Chapter 25

Lumipas ang mga buwan.

Totoo nga ang sinasabi nila na kapag masaya daw ay parang mabilis ang takbo ng oras. Hindi ko itatanggi dahil pakiramdam ko ay gano'n nga ang nangyari.

Natapos na ang unang taon ko sa kolehiyo. Bilang parangal sa mataas na grado at pagiging kabilang sa President's Lister, nabigyan ako ng medalya, sertipikasyon at dagdag na allowance sa aking scholarship noong huling semestre.

Kasalukuyan na akong nasa ikalawang taon ng pag-aaral. Madami ang nangyari at hindi ko na nga namalayang malapit na rin makapagtapos si Ithuriel.

Nakakabilib at nakakataba ng puso dahil kinaya niya ng sabay ang pag-aaral at pag-asikaso niya sa mga magulang niya kahit galit pa rin ito sakanya.

Walang balita kay Matias ngunit alam na nito kung nasaan ang magulang niya. Ang mahalaga ay unti-unti nang gumagaling sina Aling Matiana at Mang Agripino.

Ngayong Oktubre 25 nakatalagang umakyat sa entablado si Ithuriel para mag marcha.

Sobrang nakakaproud ang pinagdaan niya dahil kahit pagudan na talaga ang kanyang schedule ay hindi niya pinabayaan ang pag-aaral niya.

Nakakamangha dahil kung hindi lamang siya irregular student ay pasok ang grado niya bilang Summa cum laude.

Patakaran kasi sa aming unibersidad na kapag irreg ay hindi maaaring maparangalan ng Latin Honors.

Wala naman daw kaso iyon sakanya, ang importante ay mataas pa rin ang grado niya maparangalan man o hindi.

Alas Siyete pa lang ng umaga ngayon at nandito na ako sa bahay nila Ithuriel. Binabantayan siya dahil sa kanyang lagnat.

Sa sobrang abala nila sa eskwelahan nitong mga nakaraang araw ay napabayaan niya na ang sarili niya.

Nakaupo ako sa sahig ng kwarto, nakasalumbaba sa gilid ng kama nang tumama sa mukha ni Ithuriel ang sinag ng araw mula sa bintana.

Hindi ko tuloy maiwasang titigan ang payapa niyang mukha habang natutulog. Ang makapal niyang kilay at pilikmata, ang tangos ng kanyang ilong at mapupulang labi.

Walang tapon sa lalaking ito.

Inilapit ko ang mukha ko sa bandang tainga niya.

"Ang galing mo." Tinusok ko ang pisnge niya habang mahimbing itong natutulog.

Nagulat ako ng bahagya itong ngumiti.

"Saan?" Unti-unti itong dumilat. Bakas sa mapungay niyang mata na may sakit siya ngunit mas lalo lang siyang gumawapong tignan.

Tumagilid ito ng higa upang pantayan ang ulo kong nakapatong sa kanyang kama.

Kaunting distansya na lang at magkakauntugan na kaming dalawa ngunit sanay na ako kay Ithuriel. Kumportable at tiwala na wala naman itong gagawing kakaiba.

Simula kasi noong hinalikan niya ako ay hindi na naulit 'yun. Nangako siyang hindi niya muna 'yun gagawin lalo na't hindi ko pa siya sinasagot.

"Kasi malapit ka nang magtapos at ang taas ng grado mo." Ngumiti ako at sinapo ang kanyang noo.

"Kaya magpagaling ka na diyan kasi tatlong araw na lang graduate ka na." Tumawa ito ng mahina at tinitigan ang mukha ko.

"Sari, salamat kasi naniwala ka sa'kin." Ngumiti lang ako at saka yumuko.

Puyat kasi ako dahil late na ako nakatulog kagabi at maaga akong gumising para dalhan ng almusal si Ithuriel na kinain niya na kanina bago ulit matulog.

"Inaantok ka pa?" Paos ng kaunti ang boses niya.

Tumango lang ako habang naka heads down at naramdaman ang bahagyang paggalaw ng kama.

"Tabihan mo ko, Sari." Inangat ko ang ulo ko at nakita ang pag-usog niya upang bigyan ako ng espasyo.

