Chapter 24

"Ate.." Rinig ko ang boses ni Sadie habang nakapikit ang mga mata ko.

Ramdam ko ang pag-alog niya sa braso ko ngunit 'di pa rin ako kumilos, mas lalong linubog ang katawan sa sariling kama.

"Gising na, Ate. Nasa baba si Kuya Ithuriel." Bigla akong napadilat.

"Anong oras na, Te. Baka ma-late ka sa klase." Agad akong tumayo at sinipat ang orasan sa gilid ng kama.

Alas Siyete na ng umaga! Agad kong kinuha ang mga gamit panligo ko at uniporme.

Nakapantulog pa ako pagbaba at naabutan si Ithuriel na nakikipag kwentuhan kay Nanay sa sala.

Dumapo ang tingin niya sa akin at bahagyang natawa.

Humalukipkip ako at niyakap ang tuwalya sa katawan. Alam kong magulo ang buhok ko at hindi na ko nag-abala pang mag ayos bago bumaba.

Ang gusto ko na lang ay makapaligo upang hindi mahuli sa klase.

"Mukhang masarap yata ang tulog mo, Sari." Sabi ni Ithuriel at bahagyang tumaas ang gilid ng labi.

"Ngayon lang nahuli ng gising 'yan, Ithuriel. Anak, mag agahan ka muna." Umiling ako at nagsabing maliligo na lang muna.

Madaling madali ako papuntang banyo at nagsihulog pa nga ang mga bote ng shampoo sa loob no'ng naliligo na ako.

Paano ba naman kasi, late na ako nakatulog dahil sa pangungulit ni Ithuriel.

Tumawag ito ng Alas Dos ng madaling araw at hindi nagsalita, akala ko kung ano na ang nangyayari dahil wala namang kumikibo sa kabilang linya.

"Hello.." Nakailang ulit ako ngunit paghinga lang ang sagot na nakuha ko.

"Ithuriel?" Wala pa din.

"Andiyan ka ba? Ba't 'di ka sumasagot?" Mayamaya ay narinig ko ang pagbuntong hininga niya.

"Sorry.. naistorbo ba kita?" Magaspang ang boses niya at matamlay ng kaunti.

"Hindi. Ayos ka lang ba?" Hindi ko maiwasang hindi mag-alala.

"Ayos lang ako," Huminga nanaman ito ng malalim. "Gusto ko lang marinig boses mo."

Tumagilid ako ng higa sa kama habang nasa kabilang tainga naman ang aking cellphone.

"Hindi ka makatulog?" Tanong ko.

Ako rin. Noong mga nakaraang araw ay hirap akong matulog. Parang palaging gising ang diwa ko, naghihintay sa mensahe ni Ithuriel.

Ito ang unang beses na tumawag siya.

Para siyang nahihirapan sa kabilang linya at hindi alam ang gagawin.

"Bakit gano'n? Miss na agad kita, Sari." Mahina iyon pero sapat na para pabilisin ang tibok ng puso ko.

Napatakip ako ng unan sa mukha at hindi nagsalita.

"Kanina ko pa pinipilit matulog pero ikaw nakikita ko 'pag nakapikit ako." Paos ng boses niya, halata ngang nanggaling na sa tulog pero panay ang gising.

"Matulog ka na. May pasok ka na bukas 'di ba?" Mahina kong sabi.

Bukas na ang simula ng klase niya at kailangan niyang magpahinga para maging aktibo sa umaga.

"Kwentuhan mo ko para makatulog ako.." Sobrang lambing ng boses niya, hindi ko inakalang makikita ko ang ganitong parte ni Ithuriel.

Agad akong napangiti at umiba nanaman ng pwesto sa kama.

"Naubusan na ako ng ikukwento sayo." Totoo, sa araw-araw naming pag-uusap ay halos nasabi ko na yata lahat sakanya.

"Hindi ka rin ba makatulog?"

Tumango ako na para bang makikita niya ako mula dito. "Hindi rin.."

