Tatay niya na blangko lang ang itsura. May diin sa bawat salita.
Nanatiling diretso ang tingin ni Nanay sakanila.
"Veronica Alonte." Pagtatama niya sa kaniyang ina. Nakita ko ang pag-ismid ng matandang babae.
Pumasok si Nanay sa bahay at gano'n din ang ginawa ko. Sumunod naman ang matatanda at halos igala nila ang kanilang paningin sa loob ng bahay.
Bumalik ako sa tabi ni Ithuriel na tahimik lamang na nakatingin sa dalawa. Alam niya na ang tungkol sa lola at lolo ko ngunit hindi namin inaasahan na ngayon ang dating nila para bumisita dito.
"Pag pasensyahan mo na Veronica at hindi kami nakapagsabi na ngayon ang dating namin ng Tatay mo." Tumango lang si Nanay at hindi sumagot.
"Sasaglit lang kami dito dahil may meeting din ang Lamarre Corporations malapit dito sa probinsya na ito." Anito.
Hindi pa rin sumagot si Nanay. Sa halip tumingin ito sa amin at pinakilala ang magulang niya.
"Sari. Sadie. Ito ang lola Virginia at lolo Barry ninyo." Tumayo agad kami ni Sadie at inabot ang kanilang kamay upang magmano ngunit iniwas nila iyon.
"A beso will do, Hija." Dumampi ang pisngi ko sa aming lola at gano'n din si Sadie.
Nang lumipat naman ang tingin namin sa Tatay ni Nanay ay umiling lang ito na para bang ayaw magpahawak.
Tumikhim na lang si Nanay at bumalik kami sa pwesto namin.
Lumipat ang tingin ni lola Virginia kay Ithuriel at para namang naestatwa ang katabi ko.
"I didn't know you have a son, Veronica." Hindi naaalis ang tingin nito kay Ithuriel.
"Nako, hindi po. Ithuriel Cruz po." Mabilis itong tumayo at naglahad ng kamay sa aming lola ngunit hindi inabot kaya hinawakan ko ang kamay niya na naiwan sa ere.
"Kasintahan ko po." Halatang nagulat si Ithuriel sa pagpapakilala ko sakanya.
Pinisil ko ang kamay niya at saka ngumiti.
Mayamaya ay narinig ko ang bahagyang pagtawa ni lolo Barry.
"Parang ikaw din pala ang panganay mo, Veronica. Puso ang inuuna." Tumahimik sa loob ng bahay at ramdam ko ang tensyon sa pagitan ni Nanay at ng kanyang mga magulang.
Nagkatinginan na lamang kaming tatlo nila Sadie dahil ang lamig ng pakikitungo ni Nanay sa kanyang mga magulang.
Niligpit ko na lamang ang pinagkainan namin ni Ithuriel at nilagay sa lababo habang sila ay pinasadahan ng tingin ang buong bahay.
"Is this what you call home, Veronica?" Diretso ang pag-ingles ng matandang babae, halatang sanay sa lenggwahe na iyon.
"Virginia. Hayaan mo ang anak natin, tutal ito naman ang ginusto niyang buhay." Kalmado ang mukha ng Tatay ni Nanay ngunit makikitang sarkastiko ito.
"Yes. A life without us in it which is insane." Ngayon ay lumalakad na si lola Virginia at hinahawakan ang mga frame na nakadisplay malapit sa telebisyon.
"I wonder what it's like noong nabubuhay pa si Emil.. Was he a good father to you two?" Lumipat ang tingin nito sa akin at kay Sadie.
"H-hindi ko po siya naabutan." Mahinang tugon ni Sadie.
Nagbago ang ekspresyon ni lola at tumango na lang ito.
"Sorry, I forgot." Muli itong bumalik sa tabi ng kanyang asawa.
"How about our Veronica? Is she a good mother? 'Cause you know, she hasn't been a good daughter to us the moment she chose your father over us." Nagtagis ang bagang ni Nanay at nakita ko iyon. Alam kong nagpipigil lang siya.
"Tapos ngayo'y tumawag para humingi ng tulong—" Pinutol siya ni Nanay.
"Palagi akong naging mabait na anak sainyo. Kayo ang tumalikod sa akin, hindi ako." Tumaas ang kilay ni lolo Barry.
"'Yan ba ang nakuha mo sa pagsama mo kay Emil, Veronica? Where's your class? The respect? Lammares are known for being noble, smart, and exclusive. I didn't know what happened to you." Inayos nito ang salamin niya sa mata.