"Wala akong gagawin sa'yo." Tumawa ito kahit na medyo hirap siya.

Sinamaan ko lang siya ng tingin. Maginoo naman si Ithuriel at kahit kailan hindi ko naramdamang delikado ako sa tabi niya.

Tumayo ako upang humiga sa pinaka gilid ng kama niya. Iginala ko ang mata ko sa kwarto, unang beses ko pa lamang makaakyat dito, sobrang simple lang nito at malinis.

May study table din siya gaya ng akin at madaming libro na nakapatong naman sa mahaba na book shelf.

"Baka mahulog ka diyan, Sari." Naramdaman ko ang paghatak nito sa akin papalapit sakanya.

Agad kumabog ang dibdib ko. Gano'n naman palagi, tuwing malapit siya hindi normal ang tibok no'n.

"Sana lagi na lang akong may sakit." Mahina kong pinalo ang kamay niyang nakayapos sa akin.

"Ikaw may sakit ka lang.." Natigilan ito at biglang inalis ang kamay niya.

"Sorry." Napatingin ako sakanya at sineryoso niya nga. Nagbibiro lang naman ako.

Bahagya akong natawa. Hindi ko talaga mapigilang pagtripan si Ithuriel pag lumalabas ang pagiging malambing niya.

"Bakit ka tumatawa?" Nakakunot ngayon ang noo niya. Humarap ito sa akin ngunit nanatili lang akong nakatingin sa kisame.

"Nagbibiro lang ako." Hindi naman 'yun ang unang yakap na binigay sa akin ni Ithuriel.

Sa tagal naming magkasama ay masasabi kong mahilig siyang mang yakap, malungkot man o masaya. Para bang do'n siya kumukuha ng lakas at kahit kailan hindi ko naramdamang nabastos ako.

Pakiramdam ko nga ay ligtas ako lagi sa bisig niya.

"Sigurado ka?" Tumango ako.

Binalik niya naman ang kamay niya sa aking baywang.

"Sabihin mo kung hindi ka kumportable." Bulong niya.

Yinakap niya ako at hindi maiwasan ng puso kong magwala dahil nararamdaman ko ang init ng katawan ni Ithuriel dahil sa lagnat nito.

Nakakagulat dahil ilang minuto lang ang tinagal no'n at napalitan din agad ito ng dalang presensya ni Ithuriel.

Kapayapaan.

Parang bumagal ang oras, lahat ng nasa isip ko ay napawi. Pinikit ko na lamang ang mga mata ko.

Mayamaya ay naramdaman ko ang pagsisik ng ulo ni Ithuriel sa aking leeg.

"Matutulog ulit ako.." Tumango lang ako at hinayaan siyang makatulog ng mahimbing.

Hindi ko namalayan na nakatulog na rin pala ako.

"Sari." Habang nakapikit ay may boses na tumatawag sa pangalan ko.

"Gising na.." Naramdaman ko na may marahang sumusuklay sa aking buhok.

Unti-unti akong dumilat at nakita si Ithuriel na nakaupo sa gilid ng kama.

Agad akong napabangon.

"Kain na tayo. Nagluto na ako." Pinakita ni Ithuriel ang bitbit niyang tray. May dalawang plato, kanin at isang mangkok ng Adobo.

"Anong oras na? Bakit hindi mo ko ginising?" Tumayo ako sa kama at sinuklay ang buhok. Para akong nataranta.

Ako dapat ang nagluto dahil may sakit si Ithuriel at siya ang dapat alagaan.

"Sssh. Maupo ka nga. Ayos na ako. Gumaling na ko no'ng nayakap kita." Hinatak niya ako upang mapaupo sa tabi niya.

"Kain na tayo, ang tagal mo kaya magising." Lumambot ang boses niya.

"Dapat ginising mo pa din ako. Ikaw ang may sakit, bakit ako ang pinagpahinga mo?" Ngumuso ako.

Hinawi niya ang buhok ko at bahagyang natawa.

"Mukhang puyat ka kasi, Sari." Sinamaan ko lang siya ng tingin at sinapo ulit ang noo niya.

Hindi na siya ganon kainit hindi tulad kanina.