"Sige, kakantahan kita. Huwag ka lang tatawa." Hindi pa man siya nagsisimula ay naghuramentado na agad ang puso ko.

Mula sa kabilang linya ay narinig ko ang malalim niyang paghinga bago magsimulang kumanta.

"Breathe deep, breathe clear
Know that I'm here, know that I'm here. Waiting.."

Magaspang at malalim ang timbre niya. Maganda pala ang boses ni Ithuriel at ngayon ko lang nalaman.

"Stay strong, stay gold
You don't have to fear, you don't have to fear. Waiting.."

Hindi ko alam ang kanta pero masasabi kong mas pinabagal niya ito kaysa sa orihinal na bersyon.

"I'll see you soon, I'll see you soon.. How could a heart like yours ever love a heart like mine?
How could I live before?
How could I have been so blind?
You opened up my eyes,
You opened up my eyes."

Ang perpektong boses niya ay mas lalo pang pinaganda ng tahimik na paligid. Hindi na kailangan pa ng kasabay na instrumento. Parang nanghehele.

"Sleep sound, sleep tight
Here in my mind, here in my mind.
Waiting..
Come close, my dear
You don't have to fear, you don't have to fear. Waiting.."

Habang pinakikinggan ko ang bawat liriko ng kanta ay hindi ko maiwasang mag-isip.

Nanliligaw pa lang sa akin si Ithuriel pero kahit wala pang nakukuhang sagot ay alam kong ramdam niya kung anong mayroon kami ngayon.

Wala pa mang kumpirmasyon mula sa salita, alam kong kong rinig niya na 'yun.

Hindi ko namalayan na unti-unti na pala akong nakatulog kagabi at ang boses ni Ithuriel ang may gawa noon.

Pinatay kona ang tubig mula sa banyo dahil mabilis kong tinapos ang pagligo ko.

Nagsuot na rin ako ng damit sa loob dahil hindi ako pwedeng lumabas ng nakatapis lang dahil naghihintay na sa sala si Ithuriel.

Binalot ko ang tuwalya sa aking buhok at saka lumabas.

"Ang bilis mo, Anak. Ayan sige kumain ka na." Tinanggap ko naman ang tinapay na inabot ni Nanay at kumagat do'n.

Agad napako ang tingin ko kay Ithuriel na ngayon ay nakangiti lang sa akin.

Walang uniporme ang kurso niya ngunit dapat pormal ang suot. Naka gray button down shirt siya, bukas ang dalawang butones sa itaas habang ang sleeves naman ay nakatupi hanggang siko. Tucked in din ito sa kanyang itim na pantalon.

Kapansin pansin ang hubog ng katawan ni Ithuriel at pakiramdam ko ay mas lalo pa itong gumagwapo araw-araw.

Sinubo ko ng buo ang huling piraso ng tinapay at pinagpag ang aking kamay.

"Ikaw ang may kasalanan kung bakit ako napuyat." Bulong ko sakanya.

Tumawa ito ng bahagya at sinuklay ng kamay ang kanyang buhok.

"Sus. Tinulugan mo nga ako." Aniya.

Tumawa na lang rin ako dahil totoo naman ang sinabi niya.

Inalis ko na ang tuwalya sa buhok ko at hinayaang bumagsak ang basa kong buhok.

Pumanik muna ako sa kwarto para magsuklay at mag-ayos. Huli kong sinuot ang aking foot socks, bag at bumaba na ulit.

Sinalubong ako ni Nanay.

"Hindi daw ulit sasabay si Sadie at kakapasok lang niya sa banyo."

Tumango ako at humalik na sa pisngi niya.

"Una na kami, Nay." Tumango ito at nagmano na sakanya si Ithuriel.

Sa labas ng bahay ay nakita namin sila Tata Melencio at kumaway naman kaming dalawa sakanila.

"Ingat papasok, Sari, Ithuriel!" Ani Aling Celine.

Sumigaw naman din ako pabalik. "Salamat po!"

Pangalawang beses pa lang kami nagsasabay ni Ithuriel papasok pero nasasanay na agad ako.