"I just hope mas maging matalino ang mga anak mo sa iyo, Veronica. But look at your eldest, mukhang susunod din sa yapak mo." Napalunok si Ithuriel dahil naiintindihan niya ang gustong iparating ni lolo Barry at hindi maganda iyon.
"Kung nandito lang kayo para insultuhin kami ng mga anak ko, pwede na kayong umalis!" Nagulat ako sa biglang pagsigaw ni Nanay.
Natigilan si lola Virginia at umiling. Mukhang hindi makapaniwala.
"You don't get to be mad, Veronica! Not to us! We only wanted what's best for you and clearly, this is not it!" Tinuro nito ang buong bahay namin.
"Your mother is right, Veronica. Look at you! Look at this house! Nasira ang buhay mo sa pagsama mo kay Emil!" Kitang kita ko ang galit sa mata ni lolo Barry.
"We are your parents Veronica and you're our only child! We are your Mama and Papa, remember?" Pagpapaalala ni lola kay Nanay.
"Pakinggan mo ang Mama mo, Veronica. Kami ang dapat na nagagalit at hindi ikaw. You left us— your birth parents! Para kanino? For a man who was—"
"Tama na! 'Wag niyo ng banggitin ang pangalan ni Emil kung hanggang ngayon hindi niyo pa rin siya tanggap! Patay na ang asawa ko. Patay na. Sinabi niyo gusto niyo kung anong maganda para sa akin, si Emil 'yon! Pero hindi niyo siya nagawang tanggapin kahit ngayong patay na siya!"
Sumakit ang puso ko lalo ng noong nabanggit ang pangalan ni Tatay. Napansin yata iyon ni Ithuriel at agad namang hinawakan ang kamay ko.
"Anong punto ng pagpunta ninyo dito? Kung hindi kayo handang tumulong para sa mga apo niyo, umalis na lang kayo." Hindi na sila muling tinignan ni Nanay.
"This is not the Veronica we know, Barry." Sambit ng Nanay niya pagtapos ay tumingin ito sa kanyang asawa.
Hinawakan ni lolo ang braso ni lola Virginia.
"Noong oras na sumuway siya sa utos natin, hindi na siya ang Veronica na anak ko." Napakagat ako sa labi ko dahil nakita ko ang pagnginig ng kamay ni Nanay.
"We're not yet done pero mas mainam kung aalis na kami. Gusto naming tulungan ang aming mga apo, 'yun ay kung gusto nilang magpatulong." Nagtagal ang tingin ni lola sa kanyang anak at sa amin si Sadie saka lumakad paalis.
"The next time we visit you again, Veronica. Tanggalin mo ang galit mo sa aming magulang mo. Kung gusto mong tulungan namin ang mga anak mo, isantabi mo 'yan." Sobrang lamig ng mata ng Tatay ni Nanay. Para itong nagbabanta.
Sumunod na siya sa kanyang asawa at inalalayan muli sila ng kasambahay at driver noong lumalakad na sa buhangin.
Tahimik lamang kami habang pinapanuod silang umalis hanggang sa makasakay na sila sa kotse at tuluyang nang mawala sa aming paningin.
Do'n lang kami nakahinga ng maluwag.
"Pasensya na, Ithuriel. Nakita mo pa iyon." Sambit ni Nanay at sandaling pumahid sa kanyang mata.
Malamang ay naiyak ito sa galit.
"Wala pong problema, Aling Veron." Tumingin lamang ako kay Ithuriel at hinimas nito ang aking likod upang pakalmahin.
"Sigurado akong maraming tumatakbo sa isipan ninyo, Sari. Sadie. Baka oras na din para malinawan kayo." Umupo si Nanay sa pang isahang upuan at tumabi naman si Sadie sa kabilang gilid ko.
"Lumaki kayo ng hindi ko kailan man nabanggit ang tungkol sa magulang ko. Ang lolo at lola niyo." Nakatingin lamang ito sa baba.
"May dahilan iyon. Ayokong kilalanin niyo sila bilang lolo at lolang mapangmata sa kapwa. Lumaki ako kasama nila ngunit alaga ako ng kasambahay dahil palagi silang abala sa trabaho at kompanya nila. Ang Lamarre Corporations."
Ngayon ay napatunayan ko na mayaman nga ang magulang ni Nanay. Hindi naman ito magkakaroon ng kompanya kung hindi.