Nagsimula na kaming kumain at masasabi kong masarap ang luto ni Ithuriel. Maalam din ito sa kusina dahil wala naman siyang kasama sa bahay, sarili at sarili niya lang.

Ibig sabihin din no'n ay walang sasama sa kanya sa itaas ng entablado sa araw ng graduation niya kaya kinausap ko si Nanay na kung pwede ay siya na lang.

"Walang problema, Anak. Pamilya na rin ang tingin ko kay Ithuriel at masaya ako na napapasaya ka niya." Excited si Nanay dahil ngayon na lamang muli siya makakadalo sa gano'ng bagay.

"Salamat, Nay." Yinakap ko siya at muling tinulungan sa pag-aayos ng kanyang buhok.

Ito na ang araw na pinakahihintay ni Ithuriel. Ang pag marcha niya at pagkuha ng kanyang diploma.

Nakaayos na ako at naghihintay na lamang. Nagsuot ako ng yankee sleevesless dress na kulay nude. Naglagay ng kaunting kolorete at hinayaang bagsak lang ang natural na kulot ng aking buhok.

Pagkababa ay binilinan ko si Sadie na pag-uwi namin ay dapat nakaayos na sa mesa ang kaunting salu-salo namin para kay Ithuriel.

Handa naman na 'yun, pinagtulungan namin ni Nanay kahapon bilang surpresa sa tagumpay ni Ithuriel.

Gumawa din ng banner si Sadie na may lettering na Happy Graduation Day. Congratulations!

Regalo niya daw iyon sa Kuya Ithuriel niya. Close na rin kasi sila ni Sadie at nasasabihan niya pa ito ng sikreto minsan.

"Sadie. Mga Alas Kwatro ng hapon ay nandito na kami nila Nanay. Magpasama ka na lang kay Macoy sa bahay." Nakita kong natigilan si Sadie.

"Kala mo ba 'di ko halata? Crush niyo ang isa't isa." Aalma pa sana si Sadie ngunit pinutol ko 'yun.

"Huwag kang mag-alala, ayos lang sa akin. Pero hanggang crush lang muna ha." Sandali itong tumahimik.

"Talaga, Ate?" Tumango ako ngunit pinanliitan ko siya ng mata.

"Oo at walang aakyat sa taas. Diyan lang kayo sa baba." Nakita ko ang pagpula ng mukha niya.

"A-ano ka ba, Ate. Syempre!" Tinawanan ko ito dahil halos lumuwa ang mata niya. May tiwala naman ako kay Sadie at Macoy, alam kong alam nila ang salitang limitasyon.

"Maganda na ba ako, mga anak?" Tanong ni Nanay pagbaba ng hagdan.

Nakapusod ang buhok nito at may kaunting lipstick na bagay sa kanyang balat. Naka bestida din ito na kulay kape.

"Kahit 'di ka naman nakaayos, maganda ka, Nay." Sabi ni Sadie.

Totoo iyon. Masasabi kong bumalik ang sigla ni Nanay at medyo nagkalaman na ulit siya. Kay Nanay kami nagmana ng katawan ni Sadie at kung tutuusin ay hindi mo aakalaing may dalawang anak na ito.

"Nang bola ka pa talaga, Sadie." Tumawa si Nanay at nagsuot ng bakya.

Sandali lamang ay sinundo na rin kami ni Ithuriel. Sabay-sabay na kami papuntang eskwelahan.

Pagdating ay ilang sandali na lang at magsisimula na pala ang seremonya. Umupo na agad sa pinakaharap si Ithuriel, hiwalay sa upuan namin ni Nanay.

Hindi gaanong tirik ang araw sa fields ng school, mahangin at malilim din dahil sa mga puno dito.

Hindi mapagilan ng labi kong ngumiti habang tinatanaw si Ithuriel sa harapan na nakikipag-usap sa mga kasabayan niyang Octoberian.

Kapansin pansin siya sa lahat dahil lumitaw ang itsura niya sa suot niyang button down longsleeves na kulay cream na tinernuhan ng neck tie. Tucked in iyon sa kanyang brown na pantalon.

Nakasuot na din sakanya ang itim na graduation gown at cap gaya ng iba pero 'pag siya ang may suot ay ang lakas talaga ng dating.