Kinuha niya sa akin ang bag ko at hindi na ko nakipagtalo pa.

Napansin ko ang pagtikhim niya. "Bakit?" Tanong ko.

Lumalakad kami papuntang aspalto at parang baliw itong si Ithuriel na hindi mapigilan ang labi sa pagngiti.

"Wala." Binigyan ko siya ng tingin dahil hindi ako naniniwalang wala lang iyon.

"Ano nga?" Ngumuso ako.

Mahina siyang natawa. "Masaya lang ako kasi nakita na kita. Kagabi kasi sa panaginip lang." Pinalo ko ang braso niya at nanlaki naman ang mata niya.

"Uy, panaginip lang! Hindi bastos 'yun, Sari. Promise." Natawa ako dahil parang kinabahan ang mukha niya.

Hindi ko naman naisip 'yun pero todo paliwanag siya.

"Ikaw, Ithuriel ha." Biro ko sakanya.

"Hindi nga, mali ang iniisip mo. Mukha mo lang ang napanaginipan ko, wala ng iba." Tinaas niya pa ang kanang kamay niya kaya lumagapak na ako sa tawa.

"Nakakatawa ang itsura mo." Sabi ko.

"Makatawa parang hindi kinilig nung kinantahan ko kagabi." Aniya.

Pakiramdam ko ay namula ulit ang pisngi ko. Sinamaan ko siya ng tingin at siya naman ngayon ang tumawa.

"Biro lang." Pagtapak namin sa aspalto ay papara nanaman dapat ulit si Ithuriel ng trike pero pinigilan ko siya.

"Lakad na lang tayo, mas gusto ko 'yun.." Sambit ko.

"Kahit mahuhuli ka na sa klase?" Napatingin siya sa relo niya.

Napakagat ako sa labi ko at napagtantong ayokong ma-late.

Pumara na siya ng trike at agad na kaming sumakay do'n matapos niyang magbayad. Gaya ng dati ay inalalayan ulit niya ang ulo ko papasok.

Nasa loob na kami ng bigla siyang nagsalita.

"Sa susunod na pagsabay mo sa'kin, kotse na ang gamit natin. Sa ngayon, tyaga muna." Ngumiti ako sa narinig ko.

Alam kong hindi malabo mangyari 'yun dahil masipag siya at mapapasakanya talaga ang mga bagay na paghihirapan niya.

"Anong gusto mong modelo?" Tanong niya.

"Hala, bakit ako?" Kumunot ang noo ko.

"Dali na." Kinulit niya ako hanggang sa magsalita na ako, naalala ko ang kotseng lagi naming napapanuod ni Tatay noon.

"1968 Ford Mustang." Sagot ko at napangiti siya.

"Eleanor?" Tumango ako.

"Black." Sabay naming sabi at saka natawa.

Pareho kami ng kulay na pinili dahil maganda talaga 'yun. Eleganteng tignan.

Pagdating sa school ay agad kaming bumaba mula sa trike. Pumasok na kami at hinatid muna ako ni Ithuriel sa pinto ng classroom ko.

"Lunch tayo ng sabay, Sari." Kumunot ang noo ko.

"Hindi ba iba ang sched mo sa'kin?" Tanong ko.

"Irreg ako, Sari. Ako ang pinapili ng principal ng schedule ko at 10:30 din ang kinuha kong break time para masabayan ka. Oras ng uwi lang ang hindi tayo pareho."

Lihim akong napangiti dahil kahit na hectic ang magiging schedule niya ay naisipan niya pa rin akong paglaanan ng oras.

Tumango ako at kinuha ang bag ko sakanya.

"Goodluck sa klase." Ngumiti ako at inayos ang buhok niya saka kumaway.

Natigilan siya pero agad ring kumaway pabalik.

"Pasok ka na." Bahagya itong ngumiti at napahawak sa batok niya.

Ganito ang naging sistema namin sa araw-araw. Tuwing umaga sabay kaming papasok, tuwing lunch ay sabay din kami. Minsan ay nakakasama namin sina Yna, Kyle, Ced, Marco, Lucian at Aidan.