"Simula bata hanggang mag dalaga ay hindi ako nabigyan ng atensyon ng magulang ko, mga anak." Tinignan niya kami ni Sadie.
"Noong dumating sa buhay ko ang Tatay niyo, doon ko naranasan mapagtuunan ng atensyon. Para akong walang alam sa mga bagay dahil hindi ako pinalalabas. Ultimo pag-aaral ay sa loob nga lamang ng bahay."
Nakaramdam ako bigla ng awa kay Nanay. Kaya pala hindi sanay sa gawaing bahay ni Nanay ay dahil dito.
"Isang beses noong nasa kolehiyo na ako ay tumakas ako. Madaling madali papunta sa kompanya namin sa Maynila habang nakaayos. Gamit ko pa ang mamahaling bag ni lola Virginia niyo upang ipagmalaki sa labas dahil unang beses ko 'yun makakagala ng hindi sa loob ng bahay."
"Sobrang saya ko no'n. Pakiramdam ko ay naging malaya ako ngunit hindi din pala gano'n kaligtas sa labas dahil maraming masasamang loob. Napawi ang tuwa ko no'ng may humila sa bag ko at tinangay 'yun. Naroon ang pera at cellphone ko. Pag nalaman ng lola Virginia niyo na nanakaw ang bag niya ay malamang magagalit iyon sa akin." Sandaling napailing si Nanay habang inaalala ang nangyari.
"Pero may lalaking dumating. Ang Tatay niyo. Si Emil.." Patuloy kaming nakinig kay Nanay habang si Ithuriel ay paminsan minsang nilalaro ang kamay ko.
"Hinabol niya ang nagnakaw ng bag ko. Halos mapatakip pa ako sa bibig nang makita ko siyang pabalik sa akin, dumudugo ang braso dahil sa hawak na kutsilyo nung magnanakaw. Hindi ako nakagalaw agad noon. Unang beses kong makakita ng tumutulong dugo. Gulat at takot din na gano'n pala ang mundo sa labas ng bahay." Napakamot si Nanay sa kanyang ulo.
"Pero ang Tatay niyo, parang wala lang nangyari sakanya. Hindi ko alam paano magpapasalamat gayong sobrang delikado ng ginawa niya. Aalis na sana siya matapos niyang ibalik ang bag ngunit tinanong ko ang pangalan niya at kung saan siya papunta. Sinabi naman niya na naghahanap siya ng trabaho kaya agad ko siyang dinala sa aming kompanya."
"Matapos ko siyang tulungan maglinis ng sugat kahit wala akong ideya doon ay pinalista ko ang pangalan niya para hindi na dumaan sa job interview. Ngunit ayaw niya daw no'n, gusto niya matanggap siya dahil sa kakayahan niya at hindi dahil sa may nagpasok lamang sakanya." Napangiti si Nanay.
"Humanga ako sakanya dahil bukod sa mabait siyang tao ay matalino din ito. Hindi ko siya tinulungan ngunit nakapasok siya sa kompanya ng mag-isa. Naging magaan agad ang loob ko sakanya lalo na tuwing kinakausap niya ako pag naroon ako sa Lamarre Corp." Huminga ng malalim si Nanay.
"Ngunit ng malaman iyon ng lolo Barry niyo ay pinag-initan siya nito. Pinaliwanag ko na hindi naman ako ginamit ni Emil para makapasok siya sa kompanya. Pilit niya kasing sinasabi iyon. Tahimik na nagtatrabaho si Emil sa posisyong pinaghirapan niyang kunin pero kahit hindi sakop ng trabaho niya ay pinagawa na din sakanya ng lolo niyo. Noong una ay walang problema dahil kinakaya ni Emil pero hindi tama iyon."
"Dumalas ang pagpunta ko sa kompanya dahil sakanya at para rin silipin kung umaayos na ba ang trato sakanya ni lolo Barry niyo. Pero mali ako, agad kong kinompronta si Emil kung bakit pumapayag siyang ganunin siya ng Tatay ko ng sobrang tagal ngunit hindi ito sumagot. Sa halip, sinabi niya lang na gusto niyang magpakitang gilas sa Tatay ng babaeng natitipuhan niya."