Tumugtog na ang pamilyar na ritmong pang marcha at tumayo na si Nanay upang samahan si Ithuriel sa pila.

Habang tinitignan ko sila sa malayo ay binalot ng kasiyahan ang aking puso at napagtantong oras na para marinig ni Ithuriel ang sagot ko.

Mabilis natapos ang ceremony matapos matawag ang lahat ng pangalan nila. Maingay sa fields at kanya kanyang yakapan ang bawat pamilya upang batiin ang kanilang mga anak.

Nakatayo lamang ako sa gilid habang pinapanuod ang malawak nilang pagngiti at mga matang may bakas ng pagmamalaki at luha dahil sa tagumpay na nakamit ng mga mahal nila sa buhay.

Nasipat ko si Ithuriel na bumabati sa kanyang mga kakilala habang si Nanay naman ay nakikipagkwentuhan sa isa ding magulang.

Nang tumama ang mata sa akin ni Ithuriel ay agad itong lumapit sa akin.

"Graduate na ako, Sari." Lumitaw ang saya sa ngiti at mata niya bago ako sinalubong ng yakap.

Pagkahiwalay ay inayos ko ang nagulo niyang buhok dahil sa cap. Kinuha ko sakanya ito.

"Congratulations, Ithuriel!" Bati ko at saka kinuha din ang graduation gown niya.

Agad niyang tinupi sa siko ang longsleeves niya, inalis ang neck tie at binuksan ang dalawang butones ng polo niya.

Hinanap niya si Nanay Veron at sinalubong din ng yakap.

"Aling Veron. Malaking bagay po ang pagsama niyo sa akin ngayong araw. Salamat po." Tinapik ni Nanay ang braso niya habang natatawa.

"Ano ka ba, Hijo. Parte ka na ng pamilya. Halos anak na din ang turing ko sa'yo." Umangat angat ang kilay ni Nanay at tumingin naman si Ithuriel sa akin na para bang nagyayabang.

"Narinig mo 'yun, Sari?" Umiling lamang ako habang nangingiti.

Kumakabog ang dibdib ko habang naghahanap ng tyempo para makausap siya pero bahala na.

Nang makaupo si Nanay sa school bench ay hinila ko si Ithuriel palayo sa mga tao.

"May sasabihin ako." Kumunot ang noo ni Ithuriel ngunit nagpadala na lang.

"Ano 'yun, Sari?" Bahagya itong tumatawa dahil hindi yata maipinta ang mukha ko.

Bago pa man ako magsalita ay tumingin tingin muna ako sa paligid at saka huminga ng malalim.

"Sinasagot na kita." Galing sa pagtawa ay naging seryoso ang mukha ni Ithuriel.

"Ano?" Aniya.

"Sinasagot na kita." Sandali itong natulala at unti unting sumibol ang ngiti sa labi niya.

Bigla niya akong niyakap.

"Ulitin mo." Bulong niya.

Umikot ang mata ko pero sinunod ko pa rin siya habang nakangiti.

"Sinasagot na kita, Ithuriel. Tayo na." Halos marinig ko sa dibdib nito ang tibok ng puso niya.

"Thank you, Sari. 'Di mo alam kung gaano mo ko pinasaya." Sabi niya saka hinalikan ang tuktok ng ulo ko.

Masaya din ako, Ithuriel. Sobrang saya.

"Ma'am, Sir! Picture-an ko kayo." Napahiwalay kami sa yakap ng may lumapit na photographer sa amin.

"Libre na ito at mukhang memorable sainyo ang araw na 'to." Natawa kami ni Ithuriel at nagkatinginan.

"Totoo ba, Sari? Wala ng bawian? Sabihin mo kasi hindi na talaga kita pakakawalan." Tumango lang ako habang nakangiti.

Bigla akong hinalikan ni Ithuriel sa pisngi kasabay ng pagkuha sa amin ng photographer.

"Ayos, saktong sakto, Sir. Congrats! Best wishes!" Nagpasalamat kami sa bibong photographer matapos niyang iabot sa amin ang film ng litrato namin.