Masasabi kong naging malapit na rin sa isa't isa ang mga kaibigan niya at dalawang kaibigan ko.

Kahit pauwi ay sinisikap ni Ithuriel mahatid ako lagi dahil malapit lang naman daw at hindi niya ko hahayaang maglakad mag isa.

Alas Singko ang uwi ko at ginagawan niya talaga ng paraan 'yun para maitanong ang nangyari sa araw ko pagtapos ay babalik na ulit siya sa school para tapusin ang klase niya.

Whole day ang pasok niya dahil gusto niyang kuhanin na lahat ng units para makatapos siya ng mas maaga. Pinagbigyan naman siya ng principal doon dahil nakita niyang matalino talaga si Ithuriel.

Masaya ako dahil kahit late na siya nakakauwi ay lagi niya pa rin akong natatawagan sa gabi, minsan pa nga'y nakakatulugan niya na ako pero ayos lang saakin. Alam kong pagod siya.

Inaraw araw na din ni Ithuriel ang pagbibigay ng letters saakin. Sulat kamay ang mga ito at lalo akong napahanga dahil kahit hand writing niya ay gwapo ding tignan.

Capital letters siya kung magsulat at pantay talaga ang bawat letra.

Ang gusto ko kay Ithuriel ay totoo siya sa nararamdaman niya, sinasabi niya kung ano talaga ang laman ng puso niya kaya mahaba din ang mga sulat niya.

Maaring nagkukwento lang siya kung anong nasa isip niya at anong balak niyang gawin sa mga susunod na linggo. Minsan naman ay mga notes lang na nagpapangiti sa akin 'pag hindi maganda ang araw ko.

Lagi niya ding pinaparamdam saakin na mahalaga ako at sa ibang tao.

Isang beses ay sabay kaming umuwi ni Ithuriel. Hinintay ko na siya dahil umattend naman ako ng Psych Seminar about Parental Influence pagkatapos ng klase at gabi na rin 'yun natapos.

Ang liwanag ng buwan at street lights na lamang ang nagsisilbing ilaw sa labas. Rinig na rinig din ang mga kuliglig sa paligid habang patuloy kami sa paglalakad.

Umihip ang hangin sanhi ng pagsayaw ng mga dahon sa puno at pati ang buhok ko ay nagulo. Inayos ko 'yun at inipon sa isang gilid.

"Ithuriel.." Tawag ko.

"Hmm?" Lumingon ito sa akin.

Naisip ko ang topic sa seminar kanina at hindi naman siguro masama kung magtanong ako tungkol sa kanyang magulang.

"Kahit kailan ba.. hindi ka nagalit kay Mang Agripino at Aling Matiana?" Sandali itong natahimik saka sumagot.

"Hindi. Mahal ko sila eh." Parang may kung anong humaplos sa puso ko.

"Kahit nasaktan ka nila?" Mahina kong sabi.

Tumango siya. "Pisikal man o emosyunal."

Napahanga ako sa kabaitan ni Ithuriel. Bihira na lang ang taong kagaya niya.

Sandaling namayani ang katahimikan sa aming pagitan.

"Do unto others as you would have them do unto you. Law of reciprocity." Bigla itong nagsalita at tumingin sa akin.

Parang may ganoong term din akong nabasa saaming kurso.

"'Yun ang tawag sa Golden Rule ng religion at ethical philosophy." Kumunot ang noo ko at hinintay ang sunod na sasabihin niya.

"Madaming bersyon pero sabi ng mga pilosopo, sa likod ng mga konseptong 'yun umiikot lang siya sa iisang tema. Sa unibersal na ideya ng pag-ibig na walang kondisyon." Tumango ako dahil naalala ko na ito.

Ayon naman sa mga Social Psychologists, kapag may ginawang maganda ang isang tao sa sa'yo, magkakaron ka ng psychological urge para ibalik ang deed na 'yun ng mas maganda.