"Kahit baguhan ako sa larangan ng pag-ibig noon ay masasabi kong totoo ang sinasabi niya at pareho kami ng nararamdaman. Isang beses ay gusto ko sanang lumabas kasama siya ngunit ayokong magpaalam sa magulang ko dahil alam kong hindi sila papayag. Ayaw ni Emil. Hindi daw siya papayag na umalis kami ng walang permiso ng magulang ko dahil mahalaga daw iyon. Marami kong bagay na natutunan kay Emil. Sobrang dami. Naging nobyo ko siya ng palihim, hindi dahil sa gusto niyang ilihim kundi dahil sa akin. Ayokong ipaalam dahil alam kong tutol sila sa amin ni Emil at hindi nga ako nagkakamali." Sandaling huminto si Nanay.
"Tumagal ng tatlong taon ang lihim na relasyon namin hanggang sa nagpasya si Emil na sabihin na sa Tatay ko dahil seryoso daw siya at gusto niyang makuha ang basbas nito. Bagay na hindi namin makukuha sa magulang niya dahil matagal ng patay ang mga ito." Sa kwento ni Nanay ay medyo nalilinawan na ako.
"Ngunit nang ipaalam iyon ni Emil ay sobrang nagalit ang lolo niyo. Sinampal niya ito sa loob ng opisina niya habang ako naman ay umiiyak na lang sa tabi niya. Sobrang mahal ko si Emil kaya hindi ko na napigilan at biglang lumakas ang loob ko para sagutin ang Tatay ko, nagalit sa paraan ng pagtrato niya sa taong mahalaga sa akin. Nagulat yata siya sa inasta ko at muntikan na din akong sampalin ngunit sinalag iyon ng Tatay niyo. Hindi daw siya papayag na saktan ang babaeng pinaka-iniingatan niya."
"Nalaman na rin ng lola Virginia niyo at halos lahat ng nasa kompanya ng Lamarre ang tungkol do'n pero wala akong pakialam no'ng oras na 'yun. Sobrang nagalit sila sa akin dahil masyado daw akong walang alam sa mundo at naisahan ako ng manloloko. Pero mali sila. Hindi gano'n si Emil. Kilala ko siya. Kinilala ko siya at dahil do'n napagtanto ko na hindi hadlang ang estado sa buhay kapag nagmahal ka."
"Isang beses ko lamang naranasan mabigyan ng kalinga't atensyon at dahil iyon sa Tatay niyo.. Kala ko noong unang beses kong makalabas ng bahay ay kalayaan na ang tawag do'n pero hindi. Ang kalayaan ay no'ng umalis ako sa puder ng magulang ko at sumama kay Emil para ipaglaban kung anong mayroon kami. Para ipaglaban ang pagmamahalan namin." Ramdam na ramdam ang ligaya sa pagkukwento ni Nanay.
Parang sariwa pa rin sa memorya niya ang alaala nila ni Tatay.
"Dumating ang panahon at pinatalsik na sa trabaho si Emil. Magaling at matalino siya ngunit hindi sapat iyon para sa lolo Barry niyo. Ang gusto ng lolo niyo ay ang pangalang kilala sa industriya ng negosyo. Humingi na rin ako ng tulong sa lola Virginia niyo upang tanggapin si Emil sa pamilya ngunit kahit siya ay tutol. Hindi daw tama para sa akin si Emil. Hindi ako naniwala. Dahil simula ng makilala ko si Emil, do'n lang naging makabuluhan ang buhay ko. May pera ako ngunit nasaan ang kaligayahan ko? Si Emil lang ang nakapagbigay sa akin no'n. At hindi ko 'yun ipagpapalit sa kahit anong yaman."
"Sobrang pamamahiya at pananapak ng puri ang binigay ng lolo Barry niyo kay Emil at ultimo anak niya ay tinakwil niya rin sa harap ng madaming tao. Tinanggalan niya ako ng pera sa bangko at pilit kaming pinaghihiwalay ng Tatay niyo."
"Sumama ako kay Emil. Nung una ay mali pa din iyon sa tingin niya dahil iniisip niya ang sasabihin at mararamdaman ng magulang ko 'pag iniwan ko sila. Pero gusto ko na ng buhay kasama siya at pinangakuan niya nga ako ng buhay na 'yun. Lumipat kami dito sa probinsya. Hindi ako sanay ngunit masaya ako. Sapat na ang mabuhay kasama ng taong mahal mo kaysa mamuhay sa karangyaan ng wala namang may pakialam sa'yo."
Dumidilim na sa labas ngunit hindi namin alintana iyon dahil sa pakikinig namin kay Nanay.
"Maaga man siyang nawala pero nandito siya. Narito ang Tatay niyo." Tinuro ni Nanay ang puso niya, kita pa rin ang lungkot at pagkahinayang sa mata niya.