Wallet size lang ito. Nakangiti ako ngunit halatang nagulat dahil sa paghalik ni Ithuriel sa pisngi ko. Hawak ko naman sa kabilang kamay ko ang graduation gown at cap niya habang ang kamay naman ni Ithuriel ay nasa baywang ko.

"Ako ang magtatabi nito." Kinuha niya sa akin 'yun at pinasok sa bulsa ng pantalon niya.

Mayamaya lang ay hinila niya ako sa isang gilid at humanap ng sanga ng kahoy na sinlaki ng stick. Pinagkrus niya 'yun at linapag sa damo ng school field.

Kumunot ang noo ko.

"Ang sabi mo gusto mong bisitahin ang puntod ng Tatay mo kaso sa Maynila pa 'yun.." Nagulat ako ng bigla itong lumuhod.

"Dito na muna Sari, gusto ko na kasing magpaalam sa Tatay Emil mo." Parang may tumimo sa puso ko na hindi ko mapaliwanag. Napailing ako ngunit sinamahan ko siya sa pagkakaupo niya.

Hinawakan nito ang aking kamay at nanatili ang mata sa krus.

"Mang Emil, madalas ka pong nakukwento ni Sari sa'kin. Gusto ko lang po magpasalamat kasi kung hindi dahil sainyo ni Aling Veron ay walang Sari na tinuturing ko ng pamilya sa ngayon.." Nakatingin lang ako kay Ithuriel, pinapanuod ang bawat pagbukas ng labi niya.

Maaaring sa iba, mababaw lang ang ginagawa ni Ithuriel ngayon pero sa'kin, hindi. Malaking bagay ito para sa akin.

Malaking bagay ang marinig sakanya ang bawat pagpapasalamat at pagpapaalam niya kay Tatay kahit wala na ito sa mundo.

"Gusto kong malaman niyo kung gaano kabuti ang anak niyo, Mang Emil. Kaya ngayon, nangangako po ako na gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para ingatan at alagaan siya, para sa inyo." Sa hindi malamang dahilan ay may pumatak na luha na galing sa aking mata.

Lumingon si Ithuriel at pinunasan niya iyon.

"Sari.. Mag-iipon ako para sabay nating madalaw ang Tatay Emil mo. Pangako." Tumango lamang ako at binaon ang aking sarili sa kanyang dibdib habang binalot naman ako ng kanyang mga bisig, sinalubong ng mainit niyang yakap.

Tay.. Sobrang saya ko.

Sandali pa kaming nagtagal doon hanggang sa ayain na kami ni Nanay umuwi.

Bago lumabas ng eskwelahan ay sinabihan kong sa amin muna tumuloy si Ithuriel, mabilis naman itong pumayag dahil wala naman siyang planong gawin.

Eksaktong Alas Kwatro na ng sumenyas si Sadie sa labas ng bahay hudyat na pwede ng pumasok si Ithuriel.

"Pasok ka na." Kumunot ang noo niya dahil pinapauna ko siya sa sarili naming bahay.

"Dali na." Bahagya ko siyang tinulak kaya tumawa ito saka binuksan ang pinto.

"Surprise!" Sabay-sabay na sigaw ng pamilya ni Mang Jeri, Aling Celine at Sadie.

Parang napako sa kinatatayuan si Ithuriel habang nanlalaki ang mata.

"Congrats, Ithuriel. Nakakaproud ka talagang bata ka." Tinapik siya sa balikat ni Mang Jeri.

"Congrats!" Tinanguhan siya ni Jersey.

"Ang galing galing mo, Ithuriel. Nako! Sinasabi ko na nga ba, maganda ang kinabukasan ng batang ito!" Niyakap siya ni Aling Celine at inapiran naman siya ni Tata Melencio.

"Sang ayon ako sa'yo, Celine."

"Congrats, Kuya!!" Tumakbo si Sadie at yinakap si Ithuriel. "Tignan mo Kuya, may pa banner ako sa'yo."

Iginala nito ang mata niya sa banner na nakapaskil sa pader ng aming kainan. Sa mesa na puno ng iba't ibang putahe, softdrinks at cake.

Lumipat ang tingin ni Ithuriel sa akin at hindi ko mapaliwanag ang nasa mata nito.