"Ang importante naging mabait ako kay Nanay at Tatay, Sari. Ayos lang kahit hindi nila mabalik, hindi pa rin 'yun magbabago." Ngumiti ito ng mapait at yumuko.

Nakakatuwa dahil ganito ang pag-iisip ni Ithuriel ngunit nakakalungkot din dahil hindi siya nakaranas ng pagmamahal mula sa magulang.

Inabot ko ang kamay niya, sandaling pinisil iyon at ngumiti sakanya.

"Ang ganda ng puso mo." Bibitaw na sana ako ngunit hinila niya ang kamay ko upang paglaruan.

Hinayaan ko na lang at habang ginagawa niya 'yun ay iniba ko na lang ang usapan.

"Eh ang biological parents mo? Gusto mo ba silang hanapin?" Patuloy pa rin kaming lumalakad.

"Nagdadalawang isip pa ako. Hindi ko kasi alam kung paano ko sila haharapin kapag nagkataon. Marami akong tanong." Tumango ako at ngumiti naman siya bigla.

"Pero kahit 'wag na lang din. May pamilya naman na ako. Andito ka naman." Sandali akong natigilan.

"Pamilya na ang tingin ko sa'yo, Sari. Wala pa nga lang anak. Matagal pa 'yun, hindi pa sa ngayon." Hindi agad ako nakapag salita ngunit nang ngumisi ito ay nalaman kong nang-aasar na ito.

"Pero kung gusto mo, pwede naman na." Binawi ko ang kamay ko sakanya upang suntukin ang braso niya.

"Biro lang!" Umalingawngaw ang tawa nito sa madilim na kalsada at pakiramdam ko'y bumagal ang oras kasama ang lalaking nagpapasaya saakin araw-araw.

Tuwing Sabado at Linggo ay palagi na rin kaming magkasama ni Ithuriel dahil 'yun ang araw na wala kaming pasok dalawa.

Mabilis nagdaan ang mga buwan. Hindi namin namalayan na nagdaan na pala ang Nobyembre at Disyembre.

Lalo ding dumalas sa aming bahay si Ithuriel at halos kadikit niya na nga si Nanay at Sadie kapag bumibisita siya sa amin.

Kasama namin siya noong araw ng mga patay at noong pinagsindihan namin ng kandila si Tatay. 'Di na namin napuntahan ang puntod dahil sabi ni Nanay ay nasa maynila ito, ang magulang niya kasi ang nagpalibing kay Tatay.

'Yun daw ang huling tulong na tinanggap ni Nanay mula sa kanyang mga magulang. Pinutol niya na ang koneksyon niya dito pero muling kumonekta para sa kinabukasan namin ni Sadie.

Wala akong alaala noong namatay si Tatay. Palaging masasayang alaala lang ang alam ko, marahil hindi ko nakita o hindi tinanggap ng batang isip ko ang pagkawala niya noon.

Noong Pasko naman ay sama-sama kaming nagdiwang sa labas ng bahay. Masaya sa aming lugar lalo na't parang iisa lang kaming pamilya.

Kumpleto ang pamilya nila Aling Celine at Tata Melencio. Naroon din si Mang Jeri, Jersey at Jergie. Syempre hindi kami nawala nila Nanay, Sadie at Ithuriel.

Kung kasama lang namin si Tatay ay paniguradong mas masaya pero kung ikukumpara sa mga nagdaang taon mula ng nawala siya, ito na ata ang pinakamasayang pasko na naranasan ko.

Lalo na't may kasama na akong Ithuriel.

Syempre ay binisita din namin ang magulang niya sa Baryo Parangkal. Dinalan namin sila ng mga pagkain at regalo.

Ang kaso lang ay hindi nila kami nilabas. Ayaw daw nilang makita si Ithuriel kaya sila Aling Sita at Boyong na lang ang tumanggap noon.

Hindi rin nagpapakita si Matias simula ng huli nilang interaksyon ni Ithuriel. Mabuti na rin iyon dahil nakikitang kong mas okay si Ithuriel kapag wala ito sa kanilang bahay.