"At nandito din kayong dalawa. Sari, Sadie.. Sana maintindihan niyo kung bakit hindi ko agad pinakilala sainyo ang lolo at lola niyo. Kahit ngayon ay hirap pa rin akong magpatawad dahil sa dinanas namin ni Emil sakanila. Pero ano bang uunahin ko? Ang galit ko o ang kapakanan niyo?" Lumambot ang mata niya Nanay.
"Kayo, mga Anak. Kinabukasan niyo ang mas mahalaga kaya ayos lang na kainin ko ang mga sinabi ko noon na kahit kailan ay hindi na ako hihingi ng tulong sakanila pagtapos mamatay ng Tatay niyo." Parang may bumalot ulit sa aking puso, sobra pala talaga ang pagmamahal ni Nanay sa amin.
Sandali pa ulit bago natapos ang kwento ni Nanay. Noong mag Alas Otso na ay nagpasya ng bumalik si Ithuriel sakanilang bahay.
Bago siya umuwi ay kumain na kami sa bahay ng hapunan at saka tuluyang naglinis sa baba.
Pakiramdam ko ay sobrang haba ng araw na ito! Hindi ko alam kung dahil lang ba sa kwento ni Nanay o dahil sa intensidad at pag kagulat sa biglaang pagdating ni lola Virginia at lolo Barry.
Nang masigurado ko na ang kandado sa pinto ay naglinis na din ako ng katawan sa banyo. Matagal akong nagbabad doon marahil ay sa dami ng tumatakbo sa isipan ko.
Tumutol si lolo Barry sa pagmamahalan ng sarili niyang anak at ni Tatay.
Gano'n din kaya ang gawin niya sa amin ni Ithuriel?
Ihinilamos ko sa aking mukha ang kamay ko at pilit inalis sa gumugulo sa isipan ko.
Nagtapis na ako ng tuwalya sa katawan at pumanik sa akin kwarto. Nagbihis na muli ng pantulog at nagsuklay ng buhok.
Tahimik na sa labas at rinig na lamang ang mga kuliglig at ang mahinang pag-alon ng dagat.
Patay na rin ang ilaw sa aking kwarto at ang tanging ilaw na lang dito ay ang nagmumula sa lamparang nasa kabilang gilid ng kama ko.
Tulala lamang ako sa kisame habang nakahiga sa kama at naisipang mag iwan ng mensahe kay Ithuriel.
Agad kong dinampot ang cellphone ko at nagtipa.
To: Ithuriel
Gising ka pa?
Mayamaya lang ay tumunog ito.
From: Ithuriel
Oo. Ikaw? Matulog ka na. Masama ang magpuyat.
To: Ithuriel
Ithuriel. Pasensya ka na sa narinig mo kanina ha.
Alam kong nabigla siya sa pamamaraan ng pananalita ng magulang ni Nanay. Kahit din naman ako. Hindi ko inaasahan 'yun.
Lumagpas ang ilang minuto ngunit wala akong natanggap mensahe at nagulat ako ng nagvibrate ang cellphone ko.
Tumatawag si Ithuriel. Agad ko iyong sinagot.
Halata na tahimik na din sa kabilang linya pero rinig ko ang mahinang paghinga niya.
"Sari.. Andiyan ka ba?" Mababa ang boses niya marahil ay patulog na rin sa kama tulad ko.
Bumuntong hininga ako.
"Ano ka ba, Sari. Wag mong isipin 'yun. Natural lang 'yun dahil gusto nila ang makakabuti sa'yo." Sandali itong huminto.
"Kaya pangako ko, magsisikap ako para maging karapat-dapat sa'yo, Sari.." Ramdam ko ang sinseridad sa boses niya.
"Lalo na't pinakilala mo na ako bilang kasintahan mo." Agad nag-init ang pisngi ko at narinig ko ang mahina niyang pagtawa na medyo paos pa.
Bakit ang gwapo ng boses niya?
"Matulog ka na ha? 'Wag ka masyado mag-isip. Hindi ko hahayaang mangyari sa atin ang nangyari sa magulang mo." Tumango ako kahit hindi niya naman ako nakikita.
"Hindi ako bibitaw kahit anong mangyari, Sari.. Pangako."
Napangiti ako at biglang napanatag ang puso sa paninigurado niya.
"Okay." Nagpakawala ulit ako ng malalim na paghinga. "Good night, Ithuriel."
"Good night, Sari. Hindi na ako makapaghintay sa araw na palagi kitang kasama."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top