"Nako, ang saya talaga kasi si Sari at Ithuriel na!" Anunsyo ni Nanay kaya naghiyawan sila Aling Celine at Mang Jeri kasama ang hagikgik ng mga anak nila.

Sinabi ko kasi ito kanina kay Nanay bago kami makauwi.

"Inom na natin 'yan!" Sigaw ni Tata na kinatawa naman ng lahat maliban kay Aling Celine.

"Aba! Kumain ka muna, lagyan mo ng laman 'yang tiyan mo."

"Ano? Lagyan ko ng laman ang tiyan mo?" Lalong umingay sa loob ng bahay sa biro ni Tata.

Nag-init ang pisngi ko dahil alam na nilang lahat na kami na ni Ithuriel.

Hindi rin ako nakaligtas sa pangungulit ni Jersey sa tabi ko habang sina Sadie, Macoy, at Jergie naman ay nagkukulitan sa may hagdanan.

"Nakakakilig naman! Ako na agad ang president ng fandom niyo.. Sariah, curious lang. Umamin ka. Nag kiss na kayo?" Nanlaki ang mata ko at hindi alam kung paano sasagot.

Nakahinga ako ng maluwag ng dumating na sila Ced. Mabuti naman!

"Babe!" Sa wakas, makakatakas na ako sa pang-uusisa ni Jersey.

Inimbitahan ko rin kasi sina Marco, Aidan, Lucian at Ced. Nauna silang nakapagtapos gawa ng huminto nga si Ithuriel sa kolehiyo pero hindi 'yun naging hadlang para makalimutan nila ang kaibigan nila.

"Pre! Congrats. Balita ko Summa cum laude ka dapat ah." Sinalubong sila ni Ithuriel at parang 'di makapaniwala na pati mga kaibigan niya ay pumunta sa munting selebrasyon niya.

"Solid, Ithuriel. Buti na lang talaga at hindi ka nagpabudol kay Marco na mag Psych." Kinutusan ni Marco si Aidan.

"Nasama nanaman ako sa pinagsasabi mo. Pre, ang galing mo 'wag kang makinig sa tukmol na 'yan." Inapiran siya nito.

"Congrats, Ithuriel." Ani Lucian at humikab pagtapos.

Nagsikain na ang lahat. Sarap na sarap sila sa luto namin ni Nanay at nakakataba ng puso kung paano nila ipakita kay Ithuriel na proud sila sakanya.

Mayamaya ay baka dumating na din sina Yna at Kyle. Pinapunta ko din sila dahil naging malapit na rin naman sila dito.

Hinayaan kong makipag kumustahan si Ithuriel at enjoy-in ang araw niya habang nakatanaw sakanya sa malayo. Deserve niya 'yun.

Naging abala ako sa pag-asikaso sa mga bisita. Ako din ang nagliligpit ng mga pinagkain dahil ayoko na silang gumalaw pa.

Mabilis umandar ang oras at mararamdaman na ang lamig sa labas. Madilim na rin ngunit patuloy na nagsasaya ang lahat sa amin.

Nakalatag na kasi ang long table nila Mang Jeri sa labas at nakikipagtagayan na rin sila Ced sakanila dahil pinakilala na pala siya ni Jersey bilang boyfriend sa kanyang Tatay.

Andito na din sila Kyle at Yna, pagtapos nila kumain kanina ay nakiupo na rin sila kanila Marco.

Nakangiti ako at pinapanuod sila mula sa bakuran namin nang lapitan ako ni Ithuriel. Tumayo mula sa kinauupuan niya doon.

Hindi pa rin pala kami nakapagpalit ng damit ngunit ayos lang 'yun, ang gwapo pa rin niyang tignan. Lalo na't medyo gumulo na ulit ang buhok niya at pumungay ang mata dahil sa lambanog.

"Sari.." Hinintay ko ang sunod niyang sasabihin ngunit pinagsalikop niya lang ang aming kamay at inaya akong lumakad sa may dalampasigan.

Bumalik tuloy ang alaala ko noong unang lumapat ang labi niya sa akin.

"Bakit?" Namula yata ng mukha ko pagkaharap ko dito.