Kakatapos lang salubungin ng aming baryo ang bagong taon, ang lahat ay masaya lalo na kaninang pagpatak ng Alas Dose. Kanya kanyang ingay ang ginawa ng bawat pamilya para ipagdiwang ito.

Ngayon ay narito kami sa dalampasigan ni Ithuriel. Ang malamig na hangin ng Enero ay dumadampi sa aming balat.

Madaling araw na at kaunti na lang ang mga tao sa labas na naglilinis at nagliligpit. Tanging pag-agos ng alon na lamang ang maririnig at ang mga kuliglig sa paligid.

Napakapayapa. Ang sarap sa pakiramdam.

Naglatag kami ni Ithuriel ng banig sa buhangin at pinatungan iyon ng beach towel. Dito kami nakaupo upang panuorin ang mga fireworks kanina.

Umihip ang hangin at medyo nilipad pa ang laylayan ng puting button down midi dress ko.

Napatingin ako sa katabi ko. Ang gwapo pa rin. Magulo ang buhok at hinahangin din ang suot niyang manipis na puting polo habang nakatingin sa malayo.

Dati napapansin kong palaging may halong lungkot ang mata niya, ngayon ay wala na masyadong bakas. Masaya siya ngayon.

Bigla naman itong lumingon.

"Bakit?" Tanong niya ng nahuli niya akong nakatingin sakanya saka ngumiti.

"Wala lang." Umiwas ako at siya naman ang tumitig saakin.

"Sari.." Inabot niya ang kamay ko at muling pinaglaruan. Sinusukat sa kanyang palad.

"Salamat kasi dumating ka sa buhay ko." Lumambot ang boses niya at lumabas ang sinseridad sa kanyang mata.

Ngumiti ako at tumango. Kahit ako ay nagpapasalamat na dumating din siya sa buhay ko.

"Simula no'ng bata ako pakiramdam ko pinagkaitan ako ng mundo pero hindi ako sumuko.." Nag-angat ito ng tingin sa akin.

"Sulit naman kasi nandito ka na. Sa tabi ko." Hindi ko alam ang dapat isagot dahil sobra ang pagkabog ng dibdib ko.

"Ayokong mawala ka sa'kin, Sari." Aniya.

Ang init na bumalot sa puso ko ay hindi ko mapangalanan. Pero masaya ako sa salitang narinig ko mula kay Ithuriel.

Tahimik lang kami. Wala ni isang nagsalita ngunit hinayaan ko ang sariling pagsalikupin kamay naming dalawa.

Sapat na para iparating ang gusto kong sabihin.

Nakita ko sa aking gilid ang bahagyang pag-iling at pagngiti niya.

Tumingala naman ako at natanaw ang kagandahan ng mga bituin sa langit.

Humiga ako para mas lalo ko silang masilayan. Itinaas ko din ang kanang kamay ko na para bang maabot ko sila 'pag ginawa ko 'yun.

"Anong ginagawa mo?" Mahinang tawa ni Ithuriel.

"Inaabot 'yung pangarap ko." Sabi ko ngunit kinuha niya bigla ang kamay ko.

"Sa'kin naabot ko na." Agad kong binawi ang kamay ko at tumawa naman siya. Humiga na rin sa kaliwa ko.

"Maabot natin ang mga pangarap natin, Sari." Paninigurado niya habang nakatingin sa langit.

Huminga ako ng malalim.

"Miss ko si Tatay, Ithuriel.." Lumingon ako sa banda niya.

"Kung nandito siya, ano ang una mong gagawin?"

Napangiti ako. "Yayakapin. 'Yung sobrang higpit. Tapos magkukwento tungkol sa amin nila Nanay. Mga bagay na hindi niya na naabutan bago siya nawala. Gusto niya kasi 'yun na laging nagkukwento sakanya.. tapos ipapakilala rin kita." Lumingon ito sa akin.

"Talaga?" Tumango ako at ngumiti.

Bumaliktad ng pwesto si Ithuriel at ngayon'y nakadapa na ito, nakasalumbaba at tinititigan ang mukha ko.

"Bakit?" Tanong ko dahil hindi talaga natinag ang mata niya. Parang kinakabisado ang itsura ko.

"Gusto din sana kitang ipakilala, Sari.." Umiwas ito ng tingin. "Kaso.."

Wala siyang magulang na handang makinig sa kwento niya.

"'Di bale, ipagmamalaki na lang kita sa mundo." Tumawa ito ngunit alam kong may bahid ng pait iyon.

Habang pinapanuod ang perpektong ilong, panga, at ngiti ni Ithuriel ay hindi ko napigilang magtanong.

"Wala ka bang naging nobya?" Napahinto siya sandali at sumagot.

"Wala." Diretso ang mata nito saakin.

"Talaga? Kahit natipuhan?" Pangungusisa ko.

"Wala nga." Tumawa ito at pinitik ang noo ko.

"Ilang taon ka na, wala talaga kahit isa?" Liniitan ko siya ng mata.

"Apat na taon lang agwat natin, Sari." Sagot niya.

"Wala talaga?" Ulit ko. Ginulo niya ang buhok ko.

"Wala nga, ang kulit. Bukod sa wala akong interes, hindi naman ikaw sila, Sari." Nag-init nanaman ang pisngi ko ngunit hindi ko 'yun pinahalata sakanya.

"Sa'yo lang naman ako nagkaganito." Aniya.

Naramdaman ko ang pag-ikot ng aking tiyan ngunit isinantabi ko iyon dahil naintriga ako sa love life niya noon. Kung mayroon man.

Sa gwapo at bait ni Ithuriel ay imposibleng walang nagkagusto dito.

"Sigurado akong merong nagkagusto sa'yo. May umamin ba?" Tumawa siya at umiling.

"Wala. Mailap ako sa mga babae. Tanong mo pa sila Marco." Tumango ako.

"Ikaw?" Tanong nito habang pinaglalaruan ang dulo ng kulot kong buhok.

Umiling ako. "Wala. Ikaw lang ang pinayagan kong manligaw."

Lumapad ang ngiti niya ngunit binawi ko iyon dahil baka lumaki ang ulo.

"Wag masaya 'di pa ko sumasagot." Tumawa lang ito dahil mukhang sigurado naman na niya ang kahahantungan naming dalawa.

"Kopya, boss." Umupo ulit ito at binaba ang kamay sa magkabila niyang gilid. Binasa pa nito ang kanyang ibabang labi.

Naisip ko tuloy kung may nahalikan na ba ang mapupulang labi na 'yun.

"Ithuriel.." Umupo rin ako at lumingon naman ito sa akin.

"Hmm?" Hinintay ang sunod na sasabihin ko.

"Wala." Umiwas ako ng tingin.

"Hala, ano nga? 'Wag mo ako pag-isipin, Sari." Tumawa ito.

Sa pagtawa niya ay hindi ko mapigilan 'di mapatitig sa labi niya.

"Wala nga." Tumingin na lang ako sa kabilang gilid ko.

"Sabihin mo na." Kinulit niya ako at hindi tinigilan ang pangangalabit sa braso ko.

"Ano.." Muli akong napatingin sa labi niya na medyo nakaawang dahil sa paghihintay ng sasabihin ko.

"May nahalikan ka na ba?" Kung kanina ay pisngi ko lang ang nag-iinit, pakiramdam ko pati tainga ko ay namumula na rin dahil sa kahihiyang ginagawa ko.

Natigilan siya at sandali kong nakita ang pagpula ng pisngi niya pero nawala iyon nang tumawa siya bigla.

"Sari.. Anong nasa isip mo?" Pinanlakihan ko siya ng mata at pinalo ang braso niya.

"Wala akong nasa isip! Gusto ko lang itanong!" Umirap ako dahil hindi siya tumigil kakatawa. Napahawak pa nga siya sa tiyan niya.

"Bakit ang cute mo?" Lalo ko siyang sinamaan ng tingin.