"Anong nangyari sa'yo?" Tumawa ito ng mahina at yinakap ako ng 'di ako sumagot.

Naisipan naming umupo sa duyan at kusang pinanuod ang nakakakalmang alon ng dagat.

Hinayaan kong hanginin ang buhok ko at mas lalo pa akong linapit ni Ithuriel sakanya.

"Sari. Salamat." Sobrang lambot ng boses niya.

"Kanina ka pa salamat ng salamat." Sabi ko, diretso pa rin ang tingin sa dagat.

"Sobrang saya ko kasi. Ngayon ko lang naranasan 'to sa tanang buhay ko." Lumingon ako sakanya at sumalubong sa akin ang mata niyang nangungusap.

"Wala 'yun." Ngiti ko sabay napahawak sa sariling batok.

"May sasabihin pala ako.." Lumunok ako at kumunot naman ang noo niya.

"Amm. Sinubukan ko ding imbitahan sina Aling Matiana at Mang Agripino, kahit sumaglit lang sana para masaksihan nila ang tagumpay mo, Ithuriel." Yumuko ako.

"Kaso sabi ni Boyong ay ayaw daw pumunta. Sorry kung hindi ko sila napapunta." Inangat ni Ithuriel ang mukha ko at tinignan sa mata.

"Ano ka ba, Sari. Dumating man sila o hindi, 'di mababago no'n na masaya ako ngayon." Tumango ako at giniya niya naman ako upang sumandal sa kanyang balikat.

"Hindi mo kailangan mag sorry, Sari."
Naramdaman ko ang pagsuklay ng kamay niya sa aking buhok.

Sandali kaming binalot ng katahimikan. Rinig lang ang mahihinang boses ng mga nag-iinuman sa labas ng aming bahay, kuliglig at ang paghampas ng alon sa may dalampasigan.

"Alam mo bang maraming explanations ang mga psychologists about love? Kung anong process ang nangyayari sa utak natin pag na attract tayo sa isang tao?" Nanatili ako sa aking pwesto saka nagsalita muli.

"Sabi ang first step daw ay initial attraction. 'Yung kapag sa unang pagkikita niyo may naramdaman kang kakaiba at naging aware ka na bumilis ang tibok ng puso mo."

Napangiti ako dahil gano'n mismo ang naramdaman ko sa unang pagdapo ng mata ko kay Ithuriel.

"Oxytocin, phenethylamine at dopamine. 'Yun ang mga specific chemical substances na nakitang nag pa-function sa experiences at behaviors ng tao kapag in love sila." Huminga ako ng malalim at napangiti.

"Hindi ko naiintindihan 'yun nung una." Tumingala ako upang makita ang mukha ni Ithuriel. "Pero ganito pala ang pakiramdam no'n."

Nakita kong natigilan siya at umalis naman ako sa pagkakasandal sakanya.

Tinitigan niya ako ng matagal.

"Sobra mo akong pinapasaya, Sari. Pakiramdam ko nananaginip lang ako." Natawa ako sa sinabi niya.

"Hindi ka nananaginip, Ithuriel." Inayos ko ang buhok niya at ngumiti habang 'di inaalis ang tingin sa kanyang mukha.

"Akala ko mahirap mag mahal lalo na noong nasaksihan ko kung gaano kalungkot ang sinapit ni Nanay no'ng nawala si Tatay. Pero mas malungkot pala kung hindi ko man mararanasan ang mag mahal." Binasa ni Ithuriel ang ibabang labi at napangiti. Binaling ang tingin sa dagat.

"Alam mo, Sari.. Araw-araw mas nahuhulog ako sa'yo. Gagawin ko lahat para hindi ka magsisi na ako ang pinili mo." Sabi niya saka yumuko.

"Wala namang pagpipilian. Ikaw lang." Nasulyapan ko ang ngiti niya at ang paglipat ng tingin sa akin.

Lumitaw ang kagandahan sa mapupungay niyang mata. At hindi ko namalayang bumaba ang tingin ko sa mapupulang labi niya.

Naramdaman kong natigilan siya sandali.

"Sari. 'Yung tingin mo.." Bumalik ang mata ko sakanya.

"Bakit?" Tanong ko.