"Ano nga?" Hindi siya makasagot dahil hindi siya makapagsalita kaya hinintay ko siyang matapos kakatawa.

"Wala pa." Sandali kaming natahimik.

Totoo ba? Bakit parang hindi ako makapaniwala.

"Totoo. Wala pa nga." Sagot niya na para bang nabasa niya ang nasa isip ko.

Bahagya akong natawa sa naisip ko.

"Tama nga si Sadie." Kumunot ang noo ni Ithuriel.

"Saan?"

"Sa'yo. Inosente ka daw." Nakita kong natigilan siya at tinuro ang sarili.

"Ako?" Tumango ako at kinagat ang labi upang pigilan ang pagtawa.

Mayamaya lang ay tumawa rin siya.

"Bakit?" Agad naman akong naguluhan.

Tumitig siya sa akin.

"Sari, lalaki ako. Wala pa akong nahahalikan pero hindi ako inosente." Tumaas ang gilid ng labi nito.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko, pakiramdam ko ay kakawala ito anumang oras.

"Kung gano'n.. bakit wala pa?" Mahina lamang ang boses ko.

Hindi ko alam kung bakit ko pa tinanong 'yun gayong alam kong hindi na dapat inuusisa ang bagay na 'yun.

Sandali kaming natahimik na dalawa at nang tumama ang mata ko kay Ithuriel ay napakagat ako sa sariling labi ko.

Kitang kita ko ang paglunok niya at ang pagpungay ng mga mata niya.

Pakiramdam ko ay bumagal ang oras at paligid nang biglang lumapit ang mukha niya saakin.

Pinikit ko ang mga mata ko at naramdaman ang mainit na paglapat ng labi ni Ithuriel sa labi ko.

Hindi ako nakakilos.

Parang may kuryenteng dumaloy sa katawan ko nang dahan dahang gumalaw ito. Sobrang bagal. Magaan at puno ng pag-iingat.

Malambot ang labi niya at ramdam na ramdam ko ang munting init na binibigay nito.

Ilang sandali pa ay bigla itong humiwalay. Pagdilat ko'y napahawak ako sa labi ko.

"S-sorry, Sari." Umiwas ito ng tingin at sinuklay ang kamay sa sariling buhok. Huminga ng malalim.

Hindi ko alam ang sasabihin dahil hanggang ngayon ay ramdam ko pa din ang labi ni Ithuriel sa akin.

"Hindi ko napigilan." Lumipat ang mata ni Ithuriel sa akin ng may bakas ng pag-aalala.

"Sorry.. Nabigla yata kita." Hindi ako makasagot, gulat pa rin pero hindi maiwasan ng mata kong hindi tumingin sa labi niya.

Lumunok ulit siya at lumihis ng tingin.

"'Wag mo nang tignan, Sari.." Paos niyang sabi. "Mahihirapan ako."

Agad kong nilipat ang mata ko sa dagat pero kahit na iba ang nakikita ko, nasa isip ko pa rin ang itsura ni Ithuriel noong papalapit ito para halikan ako.

Nabalot kami ng katahimikan. Ang agos ng dagat ay parang naging musika sa pandinig ko. Parang gumaan bigla ang paligid, hindi ko alam kung bakit.

Wala na ni isang nagsalita. Gano'n lamang kami hanggang sa ihatid niya na ako pauwi. Pagtapos magpaalam ay agad na akong pumasok sa bahay.

Naglinis ng katawan at nagpalit ng pantulog.

Habang nakahiga sa kama ay matagal lamang akong nakatingin sa kisame. Gising na gising ang diwa at hindi makatulog.

Napahawak muli ako sa labi ko at bahagyang napangiti.

Mag u-umaga na yata ng biglang tumunog ang cellphone ko. Kinuha ko 'yun at may mensahe mula kay Ithuriel.

Agad kong binuksan iyon.

From: Ithuriel
Hindi ako makakatulog nito, Sari.

Ako din. Ako din, Ithuriel.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top