"Sabihin mo lang kung gusto mo ng halik, susunod naman ako." Naramdaman ko ang pag-init ng pisngi ko pero hindi ako umalma do'n.

Nawala ang tawa ni Ithuriel.

"B-bakit hindi ka nag react? Dapat pinalo mo na ako sa braso ngayon." Nakita ko ang pagpula ng pisngi ni Ithuriel.

Hindi ako nag react kasi gusto ko ang suhestyon niya.

Nakita kong napatulala siya at napalunok.

"Gusto mo ba, Sari?" Mahina ang boses nito. Lalong nag-init ang pisngi ko sa pag ulit niya.

Bakit hindi niya na lang gawin?

Umiwas ako ng tingin pero mabilis ang kamay ni Ithuriel at nahawakan niya agad ang mukha ko.

"Sari. Magpapaalam ako ngayon kasi pagtapos nito, hindi na ko hihingi ng permiso sa'yo 'pag gusto kitang halikan." Lumakas ang kabog ng dibdib ko sa sinabi ni Ithuriel.

Pakiramdam ko ay bumaliktad ang aking tiyan.

Umihip din ang malamig na hangin at rumeplekta ang liwanag ng buwan sa mata niya.

Unti-unti akong tumango at nasilayan ang pagtaas ng gilid ng labi ni Ithuriel.

Pumikit ako nang bigla itong lumapit. Naramdaman ko ulit ang init ng labi niya sa akin. Walang pagbabago. Tulad pa rin noon, malambot, magaan at puno ng pag-iingat.

Parang nabuhay ulit ang kuryente sa katawan ko at mas dumoble pa yata ngayon kaysa noong una.

Hindi siya gumalaw, marahil ay pinakikiramdaman ako ngunit parang may kung anong umudyok sa akin para hawakan ang mukha niya at sinunod ko 'yun.

Natigilan siya ngunit do'n ko naramdaman ang mabagal na paggalaw ng labi niya. Sobrang marahan na para bang do'n niya pinaramdam ang init ng pagmamahal niya.

At wala akong ibang ginawa kung hindi tanggapin 'yun.

Sinuklian ko ang mga halik niya. Sinundan ang mabagal na paggalaw ng labi at hindi namalayang napahawak na sa batok niya.

Nagulat yata siya kaya sandali itong humiwalay. Pinagdikit ang aming noo.

"Sari.. Parang nananaginip talaga ko." Bulong niya habang nakababa ang tingin sa labi ko.

Bahagya akong natawa.

"Hindi nga. Hindi ka nananaginip, Ithuriel." Umangat ang mata niya sa akin at lumayo ng kaunti.

"Anong oras na?" Tanong ko.

Kumunot ang noo niya at tumingin sa suot niyang relo.

"12:03." Ngumiti ako.

"Happy Birthday, Ithuriel." Natawa siya saka umiling.

"October 26. Birthday ko nga pala." Napakagat ito sa labi niya at muli akong yinakap papalapit sakanya.

"Hindi ako magsasawang magpasalamat sa'yo, Sari." Huminga ito ng malalim.

"Linigtas mo ko sa kalungkutan." Aniya.

Sa oras na ito, pakiramdam ko ay lumulutang ako sa tuwa. Hindi mapaliwanag ang eksaktong deskripsyon para pangalanan kung ano ito pero isa lang ang alam ko.

Gusto ko talaga si Ithuriel.

Ilang minuto pa kaming nagtagal sa duyan habang malayang pinanunuod ang gabi at mga bituin na kumikinang sa langit.

Hindi makatotohanan ang ganda ng lugar na ito o ganito na lamang ang tingin ko dito gayong kasama ko ang lalaking nasa tabi ko ngayon. Ang lalaking may hatid na kapayapaan sa akin tuwing kasama ko.

Mayamaya lang ay nagsalita ito.

"Sari.." Inangat ko ang tingin ko sakanya.

"Hmm?" Pinaglaruan niya ang dulo ng buhok ko.

Hinintay ko ang kasunod ng sasabihin niya at nakita ang sinseridad sa mga mata niya.

"Sigurado na ako sa'yo. Siguradong sigurado."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top